Sunday, December 5, 2010

Epiko 53: "Badtrip Ka Talaga… Palibhasa Kasi Para Kang Ngipin"



Badtrip.

Hindi na ordinaryong salita ito sa atin. Parang kahalintulad lang ito ng salitang “nakakainis” o “nakakayamot” o kahit anong salitang nagpapahiwatig ng negatibong kahulugan.

Badtrip…

Kung bakit kasi nauso itong salita na ito. Naaalala ko pa noong una ko itong ginamit llabing isang taon na ang nakakalipas sa isang sitwasyon na kung saan hindi ko masabi sa isang babae ang aking nararamdaman hanggang sa wala itong pinatunguhan. Sa bandang huli, pinagsisihan ko ito.

Badtrip?

Naranasan mo na bang madismaya sa isang pangyayari na talaga namang ikinagalit mo? May tao ba na sa tuwing nakiklita mo ang pagmumukha eh nasisira ang araw mo dahil sa ugali, porma ng pananamit o angas niya?

Badtrip!

Kapag nagkamali ka sa isang diskarte o desisyon, hindi mo maiwasan na maisigaw o ibulong sa hangin ang salitang ito. May pagkakataon pa nga na gusto mong manakit sa sobrang pikon o pagkauma dahil hindi mo gusto ang nangyayari.

Pero ba bakit ko ba ibinubuyangyang ang salitang ito sa ‘yo?

Kahit ako hindi ko din alam. Badtrip nga ako eh dahil sa… Ahhh! Ewan ko ba!

Basta nangyari na lang… tapos!

Iniisip ko na lang ang mga salitang sinabi ni Bob Marley sa kanyang simple ngunit makahulugan na pahayag na isinalin ko sa wikang Tagalog (na maaring nabasa mo na mula sa aking mga naunang ginawa).

“Hindi man ikaw ang kanyang unang minahal, kanyang huling minahal o nag-iisang minamahal. Nagmahal siya bago siya nagmahal muli. Kung mahal ka na niya ngayon, ano pa ba ang mahalaga doon? Hindi siya perpekto – ganun ka din, at kayong dalawa ay hindi perpekto para sa isa’t-isa. Pero kung kaya ka niyang patawanin dahil ikaw ay nagdadalawang-isip at tinatanggap ang mga pagkakamali sa kadahilanang ikaw ay tao, manatili ka at ibigay ang lahat para sa kanya. Hindi ka man niya iniisip bawat segundo araw-araw, may isang bagay siya na kaya niyang ibigay na maari mong sirain – ang kanyang puso. Kaya huwag mo siyang saktan, huwag mo siyang baguhin, huwag mo siyang suriin at huwag kang umasa sa mga bagay na higit pa sa kaya niyang ibigay. Ngumiti ka kapag napapasaya ka niya, hayaan mong malaman niya kung nagagalit ka, at alalahanin siya kapag wala siya.”


Ito ang mga salita na aking pinanghahawakan sa tuwing nadidismaya, naiinis at nagagalit ako sa kanya. Kapag iniisip ko ang mga salitang ito, nawawala ang pagka-badtrip ko sa kanya.

Sa buhay natin, hindi natin maiwasan na madismaya, magalit, mapikon o kahit anong salita na magpapatungkol sa “badtrip”. Pero ganun talaga. Dapat siguro ay intindihin na lang natin o panatilihing kalmado tayo sa mga hindi magagandang sitwasyon. Natural lang sa atin ang ma-badtrip ngunit palagi nating pakatandaan na walang magandang mangyayari kung puro init ng ulo ang paiiralin dahil sa bandang huli, baka madismaya o maging malungkot ka lang.

Badtrip ka talaga… palibhasa kasi para siyang ngipin – kapag sinumpong, hindi ko kayang tiisin.

No comments:

Post a Comment