Thursday, January 13, 2011
Epiko 66:"Eh Ano Ngayon Kung Matalino Ka?"
Isang kwento mula sa libro ni Francis J. Kong na “Only the Real Matters” ang nagbigay ng isang katawa-tawa ngunit malaman na aral. Heto ang kwento:
May isang maliit na pampasaherong eroplano. Laman nito ang apat na tao – ang piloto, isang ministro, isang ama at isang binatilyo na may nagtapos ng pag-aaral na may mataas na marka at palaging nangunguna sa klase. Habang nasa himpapawid, sinabi ng piloto na may problema ang eroplano – naubusan ito ng gasolina at kahit anong oras ay babagsak sila at mamamatay. Ang masama pa nito, tatlo lang ang parachutes na nasa loob ng eroplano.
Inisip ng piloto na gumawa ng paraan para iligtas ang mga pasahero. Lumapit sa kanya ang ama at sinabing “Naghihintay ang aking asawa at talong anak sa aking pagbabalik. Marami pa akong responsibilidad na dapat kong gawin. Pasensya ka na pero kailanangan ko ang parachute para makaligtas.” Agad na kinuha ng ama ang parachute at tumalon sa bintana.
Sumunod na lumapit ang estudyanteng matalino sa piloto at sinabing “Palagi akong inihahalal sa klase bilang pinakamagaling at laging nangunguna sa lahat ng larangan. Malay niyo, ako ang makadiskubre ng gamot sa sakit na AIDS o masolusyonan ang paghihirap ng ekonomiya sa daigdig. Kailangan ako ng buong mundo! Umaasa sila sa akin!” at hinablot niya ang ikalawang parachute at tumalon sa pinto ng eroplano.
Lumapit ang ministro sa piloto ng buong hinahon at sinabing “Anak, kunin mo na ang sunod na parachute. Tanggap ko na ito at ibinigay ko na sa Diyos ang aking sarili at handa akong bumgsak kasama ng eroplanong ito. Kaya kunin mo na ang sunod na parachute at tumalon ka na bago pa mahuli ang lahat.”
“Relax lang po kayo Sir.” wika ng piloto. “Ang lalaking matalino at magaling sa klase at palaging nananalo na tumalon kani-kanina lang ay kinuha ang aking knapsack. Meron pa tayong tig-isang parachute sa ating dalawa.”
Nakakatawa di ba?
Pero mamalim ang pakahulugan nito.
Sa ating paligid, marami tayong mga kilalang matalinong tao, ang iba sa kanila, pakiramdam nila ay alam na nila ang lahat lalo na sila ay nasa kilalang unibersidad o paaralan. Malakas ang loob nilang mambatikos, manliit ng kakayahan ng ibang estudyante at nagpapasikat na kalimitan ay nakakainsulto o nakakasakit na sila ng damdamin ng iba.
Pero ang hindi nila alam ay marami pa silang hindi alam sa mundo.
Tulad na lang ng lalaking matalino na tumalon sa eroplanong pabagsak. Akala niya ay alam na niya ang lahat. Ngunit ang resulta ay ang kanyang kapahamakan dahil sa knapsack ang nakuha niya na maaari niyang ikamatay.
Ganito din sa tunay na buhay. May mga matatalinong tao na kinukwestyon at binabatikos ang kanilang mga kasamahan dahil dumedepende lang sila sa kanilang alam ngunit hilaw pa sila sa karanasan. Ito ang nagiging susi kung bakit sila nabibigo o di kaya ay sila ay nawawalan ng respeto dahil hindi lang nila sinisira ang kanilang trabaho o samahan kundi pati na din ang kanilang karerang pinasok.
Sa tingin mo ba ay ganito ka? Subukan mong magmuni-minuni sandali.
Ano ang aral dito? Simple lang, kapag nagkamali ka, hindi lang ikaw ang mapapahamak kundi (kapag minamalas) pati ang iba. Bukod sa nag-aaral ka, dapat ay maging mapagmasid ka din sa paligid mo. Kailangan mong mag-aral pa nang sa gaoon ay mas mapaglalim mo pa ang iyong sarili.
Kung sa tingin mo ay matalino ka, kailangnan mo itong gamitin sa tamang paraan sapagkat isang maling galaw ay isang malaking kapahamakan. Hiram lang ang talino ula sa Diyos kaya hindi ito dapat ipagyabang. At higit sa lahat, kailangang hindi maputol ang komuniksyon sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim at bukal sa puso na pananalangin.
Dadating din ang panahon na susubukin ka ng tadhana na maarng maihalintulad sa pabagsak na eroplano. At kapag dumating ang araw na ‘yon, ang iyong makukuha at parachute na… at hindi ang knapsack ng iba.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment