Thursday, December 9, 2010
Epiko 55: "Anak Ka Ng Bocha!"
Mmmmm…
Ang sarap talaga ng maskara (ang pisngi ng baboy na nilaga sa isang kakaibang sauce at ipinirito sa mantika na nag-iisa at matatagpuan lang sa palengke ng Silang, Cavite). Suking-suki ako nito dahil ang sarap talaga lalo na kung iuulam mo sa kanin. Lasang bacon na kung minsan eh lasang hamon. Medyo mamantika lang pero sa murang halaga nito, hindi nakakapagtakang mablis itong maubos dahil sa masarap at dinarayo ito.
Pero bigla akong napaisip nang nabalitaan ko ang lumalalang kalakalan ng mga “double dead” na karne ng baboy sa bansa. Sa katanuyan, isa itong malaking peligro sa ating kalusugan dahil sa masamang epekto nito. Malaki ang posibiladad na ang pagkain ng ganitong klase ng karne ay magdudulot ng kumplikasyon sa ating katawan tulad ng tetano, cancer sa bituka o bato at kung mamalasin ay pagkalason sa dugo, atay, apdo at iba pang organo ng ating katawan.
Habang kinakain ko ang binili kong maskara, hindi ko pa din mapigilan ang pagkatakam dito. Siguro nga ay likas sa atin ang mahlig sa mga pagkain kanto na kung minsan ay hindi na natin naiisip kung paano ito inihanda bago ibenta. Bukod kasi sa mura ay masarap talaga.
Hanggang sa nahilakbot ako nang nabalitaan ko na may kapitbahay ako na namatay sa dahil sa pagkain ng mga ganitong klase ng pagkain. Sa edad na dalawampu, nakaranas siya at pumanaw sa sakit na colon cancer.
Siguro nga eh dapat tayong mag-ingat sa ating mga kinakain. Hindi naman masama ang pagkain ng ganitong pagkain ngunit karapatan natin na alamin muna kung saan at paano ito ginawa nang sa ganoon ay panatag hindi lang ang ating sikmura kundi ang ating isipan. Kung iisipin, dapat ay hindi natin sanayin ang ating sarili na kumain ng mga ganitong klaseng pagkain dahil ang lahat ng sobra ay nakakasama. Sa panig naman ng mga gumagawa ng ganitong klaseng negosyo, isipin din nila ang kaligtasan ng mga mamimili na tumatangkilik sa kanilang pagkain. Makonsiyensya naman sila dahil paano kung ang mga anak nila ang mapahamak kapag kumain sila nito.
Sa aking takot, nilakasan ko ang loob ko at tinanong sa tindero ng maskara kung paano ito gawin. Inanyayahan niya ako sa kanilang bahay upang makita kung paano ito gawin. Mabuti na lang at hindi double dead ang ginagamit niyang karne. Ang mga ginagamit niyang sangkap ay malinis at walang halong masamang kemikal. Kasabay nito, nakita ko ang sikreto kung paano ito mapapasarap. Kung anuman ‘yun, hindi ko sasabihin (kaya nga sikreto eh...).
Masarap kumain ngunit mas masarap at mae-enjoy mo ito kung alam mo na malinis at maayos hindi lang kung paano ito inihanda kundi pati ang taong maghahain nito sa ‘yo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment