Friday, October 8, 2010
Epiko 45: "Si Emong at Si Chi-Chi"
Ang totoo niyan, wala talaga akong ganang magsulat ngayon. Ewan ko ba. Para kasing kapag isinulat kong muli ang mga salitang aking nararamdaman eh hindi ko mapigilang magsabog ng sobrang tuwa at panghihinayang sa mga nangyayari.Ngunit kahit papaano eh nagpapasalamat pa din ako dahil isang daan ang muling nagbukas upang iiwas ako sa daang lalamon sa aking tunay na pagkatao.
Ang bilis ng panahon. Patapos na ang aking practice-teaching sa Munting Ilog National Hig School (MINHS) - Silang West Annex. Lahat ay umayon sa aking kagustuhan at may mga bagay na di ko inasahan na lalong nagbigay kaligayahn sa akin. Kahit sa maikling panahon, naka-recover ako sa aking pinagdaanang pagsubok na muntik ko nang ikasira at ikabaliw. Nawalan pa man ako ng isang napakahalagang tao sa buhay ko, napalitan ito ng mahigit na 600 na estudyante at mga bagong kaibigan. Doon pa lang ay nagpapasalamat na ako. Naisip ko na sa likod ng mga pagsubok at sakit ay sa bandang huli ay ngingiti ka din at magiging maligaya.
Ngunit may mas matindi pa sa nangyaring ito.
Mula sa maalat na dagat ng Naic Campus, dumating si Chi-Chi. Noong una, hindi ko siya maintindihan Ang weirdo kasi niya. Ngunit habang lumipas ang mga araw at buwan, nakilala namin ang isa't-isa. Ginamitan ko siya ng pinakamatinding sandata - Ang "Oreo." Naging magkaibigan kami. Hindi ko na namalayan na unti-unti na niyang inaalis ang galit at lungkot sa puso ko. Parang isang anghel ang kanyang presensya kapag nagkikita kami. Lahat ay masaya kapag nakikita kami. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa tuwing nagtatalo o nagbibiruan kami. Sa di inaasahang pagkakataon, naisip ko na siya na siguro ang taong magbibigay ng saya at kulay sa aking mundo sa loob ng lugar na 'yon.
Ngunit magkaiba kami - at maraming pagkakaiba ang sa tingin ko ay hindi magiging hadlang sa aming nabuong magandang pagkakaibigan. Basta alam namin ang aming limitasyon, ayos na 'yun. Kapag iniisip ko ang araw na hindi na kami magkikita tulad ng mga nakaraang araw at buwan, di ko mapigilang maging malungkot. Pero ganun talaga eh... Kaya nga habang may panahon pa eh sinusulit ko ang mga oras na kasama siya. Sa mga oras na gumagawa kami ng portfolio, naglalakad pauwi o kaya eh nasa loob kami ng school compound, sinisigurado kong maganda ang kalalabasan nito dahil ito ang magsisilbing alaala ng aming masasayang sandali. Idagdag mo pa ang nangyaring misadventures namin sa plaza kasama ang mga nakita naming gulo mula sa aming mga estudyante. Lalong naging malinaw ang larawan niya sa aking isip.
Sa likod ng mala-bitukang maton niya pagdating sa ice cream at sa kantang "Why do birds suddenly appear everytime you are near?", ang lahat ng kalungkutan sa puso ko ay tila isang magic na biglang nawawala. Kung anuman ang ginawa niya sa akin, di ko alam. Hindi man siya ang aking una o hindi man niya ako ang una niyang naging kaibigan na may ganitong pakiramdam, eh ano naman? Hindi siya perpekto at ganun din ako at hindi kami perpekto sa isa't-isa. Pero hangga't napapasaya niya ako at tanggap na nagkakamali ako bilang tao, mananatili ako sa ganitong pakiramdam at hindi bibitaw. Hindi man niya ako iniisip bawat oras, bawat minuto o bawat segundo, ibibigay ko ang aking pag-aari na pwede niyang sirain - ang puso ko. Kaya di ko siya sasaktan, di ko siya babaguhin at di ako aasa sa mga bagay na kanyang pwedeng ibigay. Ngingiti ako kapag masaya siya at ipapaalam ko sa kanya kung naiinis ako... at mami-miss ko siya kapag wala na siya.
Ngunit sa bandang huli, masaya na ako na magkaibigan lang kami.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment