Friday, July 23, 2010
Epiko 34: "Ililibre Kita Kapag Binasa Mo Ito… Promise!"
Nang magsimula akong mag-practice teaching sa Munting Ilog National High School – Annex, nagbukas ang isang panibagong yugto sa aking buhay. Wala naman itong kwenta sa ibang tao dahil walang silang pakialam sa akin. Pero dahil binasa mo ito, ipinapangako ko sa ‘yo na kapag nagkita tayo ay ililibre kita ng Whooper sa Burger King o kaya isang Charlie Chan Pasta with 10 inch Pizza sa Yellow Cab. Yung nga lang, kapag binasa mo ito, ipangako mo na hindi mo ito ipagsasabi kahit kanino. Ngunit kung babasahin mo ito sa dahilan na gusto mong ilibre kita, kalimutan mo na lang ang pangako ko.
Hindi ako makapaniwala na ibang-iba ang buhay ng isang nag-aaral sa isang nagtuturo. Nakakatawa na nakakaiinis sa una dahil base sa aking karanasan, wala akong ideya kung paano ako magsisimula buhat nang ihatid ako ng adviser ko sa lugar na ito na minsan ay naging tahanan ko noong elementarya (na ngayon ay kinatitirikan ng isang bagong high school dito sa aming bayan). Bumalik ang mga alalaa ko sa lugar na ito. Parehong-pareho ito noong ihatid ako ng nanay ko nang mag-aaral ako ng Grade I…
Nang makilala ko ang cooperating teacher ko (na limang taon ang tanda ko sa kanya.) na si Ms. Danelica Tolentino, maganda na, mabait pa! May isang tanong na nabuo sa isip ko – anong naghihintay sa akin dito?
Ang mga nagtuturo sa lugar na ‘yon ay higit pa sa inaasahan ko. Ang iniisip ko kasi ‘nung una eh mahihirapan akong makisama sa mga faculty teacher dun. Nagkamali ako. Sa totoo lang, ang teacher ng Filipino subjects ‘dun ay kabarkada ng kuya ko. Ang MAPE at TLE teacher naman ay kamag-anak at malapit lang ang bahay sa amin. Ang Social Studies, Science at Mathematics teacher naman ay sobrang kalog at madaling pakibagayan. Sa loob ng isang linggo, parang parte na ako ng pamilya dahil nawala na ang harang ng takot at hiya sa kanila. Sa loob ng linggong ‘yon, naging maganda ang pakikitungo nila sa akin at ganun din ako sa kanila. Pabor din ang oras ng pagpasok ko dahil mula ala-sais ng umaga hanggang alas-dose y media ng tanghali ang klase ng first year (first shift ‘yun at sa hapon ang second shift na kung saan ang tatlong section ng first year at dalawang section ng secongd year mula alas-dose y media ng tanghali hanngang alas-siyete ng gabi). Makaraan ang dalawang araw pagkatapos akong ihatid ng adviser ko, isinabak na nila ako sa actual teaching. Para sa akin, walang problema ang desisyon na ‘yon.
Pero ang ikinatatakot ko ay ang paano ako haharap sa mga bata…
Noong una, nahihiya ako dahil ito ang unang pagkakataon sa buong buhay ko na haharap ako sa iba’t-ibang klaseng bata mula sa iba’t-ibang lugar dito sa Silang. Sa pagkakakilala ko sa sarili ko, mukhang mahihirapan ako. Ngunit nagkamali ako.
Pinahawak sa akin ang sections E, D at B. Inobserbahan ko silang lahat pati na din ang buong kapaligiran at ang kanilang kilos, galaw at pag-uugali. Mukhang ang lahat ng nakita ko isang malaking hamon sa aking talino at pagkatao. May mga karanasan ako na nakita sa ibang guri na dalawang magkaklase na nagsuntukan sa loob ng klase, isang guro na nagwala dahil sa sobrang kakulitan ng estudyante, nahuluhan ng sigarilyo sa bag ang isang bata, naghahamunan ng sabunutan o suntukan sa labas at pagtatalo ng isang guro at estudyante na naging dahilan ng pagkasira ng lesson.
Whew!
Napaisip tuloy ako… paano ko hahawakan ang mga ganitong klaseng mga bata?
Bigla kong naisip ang mga itinuro sa akin ni Sir Paralisan (professor ko dati na nasa ibang bansa na) na kailangang makuha ko ang matinding taktika ng isang magaling na guro. Naisip ko tuloy ang sinabi sa akin ni kuya na ang pagpapaamo ng isang estudyante ay parang pagpapaamo ng isang aso – na kailangan mong iabot ang isa mong kamay hanggang sa amuyin at dilaan niya ito. Kapag kumaway na ang buntot nito ay himasin mo ang ulo at tsaka hawakan ang buong katawan. Pero tulad ng aso, may mga estudyanteng mailap at mabangis. Ginamitan ko sila ng isang technique na ako lang ang nakapag-formulate.
Kung ano man ‘yun, ituturo ko sa ‘yo sa isang kundisyon – hindi na kita ililibre. Kung gusto mo pang ituloy ang pagbabasa eh umasa kang wala ka nang libre na makukuha sa akin.
Ngayong nakapag-decide ka na na ituloy ang pagbabasa, sasabihin ko sa ‘yo. Ang tawag dito ay “Leash of Bachi Technique” (hango sa experience ko kung paano ko nadisiplina at naturuan ang aking Black Labrador na aso). Ito ay ang pagdagdag ng isang kadena mula sa kanilang tali. Sa una, maikli ang tali na ibibigay mo sa kanila. Sa madaling salita, i-establish mo ang authority at respect nila sa ‘yo sa loob ng isang linggo. If ever na dapat mong gamitan ng sindak at disiplina ay gawin mo. Sa bawat panahon na dumadaan, dagdagan mo ng haba ng kadena ang kanilang tali para humaba. Sa madaling salita, hayaan mong makilala ka nila paunti-unti. Kapag na-establish na ang respeto at nawala na ang hiya sa ias’-isa, doon mo ipasok ang learning strategies, techniques at approaches.
Pagkatapos kong gawin ang aking tinatawag na secret technique, madami akong nakilalang mga bata. Nandiyan si Juan ng section D na sobrang nakakapraning ang kakulitan na napaamo ko. Isama mo pa sina Francis, Jonathan at Phillip na biglang napabago ko ang behavior sa klase. Nandyan din sina Afif, Joshua at Dagul (na di ko alam ang pangalan) ng section E na naging interesado sa subject na English dahil sa mga kwento ko at karanasan ko. At ang nakakatuwang bayota (“bakla” para sa mga hindi alam ang ibig sabihin ng salitang ito) tandem nina Stephen at Moises (a.k.a. “Pepe and Pilar” or vice versa) ng section B na palagi kong napapagtripan sa klase dahil nakakadagdag ng saya at energy. Isama ko di si San Mao (Paolo Ensigne) at si FJ (Si Kristin Cantal na kamukha ng pamangkin ko) na mababait at palaging interesado sa aking itinuturo. Pero ang pinakamatindi sa kanila ay sina Faye ng I-B, Sheelamei ng I-D at Patricia ng I-E nakikita ko ang sarili ko sa kanila. Alam ko na may mga iba pang bata ang makikilala ko at magiging parte ng aking buhay guro estudyante kaya patuloy ko pa silang kinikilala.
Idagdag mo pa si Sheree Rose Lacson mula sa CvSU Naic Campus. Ewan ko ba pero nagkaroon ng ibang kulay ang paligid ko... may pink at kung minsan purple. Napapunta siya sa second shift. Tahimik siya nung una pero nang nagtagal eh naging magkaibigan na din kami. Ewan ko ba pero nagkakaroon ng kulay pink ang buong paligid kapag nagkikita kami at nagkakausap. Siguro nga eh dahil positive ang aura ang ibinibigay niya sa akin. Hindi na din ako naging malungkutin simula noon. Niloloko nga ako ng mga faculty teachers at mga estudyante sa kanya. Ikaw na ang maganda, matalino at mabait. Nakatagpo ako ng isang bagong kaibigan. Medyo matagal-tagal na din akong hindi nakakatagpo ng bagong mukha. Kaya kahit paano eh may nakakausap din ako at nakakaintindi sa sitwasyon ko na student-teacher.
Mahaba pa ang panahon na aking bubunuin sa lugar na ito. Pero may isa akong natutunan – ang isang paaralan ay salamin ng isang lipunan. Kahit na nakikita ko ang mahirap na kundisyon ng mga tao at sitwasyon nito, ikinararangal ko na mapabilang na maging parte ng isang institusyon na unti-unting bumabangon mula sa pagkakalugmok. Bawat isa sa lugar na ito ay may papel na ginagampanan (mapa-guro, estudyante, janitor o tindera sa canteen).
Ikaw? Anong papel ang ginagampanan mo sa pagbabago ng bagong henerasyon?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment