Friday, February 4, 2011
Epiko 71: "Pang-Bobo Ang Mga Video Games Ngayon"
Habang naglalakad ako sa isang mall, naisip kong pumunta sa isang amusement center na kung saan nagkalat ang mga arcade machines na aking nakahiligang laruin noong kabataan ko. Sa halos limang taon kong hindi pagkakaupo at paglalaro ng aking paboritong Street Fighter, napansin ko na wala pa din akong kupas sa paghawak ng ganitong klaseng makina. Ngunit napansin ko na kaunti na lang ang mga kabataan na naglalaro ng ganitong klaseng pampalipas-oras.
nang napadaan ako sa isang internet cafĂ©, doon ko napansin na ang daming mga kabataan na naglalaro ng online games. Napaisip tuloy ako na iba na talaga ang hilig ng mga kabataan pagdating sa electronic games. Dati pa nga, mayroon kaming kung tawagin ay “Game and Watch” na kung saan napaka-simple lang ang graphics at mechanics na laro (na pinaandar ng baterya ng relo). Idagdag mo pa ang “Family Computer” na nauso noong 80’s hanggang mid-90’s. Pero ngayon, halos parang tunay na tao na ang itsura ng nilalaro nila at di mabilang na game console at application ang mabibili sa merkado.
Ngunit sa kabila ng mga larong ito, ang epekto nito pagdating sa isang tao ay pareho pa din. Mapa pisikal man (pagkalabo ng mata, insomnia, obesity, atbp.), emosyonal (pagiging addict sa laro, pagliban sa klase, atbp.) at sosyal (pagiging isolated at hindi marunong makisama, pagiging pikon kapg natatalo, atbp.) na aspeto ay nanantiling balakid sa isang batang nahumaling sa mga alrong ito.
Ako din naman ay nakaranas din nito. Noong hgh school hnaggang college ay naging “batang arcade” din ako. Napagdaanan ko ang mga ganitong karanasan na kung saan naging malaki ang epekto nito sa akin.
Ngunit ang nakakabahala ngayon partikular sa mga bagong video games ay ito ay nakakababa ng IQ (sa madaling salita, nakaka-bobo.)
Sa aking pagmamasid sa mga video games ngayon, nagkalat ang mga “cheats” o daya sa laro. Pakiramdam ko ay tinuturuan ng isang partikular na laro ang isang bata na maging madaya pagdating sa isang laro o kahit sa anong aspeto ng pakikipagsapalaran. Hindi ako nagtataka na tumataas ang insidente ng pandaraya sa klase tuwing exam at eloeksyon o kaya palakasan sa mga iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno dahil namumulat pa lang sa murang kaisipan ang bata sa korapsyon at pandaraya.
Bukod pa dito, halos may temang labanan o digmaan ang mga laro ngayon. Hindi ba’t parang ginagawang barbaro ang mentalidad ng bata dahil ito ay gawain ng ng isang hindi sibilisadong tao. Oo nga at walang pisikal na labanan na nangyayari sa laro ngunit ang epekto nito tulad ng paghahangad ng paghihiganti (sa mga natatalo) at pagyayabang (sa mga nananalo) ay nagbubunga ng hindi pagkakasundo na nauuwi sa isang gulo. Kay nga natatawa ako kapag may nakikita akong nagkakantyawan at nagsusuntukan sa internet shop dahil napakababaw ng kanilang pinag-aawayan. Ngayong nadagdagan pa ng karahasan ang laro, para sa kanila ay ang pagpatay ay isang nakakatuwang bagay na lang na labag sa moral ng tao.
Kasunod nito ay nagiging bastos at walang modo ang isang bata. Dahil nga sa mga larong ito, naa-addict na ang isang bata sa laro na nagiging repleksyon ng kanyang nilalarong video game. Nakakaawang tingnan ang batang nahulog na sa laro at naging parte na ng kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Ito ang dahilan kung bakit natutuo siyang mangupit sa pera ng magulang, hindi gumawa ng takdang aralin at mapabayaan ang pag-aaral. Hindi nila alam kung gaano kahirap kumita ng pera kaya madali lang sa kanila ang gawin ‘yon. Tulad na lang ng isang laro na natututo kang magnakaw o kaya ay manloko ng kalaban para makuha ang kagustuhan mo.
Sa kabuuan, ang mga nilalaro ng mga kabataan ngayon pagdating sa video games ay mababaw, walang kwenta at hindi ka tinuturuang maging tunay na tao. Mabuti pa nga ang mga larong Super Mario, Mappy, Wrecking Crew, Pooyan, Joust, Galaga at Bomber Man – kahit korny sa paningin ng mga kabataan ngayon, mayroon silang isang bagay na tiyak na matutunan sa bawat laro. Kung anuman ‘yun, sila na ang bahalang dumiskubre ‘nun. Sayang lang at wala nang ganitong klaseng laro na makikita sa kasalukuyan.
Hindi naman masamang maglaro ng video games. Para lang ‘yang alak – dapat in “moderation” lang. Dahil kapag na-addict ka na, hindi madaling takasan at ayawan ito. Hindi naman kailangang ipakita mo na magaling ka sa isang laro o mag-champion para may mapatunayan sa sarili mo. Mas matindi pa dito ang laro ng buhay – dito ay walang may alam kung mananalo ka o hindi. Ang dapat mo lang gawin para manalo sa laro ng buhay ay didsiplina sa sarili, pagiging responsible sa bawat hakbang na gagawin at higit sa lahat, mahanap mo ang iyong tunay na sarili.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment