Sunday, August 29, 2010
Epiko 40: “Ang Apat na Klase ng Hostage Taker”
Maraming nagtatanong sa akin kung ano ang opinyon ko sa nangyaring hostage-taking crisis sa Quirino Grandstand noong nakaraang linggo. Ang totoo nga niyan eh wala naman akong interes sa nangyari dahil abala akong manood ng ending ng Kamen Rider Double sa internet. Pero nang napanood ko ang USI (Under Special Investigation) sa TV 5 kagabi na tumalakay sa detalyadong nangyari sa ginawa ng dating pulis na si Rolando Mendoza, medyo nagkaroon ako ng buong posisyon sa nangyaring madugong krimen na gumimbal sa buong daigdig.
May apat palang klase ng hostage taker. Ang isa ay ang “terrorist type” na kung saan ang hostage taker eh nagbibigay takot o sindak sa mga tao. Karaniwan na itong ginagawa ng Abu Sayaff at Al Quaida na medyo may temang pasindak ang atake para makuha ang kanilang gusto. Ang ikalawa naman ay ang “suicidal type” na ang hostage taker ay handang magpakamatay kasama ng kanyang hinostage para makuha ang gusto niya. Ang pangatlo, “desperado type” na napilitan lang na mang-hostage at walang balak manakit. Para sa kanya, ang pangho-hostage lang ang tangng paraan para mapansin siya. At ang ikaapat ay ang “madman type” na sa sobrang galit sa isang pangyayari sa buhay niya ay gumawa ng isang hostage drama para masolusyonan ang kanyang dinadalang mabigat na emosyon.
Sa apat na klaseng hostage taker na nabanggit, si Mendoza ay nasa ika-apat na kategorya sa kadahilanang may mga kaso siya sa ombudsman na gusto niya iapela at mabigyan ng mabilis na aksyon dahil nakasalalay dito ang kanyang dangal at kinabukasan. Medyo kalmado pa siya mula alas-nueve ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Ngunt bigla siyang nag-huramentado nang dakpin ang kanyang kapatid ng mga pulis na naging mitsa ng kanyang pagwawala. Nawala na siya sa kanyang sarili at ginawa ang hindi inaasahang krimen na kumitil ng mga turistang Hong Kong nationals at sibilyan. Masyadong brutal ang katapusan ng hostage drama na umani ng batikos hindi lamang sa mga kapitbahay na bansa kundi sa buong mundo.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa gobyerno ng Hong Kong na bigyan ng masamang impresyon ang mga Pilipino na naging dahilan upang isulong nila ang pagba-ban ng mga OFW doon. Wala naman silang kasalanan sa nangyaring krimen. Mismong si Jackie Chan pa nga ang nagsabi na huwag idamay ang mga Pilipinong nasa Hong Kong dahil sa ibang bansa naman ay nangyayari din ito. Nagkataon lang na likas sa mga tao ang “labelling” o ang pagbibigay ng pangkalahatang impresyon sa isang lahi o grupo ng mga tao. Sa katunayan, walang magandang epekto ang ganitong mentalidad.
Kung ating titingnan, ang mga namatay, nadamay, pulis at gobyerno ng bawat nasyon na sangkot dito ay pawang mga biktima ng isang pagkakataon a sumusubok sa tatag at lawak ng pag-unawa ng bawat isa sa atin. Kahit na sabihin natin na may symbiotic relationship ang Plipinas at Hong Kong, wala pa din sila sa posisyon na sirain ang kanilang samahan sa isang kaganapan na ang ugat ay ang di pagkakasundo ng salarin at ahensiyang dinudulugan nito. Bawat isa ay may kwento na dapat pakinggan at dapat alamin.
Sa panig ng Pilipinas, aminin na natin na may pagkakamali din ang hukbong sandatahan ngunit hindi dapat isisi sa kanila ang lahat. Isipin natin kung tayo ang nasa sitwasyon nila. Ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa poder nila? Kaya mo bang gawin ang ginawa nila? Paano kung ang iniisip mong taktika ang magpapalala sa sitwasyon? May kapasidad ka bang gawin ang lahat para iligtas ang mga hostage? Buhay ang nakataya sa pagkakataong ‘yon. Huwag mong tingnan ang negatibong epekto nito. Ang mahalaga dito ay hindi naging kahindik-hindik ang katapusan ng mga biktima. Kahit papaano ay may buhay na naligtas.
Sa panig naman ng mga Intsik sa Hong Kong, kahit na iba ang kultura nila sa atin at pananaw sa nangyari ay dapat maisip din nila ang ginawa ng mga Pilipino na maayos ang lahat. Kahit noong nagkaroon ng "Melamin Scare" ay natuto tayong magpatawad sa mga Intsik kahit alam natin na mas marami ang naapektuhan sa buong mundo. Pero likas sa ating mga Plipino ang mabait kaya pinalmapas na lang natin ito. Hindi man naging matagumpay ang kanilang inaasahang pagliligtas, sana makita nila na ginawa ng mga kababayan natin na maayos ang lahat. Ginagawa lang nila ang kanilang trabaho. Sana naman ay huwag nilang idamay ang mga Plilipinong inosente sa isyung ito dahil apektado ang lahat sa kanilang maling panghuhusga.
Wala akong pinapanigan dito sa isyung ito. Gusto ko lang ipakita ang dalawang istorya na may punto. Bilang Pilipino, nakikiramay ako sa mga biktima. Nais ko lang ipabatid sa iyo na ang lahat ng sugat ay naghihilom din. Ang dapat lang na gawin ng dalawang gobyerno ay daanin ito sa mahinahon at mapayapang paraan. Huwag nating hayaan na mamayani ang mapangsupil na emosyon natin dito. Ang dapat nating isaalang-alang ay ang kapayapaan at magandang pakikitungo sa bawat isa. Huwag mong tingnan ang masamang epekto nito – bagkus, manahimik ka na lang kung wala kang kayang gawin para masolusyonan ito.
Friday, August 27, 2010
Epiko 39: "Ang Sampung Kanta ng Pag-Ibig Ni Emong"
Bawat isa ay may mga kanta na paborito. Iyon ay dahil nakaka-relate tayo sa musika, liriko at mensahe na ipinahahatid nito. Wala namang masama kung anong klaseng musika at sino ang kumanta nito. Isa lang itong simpleng repleksiyon ng personalidad at emosyon ng isang tao.
Kahit ako, may mga paboritong kanta din. Ngunit sampu lang sa mga ito na hanggang sa ngayon ay nanatiling nakatatak sa puso at isip ko lalo na ang mga killer lines na talaga namang makatindig-balahibo kapag naririnig ko.
1. “True” ng Spandau Ballet
Killer line: "I found a ticket to the world, /but now I’ve come back again. /Why do I find it hard to write them next line? /Oh I want the truth to be said."
Bawat isa sa atin, gusto nating malaman ang ating tunay na nararamdaman sa isang tao. Ang katotohanan sa likod ng ating nararamdaman ang kailangang mas mangibabaw nang sa ganoon ay magkaroon ng kaginhawaan at walang alinlangan ang pagmamahal na ating ibibigay.
2. “Miss You Love” ng Silverchair
Killer line: “Remember today, I’ve no respect on you. / And I miss you love. / And I miss you. / I love the way you love, / But I hate the way I’m suppose to love you back.”
May kasabihan na “The more you hate, the more you love.” Ganito talaga ang kalakaran sa mundo. Kung minsan, gusto mong sirain ang isang pinakamahalang tao sa ‘yo dahil mahal mo ito - Isang mapait na katotohanan na pilit kong tinatakasan.
3. “Why” ng 3T kasama si Michael Jackson
Killer Line: “Why do people fall in love/ when they’re always breaking up? / Oh Why? / Why do I love you tell me why.”
Ang daming tanong kapag-inlove ang isang tao. Pilit man nating alamin ang mga kasagutan, hindi natin ito masasagot lahat. Ang pag-ibig ay isang misteryo na mahirap tuklasin.
4. “Girl On The Roof” ni David Mead
Killer line: “Love is in the air. / What a perfect day to find. / Nothing can compare. / What a waste to turn and wave goodbye. / Huhuhuh… Huhuhuh… Huhuhuh-whoo! (2x)”
Ang sarap ma-inlove! Isang perpektong kanta sa isang taong nabigo at nakakilala ng bagong pag-ibig. Ang sarap ibulong sa hangin ‘yung linyang “Huhuhuh… Huhuhuh… Huhuhuh-whoo! (2x)” lalo na kapag kaharap mo ang taong muling nagpatibok ng puso mo.
5. “F.Y.B” ng P.O.T.
Killer Line: “Everyday is the same with me. / No more pain and no misery. / Didn’t like the love you see / This is how its got to be.”
