Sunday, December 26, 2010
Epiko 64: "Walang Perpektong Relihiyon"
Ang relihiyon na siguro ang isa sa mga kumplikado, mabusisi, nakakainis at hindi nalalaos na panag-uusapan sa kasaysayan ng tao. Mula pa nang magkaisip, malalang at mabuo ang sibillisasyon ng mga tao, hindi na naialis ang katanungan na ano aba ang perpekto o tamang relihiyon na angkop sa sangkatauhan. Iba’t-ibang tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang nagsasabi na ang kanilang relihiyon ang magliligtas sa kanila sa kapahamakan.
Isang tao ang nagsabi sa akin na magsuri partikular sa aking relihiyon. Ako ay saradong Katoliko Romano at marami akong nakahalubilong ibang relihiyon na tila niyayakag ako sa kanilang pinaniniwalaan. Hindi ako naging sarado sa ganitong bagay. Bagkus, nagsuri ako sa akin at sa ibang relihiyon. Pero iba ang pumasok sa isip ko habang nagsusuri. Sa halip na sumama ako sa kanilang relihiyon, tinanggihan ko ito. Mula sa kanilang matatabil na dila at walang katapusang pagbabatikos sa aking relihiyon, hindi ako natinag. Sa halip, mas lalong tumibay ang pananampalataya ko sa sinasabi nilang “mali” at “baluktot” na paniniwala.
Nang dumating ang ika-labing-anim na siglo, nagkaroon na din ng sakupan hindi lang sa pamamagitan ng pwersang militar kundi pati din sa mga relihiyon at paniniwala. Ang buong mundo ay naging magulo na naging sanhi din ng mga digmaan na umukit na sa kasaysayan. Kasabay nito, hindi pa din masagot (magpa-hanggang ngayon) ang tanong ng kuna ano ang tama o perpektong relihiyon. Ginagamit pa nila ang kanilang mga kasulatan at parang ginagawa nilang panakot ito nang sa ganun ay umanib sa kanila ang mga tao. Ito ang ginamait ng mga Kastila sa atin noong sinakop nila tayo. Hindi ba parang baluktot at marumi ang taktikang ito dahil gumagamit sila ng mga maling hakbang dahil ginagamit nila ang salita ng Diyos para masakop tayo?
Pero kung titingnan nating mabuti, walang perpekto o tamang relihiyon. Kahit na sabihin nila na mali at baluktot ang kanilang paniniwala o paniniwala ng kanilang binabatikos, pare-pareho lang ito sapagkat iisa lang ang gusto nating makamit – ang kaligtasan at kaliwanagan. Nakakalungkot lang isipin na ginagamit lang ang relihiyon nila sa masakit na paninira at pagbabatikos sa mga iba pang relihiyon na nagiging mitsa ng hindi pagkakaunawaan o galit. Sa kanilang pagsasalita at paggamit sa kanilang kasulatan, isa lang ang ipinapakita nila – sa sila ay tao lang na hindi perpekto.
Natural lang sa isang tao ang matakot partikular na kapag pinag-uusapan na ang kapalaran nila sa kabilang buhay. Ayon nga sa sociologist na si Emile Durkheim, ang relihiyon ay isang “social phenomenon” sapagkat ito ay nababatay sa kaugalian, paniniwala, kultura at tradisyon ng isang grupo. Ito ay sagrado sapagkat ito ay tumutukoy sa relasyon ng tao at sa kataas-taasang nilalang. Ito din ang ugat kung bakit nagkakaisa at nagkakaroon ng batayan ng moralidad ang isang grupo. Kung anuman ang ritwal o sistema ng pagsamba o pagbibigay-pugay sa Diyos ay depende sa sistema ng kanilang nakasanayan. Ngunit kabaligtaran sa paniniwala ni Karl Marx, ang sistema na kanyang pinag-aralan tungkol sa relihiyon ay mananaig ang dominante o mas nakakarami o nakakataas na relihiyon sa iba na magsisilibing dominanteng grupo sa ibang relihiyon. Mako-kontrol nito ang pulitika, ekonomiya at iba pang sangay na magbibigay sa kanila ng pagkakataon upang pakinabangan ang mga ito.
Marahil nga, sa konsepto ng Pilipinong relihiyon,m as nananig sa kanila ang paniniwala ni Marx na nagbibigay ng matinding mantas sa kanilang pagkatao. Bunga na din siguro ito ng metalidad ng mga Kastila na nagdamit ng tupa sa kabila ng anyo nilang lobo upang masakop ang isang lugar. Sabihin na nila na gingawa nila ito dahil ito ang utos ng Diyos pero bilang tao, natatakot sila kaya naninigurado sila sa kanilang magiging estado sa buhay at sa kanilang buhay. Normal sa tao ang maging duwag lalo na kung relihiyon ang pag-uusapan. Kaya nga kapag may debate tungkol sa relihiyon ay nagiging “freak show” ito dahil nagmumukha lang silang payaso sa kanilang ginagawa. Mas dapat silang matakot sa kanilang ginagawa dahil may tiket na sila papuntang impiyerno.
Sa aking pananaw, hindi na mahalaga sa akin kung sa langit o impyerno ako mapupunta. Basta ang alam ko ay ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko bilang isang mabuting Kristyano at tao sa lipunan. Hindi man naka-base ang iba kong ginagawa sa kasulatan (nila), mas pipiliin ko na ang Diyos ang gumawa ng paghatol sa akin sa takdang panahon. Kung ano ang kagustuhan niya ang Siyang mananaig dahil sa simula pa lang nang ako ay nagsuri, ibinigay ko na ang sarili ko sa Diyos na alam ko na hindi nalilingat sa mga ginagawa ko na nauukol sa kanyang kagustuhan at aral. Hindi ko isusuko ang relihiyon ko na bumuo at nagbigay liwanag sa aking pagkatao. Mali man ito sa paningin ng ibang relihiyon, ayos lang sa akin. Ang mahalaga, hindi ako nakakalimot na magpuri at magbigay importansya sa kanya. Buhay ang aking Diyos at hindi Niya ako pinababayaan kaya walang sinuman ang may karapatan na sirain at wasakin ang aking ideolohiya kahit na ilatag pa nila ang lahat ng kasiraan na kanilang handang ilaban sa aking paniniwala. Hindi man ito perpektong relihiyon tulad ng sinasabi ng iba, ayos lang. Kaya nga walang perpekto sa mundong ito… kahit ang relihiyon ay hindi perpekto. Dahil ang relihiyon ay gawa lang ng tao… at hindi gawa ng sinasabi nilang “nakakataas”. Ito na marahil ang isang konkretong halimbawa na nabubuhay tayo bilang tao.
Mas mabuti na lang na igalang na lang natin ang paniniwala ng iba. Kahit sa kalooban ng iba na sa ating relihiyon ay hindi tayo maliligtas, gawin na lang natin ang ating makakaya upang mabuhay ng maayos, may dangal at gumagawa ng kabutihan sa kapwa at tulungan sila habang buhay pa tayo. – ito naman talaga ang “golden rule” ng lahat ng relihiyon. Huwag na nilang gamitin ang pangalan ng kanilang Diyos o kanilang relihiyon… mas nagmumukha lang silang makasalanan dahil sa kanilang pinaggagagawa. At kung sa tingin niyo ay maliligtas kayo sa ginagawa niyo sa lupa, sabihin niyo sa akin ‘yan kung nakarating na kayo sa langit.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment