Sunday, December 19, 2010

Epiko 59: "Ang Itim na Kabalyero"



Bibigyan kita ng isang sitwasyon na hindi mo kailangang pag-isipan ng malalim.

Sa sampung aanihin mong mapupulang mansanas, may nakita kang isang kulay itim dito. Ano ang gagawin mo? Titikman mo ba ito o itatapon?

Malamang hindi ko na kailangang alamin ang sagot mo ngunit natitiyak ka ba na tama ang desisyon mo sa mansanas na nabanggit ko?

Minsan, sa buhay natin, nalilinlang tayo ng panlabas na anyo na kung saan nagiging mabilis tayo para humusga agad. Nakakalimot tayo sa tunay na katangian ng panloob na anyo na kung titingnan ay mas higit pa na mabubuting katangian kaysa sa ating nadarama.

Noong ika-12 ng Disyembre, nakakilala ko ang isang tao mula sa bansang Vanuatu na matatagpuan sa kontinente ng Oceania (kung saan nabibilang ang Australia at New Zealand). Ang dahilan kung bakit siya pumunta sa Pilipinas ay para mag-aral ng Veterinary Medicine. Ngunit nag-krus ang aming landas dahil siya ay (sa mga panahong iyon) ay sumasali sa aking kinabibilangang kapatiran. Kasama ang siyam na iba pa, sinuong nila ang landas ng pagiging miyembro ng kapatirang humubog sa aking pagkatao.
Ngunit may isang bumabagabag sa aking isipan – sino ang taong ito na sa kabila ng maitim na kulay ng kanyang balat, kulot na buhok, masangsang na amoy sa katawan, baluktot na salitang Ingles at tila hindi makapang pagkatao na taglay ay tila naging malaking pagsubok hindi lang sa aking kapatiran kundi sa aking sarili.

Kinilala ko siyang mabuti. Tinatong ko kung sino siya at mga mpormasyon tungkol sa kanyang sarili. Kahit na mahirap para sa amin dahil sa “language barrier” sa nasa pagitan namin, pinilit kong intindihin ang kanyang salitang Ingles nang sa ganun ay magkaintindihan kami. Ngunit bukod pa doon, gumawa ako ng paraan para makuha ang kanyang pagtitiwala. Hindi ko inaasahan na nagustuhan niya ang pagkaing manok tulad ng “tinolang manok” at “adobo” na kung saan ipinakita ko kung paano ito lutuin. Sa simpleng paraan, nakilala niya lang hindi ako kundi pati ang kulturang Pilipino sa aming pag-uusap. Nagkaroon din kami ng palitan ng impormasyon tungkol sa aming mga bansa na parehong naging kolonya ng mga dayuhan sa Europa. Sa kanya ko natutunan ang isang mabuti at maunawaing tao na naghahanap ng makakasama sa lugar na kung saan siya ay itinuturing na dayuhan. Natuto din ako ng kanilang lenggwahe tulad ng”mekrosyu” na ang ibig sa salitang Pilipino ay “ayoko na sa ‘yo” at “melaykingyu” na ang ibig sabihin naman ay “mahal kita”.

Mas lalong humanga kami na nasa kapatiran nang magdesisyon siya na putulin ang kanyang “dreadlocks” na buhok at ahitin ang ang kanyang balabas na tila labag sa kanilang kultura. Sa ganitong paraan, nakita ko ang kanyang interes at pursegido siya sa pagsali kapalit ng kahit ano. Marunong siyang makinig at umunawa sa mga bagay sa kanyang paligid. Malamang, ang kanyang mabuting metalidad ay tila hindi nalalayo sa mabutig mentalidad ng mga Pilipino. Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi ko naramdaman na diskriminasyon pagdating sa kulay ng aming mga balat bagkus ay tila nagkaroon ako ngbagong kapatid mula sa ibang bansa.

Isang bagay ang natutunan ko sa kanya pagkatapos niyang magdaan sa proseso ng aming kapatiran – hindi hadlang sa isang tao ang mga balakid at pagsubok kung ito ay determinado at handang humarap sa iba’t-ibang sitwasyon na susukat sa kanyang pagkatao. Iba man ang kulay ng balat, lahi, relihiyon at prinsipyo sa buhay, nagkakaroon ng pagkakaisa ang mga ito sa isang maayos at tapat na pagkakaunawaan dahil sa pagtanggap sa bawat isa.

Hindi naman masamang alisin ang itim na mansanas sa mga aanihin. Bagkus baka ito pa ang dahilan upang ang mga inaning ito ay magkaroon ng mataas na halaga sa bawat taong tatangkilik dito.

No comments:

Post a Comment