Saturday, July 10, 2010
Epiko 33: "Kung Wala Sila..."
Nagsimula na ang pasukan at huling taon ko na sa aking kursong paggu-guro. Pero sa mga nakalipas na taon, ang daming nangyari sa akin na sumubok sa aking pagiging tao. Na-realize ko na mahina pala ako… ang buong akala ko na matatag at matibay ako ay maituturing kong isang kasinungalingan. Tao din pala ako na nakakaramdam ng sakit mapa-pisikal man o emosyonal. Kung tutuusin nga, lahat naman tayo eh ganito at ang katotohanang hindi natin kayang mabuhay mag-isa ay isang konkretong ebidensiya na tayong mga tao ay mga social animal.
Nang nakaranas ako ng isang matinding pagsubok noong mga nakaraang buwan, hinanap kong muli ang aking sarili. Sa hinsi sinasadyang oras habang nagpe-facebook ako, natawa ako sa sinabi ng aming kauna-unahang presidente na may meeting ang teatro na aking kinabibilingan noong nag-aaral pa ako sa Indang. Akala ko nagbibiro lang siya pero hindi ko alam na may malaking problem ang Student Artiste’ Society (STARS). Hindi ko alam kung ano ang magnet na humatak sa akin para pumunta at kamustahijn sila. Sa halos anim na taon kong pagkawala sa teatro ay hindi ko maisip na babalik ako… ibang-iba na ang teatro mula nang iwan ko sila.
Pero ito ang kwento…
Nang malaman ko ang istorya ng kanilang problema, naisip ko na siguro ay dapat ko silang tulungan sa paraan na alam ko – ang ipakita ko ang suporta at oras ko para sa kanila. Naalala ko tuloy kung paano inalis ng teatro ang hiya at takot ko na humarap sa tao. Pinalitan nila ito ng kumpyansa at tiwala sa sariling kakayahan na parang unti-unti nang nawawala sa akin dahil sa mga pinagdaanan kong pagsubok at problema. Medyo awkward nga kasi nag-aaral ako sa satellite campus pero pumupunta pa ako ng main campus after kong pumasok sa practice teaching sa umaga at uuwi ng Silang ng hatinggabi. Pero ano ba ang gusto kong ipakita sa kanila kung bakit ko ito ginagawa? Simple lang – dedikasyon at pagmamahal.
Nakita ko muli sa teatro ang pagmamahal at dedikasyon na hinahanap ko na nawala sa akin. Siguro hindi nila alam ang dahilan ko pero isa sila sa mga kinakapitan ko upang masagot ko ang mga tanong sa aking sarili. Natutunan ko muling magtiwala at maging masaya sa kabila ng mga problema at pagsubok na nangyayari sa akin. Muli, naramdaman ko na hindi ako nag-iisa at higit sa lahat, may mga taong naniniwala, sumusuporta at nagmamahal sa akin.
Bilang ganti sa kabutihan nila, iaalay ko ang isang script na aking isinulat sa kanila upang gamitin sa kanilang major production next year. Gusto ko din magbahgi ng aking kaalaman sa kanila kung bibigyan nila ako ng pagkakataon nang sa ganun ay may matutunan sila na makakatulong sa teatro. Kung may oras ako ay tiyak na ibabahagi ko ito sa kanila. Iot na marahil ang panahon upang ibalik ko sa teatro ang ibinigay nila sa akin.
Sa mga makakabasang member ng STARS ng sipi na ‘to, sana ay huwag niyong masamain ang mga paalala at kung minsan ay kakulitan ko kapag kasama kayo. Sana palagi akong welcome kapag pupunta ako dyan. Kung may maitutulong ako, sabihin niyo lang sa akin… palagi lang akong nasa likod at handang umalalay sa inyo bilang nakakatandang kapatid. Linangin niyo ang inyong talento at ipakita ito sa lahat… balang araw, ito ang magdadala sa inyo sa tugatog ng tagumpay.
Salamat STARS. Kung wala sila, baka wala na din ako ngayon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment