Tuesday, February 8, 2011
Epiko 72: "Sana sa Bayag na Lang Nagbaril Si Heneral Reyes"
Ang lahat ay nagulat sa ginawang pagpapatiwakal ng retiradong heneral na si Angelo Reyes sa harap ng puntod ng kanyang ina. Kahit nga ako, hindi ako makapaniwala sa nangyari. Mula kasi nang madawit ang pangalan niya sa eskandalong kinakaharap ng hukbong sandatahan ng bansa, biglang nag-iba ang pagtinigin ng ating mga kababayan sa kanya. Sari-saring espekulasyon at teyorya ang naiisip natin ukol sa insidenteng ito ngunit ang hindi ko lubos maisip ay ano ang iniisip niybago niya kalbitin ang gatilyo ng kanyang baril na nagtapos sa kanyang buhay.
Kung tutuusin, maraming isyu ang mabubuksan at mapapag-usapan sa pagkamatay ng heneral. Pero mas napili kong pag-usapan natin ay ang mga bagay kung bakit nagpapatiwakal ang tao.
Ayon kay Emile Durkheim (1951). May tatlong uri ng pagpapatiwakal. Ang una ay ang tinatawag na egoistic suicide na kung saan nagiging makasarili o self-centered ahg taong nagpakamatay. Ito ay marahil sa kadahilanang ang taong ito ay may mahinang kapit sa lipunan o sa ibang grupo. Marahil ito ang dahilan kung bakit nagbibigti o naglalason sa sarili ang mga taong sawi sa pag-ibig.
Ang panagalawa ay anomic suicide. Sa madaling paliwanag, ito ang dahilan kung bakit ang ibang miyembro ng pamilya ay nagpapakamatay dahil sa mahirap na estado nila sa lipunan marahil ay walang makain o walang pang-matrikula sa paaralan). Ito ay sa kadahilanang hindi na nila alam ang gagawin sa sitwasyon na salungaty sa kanilang pang-araw-araw na gawain.
Ang huli ay ang ginawa ng heneral – ang altruistic suicide na kung saan ang reputasyon at integridad nila ay kasing-halaga ng kanilang buhay na kapag nadungisan o nasira ay ang pagkitil sa sriling buhay ang kapalit. Isang popular na gawain nito ay ang “hara-kiri” ng Japan na kung saan ang isang mandirigma ay handang magpakamatay kaysa sumuko o magpahuli ng buhay sa kalaban.
Minsan sa buhay ko, naisip ko din magpatiwakal. Normal lang naman sa tao na makaisip ng ganitong gawain ngunit nakakapagtaka sa mga taong gumawa nito. Naiisip ko ang iba’t-ibang tanong tulad ng “hindi ba sila takot mamatay?” o di kaya “paano na ang pamilya niya kapag patay na siya?” o kaya naman “may pagsisisi kaya habang nasa sandaling nag-aagaw buhay siya?”
May mga nagsasabi na duwag lang ang nagpapakamatay. Ngunit para sa akin, ito ay isang katapangan na walang kahahantungan. Sa kaso ng heneral, matapang niyang hinarap ang kamatayan ngunit takot siyang harapin ang katotohanan na kanyang kinasasangkutan. Hindi ko man alam ang detalye ng kanyang buhay ngunit alam ko na may matindi siyang dahilan kung bakit niya ginawa ito. At kung anuman iyon, dala na niya ito sa hukay.
Ayoko man sabihin pero ang pagpapakamatay kasi ay permanenteng solusyon sa panandaliang problema. Siguro lang ay hindi nakita ng heneral ang liwanag ng pag-asa na kaya pa niyang ituwid ang kanyang pakakamali sapagkat siya ay tao lang na nagkakamali.
Hindi kamatayan ang solusyon sa isang problema, kaya nga tayo nabubuhay dahil may problema sa mundo. Ngunit ang iba sa atin ay tinatakasan ito sa pamamagitan ng pagpapatiwakal. Pero naniniwala ako na hindi tayo bibigyan ng Diyos ng problemang hindi natin kayang lutasin. Dapat lang ay may tibay ng loob, tapang at pag-ibig sa sarili at sa iba upang ito upang maisawasan ang ganitong gawain.
Friday, February 4, 2011
Epiko 71: "Pang-Bobo Ang Mga Video Games Ngayon"
Habang naglalakad ako sa isang mall, naisip kong pumunta sa isang amusement center na kung saan nagkalat ang mga arcade machines na aking nakahiligang laruin noong kabataan ko. Sa halos limang taon kong hindi pagkakaupo at paglalaro ng aking paboritong Street Fighter, napansin ko na wala pa din akong kupas sa paghawak ng ganitong klaseng makina. Ngunit napansin ko na kaunti na lang ang mga kabataan na naglalaro ng ganitong klaseng pampalipas-oras.
nang napadaan ako sa isang internet cafĂ©, doon ko napansin na ang daming mga kabataan na naglalaro ng online games. Napaisip tuloy ako na iba na talaga ang hilig ng mga kabataan pagdating sa electronic games. Dati pa nga, mayroon kaming kung tawagin ay “Game and Watch” na kung saan napaka-simple lang ang graphics at mechanics na laro (na pinaandar ng baterya ng relo). Idagdag mo pa ang “Family Computer” na nauso noong 80’s hanggang mid-90’s. Pero ngayon, halos parang tunay na tao na ang itsura ng nilalaro nila at di mabilang na game console at application ang mabibili sa merkado.
Ngunit sa kabila ng mga larong ito, ang epekto nito pagdating sa isang tao ay pareho pa din. Mapa pisikal man (pagkalabo ng mata, insomnia, obesity, atbp.), emosyonal (pagiging addict sa laro, pagliban sa klase, atbp.) at sosyal (pagiging isolated at hindi marunong makisama, pagiging pikon kapg natatalo, atbp.) na aspeto ay nanantiling balakid sa isang batang nahumaling sa mga alrong ito.
Ako din naman ay nakaranas din nito. Noong hgh school hnaggang college ay naging “batang arcade” din ako. Napagdaanan ko ang mga ganitong karanasan na kung saan naging malaki ang epekto nito sa akin.
Ngunit ang nakakabahala ngayon partikular sa mga bagong video games ay ito ay nakakababa ng IQ (sa madaling salita, nakaka-bobo.)
Sa aking pagmamasid sa mga video games ngayon, nagkalat ang mga “cheats” o daya sa laro. Pakiramdam ko ay tinuturuan ng isang partikular na laro ang isang bata na maging madaya pagdating sa isang laro o kahit sa anong aspeto ng pakikipagsapalaran. Hindi ako nagtataka na tumataas ang insidente ng pandaraya sa klase tuwing exam at eloeksyon o kaya palakasan sa mga iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno dahil namumulat pa lang sa murang kaisipan ang bata sa korapsyon at pandaraya.
Bukod pa dito, halos may temang labanan o digmaan ang mga laro ngayon. Hindi ba’t parang ginagawang barbaro ang mentalidad ng bata dahil ito ay gawain ng ng isang hindi sibilisadong tao. Oo nga at walang pisikal na labanan na nangyayari sa laro ngunit ang epekto nito tulad ng paghahangad ng paghihiganti (sa mga natatalo) at pagyayabang (sa mga nananalo) ay nagbubunga ng hindi pagkakasundo na nauuwi sa isang gulo. Kay nga natatawa ako kapag may nakikita akong nagkakantyawan at nagsusuntukan sa internet shop dahil napakababaw ng kanilang pinag-aawayan. Ngayong nadagdagan pa ng karahasan ang laro, para sa kanila ay ang pagpatay ay isang nakakatuwang bagay na lang na labag sa moral ng tao.
Kasunod nito ay nagiging bastos at walang modo ang isang bata. Dahil nga sa mga larong ito, naa-addict na ang isang bata sa laro na nagiging repleksyon ng kanyang nilalarong video game. Nakakaawang tingnan ang batang nahulog na sa laro at naging parte na ng kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Ito ang dahilan kung bakit natutuo siyang mangupit sa pera ng magulang, hindi gumawa ng takdang aralin at mapabayaan ang pag-aaral. Hindi nila alam kung gaano kahirap kumita ng pera kaya madali lang sa kanila ang gawin ‘yon. Tulad na lang ng isang laro na natututo kang magnakaw o kaya ay manloko ng kalaban para makuha ang kagustuhan mo.
Sa kabuuan, ang mga nilalaro ng mga kabataan ngayon pagdating sa video games ay mababaw, walang kwenta at hindi ka tinuturuang maging tunay na tao. Mabuti pa nga ang mga larong Super Mario, Mappy, Wrecking Crew, Pooyan, Joust, Galaga at Bomber Man – kahit korny sa paningin ng mga kabataan ngayon, mayroon silang isang bagay na tiyak na matutunan sa bawat laro. Kung anuman ‘yun, sila na ang bahalang dumiskubre ‘nun. Sayang lang at wala nang ganitong klaseng laro na makikita sa kasalukuyan.
Hindi naman masamang maglaro ng video games. Para lang ‘yang alak – dapat in “moderation” lang. Dahil kapag na-addict ka na, hindi madaling takasan at ayawan ito. Hindi naman kailangang ipakita mo na magaling ka sa isang laro o mag-champion para may mapatunayan sa sarili mo. Mas matindi pa dito ang laro ng buhay – dito ay walang may alam kung mananalo ka o hindi. Ang dapat mo lang gawin para manalo sa laro ng buhay ay didsiplina sa sarili, pagiging responsible sa bawat hakbang na gagawin at higit sa lahat, mahanap mo ang iyong tunay na sarili.
Thursday, February 3, 2011
Epiko 70: "Maitim Ba Ang Dila Mo?"
Maitim ba ang dila mo?
Para sa ‘yong kaalaman, nag kasabihan na kapag ang taong nagsalita at nagkatotoo ay may maitim na dila. Hindi ko alam pero may kakilala akong may ganitong taglay na katangian.
Isa siyang matandang babae na palaging nakikita sa kalsada sa Magallanes, Cavite. Kahit tirik na tirik ang araw, nagtitiyaga siyang maglakad. Kung saan man siya pupunta y walang nakakaalam. Malimit ko siyang makasalubong na kung saan ay inaabutan ko siya ng pera at sinasabing magsakay na siya papunta sa kanyang pupuntahan.
Ngunit may isang pangyayari sa aming dalawa ang nagpatunay na ang matandang iyon ay may maitim na dila.
Isang araw, habang naglalakad ako ay biglang umulan ng malakas. Nang sumilong ako sa waiting shed ay nakita ko siya na basang-basa at halos giniginaw. Ibinigay ko ang aking jacket para isuot niya.
“Nagkita tayong muli bata…” wika niya ng nauutal niyang boses.
“Lola, bakit kayo nagpakabasa? Bakit ayaw niyong magsakay?” tanong ko sa kanya habang nagsisindi ng sigarilyo.
Hindi na niya ako sinagot. Pero nagsimula siyang titigan ako. Medyo nag-iba ang aking pakiramdam. Para akong nahihilo na inaantok o at bumubilis ang tibok ng puso ko.
“Huwag kang mag-alala iho. Ang kapalit ng paghihirap mo ngayon ay kaligayahan. Dadating ang araw na magbabayad ang taong ‘yon sa ginawa niya sa ‘yo..” wika niya sa akin habang bumabalik ako sa aking sariling wisyo.
“A-ano po ang mangyayari sa kanya?” tanong ko sa kanya.
“May nakikita ako… kamatayan. Isang kamatayan na may kasamang matagalang pighati ang kapalit ng ginawa niya sa ‘yo at simula sa mga sandaling ito, magsisimulana ang kanyang kalbaryo.” sagot niya sa akin.
Noong una ay hindi ko ito pinansin hanggang sa nagyari lahat ang kanyang sinabi sa akin. Ngunit nang lumipas ang sampung buwan ay nagulat ako sa balita na namatayan ng anak ang taong tinutukoy ng matanda. Ngayon, halos masiraan na ito ng ulo sa nangyari.
Nang magkita uli kami ng matanda, nakakapagtakang natatandaan pa niya ako at ang mga sinabi niya sa akin. Nang naikwento ko sa kanya ang nagyari, sinabi niya na mag-ingat daw ako sa mga binibitawan kong salita dahil sabi niya, maitim daw ang dila ko.
Hindi ako naniniwala sa kulam, sumpa at kung anumang mga pamahiin. Ngunit masasabi ko na makapangyarihan talaga ang mga salitang binibitawan natin sa kapwa dahil ito ang katangian na wala sa ibang nilalang dito sa mundo. Dapat lang natin itong gamitin sa tamang panahon, luagar at tao.
Ang mga salita ay may kapangyarihan kaya nararapat lang na gamitin ito sa tamang lugar, oras at tao.
Subscribe to:
Posts (Atom)