Tuesday, December 7, 2010
Epiko 54: "Sa Aming (Inaakalang) Huling Sandali..."
Alam natin na ang pinakamahirap na parte ng isang magandang pagsasama ay ang mapait na paghihiwalay. Paulit-ulit ko man itong isinulat sa aking mga nakaraan na epiko, palagi itong nagtatapos sa masakit at mapait na katapusan. Marami ang nagsasabi na walang nang sasakit pa kapag ikaw ay nagpaalam na sa isang taong naging malaking parte ng buhay mo.
Ngunit sa taliwas sa kasabihan ng iba, dumating sa punto na nagpaalam ako sa isang tao na hindi ako nakaramdmam ng kalungkutan. Sa halip, masasabi ko na isa ako sa mga masasayang tao noong mga sandaling ‘yon.
Muli, naalala ko ang araw kung saan isang pangako na binitawan ko sa aking sarili ang habambuhay na matutupad.
Gabi nun noong ika-15 ng Oktubre. Habang pauwi kaming dalawa mula sa eskwelahan, pinagmasadan ko siya (sa akala ko na) sa huling pagkakataon. Mula sa aking madilim na nakaraan, unti-unti kong naunawaan ang dahilan kung bakit nangyari sa akin ang mga masasamang pangyayari sa aking buhay. Siguro ito din ang dahilan kung bakit siya dumating sa aking buhay. Kahit na medyo hindi naayon ang sitwasyon namin, masaya na ako na magkaibigan kami kasi alam ko na sa ganitong paraan ay hindi siya mawawala sa buhay ko. Hanag nag-uusap kami, iniisip ko ang unang araw na nagkita kami… nakakatawa (at alam ko na nauuta ka na dahil alam ko na nabasa mo na ito ng ilang beses sa aking mga naunang ginawa) ngunit naging emosyonal ako nang naghiwalay na kami. Hindi ko alam kung magkikita pa kami o hindi na pagkatapos nito.
Umuwi ako sa amin na tila isang batang umiiyak dahil nawalan ng isang laruan habang naglalaro sa kalsada. Ngunit walang nakakita sa mga sandaling tila nagdadalamahati ang aking sarili na wala namang magandang rason para gawin ‘yun. Hanggang sa mapagtanto ko na hindi ako dapat maging malungkot sapagkat isang tao ang dumating sa buhay ko at binago ang pagkatao ko (pati din ang paraan ko ng pagsusulat).
Mula noon, bumalik ang mga ngiti sa akin hanggang sa bumalik ako sa pag-aaral. Kapag nakikita ko ang taong yumurak sa aking pagkatao, natatawa na lang ako dahil mas matinding karma ang napapunta sa kanya. Kahit na itago pa niya sa kanyang mga salita ang kanyang tuny na nararamadaman, hindi na ako maniniwala dahil isa siyang dakilang sinungaling. Kapag iniisip ko ang walanghiyang-taong ‘yun partikular na ang aming mga huling sandali, naging tanga at bobo din pala ako minsan sa buhay ko. Ngunit sa kabila ng mga ginawa niyang kawalang-hiyaan, napatawad ko na siya sa lahat ng kanyang ginawa. Ang totoo nga niyan ay dapat pa akong magpasalamat sa kanya dahil kung hindi sa ginawa niya, hindi ko matatagpuan ang isang tao na masasabi ko na isa sa mga mahahalaga sa akin.
Kaya sa mga taong nawawalan ng pag-asa sa buhay, tandaan niyo ito – ang isang paglikha ay hindi magsisimula kung walang pagkawasak (sa Ingles, “After destruction, creation takes place). Nagsisimula ang isang bagong yugto ng ating buhay pagkatapos ng isang pagtatapos. Parang konsepto lang ‘yan ng “cycle of life” na itinuturo sa atin sa Science at Values Education subjects natin. Hindi man natin ito napapansin – simple man o kumplikado man ang sitwasyon, nangyayari ito dahil isa ito sa mga pangyayari na likas mula pa noong likhain ng Diyos ang mundo (kung hindi man, sa paraan o teorya ng pagkalikha mula sa siyensya).
Lahat ng simula ay may katapusan at ang bawat katapusan ay may panibagong simula.
P.S.
Pagkatapos mo itong basahin, kunin mo ang iyong Bibliya at hanapin ang “1 PEDRO 4:1-6” upang maunawaan ang dahilan kung bakit ko ito isinulat.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment