Thursday, January 27, 2011
Epiko 69: "Ang Guro, Ang Estudyante at ang Kodigo"
May ikukuwento ako sa inyo.
Sa isang exam, hindi sinasadyang naibigay ng guro ang answer keys sa isang estudyante. Sa mga oras na ‘yon, nagdalawang isip ang mag-aaral kung sasabihin niya o itatanong niya na may problema sa test paper. Bagama’t alam niya ang mga sagot sa exam, itinuloy pa niya ang pagsasagot kahit medyo nag-aalangan siya.
Dumating sa punto na nagtaka ang guro na nawawala ang ang kodigo niya ng mga sagot. Nang inisa-isa niya ang mga papel ng ng mga estudyante, napag-alaman niya na nasa isang estudyanteng nag-aalangan ang mga sagot sa exam. Sa mga sandaling iyon, kinastigo niya ang estudyante na bakit di niya sinabi na nasa kanya ng mga sagot.
Napaisip tuloy ang estudyante ganun din ang guro sa kalagitnaan ng exam.
Kahit nagsinungaling ang estudyante na hindi niya alam na napunta sa kanya ang mga sagot, nasubukan ang tunay niyang pagkatao. Sa katunayan, nakonsiyensya siya sa nangyari.
Ngunit dahil ayaw masira ang dangal at reputasyon bilang estudyante, hinamon niya ang guro na sagutin ang natitirang bahagi na kung saan walang nakasulat na sagot. Bagama’t may kahirapan at limitado ang oras, ginawa niyang sagutin ang mga natitirang bahagi ng exam na kung saan kailangang suriin ang isang tula. Natapos niya ito sa tamang oras kahit na may sagot.
Nang matapos ang exam, humingi siya ng paumanhin at tawad sa guro.
Sa buhay natin, may mga pagkakataon na nagkakamali at natutukso tayo. Normal lang ‘yan sapagkat tao lang tayo. Hindi ibig sabihin nito na kapag nagkamali ay hayaan na lang itong palipasin dahil sa dahilan na ito. Kailangan nating gumawa ng paraan para ituwid ito dahil kung hindi, masisira ang dangal, kredibilidad, pagkatao at reputasyon natin sa ibang tao. Sa kwentong ibinahagi ko sa inyo, isa itong malinaw na sitwasyon na kung saan ipinapakita na mahina ang bawat isa sa atin pagdating sa tukso. Simple man o komplikado, tayo ay nagiging makasarili na nagbubunga ng ating kapahamakan.
Thursday, January 20, 2011
Epiko 68 - "Para Sa Mga Nakalunok ng Pakwan"
Alam na natin ang kasabihan na kapag nagdadalang-tao ka, ang isang paa mo ay nasa hukay na. ito ay sa kadahilanang masyadong maselan at delikado ang pagkakaroon ng bata sa loob ng sinapupunan ng isang babae. Bukod sa nagkakaroon ng pagbabago sa loob at labas ng katawan nito, nagiging dahilan din ito ng iba’t-ibang pangyayari na hindi natin inaakalang mangyayari na maaaring magbago sa buhay ng kahit sino sa atin.
Isang halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng isang abnormal na anak. Mula sa aking natatandaan noong nakuha pa ako ng Developmental Anatomy sa aking kursong beterinaryo, maraming dahilan kung bakit ito nakukuha. Una, maaaring ito ay namamana. Pangalawa, maaring nagkaroon ng isang sakit ang babae na nakaapekto sa pagbubuntis nito. Pangatlo, ang mga pagkain o gamot na kanyang tinatanggap ay nagkaroon ng reaksyon na nakaapekto sa pagbuo ng bata sa sinapupupnan. At pang-apat, hindi tugma ang DNA o sex chromosomes ng lalaki at babae na posibleng naging dahilan ng abnormalidad. Iba’t-ibang klase ang abnormalidad ng isang indibidwal. Maaring ito ay pisikal (halimbawa ay kulang ang mga daliri sa paa, bingot, may butas ang puso atbp.) o di kaya ay mental (halimbawa ay Down’s Syndrome, ADHD o pagiging Autistic).
May pagkakataon din na ang babaeng nagdalang-tao ay makaranas din ng iba’t-ibang komplikasyon o problema sa kanyang kalusugan. Isa na dito ang kung tawagin ay Post Natal Depression na kung saan ay nagkakaroon ng problema sa pag-iisip ang isang nanganak na kung saan ayaw niyang hawakan o kilalanin ang kanyang iniluwal na sanggol. Mayroon din naman na kung tawagin sa terminong Filipino ay
“Eclamsia” na nagkakaroon ng pamamanas na nagigng sanhi ng pagkasakal sa sanggol sa lood ng katawan na maaring ikasawi ng parehong bata at ina.
Ang aking mga nabanggit ay ilan lamang sa mga problemang nakakaharap ng mga inang nagdadalang-tao. Hindi man ako doktor, may ilang payo ako na gusto kong ibahagi sa mga taong may balak magbuntis o di kaya ay nabuntis na. Ang pagkakaroon ng anak sa loob ng sinapupunan ay hindi biro. Naranasan ko nang mawalan ng anak mula sa pagbubuntis ng akong asawa at labis ko itong dinamdam. Ginawa ko ito para hindi na maranasan ng ibang nagbubuntis ang nangyari sa akin.
Una, siguraduhing handa na ang pisikal at mental na pangangatawan bago magbuntis. Ayon sa mga Obigyne o OB (mga doktor na dalubhasa sa anatomikal at pisholohikal sa katawan ng isang babae), mahalaga ito sapagkat kapag ang kondisyon ng babae ay normal, hindi ito mahihirapan magbuntis sa kadahilanang maayos at nasa kondisyon ang pangangatawan nito.
Pangalawa, siguraduhing may sapat na ipon o matatag na trabaho ang asawa o ka-partner. Ang bawat hakbang na gagawin ng nagdadalang-tao ay may kaukulang gastos. Dapat itong paghandaan.
Pangatlo, bigyang pansin ang mga kinakain. Mahalagang tingnan ang bawat kinakain ng isang buntis. Tama at balanseng pagkain ng gulay, prutas, isda at karne ay isang malaking tulong para mabigyan ng tamang nutrisyon hindi lamang ang nagbubutis pati na din ang sanggol na nasa sinapupunan nito. Ang pag-iwas sa mga pagkain at inumin tulad ng junk foods, softdrinks, tsokolate at alak ay makakatulong para maiwasan ang abnormalidad ng nagbubunits at ng batang nasa sinapupunan.
Pang-apat, iwasan ang ma-stress. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng problema ang nagbubunti at ang sanggol na dinadala nito. Ang stress ay maaring pisikal (trabaho, panahon o mga tao sa kapaligiran) o kaya ay emosyonal (problemang pinansiyal, away ng mag-asawa, atbp.) hangga’t maari, iwasan ag mga problemang ito para sa kapakanan ng bata at ng ina nito.
Panglima, may regular na pagkonsulta sa doktor. Ito ay makakatulong upang maalagaan ang kalusugan at kondisyon ng ina pati na din ang sanggol na dinadala nito. Alam nila ang makakabuti sa mga nagdadalang-tao kaya dapat na sudin lang ang kanilang payo.
At ang pinakahuli, disiplina. Hindi magkakaroon ng katuparan ang naunang limang payo kung walang disiplina ang nagdadalang-tao.
Hindi madali ang pagbubuntis na parang dumumi ka lang sa banyo at tapos na. Dapat nating isipin na lahat tayo ay nagdaan sa sitwasyon na ipinagdalang-tao tayo ng ating mga magulang at naghirap din sila. Nararapat din na ingatan ng mga babae ang kanilang sarili sa panahon na ito nang sa ganun ay mabuhay ng normal at masaya ang isang pamilya.
Thursday, January 13, 2011
Epiko 67: "Ang Sumpa Ay Walang Resibo"
Mayroon akong isang kwento na siguradong mapapaisip kayo.
Isang magkasintahan ang naghiwalay sa kadahilanang may iba nang mahal ang babae. Dinamdam ito ng lalaki at halos masira ang buhay nito dahil sa nangyari. Buong akala ng lalaki ay totoo ang mga salita at kilos ng babae sa kanya – ngunit nagakamali siya.
Isang gabi, habang umuulan at naglalakad pauwi sa kanilang bahay, isinigaw niya ang isang isumpa na habambuhay na pagsisisihan ng babae ang ginawa sa kanya. Kasunod nito, isang malakas na kidlat ang lumabas na nagpakita sa isang galit at lumuluhang lalaki.
Lumipas ang ilang buwan, natanggap na ng lalaki ang katotohanan. Sa tulong ng mga kanyang kaibigan at mga bagong nakilala, naisip niya ang isang bahagi ng buhay na kailanagang mabuhay ng masaya at tanggapin ang katotohanan nang sa ganun ay maging matatag at malakas na tao siya. Tila nakaliumutan na niya ang isang bahagi ng kanyang nakaraan na halos sumira sa knayang pagkatao.
Sa kabilang banda, ang babae ay aksidenteng nabuntis ng kanyang bagong kasintahan. Hindi naging madali ang kanyang sitwasyon dahil ang kanyang kinakasama ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral at mayroong hindi maayos na pamumuhay. Ngunit sa kabila nito ay pinipilit niyang panindigan ang kanyang ginawa dahil ginusto niya ito.
Hanggang sa magkita silang muli. Ang lalaki ay muli nang nakakangiti at may maayos nang buhay samanatalang ang babae ay nasa ikaanim na buwan ng kanyang pagdadalang-tao. Sa bawat oras na magkalapit sila, wala na ang dating matamis na samahan na tinginan.
Ngunit may isang bagay ang nagdudugtong sa kanila – ang sumpa ng lalaki noong dinurog ng babae ang kanyang puso.
Isang masamang balita ang dumating nang malaman ng lalaki na kritikal ang buhay ng kanyang dating kasintahan. Anumang oras ay pwede itong bawian ng buhay at ang kanyang dinadala.
Lumapit ang lalaki sa isang kaibigan nat ikinuwento ang buong pangyayari at ang sitwasyon nila ngayon. Hindi mapigilan na sisihin ng lalaki ang kanyang sarili dahil sa sumpa na ibinigay nito sa kanya. Ayaw niyang mahirapan ang dati niyang kasintahan ngunit wala siyang magawa.
“Ang sumpa ay walang resibo. Ibig sabihin, hindi mo na ito mababawi pa.” wika ng kanyang kaibigan.
Makalipas ang isang linggo, namatay ang babae. Habang nagluluksa ang lahat, ang lalaki ay nanatili na lang sa isang sulok at ipinagdasal ang kaluluwa nito na matahimik na. Pagkatapos nito, bumalik na sa normal ang lahat.
Isang kakatwa ngunit totoong nangyayari sa kasalukuyan na may mga salita tayong nabibitawan na kung minsan ay nagkakatotoo – mabuti man o masama. Hindi katulad ng karma, ang sumpa ay walang kapalit. Ito hindi mo na lang inaasahan na dadating sa taong pinagbigyan nito. At mas malala pa dito ay hindi mo alam kung anong pinsala ang kayang gawin nito sa taong binigyan mo nito. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi mo dapat ito pagsisisihan dahil sa maitim ang dila mo o di kaya ay maysa-mangkukulam ang lahi (huwag naman sana) mo. Natural at normal lang sa tao na nagsasalita ng isang sumpa lalo na kapag galit. Ngunit mag-ingat pa din sa bibitawan na salita sapagkat hindi mo masasabi na mabuti ang epekto nito sa ‘yo.
Inuulit ko, ang sumpa ay walang resibo na hindi mo pwedeng bawiin. Hindi hihinto ang mundo para lang sa isang tao. Ang mga salitang binibitawan na may kasamang galit at paghihiganti ay isang indikasyon na tayo ay tao na may nararamdamang emosyon at may salita na makapangyarihan na pwedeng kumitil o magligtas ng buhay.
Epiko 66:"Eh Ano Ngayon Kung Matalino Ka?"
Isang kwento mula sa libro ni Francis J. Kong na “Only the Real Matters” ang nagbigay ng isang katawa-tawa ngunit malaman na aral. Heto ang kwento:
May isang maliit na pampasaherong eroplano. Laman nito ang apat na tao – ang piloto, isang ministro, isang ama at isang binatilyo na may nagtapos ng pag-aaral na may mataas na marka at palaging nangunguna sa klase. Habang nasa himpapawid, sinabi ng piloto na may problema ang eroplano – naubusan ito ng gasolina at kahit anong oras ay babagsak sila at mamamatay. Ang masama pa nito, tatlo lang ang parachutes na nasa loob ng eroplano.