Masakit kapag ipinagpalit ka sa iba ng taong mahal mo. Ngunit kailangang maging matatag at labanan ang kahinaan na ito. Isa lang ang dapat gawin – tanggapin ang katotohanan at magpatuloy na sumunod sa agos ng buhay. Hindi palaging happy ending ang kwento ng pag-ibig.
6. “Forget It” ng Breaking Benjamins
Killer line: “How can believe when this cloud hangs over me? / You’re a part of me that I don’t want to see. / I can live forever here.”
Ito ang nagpapatunay na ipakita mo sa taong mahal mo na ginawan ka ng masama na hindi ka mahina at kaya manong harapin ang sitwasyon na ikaw ay nagmo-move on sa nangyari. Sa bandang huli, ang masamang karma ay babalik din sa kanya.
7. “You Make me Feel Brand New” ni Simply Red
Killer line: “Only you / Care when I needed a friend. / Believing me through thick and thin. / This I wish for you. / Filled with gratitude and love. / God bless you. / You make me feel brand new. / For God bless me with you. / You make me feel brand new. / I sing this song coz you… / Make me feel brand new.”
Ganito talaga kapag in-love… lahat ay bago sa paningin mo. Tila isa itong himala na paulit-ulit mong hinahanap. Mataas ang pakiramdam nito tulad ng paraan kung paano ito kantahin.
8. “Rendezvous” ni Craig David
Killer line: ‘I’m just sitting here daydreaming about you. / And all the things we do. / Girl, feels so right. / And all I know is you’re the one for me. / That special kind of lady. / In my life, in my life.”
Sakit ko na yata ang mag-delusion kapag iniisip ko ang taong mahal ko. Kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko. Pero hindi nawawala sa isip ko ang tao at ang mga ginagawa namin kapag magkasama. Perpektong kanta kapag mag-isa at iniisip siya na medyo inaantok na.
9. “I Cant’ Make You Love Me” by George Michael
Killer Line: “Coz I can’t make you loved me if you go. / You can make your heart feel something anyone. / Here in the dark. / These fine hours, / I will lay down my heart. / I feel the power that you own. / No you own. / And I can’t make you love me. / If you go.”
Nakakainis ang kantang ito. Pero talagang may mga tao na kahit anong pilit na ipaglaban ay hindi natin makakatuluyan sa bandang huli sa kadahilanang may mga sitwasyon, pagkakataon at panahon na hindi angkop. Napakadaming babae ang pinag-alayan ko ng awit na ‘to.
10. “Come Pick Me Up” ni Ryan Adams
Killer Line: “Come pick me up, / Take me out, / Fuck me up, / Steal my records, / Screw on my friends, / They’re all full of shit. / With a smile on your face. / You can do it again. / I wish you would.”
Ang sarkastikong liriko nito ay pumares sa mala-country music na tunog nito. Ang kantang ito ay tamang-tama kapag ka-text o kakulitan mo ang taong mahal mo habang hindi napapansin ang takbo ng oras sa magdamag at pinagsasaluhan ang masasayang sandali.
Ngayong alam niyo na ang mga awit ng pag-ibig ko, tandaan niyo pa din na ang musika ng pag-ibig ay ginawa upang ilabas ang kung ano ang nakatago sa ‘yo dahil sila ay instrumento ng ating nararamdaman.
Sige, makinig ka sa mga awit ng pag-ibig ko…
Epiko 38: “Isang Kumpisal”
Sa buhay, dapat nating mag-ingat sa mga salitang ating sinasabi o sinusulat. Ito ay sa kadahilanang maaari tayong makasaklit ng damdamin ng ibang tao. Mahirap kasi na nagkaroon ng sama ng loob ang isang tao na mahalaga sa ‘yo dahil lamang sa mga salitang binitawan mo. Sinasadya man ito o hindi, hindi mo agad-agad na mababawi ang sakit o sugat sa damdamin na iyong nagawa.
Tulad na lang ng aking karanasan sa isang tao na sa tinign ko ay nasakatan ko ang damdamin… Hindi ko alam kung paano ko uli siya susuyuin kasi nasaktan ko (yata) siya kahapon. Putang-ina! Badtrip talaga! Inaalagan ko kasi ang aming pagkakaibigan ngunit dumadating sa punto na parang higit pa sa kaibigan ang nararamdaman ko sa kanya. Kahit ipilit ko eh hindi pwede dahil may mga pagkakaiba kami na sa tingin ko ay hindi maaring magsama. Pero okay lang sa akin na ganito na lang kami dahil alam ko na masaya siya sa mga taong nagmamahal sa kanya. Sa totoo lang, ayoko nang maulit ang madilim na kahapon na aking naranasan apat na buwan na ang nakakalipas kaya nag-iingat ako na hindi ko dapat i-entertain ang nararamdaman ko para sa kanya.
Ang problema ay ito… Gusto kong humingi ng payo sa ‘yo.
Napagtanto ko na ako pala ay katulad din ng nakakarami na nakakaramdam ng kaguluhan sa pag-iisip. Natural lang naman ito sa isang tao. Tulad na lang ng kilalang pintor na si Vincent Van Gogh na dumating sa punto na ibinigay niya ang kanyang tainga (literal na ibinigay ang parteng ‘yon partikular ang kanyang ear lobe) sa isang prostitute sa kadahilanang ang kanyang nararamdaman sa isang tao ay hindi na niya maipaliwanang. Kung minsan kasi, gumagawa tayo ng isang kabaliwan kapag nagmahal tayo. Si Van Gogh ay hindi ordinaryong tao dahil sa kanyang magaling at kahanga-hangang talento sa pagdidibuho. Sinasabi na isa siya sa mga ama ng makabagong sining. Iyon ang aking kinatatakutan dahil minsan sa buhay ko ay nabaliw ako sa isang tao na minahal ko ng husto ngunit sa bandang huli ay iniwan din ako. Halos mabaliw ako sa sobrang lungkot at galit. Para ngang ayoko nang mabuhay. Naging magulo ang aking pag-iisip na humantong sa aking matinding depresyon. Ngunit di tulad ni Van Gogh, hindi naisip na kitilin ang buhay ko. May nakapagsabi kasi sa akin na ang pagpapakamatay ay isang permanenteng solusyon sa isang pansamanatalng problema.
Ngunit bakit ganun? Sa ginawa ni Van Gogh sa kanyang sarili eh parang lalo pa siyng sumikat at naging imortal sa puso ng mga magagaling na artist?
Sa tingin ko, ito ay dahil sa kanyang kabaliwan
Nakakabaliw nga naman kapag inlove ka.
Kaya nga ako, natuto na sa karanasan ko. Inaral ko kung paano pigilin ang sarili ko na magmahal uli. Ang mahalaga sa akin ay magkaibigan kami ta hanggang doon na lang.
Ang kaso mukhang galit siya sa akin dahil sa sinabi ko na nakasakit sa damdamin niya. Sana naman hindi siya galit sa akin. Sana magkaibigian pa din kami. Basta ang iniisip ko sa ngayon ay maayos ang lahat sa pagitan namin. Ayoko na bago kami maghiwalay eh ‘yun na din ang katapusan ng pagkakaibigan namin. Ayoko lang na mawala siya sa akin kasi dahil sa kanya, nakatayo ako ng muli sa aking mga paa at nagpatuloy sa buhay ko ngayon. Siya din ang dahilan kung bakit palagi akong nakangiti araw-araw. Kahit na mukha akong tanga sa harapan niya, nakukuha ko pa din ang ngiti niya na talaga namang bumubuo ng araw ko.
Sana naman… Sana naman… maging maayos ang lahat sa amin.
Wednesday, August 18, 2010
Epiko 37: “Hanggang Dito Na Lang Siguro Muna…”
Pauwi ako galing sa eskwelahan na aking pinagpa-practice teaching nang may nakasabay akong isang lalaki at isang babae na magkausap. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita ko sila. Ang totoo nga niyan eh sa halos gabi-gabi kong paglalakad pauwi eh nakapagtatakang nakakasabay ko silang dalawa.
Ewan ko ba pero biglang pumasok sa isip ko ang makiusyoso sa kanilang pag-uusap. Dumistansiya lang ako ng dalawang dipa sa kanila kung saan malinaw kong naririnig ang pag-uusap nila. Wala naman akong nakikitang masama sa kanilang pag-uusap na punong-puno ng kasiyahan at tila kanila ang mga sandaling iyon.
Hanggang sa humantong na sila sa harapan ng bahay ng babae…
“Bukas uli!” sabi ng lalaki sabay kaway niya sa babae. Gumanti lang ng ngiti ang babae na tila masaya sa kanilang saglit na paglalakad.
Kung tutuusin, normal lang naman ‘yun.
Pero inaamin ko sa mga sandaling ‘yon, bigla akong kinilig.
Sa nobela ni Sidney Sheldon na Nothing Lasts Forever, makikita sa ika-labing-apat na kabanata kung paano nagsisimula ang isang makulay na pagkakaibigan. Ayon kay Paige Taylor (na pangunahing tauhan sa nobela), ang lahat ay nagsisimula kung ie-entertain mo ang feelings mo sa isang tao at hahayaan itong lumaki at mamukadkad. Ngunit minsan, hindi lahat ng pakiramdam ay nagiging kasing-ganda ng rosas. May pagkaktaon na ito ay nagiging isang talahib o isang masukal na gubat na kung saan ay napaka-delikado kung pababayaan.
Kung ako ang tatanungin mo kung paano ako main-love, hindi ko din alam…
Basta nangyari na lang. Tapos!
Pero sa kalagayan ko, mas mabuti na ganito na lang muna. Siguro eh gagayahin ko ang ginagawa ng lalaki na plaging pinasasaya ang bawat sandal lang ng babae.
Mabalik tayo sa kwento ko. Kanina nang pauwi ako, napansin ko ang lalaki na hindi kasama ang babae. Habang bumibili ako ng sigarilyo, lumapit din siya sa tindahan at nakisindi din. Tinanong siya ng tindera na nasaan ‘yung babae na palagi niyang kasama.
“Iniwan ko…” wika ng lalaki. Medyo natigilan ako…
“Bakit” tanong ng tindera.
“Busy siya eh. At tsaka okay lang ‘yun kasi palagi naman kaming masaya kahit di kami magkasama.”
“Girlfriend mo?” tanong uli ng tindera.
“Hindi po. Magkaibigan lang po kami. Hanggang dito na lang muna siguro. Ayoko nang masaktan uli. Mas maganda kung magkaibigan na lang kami. Sapat na sa akin ‘yun…” pabirong sagot ng lalaki.
Eh anong koneksiyon ng nangyari dito sa blog ko?
Medyo nalalabuan na din ako eh…
Siguro nga kapag may nabubuong feelings ang isang tao sa iba ay maituturing ito na isang malaking misteryo. Ngunit sa likod ng mga misteryong ito ay maraming kasagutan ang naghihintay sa bawat isa. Isa lang ang tiyak dito – nasa sa atin kung ito ba ay pipigilan natin para hindi lumalala ang sitwasyon o hahayaan nating mahulog tayo sa kahibangan na walang siguradong pupuntahan. Sa maikling salita, handa ka bang sumugal?
Siguro nga eh gagayahin ko na lang ‘yung lalaki. Kapag may isang tao na darating muli sa buhay ko, hahayaan ko na lang muna siya. Hindi naman sa binabakuran ko ang sarili ko. Ang sa akin lang, mas maganda na magkaibigan na lang muna kami o hayaan ang sitwasyon na ganito.
Hay... Ang sarap ma-inlove. Sana tablan uli ako nito...
Monday, August 2, 2010
Epiko 36: "Ang Pinakamatinding Sakit ng Tao sa Kasaysayan"
Nang nag-administer kami ng cooperating teacher ko sa paaralan na kung saan ako nagpa-practice teaching ng Gates-MacGenitie Standardized Reading Test in English, nagulat ako sa resulta ng pagsusulit. Halos 80% ng mga bata sa first year high school ay may mababang reading comprehension, vocabulary at speed and accuracy level. Karamihan sa mga ito ay nasa elementary level na nakakapagtaka sa kadahilanang paano sila nakatuntong ng high school kung ganto ang kanilang siwasyon sa pagbabasa.
Ayon sa librong Teaching English as a Second or Foreign Language ni Marianne Celce-Murcia (2006), malaki ang kontribusyon ng wikang Iingles sa pagpapalawak ng kaalaman, teknolohiya at karunungan sa mga bansang katulad ng Taiwan, China, Korea, Japan at marami pang ibang bansang Asyano sa daigdig. Sa Pilipinas, hindi na bago ang wikang ito sa kadahilanang sa panahon pa ng pananakop ng Amerikano ay isinabay nila ang kanilang wika sa pagbibigay karunungan na humantong sa pag-iisp ng liberal ng mga Pilipino.
Ngunit kataka-taka lang dahil sa tagal na natin ginagamit at natututunan ang salitang ito ay parang paurong ang takbo ng daloy ng pagkatuto sa wikang ito hindi lang sa pagbabasa kundi sa pagsusulat, pakikinig at pagsasalita ng wikang ito.
Ano kaya ang problema?
Ayon kay S. J. Hudelson at J. W. Lindfords sa kanilang librong Delicate Balances: Collaborative Research in Language Education (1995) Ang mga non-native English language speakers (tulad ng mga Pilipino) ay dapat mayroong espesyal na programa at nangangailangan ng adjustment sa mga strategy na dapat gamitin sa pagtuturo ng wika na katulad ng Ingles. Kumbaga sa dalawang kawayan, kailangnag makita mo ang pagkakaiba ng isang amuyong na tubo (embryo bamboo) sa magulang (matured) na puno. Ngunit kung titingnan ang dalawang ito ay halos magkapareho lang. makikita lang ang diperensiya kung bubuksan ang lood nito at makikita na ang amuyong aymay manipis na layer kaysa sa magulang.
Ganoon din pagdating sa pag-aaral at pagtuturo ng wikang Ingles o kahit na ano pang banyagang salita. Maaring makikita natin na halos walang pagkakaiba ang mga nag-aaral ng mga wikang ito pwera lang kung makikita ang resulta ng kanilang pagsusulit. Mahalaga ito dahil makikita agad kung ano ang level ng isang indibidwal na maaring ihiwalay sa karamihan.
Ngunit pagdating sa totoong senaryo ng pampubliko at ilang pribadong paaralang sa high school. Nahihirapan ang mga guro sa pag-iisip ng solusyon upang matugunana ang mabilis na pagbulusok pababa ng pagkatuto ng mga bata sa wikang Ingles. Sabihin na natin na may maga magagandang curriculum ang DepEd na halos binabago ito na lalong nagpapagulo hindi lang sa mga bata kundi pati na din sa paraan ng pagtuturo ng guro sa ganitong asignatura. Kung tutuusin para itong sakit na leprosy na kinatatakutan at pinandidirihan ng karamihan dahil sa pangit na epekto nito.
Ano ang dapat gawin?
Sa aking pagmamasid, kulang lang sa motivation o paghihikayat ang mga bata para magbasa, magsulat, makinig at magsalita ng wikang Ingles. Simple lang ang problema ngunit kung uungkatin ay masyado itong komplikado. Nandyan ang saliatng nauuso na Jejemon na tila ginagawang barok o barbaro ang lenggwahe. Ang mga makabagong panoorin na kumakain ng oras sa mga bata na mag-aral at higit sa lahat, ang kondisyon ng ating mga babasahin na kulang sa kamalayan, impormasyon at inspirasyon na magkaroon ng interes sa pagbabasa. Nakakaawa ang isang bata kung hindi niya kayang ipahayag ang kanyang sarili sa wikang Ingles lalo na sa loob ng paaralan. Sa opinyon man ng iba na ito ay mali, hindi sapat ‘ang kanilang dahilan dahil ang wikang ito ay talagang ginagamit natin mula paggising sa umaga hanggang sa pagtulog sa gabi o mula pagsilang natin hanggang sa kamatayan.
Bilang isang guro (ng Englsh), naisip ko tuloy kung ano ang mabuting solusyon para matulungan ang mga bata na mapaghusay ang kanilang kaalaman sa wikang ito. Napagtanto ko na dapat palang magkroon ng disiplina hindi lang ang mga bata kundi pati din ang mga nagguguro tulad ko. Iba’t-ibang klaseng paraan ang pwedeng gawin ng isang bata tulad ng pagsali sa publication, teatro, choir, at debate sa eskwelahan upang magkaroon ng interes ang isang bata na magbasa. May iba pa din a alternatibong paraan din ang mga ibang guro na bihasa na sa pagtuturo nito. Marapat lang ito ay ituro nila at hindi ipagdamaot dahil nakasalalay dito ay ang kinabukasan ng mga bata. Dapat ay nagtutulungan din ang mga guro sa asignaturang ito at umisip ng sentralisadong paraan o diskarte nang sa ganoon ay mapadali at matuto ang mga tinuturuan nilang mga bata.
Simple lang ang gusto kong ipahiwatig dito. Mahalaga ang pagbabasa sa ating buhay. Kung hindi tayo gagawa nito, malamang lalaki tayo o magiging inutil at kawawa sa bandang huli.
Subscribe to:
Posts (Atom)