Friday, October 29, 2010
Epiko 47: "Wala Nang Pag-Asang Umunlad Ang Pilipinas Kung…"
Mula pa noong unang panahon, ang isang grupo, pamayanan at bansa ay pinangungunahan ng isang lider. Hindi na ito bago sa atin ngunit sa panahon ngayon na naghahanap tayo ng mga solusyon sa problema o kaya’y sagot sa mga katanungang bumabagabag sa ating estado sa buhay, hinahanap natin ang isang mahusay ant mapagkakatiwalaang tao na maaaring magsalba sa atin sa kaligtasan at kaginhawaan.
Ngunit bakit sa panahon na ito ay napakahirap hanapin ang isang tunay na lider?
Simple lang ang tanong na ito ngunit napakakumplikado kung sasagutin dahil hindi ito madali tulad ng pagpili ng damit sa palengke o masarap na pagkain sa isang kainan. Sa katanuyan, para kang naghahanap ng isang hibla ng buhok sa kugunan na nakapiring ang mga mata.
Kung mapapansin natin ang nangyayaring sitwasyon ng ating pamahalaan sa bansa, para na itong “carnival” dahil may mga salamangkero (na nagdadaya o gumagawa ng milagro kapag eleksyon), artista (na dinadaan sa karisma at pisikal na anyo para makapang-akit ng mga susuporta), payaso (tulad ng mga nuisance candidate kapag eleksyon), at mga negosyante (na ginagawang negosyo ang paglilingkod sa bayan na kumakamal ng malalaking salapi mula sa kaban ng bayan) na bumubuo dito. Ang mga mamamayan ng ating bansa ay naaaliw at nababaliw sa tuwing may halalan. Ngunit pagkatapos nito ay samu’t-saring hinaing, problema at isyu na hindi agad mabigyan ng karampatang aksyon na nagpapalala sa kondisyon n gating mga kababayan. Nakakalimot na tayo sa paraan ng pagpili ng totoong lider na kung tutuusin ay hindi pinapalad na magsilbi at makatulong sa ating lahat.
Ang mga tanong tulad ng “Sino ba ang dapat mamuno sa atin?” o “Paano ba pumili ng magaling na lider” ay isang malaking katangahan sa kadahilanang lahat tayo ay pwedeng mamuno at tayo ay maaring piliin para mamuno. Ngunit sa kasamaang palad, ito na ang tumatak sa isipan nating mga Pilipino na nagging mitsa upang maging parasitiko tayo sa mga baluktot na paniniwala at plataporma ng mga pinunong nanalo sa halalan.
Ang dapat nating itanong sa sarili natin ay “Paano ako magiging magaling na pinuno?” Hindi ibig sabihin nito ay kakalabanin mo ang mga taong may salungat sa iyong ideolohiya o posisyon sa isang isyu. Ang stwasyon ditto ay paano mo matutulungan ang sarili mo na pamunuan ang iyong pagkatao. Ang pagiging lider ay nagsisimula sa sarili. Kung alam mo sa sarili mo na tapat ka, responsible, maasahan ng tulong, matalino at malawak ang pag-iisip ay nasa sa iyo na ‘yon. Kung magsisinungaling ka sa ‘yong sarili, malaki ang posibilidad na magsinungaling ka din sa nakakarami. Kung gusto mo na maging mabuting ehemplo sa iba, gawin mong ehemplo ang iyong sarili nang sa ganun ay makita ng mga tao ang iyong tunay na pagkatao – mula sa pagpulot ng balat ng candy sa kalsada hanggang sa pagbibigay mo moral sa mga tao.
Mahirap di ba? Pero ang magreklamo sa isang lider ay napakadali kasi madaling hanapin ang kapintasan at kahinaan nito pagdating sa pamumuno. Kalimitan itong ginagawa ng mga taong gustong sumira sa reputasyon at kredibilidad ng isang lider. May iba nga na taon ang binibilang na pagpaplano dahil gusto nilang makasiguro ang kasiraan at tiyak na pagbagsak nito. Kaya nga ang metalidad nating talangka ay isang patunay na wala tayong pag-asang umunlad at umasenso kailanman.
Sa kabuuan, wala nang pag-asa ang bansa nating umunlad kung ganitong klaseng sistema ng pamumuno ang ating susundin. Hindi naman sa hindi ako nagbibigay ng kawalang pag-asa sa bawat isa. Isipin niyo lang at pagmasdan ang rrealidad ng buhay at pamumuno sa ating bansa. Kung di mo gagawing lider ang iyong sarili, ang pag-asang inaasam mo ay di mo na makukuha. Tumayo ka at sa bawat hakbang na gagawin mo ay paniguradong may susunod sa yapak mo bilang lider – masama man o mabuti.
Ang pagiging lider mo ay may dalawang kapalaran – ang buuin nito ang pagkatao mo laban sa masama o sirain nito ang sarili mo dahil sa kabutihang isinawalang-bahala mo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment