Wednesday, December 15, 2010
Epiko 58: "Mas Gugustuhin Kong Magdiwang Mag-Isa ng Pasko..."
Nang nagsusulat ako kagabi, isang grupo ng mga bata ang bumasag sa aking ginagawa nang kumanta sila ng mali-maling lyrics ng pamaskong kanta. Sa madaling salita, nangangaroling sa dis-oras ng gabi. Bumaba ako upang puntahan ang mga bata. Pinagmasdan ko sila habang kumakanta. Nang lapitan ko sila, sinabi ko na “tawad muna” ngunit bago ako pumasok sa loob ng bahay, bigla akong napaisip – naalala ko tuloy noong bata pa ako na nagbabahay-bahay kami ng mga pinsan ko at ginagawa ang pagkanta sa mga bahay upang bigyan kami ng konting barya. Bumunot ako ng limang piso na natitira sa aking bulsa at iniabot ko sa mga bata.
“Ito lang po?” wika ng isang bata na tila hindi kuntento sa ibinigay kong barya. Hindi na lang ako nagsalita. Umalis ang mga bata na malungkot at dismayado.
Sa totoo lang, nalungkot din ako hindi dahil sa ibinigay kong barya na ibibili ko sana ng sigarilyo kundi sa reaksyon ng mga bata. Tila nakakalimot na sila sa tunay na diwa ng Pasko.
Malamang ang okasyon na ito ay kinukwestyon ng mga relihiyon na hindi naniniwala sa Pasko. Ito marahil ay dahil ang araw na ito ay tinuturuan ang mga tao na tumingin sa mga materyal na bagay sa mundo. Hindi ako nagtataka dito dahil sabik ang mga tao sa mga regalo, bagong bagay o pera na ibibigay ng mga tao sa kanila. Ito din ng ugat ng pagiging makasarili at madamot ng isang tao na ibahagi ang parte ng kanyang pag-aari sa kadahilanang minsan lang ito dumating sa isang taon. Ito din ang sakit sa ulo ng mga nakakatanda dahil sa pinoproblema nila ang mga ibibigay nilang bagay sa kanilang inaanak o kamag-anak. Malamang, ito ang magiging dahilan ng pagkaubos ng kanilang bonus na isang taon nilang hinintay.
Nakakalungkot na ito na ang nagiging pananaw ng mga nakakaraming tao sa araw ng Pasko. Mukhang nakakalimot na sila sa tunay na halaga at diwa ng okasyon na ito.
Ngunit hindi naman lahat ay nakakalimot. May mga tao na ginawa na nilang panata ang magbigay o magbahagi sa kanilang mga kababayan na naghihirap. Yung iba naman, patago kung magbigay. May iba naman na sapat na ang magsimba at bisitahin ang mga kamag-anak upang makasalo sa buong araw.
Iba’t iba man ang kagustuhan ng bawat isa sa atin, sana ay maalala nila at ipamana sa susunod na henerasyon ang mga kaugalian ng totoong sentro ng Pasko – si Jesus.
Ako nga, mas pipiliin kong magdiwang ng Pasko na mag-isa upang mapagnilayan ang taong nagbigay ng isang napakagandang regalo na hindi kailanaman mawawala – ang kanyang buhay noong ipinako siya sa krus upang hugasan ang ating mga kasalanan.
Marahil ang Paskong ito ay espesyal sa akin dahil ito ang unang pagkakataon na isusulat ko ang aking saloobin sa araw ng Pasko. Nawa’y ang bawat isa sa atin ay huwag tumingin sa mga materyal na bagay na ibibigay sa atin ng mga tao. Daat nga, tayo ang magbigay sa kanila ng isang regalo na walang kapantay na halaga – ang pagmamahalan sa bawat isa nang sa ganun ay mabawasan o tuluyang pawiin ang kaguluhan at galit sa puso ninuman at maghari ang kapayapaan sa buong mundo. Sana kahit hindi Pasko, manatili sa ating puso si Jesus na hindi nakakalimot sa atin.
Wala akong pakialam kung may mga tao na ayaw o hindi naniniwala sa Pasko. Wala din akong pakialam kung saan man ito nagsimula o anuman ang mga simbulo nito. Ang mahalaga, naibahagi ko (kahit sa ganitong paraan) ang tunay na diwa at halaga ng araw ng Pasko sa bawat isa sa atin.
Sa inyong lahat… maligayang Pasko…
… at sa mga taong ayaw tanggapin ang pagbati ko…
… Happy Holidays!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment