Thursday, November 25, 2010
Epiko 51: Isa Ka BAng Walang Kwentang Manlalaro ng DOTA?
Mahigit isang taon na ang nakakalipas ng mangyari ang isang madugo at karumal-dumal na pagpatay sa lupain ng Maguindano na nagmarka na sa bawat Pilipino at sa buong mundo. Marahil ay bumabalik pa din sa mga alaala ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay kapag nakakakita sila ng “backhoe” nagging simbulo na ito ng galit, lungkot at hinagpis sa nangyari masaker.
Hindi ako magbibigay ng opinyon ko sa kalagayan ng sistema ng hustisya sa Pilipinas dahil natural na ito ay mabagal at balimbing. Pero ang mas nababahala ako sa tensyon na nangyayari sa pagitan ng mga mamamahayag at sa mga nasa likod ng madugong krimen na kung saan ang buong sambayanan ay nakatutok sa paghatol sa mga nasasakdal.
Pero tulad ng inaasahan ko, mabagal ang nagyayaring pag-usad ng hustisya.
Maiba ako ng tatalakayin. Marahil ay alam mo na ang nagyayaring gulo sa pagitan ng North Korea at South Korea. Ang mga iniidolo nating mga artista mula sa katimugan ng Korea ay naghahanda sa mga oras na ito mula sa hilaga na kung saan bibihirang dayuhan ang naglakas loob na pumasok sa teritoryong may bakal na kurtina.
Natatakot lang ako dahil kahit na anong oras ay pwedeng sumiklab ang isang digmaan na kung saan na maaari tayong madamay.
Ano naman ang kaugnayan ng digmaang ito sa Maguindanao Massacre?
Simple lang – marami sa atin ay walang pakialam sa mga nahihirapan, nadadamay at nakakaunawa sa nangyayari. Marahil ay natural na sa tao ang hindi makialam sa mga nangyyayari sa kanyng paligid dahil natatakot siya na maaaring ikapahamak niya ito. Ayon nga sa tula ni Pablo Neruda na “The United Fruit Company” na may nakakagulat na mga wika tulad nito:
“Meanwhile, Indians are falling
Into the sugared chasms
Of the harbors, wrapped
For burial in the mist of the dawn:
A body rolls, a thing
That has no name, a fallen cipher,
A cluster of dead fruit
Thrown down on the dump”
Sa tulang ito (kung babasahin mo ng buo), nagpapakita ito ng epekto ng kolonyalismo sa isang bansa. Ngunit ang nakaktakot na epekto nito ay ang kawalan ng pagiging makabayan dahil sa patong patong na kulturang banyaga na ipinupukpok sa atin hanggang sa tuluyan na tayong mahugasan ang ating isipan.
Dahil sa sitwasyon na ito, mas madali tayong mapahamak dahil wala tayong kamuwang-muwang sa nangyayari.
Alam natin na matatalino at magagaling sa akademya at teknolohiya ang mga kabataan natin ngunit sila ay tulad lang ng mga characters sa DOTA na minamaniobra ng kung sinu-sinong manalalaro. Alam natin na magaling Pilipino ngunit sila ay pinagagalaw na hindi nila namamalayan na sila ay ginagamit na ng kanilang nabulok na mentalidad.
Eh ano naman kung magaling ka sa DOTA? Magagamit mo ba ang galing na ‘yan kapag sumiklab ang isang digmaan? Matutulungan ka ba ni Kardel o Magina kapag nakatutok na ang baril ng kaaway sa ‘yo? Kung ginagamit mo ang galing mo sa estratehiya sa pagresolba ng mga problema tulad ng mabagal na pag-usad ng hustisya sa Maguindanao sa pamamagitan ng pakikiisa o paggawa ng mga bagy na magmumulat sa kamalayan ng iyong mga kababayan eh di sana hindi tayo narito sa sitwasyon na ito.
Ang punto ko lang, gamitin natin ang talino at talas ng isipan sa mga bagay na alam nating makakatulong sa ating kalagayan para sa kinabukasan. Dapat ang pag-iisip ng bawat isa sa atin ay may pagka-futuristic at hindi itinatali sa mentalidad na habambuhay nating dadalhin sa ating hukay.
Kahit naman hamunin mo ako ng DOTA at manalo ka eh ang sitwasyon mo eh ganun pa din… talo ka pa din sapagkat dahil wala ka pang ginagawa para makuha ang pagbabago na hinahangad mo. Ang dapat mong paghandaan ay ang maaring mangyari sa ‘yo, sa ‘yong mga kamag-anak at sa mga iba pang minamahal mo sa buhay na kahit anong oras ay pwedeng mapahamak. Tumayo ka at magmasid.
Walang mawawala sa ‘yo kung gagampanan mo ang tungkulin na dapat mong gawin dahil ito ay pra sa ikabububti ng lahat.
Tuesday, November 9, 2010
Epiko 50: "Mas Gugustuhin Ko Pang Tamaan ng Kidlat Kaysa Manalo ng Jacpot Prize sa Lotto"
Pumunta ako sa palengke kanina dahil nabilataan ko kahapon na nasa mahigit P340,000,000 na ang jackpot prize sa lotto. Nang pumunta ako doon, napakadaming tao ang nagtitiyagang pumila upang makataya. Isa ako sa milyung-milyong Pilipino na umaasa na baka sakaling palarin na makuha ang pinakaasam na ginhawa sa buhay.
Matapos kong tumaya ay pumunta ako sa aking suking mag-iihaw upang bumili ng kanyang tinda upang ulamin sa pananghalian ko. Habang niluluto niya ang bente pesos kong tinuhog na taba, napansin ko na kausap iya ang isang tindero ng buko at maglalako ng tuwalya. Pinag-uusapan nila ang malaking jackpot prize sa lotto.
“Hindi totoong may nananalo ng ganung kalaki! Pinatatakam lang nila ang mga Pilipino para tumaya sila nang tumaya nang sa ganun ay tumaas pa lalo ang premyo.” wika ng tindero ng buko.
“At kung may mananalo man nang ganung kalaki ay paniguradong mitsa ‘yun ng kanyang buhay. Paniguradong kapag may nakaalam kung sino ang nanalo ng ganung kalaking halaga ay ikamamatay niya…” dugtong ng tindero ng tuwalaya habang hinihintay maluto ang kanyang isaw.
“Kaya nga ako, sa tagal-tagal ko nang tindero ng isaw ay di ko sinubukang tumaya sa lotto. Mahirap na. Mas pipiliin kong tamaan ng kidlat kaysa manalo ng ganung kalaking halaga.” Sabi ng tindero ng ihaw-ihaw habang inilalagay sa isang plastic na baso ang aking pinaluto.
Habang naglalakad ako pauwi, nagsimula kong isipin kung bakit nga ba ako tumataya sa lotto. Mahigit anim na taon ko na itong ginagawa simula noong ikasal ako. Ang pinakamataas ko na yatang nakuha sa premyong ito ay tumama ako ng tatlong numero – palit tiket lang. marahil ay isa din ako sa milyung-milyong Pilipino na naghahangad ng guminhawa ang buhay sa isang iglap. Naisip ko tuloy na kung pagsasama-samahin ang mga pera na itinataya ng tao sa lotto ay higit pa sa jackpot prize ito.
Ngunit ang malaking tanong ay bakit napakahirap manalo sa lotto?
Kung pagbabasehan ang probability method sa Mathematics, marahil ay may milyong-milyong kombinasyon ng numero ang lalabas na mas lalong nakapagpapalito sa mga mananaya ng lotto. Kung Numerology naman ang pagbabasehan (na nakikita sa mga Horoscope sa pahayagan na inaakala nating “lucky number” natin), marahil ay lima o mababa pa ang porsyento ng tsansa na lumabas ito. Kung titingnan naman natin ang mga numero ng ating buhay (tulad ng kaarawan, anibersaryo, bilang ng naging kasintahan, at marami pang iba), mukhang matatagalan o kaya ay walang pag-asang lumabas ito sa bola na kung minsan ay inaalagaan natin sa paglipas ng panahon. Ilan lamang ito sa paraan nating mga Pilipino upang pumili ng numero.
Pero di pa din nasasagot ang tanong ko. Marahil tulad ng lotto, hindi natin masasagot ang bawat numero na lumalabas sa tuwing sasapit ang ika-siyam ng gabi sa Channel 4. Natural na siguro sa atin ang sumugal sa laro ng buhay.Mentalidad na natin ang “bahala na si Batman”, “do or die na ‘to”, “Babawi na lang sa susunod,” at malamang hindi ako swerte ngayon” na nagiging sanhi ng ating pagka-ambisyon sa mga bagay na gusto nating makuha ng isang iglap. Tutal, sanay na tayo sa mga “instant” na pagkain at bagay sa ating paligid kaya mahirap na ito mawala sa isip nating mga Pinoy.
Ngunit tulad ng sinabi ng tindero ng isaw na mas mabuti nang tamaan ng kidlat kaysa manalo sa lotto, marahil ay may mga tao na naiisip pa din na ang lahat ay nakukuha sa sipag, tiyaga, pagsisikap at determinasyon upang makuha ang mga pangharap sa buhay. Lahat ay posible sa mundo kung gugustuhin natin itong maabot. Mahirap na ang umaasa palagi sa swerte dahil nagmumukha lang tayong kawawa kapag tayo ay patuloy na umaasa sa wala. Marahil kung tumataya pa din ako sa lotto, ginagawa ko pa din ang parte ko na mapaunalad ang aking sarili pati na din ang mga tao saking paligid tungo sa kabutihan.
Sunday, November 7, 2010
Epiko 49: “Hindi Ko Na Kasalanan na Macho Gwapito Ako”
Hindi ko sinasadyang makapanood ng “The Bottom Line” ni Boy Abunda dahil hindi ako makatulog gawa ng LBM ko. Sa mga oras na ‘yon, kinakapanayam niya si Rico J. Puno, na kilalakng “The Total Entertainer” noong dekada sistenta at otsenta. Marahil ay kilala niyo siya dahil sa mga awitin niyang “The Way We Were” (na sariling rendition niya mula kay Barbara Striesand na hinaluan ng wikang Filipino), “Magkasuyo Buong Gabi” (ka-duet si Elsa Chan), “Sorry na, Pwede Ba? (Na ni-revive ng Brownman Revival) at ang walang kamatayan (at personal kong paborito) na “Macho Gwapito” na talaga namang tumatak sa mentalidad ng mga Pilipino at masasabing alamat na ng OPM (Original Pinoy Music).
Habang pinapanood ko ang nasabing programa, nakita ko ang pagkakapareho namin ni Rico J. Puno sa maraming aspeto. Una, ang tunay niyang pagkatao na maka-Diyos, maka-masa at mahilig sa musika ay natatakpan ng kanyang mga awitin na nagbibigay ng masamang imahe sa kanya. Pangalawa, malakas ang appeal niya sa babae noong kabataan niya. At pangatlo, malakas ang sense of humor niya na naging susi sa kanyang katanyagan. Kahit noong bata pa ako ay di ko napapansin ang kanyang kasikatan, naging bahagi siya ng aking pagkatao na aking tinataglay ngayon.
May gusto akong tumbukin dito sa aking isinusulat ngayon – ang pagkakaroon ng kumpyansa sa sarili at lakas ng loob sa bawat pagsubok na hinaharap ay hindi madali sa mga katulad namin na macho gwapito (daw). Ayon kay Charles Horton Cooley, ang nagtatag ng “symbolic interactions school of sociology”, naniniwala siya na ang produkto ng ikinikilos ng isang tao ay bunga ng pakikihalubilo niya sa mga tao sa pamayanan. Ang mga ikinikilos, pag-iisip at pananaw sa buhay ay batay sa kung ano ang gusto ng ibang tao na makita nila sa kanyang sarili. Ang koneptong ito ay para ka lang nakaharap sa salamin – na kung ano nag nakikita mo ay iyon ang makukuha mo.
Sa ikinikilos ng mga pabloy, babaero, chickboy, playboy, macho gwapito at kung ano man ang tawag mo sa kanila, hindi mo sila agad maiintindihan dahil sa kanilang ikinikilos at kung paano sila makuharap sa tao (partikular na sa mga babae). Pero may malalim na kahulugan sa mga katangian ng mga taong ito (tulad ko) kung bakit kahit anong iwas nila ay talagang hindi na mawala sa kanila ang tatak na ‘yon na negatibo sa paningin ng iba.
Marahil sa aspetong ito, himayin natin ang mga liriko ng awiting Macho Gwapito:
“Sinong magsasabi na ako’y masaya/Na walang problemang nadarama?/Sa bawat hakbang ng aking daan,/Laging mayro’ng nobya, laging may problema.
“Kung sa pakapalan lamang naman,/Di sinasadyang ako ay ganyan./Kay dalas masubo sa alangan./Masaya nga ngunit, laging nasasabit.”
Hindi ganung kadali ang pakiramdam ng binansagang pabloy, babaero, chickboy, playboy, macho gwapito at kung ano man ang tawag mo sa kanila. Tao din sila na nagkataon na ang problema ay lapitin at habulin ng mga babae. Hindi natin masisisi kung sila ay maginoo, mapagmahal, nagpapasaya, at pinahahalagahan ang kagandahan ng isang babae.
Lahat naman ng lalaki ay may nakatagong “Macho Gwapito” attitude sa kanilang sarili. ‘Yun nga lang, hindi nila alam kung paano ito gagamitin. Para lang itong espada na dapat lang ay hasain sa paglipas ng panahon. Ngunit ang karamihan sa mga lalaki ay takot na ipakita ito sa karamihan. Ultimo nga si Preisdente Noynoy ay masasabi kong macho gwapito dahil bukod sa may panagalan ay kinagigiliwan ng maraming tao lalo na kapag ang buhay-pag-ibig na niya ang pinag-uusapan.
Sa aking palagay, hindi naman masamang maging macho gwapito. Basta alam lang natin na may limitasyon tayo bilang isang lalaki. Sa ayaw man natin at gusto, talagang nakakasakit ng kalooban ng isang babae ang mga katulad nila (at kasama na ako doon). Pero kahit patong-patong na gulo at problema ang dulot nito, ang mahalaga sa puntong ‘iyon kahit minsan ay naramdaman ng mga kababaihan na espesyal at pinahalagahan nila ng isang lalaki. Hindi man ito permanente pero ang makaranas ng ganung pakiramdam ay masasabing kaligayahan buhat sa langit (na may sabit) kung maituturing.
Kaya ako, hindi ko na kasalanan na Macho Gwapito ako. Kung anuman nag katangian ko na nakikita sa panlabas, ang kabutihan sa aking kalooban ay hindi maapektuhan ng isinumpang bansag na ito sa akin.
Thursday, November 4, 2010
Epiko 48: "Ang Pagbabalik" ( Ang Karugtong ng Epiko 6)
Isa sa mga dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Undas o Araw ng mga Patay ay para alalahanin natin ang ating mga namayapang mahal sa buhay. Kahit na minsan ay kinukwestyon tayo ng ibang relihiyon tungkol dito, ito ay isa nang tradisyon nating mga Pilipino na kahit anong kontra o batikos mula sa kanila ay hindi na mawawala. Kahit na sabihin na patay na at hindi na nila ito makikita, nagsisilbi itong araw para sa mga pamilya na magsama-sama sa piling ng mga namayapa.
Pero may kwento ako sa inyo na mukhang pamilyar dahil nabasa niyo ito sa isa sa aking mga epiko.
Ika- 3 ng Nobyembre na ako nakadalaw sa puntod ng aking yumaong anak para alayan siya ng bulaklak at kandila. Habang taimtim akong nagdarasal sa kanyang kaluluwa, napansin ko ang isang lalaki na pamilyar sa akin na dumaan sa aking likuran – ang lalaki sa EPIKO 6 ng aking akda (basahin mo muna bago mo ito ituloy) na madugo at brutal kong nasaksihan ang paghihiwalay ng kanyang girlfriend dito din sa sementeryo. Mag-isa lang siya na naglalakad na may dalang bulaklak, kandila at isang bote ng alak.
Ibang-iba na siya di tulad noong una ko siyang makita – mas kagalang-galang ang hitsura niya at kakikitaan mo ng kisig at talino sa kanyang pananamit. Hindi ko ba alam kung anong pumasok sa isip ko at sinundan ko uli siya papunta sa kanyang dadalawin. Nakita ko na papunta siya sa lugar kung saan nakita at nasaksihan ko ang kanilang break-up pitong buwan na nag nakakaraan. Sa lugar na ‘yon, nagsimula siyang magtirik ng kandila at mag-alay ng bulaklak sa my tabi ng nitso. Kasunod nito ay ang pagbubuhos ng alak sa paligid. Nagsimula siyang magdasal , at narinig ko ito.
“Ngayong tahimik na ang buhay ko, sana ay matahimik na din ang kaluluwa mo na sinusunog sa impyerno. Napatawad na kita ngunit ang sarili mo ay di mo pa din napapatawad sa ginawa mong pagwawalanghiya mo sa akin. ‘Yan ang nararapat sa ‘yo… Masaya ako dahil nakilala kita dahil kung hindi dahil sa ‘yo, hindi ko makikilala ang aking sarili. Alam kong katangahan ang ginagawa kong pagtitirik ng kandila kahit buhay ka pa sa lugar kung saan sinira mo ang pagkatao ko. Pero kahit na ganun ang nangyari, naniniwala ako na lahat ng nangyari sa atin ay may dahilan. Tanggap ko na ang nangyari sa kapalaran natin at ito na ang huli kong pagpunta at paggunita sa ating madilim na kabanata ng buhay ko.”
Habang sinasambit niya ang mga salitang iyon ay di ko namalayan na unti-unti nang pumapatak ang luha sa aking mga mata. Naramadaman ko na parang ang lahat ng kaluluwa sa bawat puntod na naroon ay nakisentimyento sa dasal ng lalaking minsang nakita kong ginawang tanga ang sarili sa harap ng isang babae na (sa tingin ko lang) ay hindi karapat-dapat sa kanya. Sa mga oras na ‘yon, lumapit ako sa lalaki at nagtanong. Ngunit nang humarap siya sa akin ay nagulat ako sa aking nakita – kahawig na kahawig ko siya na parang kambal kami.
“Kamusta Emong!” wika niya sa akin na aking ikinagulat. Tinanong ko siya kung bakit niya ako kilala.
“Ako ay ikaw ngunit ikaw ay hindi ako. Narito ako upang magpaalam.” dugtong niya na parang nagpagulo sa isip ko. Nang lumapit siya sa akin ay kinamayan niya ako at biglang siyang nawala sa aking paningin. Ang tanging naiwan na lang sa kinatatayuan ko ay ang itinirik niyang kandila at bulaklak.
Naalala ko bigla ang nangyari noong nasaksihan ko ang kanilang paghihiwalay. Bigla akong natawa at napaisip dahil napagtanto ko na katulad ko siya dati – na mahina, na nagmukhang-tanga, na naging bingi at higit sa lahat, naging bulag sa pag-ibig. Ngayon, natuto na ako sa aking karanasan at masasabi ko sa sarili ko na hindi na ako katulad ng dati. Sa aking pagbabalik, ipapakita ko sa buong mundo ang aking ebolusyon… na kasingbilis ng liwanag at walang sinuman ang makakapigil sa aking mabilis na pagbabago.
Sa buhay natin, may mga masasama tayong karanasan at alaala na ayaw na nating maulit. Ngunit mahirap itong kalimutan. Ngunit sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at taas noong paglalakad at magpatuloy sa buhay mula sa masakit na pagkakadapa, mamamalayan na lang na may mga tao at mga pangyayari na mas maganda pa kaysa sa nakaraan. Ito marahil ang natutunan ko sa aking “recovery stage” hanggang sa masasabi ko na talagang maayos na ako ngayon. Ang iniisip ko na lang ay ang aking sarili na kung paano ko maaabot ang lahat ng pangarap ko sa buhay.
Ewan ko ba kung minamaligno ako noong mga oras na ‘yon. Pero malinaw sa akin kung sino ang nakita ko – Ang multo ng aking kahapon na nagpapaalam na sa akin.
Subscribe to:
Posts (Atom)