Friday, October 15, 2010

Epiko 46: "Paalam... Sa Ngayon"



Paano ko ba ito sisimulan?

Sa buhay, mahirap magpaalam sa mga tao na napamahal na sa atin. Wala nang sasakit pa sa mga sandali na ikakaway mo ang iyong mga kamay at mapipilitang ngumiti sa kabila ng lungkot at panghihinayang na nararamdaman. Sa mga oras na ito, hindi ko alam kung dapat ba akong maging masaya o malungkot dahil sa mga naranasan ko sa loob ng Munting Ilog National High School – Silang West Annex sa loob ng tatlong buwan. Hindi ko akalain na ang lugar na ‘yon ay nagsilbing sangtuwaryo ko sa mga hirap at sakit na aking naramdaman sa nakalipas na sampung buwan.

Sa aking cooperating teacher na si Ms. Danelica Tolentino, abot-langit ang pasasalamat ko sa kanyang gabay at tulong para malagpasan ko ang semestreng ito. Siya na ang masasabi ko na maganda, matalino at mabait na CT ko na kaya kong ipagyabang sa mga kaklase ko na may pangit na karanansan sa kanilang practice teaching. Kahit na minsan ay parang wala siyang pakialam sa akin, nararamdaman ko ang kanyang pag-aalala at malasakit sa akin lalo na kapag hindi ko alam ang aking gagawin. Sana marami pa siyang matulungan na tulad ko na gustong maging guro. Ang respeto at paggalang ko sa inyo (kahit na mas matanda pa ako sa kanya) ay hindi magbabago kailanman.

Sa mga guro na sina Sir Noel, na malalapitan sa oras ng kagipitan; Si Ma’m Kate na nagbigay ng isang matinding aral sa akin tungkol sa pagpipigil ng damdamin sa isang tao para sa kabutihan ng lahat; Si Sir Raymond na nagdagdag ng mga panibagong jokes at kalokohan na kapupulutan ng aral (nga ba?); Si Ma’m Bevs na masasabi kong pinakamatapang na babae na nakilala ko; At si Ma’m Gina na tumayong ina sa aming lahat sa morning shift… Maraming salamat sa inyo dahil kayo ang nagmulat sa akin sa mundo ng mga makabagong guro. Hindi ko po kakalimutan ang mga sandali na magkakasama tayo sa tuwa at lungkot.

Sina Kuya Efren at Kuya Tristan na palagi kong kakwentuhan kapag yosi break, Salamat po sa inyo. Ganun din ang mga tropang canteen na sa kabila ng mga utang na kinuha ko sa kanila ay aking paunti-unting binabayaran. Salamat po sa inyong pag-aasikaso sa akin sa oras ng gutom at busog.

Sa mga estudyante ko… (Roll call tayo…)

Section Jade… Kahit kayo ang pinakamaingay at pinakamakulit sa lahat ng nahawakan ko, kayo ang pinaka-sweet at thoughtful sa lahat ng nahawakan kong section. Kevin, Nikki, Marisol, Micah, Joshua (Esquillo at Calanog), Afif, Patricia, Rosemarie, Joseph Jopia, Christian Allen, Jhan Marc, Abel, Lenard, Jinky, Trixia at iba pa na hindi ko nabanggit dahil ang dami niyo, Salamat dahil naging bahagi kayo ng aking buhay estudyante-guro. Itinuro niyo sa akin ang isang mahalagang aral – ang buksan at ibahagi ang sarili sa mga taong gusto kang kilalanin at mahalin.

Section Ruby… Ang pinagkatiwalaan kong section hanggang sa huling sandali ng aking final teaching demo, hindi ako nagkamali sa pagpili sa inyo. Utang ko sa inyo ang grades ko. Edcel, Jonathan, Erlanie, Aljhun, Jemerson, Sheelamei, Joyce Ann, Paulo, Marbert, Mariela Paula, Francis, Nancy, Kimberly, Ehlla at sa mga hindi ko nabanggit, maraming salamat sa aral na aking natutunan sa inyo – ang ibaba ang mga mabibigat na pasanin at magpatuloy sa paglalakbay na walang dala-dalang mahihirap at masasakit na alaala mula sa nakaraan.

Section Emerald, kahit mahirap kayong hawakan sa klase, pinatunayan niyo sa akin na kaya kong gawin ang imposible – ang ibalik ang kumpyansa at responsibilidad na nawala sa akin sa mahabang panahon. Salamat sa inyo at natauhan ako na may mga dapat pa akong gawin at ituloy sa aking karerang pinili. Itinuro niyo sa akin ang totoong kahulugan ng pagpapakumbaba sa kabila ng kayabangan. Faye, Kristenelle, Merivah, Kristin, Cyrus, Andrey, Loree Ann, Rouiell, Cyrille, Edward, Juvy at sa iba na di ko nabanggit, salamat.

Sa mga ibang estudyante tulad nina Samantha, Alu, Stella, Charlie Ann, Jennifer, Dianne, Jessa, Christopher, Erickson at iba pang estudyante ng Section Diamond, galingan niyo sa klase! Ang advisory class ni Ma’m Tolentino na section Sapphire, salamat sa inyong makukulit at magulong kaklase nina Tricia, Maybel, Ivan, Renzo, Juvencio, Crisanto, Dominic, Josiah at Daryl ( na abot langit ang pagpapasalamat ko sa pagpapahiram ng DVD ni Kamen Rider Decade Series… HENSHIN!) Ang Section Pearl na sa kabila ng makukulit at pasaway ay masasabi ko na madali silang pakisamahan. Pakiusap lang sa inyo (pati na di sa lahat ng estudyante dito), ayusin niyo ang pag-aaral niyo at isipin niyo na lang kung ang anak niyo sa hinaharap eh katulad din ng ginagawa niyo… gugustuhin niyo ba yun? Jackris, Harris, Angelika, Kevin, Lymar, Krismel, Rachelle at iba pa na hindi ko nabanggit, sana maisip niyo kung ano nag kahalagahan ng pag-aaral sa buhay niyo.

Sa publication team, sana may natutunan kayo sa mga itinuro ko pagdating sa school paper. Sana kapag nakagawa na kayo ng dyaryo eh bigyan niyo naman ako ng kopya. Masaya ang magsulat… at sana hindi kayo tumigil sa pagsusulat tulad ko na habang buhay pa at may ballpen at papel o computer eh magsusulat ng magsusulat… na may kabuluhan.

Sa mga varsity players, okay lang na hindi kayo nagtagumpay ngayong taon, may susunod pang taon kaya alam ko na makakabawi kayo. Naniniwala ako na bago kayo mak-graduate eh makakaranas kayo na mag-champion. Basta kasabay ng pagiging magaling na player ay pagiging magaling din sa klase. Walang kwenta ang isang magaling na manlalaro kung tamad mag-aral… hindi kayo matatawag na isang varsity na dapat ipagmalaki ng school.

Sana sa pag-alis ko, may natutunan kayo sa akin hindi lang sa subject na itinuro ko. Kung anuman ‘yon, sana eh magamit niyo yun sa mga susunod na araw. Sa inyong lahat, kasingdami ng mga letrang isinulat ko ang aking pasasalamat sa inyo. Sana huwag kayong malungkot sa pag-alis ko. Dapat nga matuwa pa kayo kasi nagkakila-kilala tayo. Tandaan ninyo, “Sa bawat katapusan ay may bagong simula.” Katapusan man ito ng aking pagtuturo sa inyo, kayo ang nagsilbing bagong daan ko upang magsimula at tahakin ko ang panibagong araw na taas noo, nakangiti at masaya. Bahagi ang bawat isa sa inyo ng aking pagbabago. Nawalan man ako ng isang mahalagang tao sa buhay ko, hundreds naman ang pumalit sa katauhan niyo.

Mag-aral kayong mabuti…

Mami-miss ko kayong lahat…

No comments:

Post a Comment