Tuesday, November 9, 2010

Epiko 50: "Mas Gugustuhin Ko Pang Tamaan ng Kidlat Kaysa Manalo ng Jacpot Prize sa Lotto"



Pumunta ako sa palengke kanina dahil nabilataan ko kahapon na nasa mahigit P340,000,000 na ang jackpot prize sa lotto. Nang pumunta ako doon, napakadaming tao ang nagtitiyagang pumila upang makataya. Isa ako sa milyung-milyong Pilipino na umaasa na baka sakaling palarin na makuha ang pinakaasam na ginhawa sa buhay.
Matapos kong tumaya ay pumunta ako sa aking suking mag-iihaw upang bumili ng kanyang tinda upang ulamin sa pananghalian ko. Habang niluluto niya ang bente pesos kong tinuhog na taba, napansin ko na kausap iya ang isang tindero ng buko at maglalako ng tuwalya. Pinag-uusapan nila ang malaking jackpot prize sa lotto.

“Hindi totoong may nananalo ng ganung kalaki! Pinatatakam lang nila ang mga Pilipino para tumaya sila nang tumaya nang sa ganun ay tumaas pa lalo ang premyo.” wika ng tindero ng buko.

“At kung may mananalo man nang ganung kalaki ay paniguradong mitsa ‘yun ng kanyang buhay. Paniguradong kapag may nakaalam kung sino ang nanalo ng ganung kalaking halaga ay ikamamatay niya…” dugtong ng tindero ng tuwalaya habang hinihintay maluto ang kanyang isaw.

“Kaya nga ako, sa tagal-tagal ko nang tindero ng isaw ay di ko sinubukang tumaya sa lotto. Mahirap na. Mas pipiliin kong tamaan ng kidlat kaysa manalo ng ganung kalaking halaga.” Sabi ng tindero ng ihaw-ihaw habang inilalagay sa isang plastic na baso ang aking pinaluto.

Habang naglalakad ako pauwi, nagsimula kong isipin kung bakit nga ba ako tumataya sa lotto. Mahigit anim na taon ko na itong ginagawa simula noong ikasal ako. Ang pinakamataas ko na yatang nakuha sa premyong ito ay tumama ako ng tatlong numero – palit tiket lang. marahil ay isa din ako sa milyung-milyong Pilipino na naghahangad ng guminhawa ang buhay sa isang iglap. Naisip ko tuloy na kung pagsasama-samahin ang mga pera na itinataya ng tao sa lotto ay higit pa sa jackpot prize ito.

Ngunit ang malaking tanong ay bakit napakahirap manalo sa lotto?

Kung pagbabasehan ang probability method sa Mathematics, marahil ay may milyong-milyong kombinasyon ng numero ang lalabas na mas lalong nakapagpapalito sa mga mananaya ng lotto. Kung Numerology naman ang pagbabasehan (na nakikita sa mga Horoscope sa pahayagan na inaakala nating “lucky number” natin), marahil ay lima o mababa pa ang porsyento ng tsansa na lumabas ito. Kung titingnan naman natin ang mga numero ng ating buhay (tulad ng kaarawan, anibersaryo, bilang ng naging kasintahan, at marami pang iba), mukhang matatagalan o kaya ay walang pag-asang lumabas ito sa bola na kung minsan ay inaalagaan natin sa paglipas ng panahon. Ilan lamang ito sa paraan nating mga Pilipino upang pumili ng numero.

Pero di pa din nasasagot ang tanong ko. Marahil tulad ng lotto, hindi natin masasagot ang bawat numero na lumalabas sa tuwing sasapit ang ika-siyam ng gabi sa Channel 4. Natural na siguro sa atin ang sumugal sa laro ng buhay.Mentalidad na natin ang “bahala na si Batman”, “do or die na ‘to”, “Babawi na lang sa susunod,” at malamang hindi ako swerte ngayon” na nagiging sanhi ng ating pagka-ambisyon sa mga bagay na gusto nating makuha ng isang iglap. Tutal, sanay na tayo sa mga “instant” na pagkain at bagay sa ating paligid kaya mahirap na ito mawala sa isip nating mga Pinoy.

Ngunit tulad ng sinabi ng tindero ng isaw na mas mabuti nang tamaan ng kidlat kaysa manalo sa lotto, marahil ay may mga tao na naiisip pa din na ang lahat ay nakukuha sa sipag, tiyaga, pagsisikap at determinasyon upang makuha ang mga pangharap sa buhay. Lahat ay posible sa mundo kung gugustuhin natin itong maabot. Mahirap na ang umaasa palagi sa swerte dahil nagmumukha lang tayong kawawa kapag tayo ay patuloy na umaasa sa wala. Marahil kung tumataya pa din ako sa lotto, ginagawa ko pa din ang parte ko na mapaunalad ang aking sarili pati na din ang mga tao saking paligid tungo sa kabutihan.

1 comment:

  1. Guy's Tattin Titanium Toner - TITONICS!
    This titanium helix earrings TITONIC TATTIN Titanium Toner is a ford escape titanium 2021 T-Bone T. This T-Bone T. ford fusion titanium 2019 This T-Bone T. This T-Bone T. This T-Bone T. used ford edge titanium This T-Bone T. This T-Bone harbor freight titanium welder T. This T-Bone T.

    ReplyDelete