Monday, December 20, 2010
Epiko 60: "Ang Kwento ng Isang Dalagang Baliw"
Minsan talaga sa buhay ng tao, may pagkakataon na hindi natin maiwasan na mayroon tayong pinagsisisihan. Normal lang naman ‘yun dahil wala namang nagsisi sa una pa lang na gawin niya ang isang pagkakamali.
Isang kwento ang aking ibabahagi sa ‘yo. Isang araw, habang napadaan at pumasok ako sa simbahan, mayroon akong isang dalaga na nakitang nagdadasal na taimtim. Hindi ko naman sinasadyang marinig ang kanyang sinasabi. Ayon sa kanya, nangalunya siya sa kadahilanang nadala siya sa mapang-akit na katangian nang kanyang “kinabitan” na lalaki. Medyo nakkapagtaka lang dahil habang nagdarasal siya, paulit-ulit niyang kinukurot ang iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan. Ewan ko ba kung nasisiraan na siya ng bait o kung anuman pero nararamdaman ko ang sakit na kanyang pinagdaraan.
Makalipas ang limang buwan, muli ay nakita ko ang dalagang ‘yon na medyo kakaiba na kaysa sa una ko siyang makita – madungis, mapupula ang mata, mabaho at buntis. Nakaupo siya sa isang waiting shed di kalayuan sa amin. Isa lang ang napansin ko nja hindi nagbago sa kanaya – ang patuloy na pagkurot sa kanyang sarili na tila nagbunga ng mga malulubhang sugat at peklat sa iba’t-ibang parte ng katawan. Hindi ko natiis ang ginagawa niya sa kanyang sarili hanggang sa nagtungo ako sa munisipyo at dumulog sa Municipal Social Welfare and Development o MSWD (na dati kong pinagsilbihan noong panahon na ako ay kinakailangang magtrabaho upang mapunan ang oras para ipagpatuloy ang aking scholarship na binabayaran ng munisipyo) upang matulungan ang kawawang dalaga.
Makalipas ang ilang araw, kinamusta ko ang babaeng ‘yon. Napag-alaman ko na isa siyang estudyante sa isang kilalang pamantasan. Mula siya sa isang tipikal na pamilya at nag-aaral ng pagka-guro. Ayon sa ulat mula sa taong humahawak sa kanyang kaso (na hindi ko sasabihin kung sino), napag-alaman na siya ay nagkaroon ng matinding depresyon na nagdulot upang magkaroon ng malaking problema sa pag-iisip. Napag-alaman ko na upang mabuhay, ibinebenta niya ang kanyang sarili na naging posibilidad upang mabuntis siya.
Pero ang hindi nila alam, maaaring alam ko ang dahilan dahil sa mga narinig ko sa simbahan ngunit hindi ito sapat upang mapatunayan ang totoong dahilan kung bakit siya nagkaganito.
Nang bumababa ako sa gusali ay may nakita akong isang lalaki na agad na lumapit sa akin. Agad niyang tinanong kung kilala ko ang babaeng “baliw”. Ikinuwento ko sa kanya kung papaano ko siya nakita at paano ko siya dinala sa mga taga-MSWD.
Inanyayahan niya akong magkausap kami. Doon ko nalaman na siya pala ang lalaking “kinabitan” ng kawawang babae. Ayon sa kanya, nagdesisyon na ang dalaga na makipaghiwalay sa kanya. Sabi pa nga niya eh gumamit pa siya ng kung sinu-sinong lalaki upang lubayan siya. Noong una, hindi niya ito matanggap hanggang sa nagdesisyon na ito na sumuko at hayaan ang dalaga na magpatuloy sa kanyang buhay. Sabi din ng lalaki, wala na siyang magagawa ngunit hindi niya ito dapat pagsisihan dahil ginawa na niya ang lahat upang ayusin ang buhay na tila nasira sa kanilang bawal na pag-ibig. Sa aming pag-uusap, mukhang pabor ako sa sinabi ng lalaki na kung pagsisihan natin ang isang pagkakamali, hindsi natin maitatama ang mga bagay na kailangang ituwid. Hinayaan na lang niya ang babae sa gusto niya at siya ay nagpatuloy at ayusin ang kanyang nasirang pamilya.
Nang matapos ang aming pag-uusap, bumalik ako sa gusali at tiningnan muli sa huling pagkakataon ang nbaliw na dalaga. Habang pinagmamasdan siya, hindi ko mapigiling magalit sa dalaga sa kanyang kondisyon dahil hindi niya pinanindigan ang kanyang ginawa. Marahil ay isa itong matinding sumpa mula sa kanya sapagkat hindi niya nakayang ayusin ang gulo sa kanyang buhay.
“Buti nga sa ‘yo….” Bulong ko sa aking sarili habang iniiwas ang tingin sa kanya na tila humuhingi na simpatya sa kanyang sarili.
Sa buhay, kapag alam natin na mayroon tayong pinagsisisihan, nagiging mahina, takot at tila sugatan ang ating mga puso. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay susuko na tayo. Sa mga pagkakatong ganito, kailangan humanap tayo ng lakas upang ito ay harapin. Ang pagtakas sa isang problema ay magdudulot lang ng matinding galit sa ating sarili… na magdudulot ng pagsisisi na kasama natin hanggang sa hukay.
Sa nangyaring ito, naisip ko na hindi mo dapat pagsisihan ang mga bagay sa huli, dapat pa nga, isaisip ng bawat isa sa atin ang kahalagahan na ang bawat nangyayari sa ating buhay ay may dahilan. Kung plano man ito ng Diyos, hayaan natin na mangyari ang kagustuhan niya… pero hindi ibig sabihin nito ay dapat tayong mawalan ng pag-asa.
Ang pagsisisi ay tulad ng isang inubos na pagkain na hindi mo na kailangang isuka sapagkat mahihirapan ka lang na ito ay iluwa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment