Wednesday, August 18, 2010
Epiko 37: “Hanggang Dito Na Lang Siguro Muna…”
Pauwi ako galing sa eskwelahan na aking pinagpa-practice teaching nang may nakasabay akong isang lalaki at isang babae na magkausap. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita ko sila. Ang totoo nga niyan eh sa halos gabi-gabi kong paglalakad pauwi eh nakapagtatakang nakakasabay ko silang dalawa.
Ewan ko ba pero biglang pumasok sa isip ko ang makiusyoso sa kanilang pag-uusap. Dumistansiya lang ako ng dalawang dipa sa kanila kung saan malinaw kong naririnig ang pag-uusap nila. Wala naman akong nakikitang masama sa kanilang pag-uusap na punong-puno ng kasiyahan at tila kanila ang mga sandaling iyon.
Hanggang sa humantong na sila sa harapan ng bahay ng babae…
“Bukas uli!” sabi ng lalaki sabay kaway niya sa babae. Gumanti lang ng ngiti ang babae na tila masaya sa kanilang saglit na paglalakad.
Kung tutuusin, normal lang naman ‘yun.
Pero inaamin ko sa mga sandaling ‘yon, bigla akong kinilig.
Sa nobela ni Sidney Sheldon na Nothing Lasts Forever, makikita sa ika-labing-apat na kabanata kung paano nagsisimula ang isang makulay na pagkakaibigan. Ayon kay Paige Taylor (na pangunahing tauhan sa nobela), ang lahat ay nagsisimula kung ie-entertain mo ang feelings mo sa isang tao at hahayaan itong lumaki at mamukadkad. Ngunit minsan, hindi lahat ng pakiramdam ay nagiging kasing-ganda ng rosas. May pagkaktaon na ito ay nagiging isang talahib o isang masukal na gubat na kung saan ay napaka-delikado kung pababayaan.
Kung ako ang tatanungin mo kung paano ako main-love, hindi ko din alam…
Basta nangyari na lang. Tapos!
Pero sa kalagayan ko, mas mabuti na ganito na lang muna. Siguro eh gagayahin ko ang ginagawa ng lalaki na plaging pinasasaya ang bawat sandal lang ng babae.
Mabalik tayo sa kwento ko. Kanina nang pauwi ako, napansin ko ang lalaki na hindi kasama ang babae. Habang bumibili ako ng sigarilyo, lumapit din siya sa tindahan at nakisindi din. Tinanong siya ng tindera na nasaan ‘yung babae na palagi niyang kasama.
“Iniwan ko…” wika ng lalaki. Medyo natigilan ako…
“Bakit” tanong ng tindera.
“Busy siya eh. At tsaka okay lang ‘yun kasi palagi naman kaming masaya kahit di kami magkasama.”
“Girlfriend mo?” tanong uli ng tindera.
“Hindi po. Magkaibigan lang po kami. Hanggang dito na lang muna siguro. Ayoko nang masaktan uli. Mas maganda kung magkaibigan na lang kami. Sapat na sa akin ‘yun…” pabirong sagot ng lalaki.
Eh anong koneksiyon ng nangyari dito sa blog ko?
Medyo nalalabuan na din ako eh…
Siguro nga kapag may nabubuong feelings ang isang tao sa iba ay maituturing ito na isang malaking misteryo. Ngunit sa likod ng mga misteryong ito ay maraming kasagutan ang naghihintay sa bawat isa. Isa lang ang tiyak dito – nasa sa atin kung ito ba ay pipigilan natin para hindi lumalala ang sitwasyon o hahayaan nating mahulog tayo sa kahibangan na walang siguradong pupuntahan. Sa maikling salita, handa ka bang sumugal?
Siguro nga eh gagayahin ko na lang ‘yung lalaki. Kapag may isang tao na darating muli sa buhay ko, hahayaan ko na lang muna siya. Hindi naman sa binabakuran ko ang sarili ko. Ang sa akin lang, mas maganda na magkaibigan na lang muna kami o hayaan ang sitwasyon na ganito.
Hay... Ang sarap ma-inlove. Sana tablan uli ako nito...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment