Sunday, November 7, 2010

Epiko 49: “Hindi Ko Na Kasalanan na Macho Gwapito Ako”



Hindi ko sinasadyang makapanood ng “The Bottom Line” ni Boy Abunda dahil hindi ako makatulog gawa ng LBM ko. Sa mga oras na ‘yon, kinakapanayam niya si Rico J. Puno, na kilalakng “The Total Entertainer” noong dekada sistenta at otsenta. Marahil ay kilala niyo siya dahil sa mga awitin niyang “The Way We Were” (na sariling rendition niya mula kay Barbara Striesand na hinaluan ng wikang Filipino), “Magkasuyo Buong Gabi” (ka-duet si Elsa Chan), “Sorry na, Pwede Ba? (Na ni-revive ng Brownman Revival) at ang walang kamatayan (at personal kong paborito) na “Macho Gwapito” na talaga namang tumatak sa mentalidad ng mga Pilipino at masasabing alamat na ng OPM (Original Pinoy Music).

Habang pinapanood ko ang nasabing programa, nakita ko ang pagkakapareho namin ni Rico J. Puno sa maraming aspeto. Una, ang tunay niyang pagkatao na maka-Diyos, maka-masa at mahilig sa musika ay natatakpan ng kanyang mga awitin na nagbibigay ng masamang imahe sa kanya. Pangalawa, malakas ang appeal niya sa babae noong kabataan niya. At pangatlo, malakas ang sense of humor niya na naging susi sa kanyang katanyagan. Kahit noong bata pa ako ay di ko napapansin ang kanyang kasikatan, naging bahagi siya ng aking pagkatao na aking tinataglay ngayon.

May gusto akong tumbukin dito sa aking isinusulat ngayon – ang pagkakaroon ng kumpyansa sa sarili at lakas ng loob sa bawat pagsubok na hinaharap ay hindi madali sa mga katulad namin na macho gwapito (daw). Ayon kay Charles Horton Cooley, ang nagtatag ng “symbolic interactions school of sociology”, naniniwala siya na ang produkto ng ikinikilos ng isang tao ay bunga ng pakikihalubilo niya sa mga tao sa pamayanan. Ang mga ikinikilos, pag-iisip at pananaw sa buhay ay batay sa kung ano ang gusto ng ibang tao na makita nila sa kanyang sarili. Ang koneptong ito ay para ka lang nakaharap sa salamin – na kung ano nag nakikita mo ay iyon ang makukuha mo.
Sa ikinikilos ng mga pabloy, babaero, chickboy, playboy, macho gwapito at kung ano man ang tawag mo sa kanila, hindi mo sila agad maiintindihan dahil sa kanilang ikinikilos at kung paano sila makuharap sa tao (partikular na sa mga babae). Pero may malalim na kahulugan sa mga katangian ng mga taong ito (tulad ko) kung bakit kahit anong iwas nila ay talagang hindi na mawala sa kanila ang tatak na ‘yon na negatibo sa paningin ng iba.

Marahil sa aspetong ito, himayin natin ang mga liriko ng awiting Macho Gwapito:

“Sinong magsasabi na ako’y masaya/Na walang problemang nadarama?/Sa bawat hakbang ng aking daan,/Laging mayro’ng nobya, laging may problema.

“Kung sa pakapalan lamang naman,/Di sinasadyang ako ay ganyan./Kay dalas masubo sa alangan./Masaya nga ngunit, laging nasasabit.”

Hindi ganung kadali ang pakiramdam ng binansagang pabloy, babaero, chickboy, playboy, macho gwapito at kung ano man ang tawag mo sa kanila. Tao din sila na nagkataon na ang problema ay lapitin at habulin ng mga babae. Hindi natin masisisi kung sila ay maginoo, mapagmahal, nagpapasaya, at pinahahalagahan ang kagandahan ng isang babae.

Lahat naman ng lalaki ay may nakatagong “Macho Gwapito” attitude sa kanilang sarili. ‘Yun nga lang, hindi nila alam kung paano ito gagamitin. Para lang itong espada na dapat lang ay hasain sa paglipas ng panahon. Ngunit ang karamihan sa mga lalaki ay takot na ipakita ito sa karamihan. Ultimo nga si Preisdente Noynoy ay masasabi kong macho gwapito dahil bukod sa may panagalan ay kinagigiliwan ng maraming tao lalo na kapag ang buhay-pag-ibig na niya ang pinag-uusapan.

Sa aking palagay, hindi naman masamang maging macho gwapito. Basta alam lang natin na may limitasyon tayo bilang isang lalaki. Sa ayaw man natin at gusto, talagang nakakasakit ng kalooban ng isang babae ang mga katulad nila (at kasama na ako doon). Pero kahit patong-patong na gulo at problema ang dulot nito, ang mahalaga sa puntong ‘iyon kahit minsan ay naramdaman ng mga kababaihan na espesyal at pinahalagahan nila ng isang lalaki. Hindi man ito permanente pero ang makaranas ng ganung pakiramdam ay masasabing kaligayahan buhat sa langit (na may sabit) kung maituturing.

Kaya ako, hindi ko na kasalanan na Macho Gwapito ako. Kung anuman nag katangian ko na nakikita sa panlabas, ang kabutihan sa aking kalooban ay hindi maapektuhan ng isinumpang bansag na ito sa akin.

No comments:

Post a Comment