Inisip ng piloto na gumawa ng paraan para iligtas ang mga pasahero. Lumapit sa kanya ang ama at sinabing “Naghihintay ang aking asawa at talong anak sa aking pagbabalik. Marami pa akong responsibilidad na dapat kong gawin. Pasensya ka na pero kailanangan ko ang parachute para makaligtas.” Agad na kinuha ng ama ang parachute at tumalon sa bintana.
Sumunod na lumapit ang estudyanteng matalino sa piloto at sinabing “Palagi akong inihahalal sa klase bilang pinakamagaling at laging nangunguna sa lahat ng larangan. Malay niyo, ako ang makadiskubre ng gamot sa sakit na AIDS o masolusyonan ang paghihirap ng ekonomiya sa daigdig. Kailangan ako ng buong mundo! Umaasa sila sa akin!” at hinablot niya ang ikalawang parachute at tumalon sa pinto ng eroplano.
Lumapit ang ministro sa piloto ng buong hinahon at sinabing “Anak, kunin mo na ang sunod na parachute. Tanggap ko na ito at ibinigay ko na sa Diyos ang aking sarili at handa akong bumgsak kasama ng eroplanong ito. Kaya kunin mo na ang sunod na parachute at tumalon ka na bago pa mahuli ang lahat.”
“Relax lang po kayo Sir.” wika ng piloto. “Ang lalaking matalino at magaling sa klase at palaging nananalo na tumalon kani-kanina lang ay kinuha ang aking knapsack. Meron pa tayong tig-isang parachute sa ating dalawa.”
Nakakatawa di ba?
Pero mamalim ang pakahulugan nito.
Sa ating paligid, marami tayong mga kilalang matalinong tao, ang iba sa kanila, pakiramdam nila ay alam na nila ang lahat lalo na sila ay nasa kilalang unibersidad o paaralan. Malakas ang loob nilang mambatikos, manliit ng kakayahan ng ibang estudyante at nagpapasikat na kalimitan ay nakakainsulto o nakakasakit na sila ng damdamin ng iba.
Pero ang hindi nila alam ay marami pa silang hindi alam sa mundo.
Tulad na lang ng lalaking matalino na tumalon sa eroplanong pabagsak. Akala niya ay alam na niya ang lahat. Ngunit ang resulta ay ang kanyang kapahamakan dahil sa knapsack ang nakuha niya na maaari niyang ikamatay.
Ganito din sa tunay na buhay. May mga matatalinong tao na kinukwestyon at binabatikos ang kanilang mga kasamahan dahil dumedepende lang sila sa kanilang alam ngunit hilaw pa sila sa karanasan. Ito ang nagiging susi kung bakit sila nabibigo o di kaya ay sila ay nawawalan ng respeto dahil hindi lang nila sinisira ang kanilang trabaho o samahan kundi pati na din ang kanilang karerang pinasok.
Sa tingin mo ba ay ganito ka? Subukan mong magmuni-minuni sandali.
Ano ang aral dito? Simple lang, kapag nagkamali ka, hindi lang ikaw ang mapapahamak kundi (kapag minamalas) pati ang iba. Bukod sa nag-aaral ka, dapat ay maging mapagmasid ka din sa paligid mo. Kailangan mong mag-aral pa nang sa gaoon ay mas mapaglalim mo pa ang iyong sarili.
Kung sa tingin mo ay matalino ka, kailangnan mo itong gamitin sa tamang paraan sapagkat isang maling galaw ay isang malaking kapahamakan. Hiram lang ang talino ula sa Diyos kaya hindi ito dapat ipagyabang. At higit sa lahat, kailangang hindi maputol ang komuniksyon sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim at bukal sa puso na pananalangin.
Dadating din ang panahon na susubukin ka ng tadhana na maarng maihalintulad sa pabagsak na eroplano. At kapag dumating ang araw na ‘yon, ang iyong makukuha at parachute na… at hindi ang knapsack ng iba.
Subscribe to:
Posts (Atom)