Thursday, November 4, 2010

Epiko 48: "Ang Pagbabalik" ( Ang Karugtong ng Epiko 6)



Isa sa mga dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Undas o Araw ng mga Patay ay para alalahanin natin ang ating mga namayapang mahal sa buhay. Kahit na minsan ay kinukwestyon tayo ng ibang relihiyon tungkol dito, ito ay isa nang tradisyon nating mga Pilipino na kahit anong kontra o batikos mula sa kanila ay hindi na mawawala. Kahit na sabihin na patay na at hindi na nila ito makikita, nagsisilbi itong araw para sa mga pamilya na magsama-sama sa piling ng mga namayapa.

Pero may kwento ako sa inyo na mukhang pamilyar dahil nabasa niyo ito sa isa sa aking mga epiko.

Ika- 3 ng Nobyembre na ako nakadalaw sa puntod ng aking yumaong anak para alayan siya ng bulaklak at kandila. Habang taimtim akong nagdarasal sa kanyang kaluluwa, napansin ko ang isang lalaki na pamilyar sa akin na dumaan sa aking likuran – ang lalaki sa EPIKO 6 ng aking akda (basahin mo muna bago mo ito ituloy) na madugo at brutal kong nasaksihan ang paghihiwalay ng kanyang girlfriend dito din sa sementeryo. Mag-isa lang siya na naglalakad na may dalang bulaklak, kandila at isang bote ng alak.

Ibang-iba na siya di tulad noong una ko siyang makita – mas kagalang-galang ang hitsura niya at kakikitaan mo ng kisig at talino sa kanyang pananamit. Hindi ko ba alam kung anong pumasok sa isip ko at sinundan ko uli siya papunta sa kanyang dadalawin. Nakita ko na papunta siya sa lugar kung saan nakita at nasaksihan ko ang kanilang break-up pitong buwan na nag nakakaraan. Sa lugar na ‘yon, nagsimula siyang magtirik ng kandila at mag-alay ng bulaklak sa my tabi ng nitso. Kasunod nito ay ang pagbubuhos ng alak sa paligid. Nagsimula siyang magdasal , at narinig ko ito.


“Ngayong tahimik na ang buhay ko, sana ay matahimik na din ang kaluluwa mo na sinusunog sa impyerno. Napatawad na kita ngunit ang sarili mo ay di mo pa din napapatawad sa ginawa mong pagwawalanghiya mo sa akin. ‘Yan ang nararapat sa ‘yo… Masaya ako dahil nakilala kita dahil kung hindi dahil sa ‘yo, hindi ko makikilala ang aking sarili. Alam kong katangahan ang ginagawa kong pagtitirik ng kandila kahit buhay ka pa sa lugar kung saan sinira mo ang pagkatao ko. Pero kahit na ganun ang nangyari, naniniwala ako na lahat ng nangyari sa atin ay may dahilan. Tanggap ko na ang nangyari sa kapalaran natin at ito na ang huli kong pagpunta at paggunita sa ating madilim na kabanata ng buhay ko.”


Habang sinasambit niya ang mga salitang iyon ay di ko namalayan na unti-unti nang pumapatak ang luha sa aking mga mata. Naramadaman ko na parang ang lahat ng kaluluwa sa bawat puntod na naroon ay nakisentimyento sa dasal ng lalaking minsang nakita kong ginawang tanga ang sarili sa harap ng isang babae na (sa tingin ko lang) ay hindi karapat-dapat sa kanya. Sa mga oras na ‘yon, lumapit ako sa lalaki at nagtanong. Ngunit nang humarap siya sa akin ay nagulat ako sa aking nakita – kahawig na kahawig ko siya na parang kambal kami.

“Kamusta Emong!” wika niya sa akin na aking ikinagulat. Tinanong ko siya kung bakit niya ako kilala.

“Ako ay ikaw ngunit ikaw ay hindi ako. Narito ako upang magpaalam.” dugtong niya na parang nagpagulo sa isip ko. Nang lumapit siya sa akin ay kinamayan niya ako at biglang siyang nawala sa aking paningin. Ang tanging naiwan na lang sa kinatatayuan ko ay ang itinirik niyang kandila at bulaklak.

Naalala ko bigla ang nangyari noong nasaksihan ko ang kanilang paghihiwalay. Bigla akong natawa at napaisip dahil napagtanto ko na katulad ko siya dati – na mahina, na nagmukhang-tanga, na naging bingi at higit sa lahat, naging bulag sa pag-ibig. Ngayon, natuto na ako sa aking karanasan at masasabi ko sa sarili ko na hindi na ako katulad ng dati. Sa aking pagbabalik, ipapakita ko sa buong mundo ang aking ebolusyon… na kasingbilis ng liwanag at walang sinuman ang makakapigil sa aking mabilis na pagbabago.

Sa buhay natin, may mga masasama tayong karanasan at alaala na ayaw na nating maulit. Ngunit mahirap itong kalimutan. Ngunit sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at taas noong paglalakad at magpatuloy sa buhay mula sa masakit na pagkakadapa, mamamalayan na lang na may mga tao at mga pangyayari na mas maganda pa kaysa sa nakaraan. Ito marahil ang natutunan ko sa aking “recovery stage” hanggang sa masasabi ko na talagang maayos na ako ngayon. Ang iniisip ko na lang ay ang aking sarili na kung paano ko maaabot ang lahat ng pangarap ko sa buhay.

Ewan ko ba kung minamaligno ako noong mga oras na ‘yon. Pero malinaw sa akin kung sino ang nakita ko – Ang multo ng aking kahapon na nagpapaalam na sa akin.

No comments:

Post a Comment