Thursday, March 31, 2011

Epiko 73: "Ang Pinakamahalagang Parangal"



Mayroon akong kwento na ibabahagi sa ‘yo.

Kilala si Paul na isang magaling na artista. Sa loob ng apat na taon, hindi mabilang na pelikula, palabas sa telebisyon at patalastas ang kanyang nagawa na nagdala sa kanyang mga pangarap. Ngunit sa kabila nito, wala pa siyang natatanggap na parangal at papuri sa kanyang mga tagumpay. Sa bawat nominasyon, hindi niya nasusungkit ang pinakaaasam niyang pagkilala sa kanyang natatanging talento.
Tinanong niya ang kanyang sarili na bakit sa kabila ng pagsisikap niya ay hindi siya mabigyan ng parangal. Pakiramdam niya, hindi siya magaling at walang kwenta – na walang patutunguhan ang kanyang ginagawang pagsisikap. Sa kanyang matinding depresyon at pagkauhaw sa mga papuri, mas lalo siyang nagsikap at nagpakadalubhasa sa kanyang karera.

Isang araw sa taping ng isang pelikula, lumapit ang isang baguhang artistang babae sa kanya. Sinabi niya kay Paul na isa siya sa mga tagahanga nito mula pa sa umpisa nito sa pag-aartista. Dito isinalin ni Paul ang kanyang lahat ng kanyang alam sa pag-arte. Sinubaybayan niya ito hanggang sa mahasa ito at maging primera klase na artista.

Walang nakakaalam na ang babaeng ‘yon ay si Elizabeth Taylor.

Sa kabila ng katanyagan nito at sari-saring parangal na natatanggap, hindi nakalimutan ng babae kung sino ang taong nasa likod ng kanyang tagumpay. Sa bawat tropeo na iniaabot sa kanya, ibinibigay niya ito kay Paul sa kadahilanang siya ang kanyang guro at gabay. Dito naisip ni Paul ang isang mahalagang aral sa buhay – hind mahalaga ang parangal at papuri na matatanggap. Ang mahalaga ay ang nagawa mo para sa kapwa upang maging matagupay at matahak ang landas ng kanyang inaasam.
Sa buhay natin, hindi maiiwasan na may mga pangarap tayo na gustong makamit. Pero dahil sa hinihingi ng pagkakataon na ito ay ipagdamot sa atin, hindi maiwasan na tayo ay nakakaramdam ng lungkot, panghihinayang at galit sa ating sarili. Normal lang naman ito dahil kahit sino ay pwedeng makadama nito. Pero kung tayo ay magmumukmok at magpapalunod sa depresyon na hatid nito, mas lalo tayong ibabaon nito sa kabiguan at tiyak na kapahamakan. Kung paiiralin naman ang galit at init ng ulo, lalabas na hindi tayo marunong tumanggap ng kabiguan.

May pagkakataon na nakakaranas tayo ng kabiguan upang masukat ang tatag at tiwala sa sarili. Dapat nating isipin na ang lahat ng mga kabiguan at pasakit sa buhay na dumadating sa atin ay may dahilan. Sa halip na mag-isip ng negatibo, dapat ay positibo natin itong tanggapin nang sa ganun ay hindi ito maging pabigat sa ating sarili. Ang mas mahalaga, ginawa mo ang lahat at wala kang ipinahamak na tao sa bawat pagsisikap na iyong ginawa.

Sa mundo na kung saan iniisip ng nakakarami na walang hustisya at batas, may nakalaang gantimpala ang bawat isa sa atin. Ngunit hindi natin ito malalaman hannga’t hindi tayo nakakaramdam ng matinding pagkabigo. Pantay-pantay ang lahat ng tao sa mundo. Kung ang hinahangad mo lamang ay ang papuri o parangal sa iyong ginawa ay masasabi natin na ito ang magiging mitsa ng mabilis na pagbagsak ng ating mga pangarap.

Para sa akin, hindi na mahalaga kung may papuri o karangalan akong matatanggap. Alam ko sa sarili ko na ginawa ko ang lahat para mabago ang buhay. Hindi ko ipinahamak ang aking sarili at ang iba. Wala akong bahid ng pagsisisi. Ang importante sa akin ay ang mga taong naniniwala sa aking kakayahan at aking mga natulungan sa oras ng kanilang matinding pangangailanagan. Wala na akong mahihiling pa sapagkat natamo ko ang pangarap ko na makapagtapos ng pag-aaral sa sariling sikap at tiyaga. Wala na akong interes sa aking naunsiyaming “cum laude” degree. Sapat na ang maibigay ko ang aking diploma sa aking pamilya at patuloy na magsisikap upang maabot ang mas nakakahigit na tagumpay.

No comments:

Post a Comment