Wednesday, December 29, 2010

Epiko 65: “Hindi Mo Kailangang Humingi Kung Nagbibigay Ka”



Siguro pamilyar sa ‘yo ang kasabihan na “Ang pag-ibig ay ibinibigay… at hindi hinihingi.”

Pero minsan, hindi ito nasusunod.

May isa akong kwento na ibabahagi sa ‘yo.

Kilala si Luis na isang matalino at magaling na mag-aaral sa knayang unibersidad. Sari-saring parangal at pagkilala din ang kanyang natamo habang nag-aaral dahil sa aktibo niyang pakikilahok sa mga gawain hindi lang sa labas ng unibersidad pati na din sa ibang tao. Walang babae hindi magkakagusto sa kanyang pagiging maginoo, palabiro at mabait sa kahit sino.

Ngunit may madilim siyang sikreto.

Walong buwan na nag nakakalipas, nakipaghiwalay sa kanya ang kanyang girlfriend. Halos magda-dalawang taon na ang kanilang relasyon. Ang problema – may iba nang mahal ang babae. Sinabi niya kay Luis na hindi na niya kaya ang lahat dahil palagi na lang siya ang nagbibigay at umiintindi sa mga sitwasyon nilang dalawa. Hindi ito matanggap ni Luis. Ginawa niya ang lahat para magkabalikan sila ngunit buo na ang desisyon ng babae na iwan siya kahit ano pa ang gawin nitong pagmamakaawa. Halos nagmukha siyang tanga at katawa-tawa sa mata ng babae dahil sa pagmamakaawa ngunit sa bandang huli, iniwan siya nito na talaga namang hindi katanggap-tanggap. Para bang mga eksena sa pelikula na iniwan ng isang babae ang lalaki sa ulanan at umiiyak.

Dinamdam niya ito na halos ikamatay nito. Halos hindi makakain, makatulog, makaaral at makapag-isip si Luis. Kahit na hindi niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral, naapektuhan na nito ang kanyang kalusugan at emosyon. Hinanap niya ang iba’t-ibang paraan upang kalimutan ang nangyari ngunit hindi ito nagiging madali. Ang hindi niya alam ay kung paano niya bubuuin ang kanyang sarili sa mga nangyari sa kanya. Aminado siya na malaki ang kanyang pagkukulang sa kanayang dating girlfriend. Ngunit wala na din siyang magagawa upang ibalik ang lahat sa dati.

Hanggang sa mapadpad siya sa isang lugar na kung saan nakilala niya si Chloe – isang babae na may kabaligtaran ng kanyang pag-uugali at personalidad. Suplada, madamot, at mukhang walang pakialam kahit kanino. Noong una, hindi sila agad nagkasundo hanggang sa unti-unti nilang nakilala ang kanilang sarili sa mga kakatwa at hindi pangkaraniwan na mga karanasan. Naging magkaibigan sila. Kahit na magkaiba ang kanilang paniniwala, pangarap sa buhay, ideyolohiya at karanasan, naging magkasundo sila. Muli, Ngumiti si Luis na tila nabubura ang galit at poot sa kanyang puso. Kasama ang iba pang kaibigan sa lugar kung saan niya nakilala si Chloe, mas naging masaya siya na tila nagsilbing sangktwaryo nito sa kanyang masamang bangungot.

Bago maghiwalay nang landas, nangako si Luis na gagawin niya ang lahat para matulungan si Chloe sa abot ng kanyang makakaya na walang hinihinging kapalit. Ito ay sa kadahilanang ayaw na niyang maulit ang nangyari sa kanya at ayaw niyang pagsisihan na wala siyang ginawa kahit na may pagkakataon pa para gawin ito. Ang pangakong ito ay pinaghahawakan niya hanggang sa oras na maghiwalay na sila ni Chloe dahil kailangang bumalik ni Luis sa kanyang lugar at panahon na kung saan naghihintay ang hindi mawari na paghaharap muli ng dati niyang kasintahan. Ngunit sa halip na matakot ay ginawa niyang lakas si Chloe upang harapin ang mga oras, araw at sandali na nakikita niya ang babaeng sumira sa kanyang pagkatao. Mas lalong nagsikap si Luis. Kahit na magkalayo sila ni Chloe, nagkaroon pa din sila ng komunikasyon.

Nagkaroon ng bagong buhay si Luis… pakiramdam niya ay para siyang isinilang muli. Ang lahat ay may liwanag at pag-asa… at ito ay dahil kay Chloe.

Ngunit sa likod nito, isang espesyal na pagtingin ang inilaan ni Luis kay Chloe. Ngunit mas pinili na lang niya na maging magkaibigan na lang sila dahil mas mabuti na ‘yun para hindi sila masaktan… at makakaasa sila na hindi sila mag-iiwanan kahit kailan kapag may problema o pagsubok. Sa desisyon ni Luis, mas naintindihan niya ang kasabihan na “Ang pag-ibig ay ibinibigay… at hindi hinihingi.” Hindi na na siya humihingi ng pag-unawa, panahon at kahit na ano na pwede niyang ibigay bagkus ay mas pinili niya na ibigay sa babae ang pangangailangan nito na walang naghihintay na sukli. Para sa kanya, mabuti na ito dahil ang mahalag ay ang kaligayahan ni Chloe. Sa ngayon, patuloy pa din ang kanilang pagkakaibigan na sa tingin ko (lang) ay wala kasunod na kabanata.

Simple lang naman ang kwentong ito at marahil ay naranasan mo ito o kaya ay nabasa sa iang kwento.

Ang korni di ba?

Pero ang katotohanan ay bawat isa sa atin ay may madilim na kwento ng pag-ibig. Kahit nga ako eh parang si Luis din ngunit sa halip na iiyak at ubusin ang oras sa pakikinig ng mga love songs ay ginawa kong maitayo ang aking sarili dahil din sa taong nagbigay ng pag-asa at kulay sa akin pagkatapos ng madilim na kabanata ng buhay ko. Kahit na kung minsan ay hindi niya nakikita, napapansin at pinahahalagahan ang aking ginagawa sa kanya, hindi ko na lang ito pinapansin at dinidibdib… ang mahalaga lang sa akin ay huwag siyang mawala sa akin. Siya ang lakas ko at nang dahil din sa kanya ay naisip ko na hindi ko kailangang humingi sa kanya ng kaya niyang ibigay dahil lang sa nagbibigay ako. Mas mabuti na ang magbigay na hindi naghihintay ng kapalit dahil ito lang ang magiging mitsa ng lahat ng aming nasimulan.

“Hindi mo kailangang humingi kung nagbibigay ka dahil ang nagbibigay ay hindi humihingi kapag may kailangan. “


Pilosopo man o nakakaloko ang dating nitong kasabihan na ito, ito ang katotohanan kapag may mahal, minahal at nagmahal ka na hindi natin matatakasan. Magpasalamat ka kung may isang tao na ganito ang trato sa ‘yo. Tulad ng ginagawa niya, sana ay mabigyan mo ng importansya ang ganitong klase ng tao kaysa sa mangarap na babalik pa ang taong iniwan ka o kaya magkulong sa kwarto at isipin ang mga sandali na magkasama kayo na lalo lang pasasakitin ang kalooban mo. Hangga’t may ibibigay ka na taos sa puso at kaya mong ibahagi, ibigay mo sapagkat mahirap na kung pagsisisihan mo ito sa huli.

No comments:

Post a Comment