Sunday, September 5, 2010
Epiko 42: “Huwag Mong Dibdibin… May Likod Ka Pa.”
Sa buhay natin, lahat ng simula ay may katapusan. Ngunit sa bawat katapusan ay may panibagong simula na naghihintay sa atin.
May isang kwento ako na gusto kong ibahagi sa ‘yo.
Habang nagkaklase ako sa I-D, tinanong ko sila kung ano ang gagawin nila kapag may malaking problema silang hinaharap. Sabi ng isang estudyante, “Huwag mong dibdibin… may likod ka pa.” Bigla akong napaisip sa sinabi niya. Kahit na medyo pabiro ang tono ng kanyang boses, mayroon akong naramdamang konting lohika sa kanyang maikling sagot.
Kung ating iisipin, lahat kasi ng tao ay may pagkakataong nakakaharap sa isang matinding pagsubok. Sabi nga ni Michael Green sa kanyang librong “The Truth of God Incarnate”, natural sa isang tao na maging mahina dahil walang taong malakas… si Cristo lang na nagkatawang-tao ang masasabing pinakamalakas na taong nabuhay sa kasaysayan. Kahit hindi niya kayang bumuhat ng isang toneladang tinapay, kaya niya itong paramihin. Ang nagpapalakas sa kanya ay ang pananalig sa Diyos Ama na pinagtitiwalaan niyang mabuti.
Isang konkretong halimbawa sa akin ay ang nangyari sa akin limang buwan na ang nakakalipas. Dumating ang sa kabanata ng buhay ko na ako’y nagkaroon ng matinding depresyon dahil sa isang tao na labis akong sinaktan. Parang ayoko nang mabuhay noong mga panahon na ‘yon. Malaki ang naging epekto nito sa aking kalusugan at pag-iisip. Akala ko nga ay mababaliw na ako dahil pakiramdam ko ay hindi ko kayang mabuhay kung wala siya… kahit na nagsasalo kami sa isang kasalanan. Siguro nga, hindi tama ang nangyari sa amin. Naging bulag ako at tanga dahil sinira ko ang aking sarili sa isang taong hindi naman talaga karapat-dapat na mahalin.
Sa kabila nang lahat ng ito, napagtanto ko na hindi dapat dibdibin ang nangyari sa akin. Ang totoo nga niyan ay parang nagising ako bigla sa isang masamang panaginip. Binago ko ang sarili ko at inayos ko gulo sa aking isip at damdamin. Tumayo ako at muling inihakbang ang aking mga paa at lumakad muli sa daan na aking tinatahak. Naisip ko ang mga taong totoong may malasakit at nag-aalala sa akin sa nangyari. Ang kanilang mga likod ang nagsilbi kong hingahan ng sama ng loob at naging sandalan sa aking pagluha. Sa mga oras na ‘yon, nakaramdam ako ng pagpapahalaga mula sa mga taong alam kong malalapitan at maasahan sa isa sa mga madidilim na kabanata ng buhay ko.
Nang nag-practice teaching ako, nakilala ko ang mga at mga guro at bata na nagbigay kulay sa aking pagkatao. Iba-iba man sila ng hilig, interes at personalidad, nakuha kong maibahagi sa kanila ang isang parte ng aking sarili sa kanila. Alam ko na balang araw ay magagamit din nila ang aking ibinahagi sa kanila pagdating ng tamang panahon. Sila din ang naging mga bago kong kaibigan at ipinakita nila sa akin kung ano at sino talaga ako at ano ang dapat kong gawin sa buhay ko. Sila din ang naging likod ko sa aking muling pagbangon. Salamat sa kanila ganun din ang isang espesyal na tao na kasama ko sa lugar na ‘yon na nagbalik ng ngiti sa akin. Siya din ang likod na nagbigay inspirasyon sa akin para ituloy ang panibagong buhay na mayroon ako ngayon.
Kung may problema ka, huwag mo itong dibdibin masyado dahil kung iisipin mo na nag sitwasyon mo ngayon ay parang “life and death situation”, madaming beses kang mamamatay. Isipin mo ang mga tao na palaging nakasuporta sa ‘yo at maiisip mo na hindi ka nag-iisa. Higit pa doon, tutulungan ka nilang itayo kang muli at magpatuloy sa buhay at ibabalik nila ang tiwala mo sa sarili. Sa tao o sitwasyon na nagbigay pasakit sa ‘yo, isipin mo na lang na ang tadhana ang gaganti para sa ‘yo. Matuto tayong magpatawad at kalimutan ang nakaraan.
Sa ngayon, masasabi ko a ayos na ako di tulad noong nagsimula ang chronicles na punong-puno ng galit at pagkamuhi. Para sa kaalaman mo, isinilang ang The Emong Chronicles na punong-puno ng negatibong pananaw at aura dahil ito ang nagging labasan ko ng sama ng loob. Pero ngayon, magbabago na ang lahat – ito na marahil ang katapusan ng aking kalbaryo at simula ng aking panibagong buhay. Kahit wala na akong dibdib na puno ng sama ng loob, may likod pa ako na pwedeng maging sandalan at takbuhan ninuman.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment