Sunday, August 29, 2010
Epiko 40: “Ang Apat na Klase ng Hostage Taker”
Maraming nagtatanong sa akin kung ano ang opinyon ko sa nangyaring hostage-taking crisis sa Quirino Grandstand noong nakaraang linggo. Ang totoo nga niyan eh wala naman akong interes sa nangyari dahil abala akong manood ng ending ng Kamen Rider Double sa internet. Pero nang napanood ko ang USI (Under Special Investigation) sa TV 5 kagabi na tumalakay sa detalyadong nangyari sa ginawa ng dating pulis na si Rolando Mendoza, medyo nagkaroon ako ng buong posisyon sa nangyaring madugong krimen na gumimbal sa buong daigdig.
May apat palang klase ng hostage taker. Ang isa ay ang “terrorist type” na kung saan ang hostage taker eh nagbibigay takot o sindak sa mga tao. Karaniwan na itong ginagawa ng Abu Sayaff at Al Quaida na medyo may temang pasindak ang atake para makuha ang kanilang gusto. Ang ikalawa naman ay ang “suicidal type” na ang hostage taker ay handang magpakamatay kasama ng kanyang hinostage para makuha ang gusto niya. Ang pangatlo, “desperado type” na napilitan lang na mang-hostage at walang balak manakit. Para sa kanya, ang pangho-hostage lang ang tangng paraan para mapansin siya. At ang ikaapat ay ang “madman type” na sa sobrang galit sa isang pangyayari sa buhay niya ay gumawa ng isang hostage drama para masolusyonan ang kanyang dinadalang mabigat na emosyon.
Sa apat na klaseng hostage taker na nabanggit, si Mendoza ay nasa ika-apat na kategorya sa kadahilanang may mga kaso siya sa ombudsman na gusto niya iapela at mabigyan ng mabilis na aksyon dahil nakasalalay dito ang kanyang dangal at kinabukasan. Medyo kalmado pa siya mula alas-nueve ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Ngunt bigla siyang nag-huramentado nang dakpin ang kanyang kapatid ng mga pulis na naging mitsa ng kanyang pagwawala. Nawala na siya sa kanyang sarili at ginawa ang hindi inaasahang krimen na kumitil ng mga turistang Hong Kong nationals at sibilyan. Masyadong brutal ang katapusan ng hostage drama na umani ng batikos hindi lamang sa mga kapitbahay na bansa kundi sa buong mundo.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa gobyerno ng Hong Kong na bigyan ng masamang impresyon ang mga Pilipino na naging dahilan upang isulong nila ang pagba-ban ng mga OFW doon. Wala naman silang kasalanan sa nangyaring krimen. Mismong si Jackie Chan pa nga ang nagsabi na huwag idamay ang mga Pilipinong nasa Hong Kong dahil sa ibang bansa naman ay nangyayari din ito. Nagkataon lang na likas sa mga tao ang “labelling” o ang pagbibigay ng pangkalahatang impresyon sa isang lahi o grupo ng mga tao. Sa katunayan, walang magandang epekto ang ganitong mentalidad.
Kung ating titingnan, ang mga namatay, nadamay, pulis at gobyerno ng bawat nasyon na sangkot dito ay pawang mga biktima ng isang pagkakataon a sumusubok sa tatag at lawak ng pag-unawa ng bawat isa sa atin. Kahit na sabihin natin na may symbiotic relationship ang Plipinas at Hong Kong, wala pa din sila sa posisyon na sirain ang kanilang samahan sa isang kaganapan na ang ugat ay ang di pagkakasundo ng salarin at ahensiyang dinudulugan nito. Bawat isa ay may kwento na dapat pakinggan at dapat alamin.
Sa panig ng Pilipinas, aminin na natin na may pagkakamali din ang hukbong sandatahan ngunit hindi dapat isisi sa kanila ang lahat. Isipin natin kung tayo ang nasa sitwasyon nila. Ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa poder nila? Kaya mo bang gawin ang ginawa nila? Paano kung ang iniisip mong taktika ang magpapalala sa sitwasyon? May kapasidad ka bang gawin ang lahat para iligtas ang mga hostage? Buhay ang nakataya sa pagkakataong ‘yon. Huwag mong tingnan ang negatibong epekto nito. Ang mahalaga dito ay hindi naging kahindik-hindik ang katapusan ng mga biktima. Kahit papaano ay may buhay na naligtas.
Sa panig naman ng mga Intsik sa Hong Kong, kahit na iba ang kultura nila sa atin at pananaw sa nangyari ay dapat maisip din nila ang ginawa ng mga Pilipino na maayos ang lahat. Kahit noong nagkaroon ng "Melamin Scare" ay natuto tayong magpatawad sa mga Intsik kahit alam natin na mas marami ang naapektuhan sa buong mundo. Pero likas sa ating mga Plipino ang mabait kaya pinalmapas na lang natin ito. Hindi man naging matagumpay ang kanilang inaasahang pagliligtas, sana makita nila na ginawa ng mga kababayan natin na maayos ang lahat. Ginagawa lang nila ang kanilang trabaho. Sana naman ay huwag nilang idamay ang mga Plilipinong inosente sa isyung ito dahil apektado ang lahat sa kanilang maling panghuhusga.
Wala akong pinapanigan dito sa isyung ito. Gusto ko lang ipakita ang dalawang istorya na may punto. Bilang Pilipino, nakikiramay ako sa mga biktima. Nais ko lang ipabatid sa iyo na ang lahat ng sugat ay naghihilom din. Ang dapat lang na gawin ng dalawang gobyerno ay daanin ito sa mahinahon at mapayapang paraan. Huwag nating hayaan na mamayani ang mapangsupil na emosyon natin dito. Ang dapat nating isaalang-alang ay ang kapayapaan at magandang pakikitungo sa bawat isa. Huwag mong tingnan ang masamang epekto nito – bagkus, manahimik ka na lang kung wala kang kayang gawin para masolusyonan ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment