Sunday, December 26, 2010

Epiko 63: "Ang Isang Paglikha Ay Hindi Maisasakatuparan Kung Walang Pagkawasak"



Sa lumipas na labing-dalawang buwan, naramdaman ko ang iba’t-ibang karanasan na sumukat sa akin bilang isang manunulat, estudyante, guro, anak, asawa, kapatid, kaibigan at isang ordinaryong tao. Katulad mo, hindi ako nalalayo sa iyong pinagdaanang tuwa, sakit, galit, panghihinayang at kung anu-ano pang emosyon na masasabi kong nagpatibay sa akin bilang isang tao. Sa ganitong paraan, mas nakilala ko ang aking sarili.

Mula sa mga epiko na aking isinulat mula sa una hanggang sa ika-tatlumpu’t pito, nakita mo kung gaano ako kahina na nagmitsa sa aking paghahanap ng mga solusyon sa mga suliranin na aking kinaharap. Kung iyong susuriin, nagsimula ang blog na ito sa mula sa pagkawasak ng aking sarili mula sa isang taong sagad sa buto ang galit at pagkamuhi ko. Mula sa iba’t-ibang karanasan sa pag-ibig, pagkakaibigan, pagiging isang mag-aaral at kung ano-ano pa, naipinta ko sa pamamagitan ng pagsusulat ang lahat ng aking ibinuhos na emosyon (kaya nga “Emong” kasi ang salitang ugat nito ay “emosyon”). Dito din ay pinilit kong hasain ang aking sarili na maging epektibo at sa pagsusulat na unti-unting hinahawakan at pinaiintindi sa mga puso ng bawat mambabasa kung ano ang totoong mukha ng buhay. Malamang ay may mga batikos akong natatanggap mula sa iba, tinatanggap ko ang kanilang opinyon sapagkat ito ay kanilang kalayaan sa pagbibigay ng ekspresyon. Hindi ko sila pwedeng pigilan o kontrahin bagkus ay taos puso akong nagpapasalamat dahil sial ang lakas ko upang pagbutihin ang talentong ito. At sa taong nagging ugat nito, maraming salamat sa ‘yo. Huwag kang mag-alala, pinatawad na kita sa lahat ng ginawa mo sa akin. Bahala na ang Diyos sa ‘yo na pagbayaran mo ang kasalanan mo hindi lang sa akin kundi sa mga taong niloko mo.

Ngunit lahat ay nag-iba nang sumapit ang ika-tatlumpu’t walo hanggang sa epiko na binabasa mo ngayon. Ang lahat ng negatyibong pananaw ko sa buhay ay unti-unting nagbago at napalitan ng magagandang alaala mula sa aking karanasan. Ang mga tao na naging anino sa bawat epiko na aking isinusulat ang nagsilbing lakas at inspirasyon ko na na kung tutuusin ay may mahalagang parte sa aking buhay. Mula sa panibagong daan na nabuksan, nagkaroon ng direksyon ang aking mga isinusulat na lalong nagpakita ng magandang parte ng buhay. Sa bawat tipa ng keyboard, kasama nito ang bawat kaisipan, opinyon, emosyon at karanasan na gusto kong ibahagi sa mga susunod na henerasyon. Kahit unti-unti nang nawawala ang hilig ng makabagong kabataan sa nakasanayang pagbabasa, ginamit ko ang makabagong teknolohiya na sa tinign ko ay mas lalong makakapaglapit sa akin at sa mga mambabasa. Hindi ko pakay ang magsermon, mangaral o kumontra sa mga opinyon at paniniwala ng nakakarami. Sa halip, nais kong magbigay ng inspirasyon na subukan nila ang pagbibigay ng ekspresyon sa pamamagitan ng kanilang mga talentong ipinagkaloob ng Diyos. Nang dahil dito, wala akong pinagsisisihan sa mga masasamang kabanata ng aking buhay na aking nalagpasan.
Sa aking pagsusulat, nakita ko din ang mundo na kinakaharap ng mga tao sa buong daigdig. Ang mga isyu tulad ng aking mga isinulat tungkol sa terorismo, kalikasan, pag-iisip ng indibidwal, sistema ng edukasyon, hustisya at relihiyon at kung ano-ano pang nagiging ugat ng suliranin ay pinilit kong bigyan ng sariling opinyon base sa mga binasa, sinaliksik at karanasan na maaaring makatulong upang maliwanagan ang pag-iisip ng bawat isa na nasa sitwasyon ng kaguluhan. Kahit na may kalabuan at mahirap intindihin ang aking nasa isip, sana ay nakatulong ako kahit kaunti nang sa ganun ay may nagawa akong kabutihan para sa ‘yo.

Tulad nang nabanggit ko, nalikha ang blog na ito mula sa pagkawasak ng aking sarili. Ngunit tulad ng teorya sa Bibliya, pulitika, siyensya at digmaan, ang isang paglikha ay hindi maisasakatuparan kung walang pagkawasak. Mula sa pagkawasak ng aking sarili, nabuo ang aking bagong pagkatao at ang bunga nito ay ang iyong binabasa ngayon.

Hindi ko alam kung paano, kailan, saan at bakit ko dapat ipagpatuloy ang aking ginagawa. Sa paningin man ng iba ay isa itong pag-aaksaya ng panahon at oras o di kaya ay pagpapansin lang, naniniwala ako na ang ibang mambabasa ng blog na ito ibinabahagi at nagiging inspirasyon nila upang magpatuloy sa buhay. Ngayong patapos na ang taong 2010, hindi ibig sabihin nito ay katapusan na ng aking walang pagod na pagsusulat. Bagkus, isa na namang simula sa atin ang naghihitay na walang katiyakan.
Kaya tulad ko, huwag kang matakot. Subukan mong abutin ang iyong pangarap. Lagpasan mo ang kakayahan na mayroon ka at hanapin ang totoong bagay na makakapagpaligaya sa ‘yo.

Gusto ko din magpasalamat sa mga nakabasa, bumasa, nagbabasa at patuloy na sumusuporta sa aking blog. At sa mga first-time at hindi ko masugid na mambabasa, sana ay simulan mong muli magbasa dahil nakakabuti ito hindi para sa akin kundi mas lalo sa ‘yo.

Kaya sana, samahan mo ako sa buong taon na dadating na tuklasin, maramdaman, hawakan at matuto sa mga susunod na araw ng aking paghahanap sa hindi matukoy na landas ng buhay.

Isa lang ang New Year’s Resolution ko – na hindi ako magsawa sa pagsusulat para sa inyo.

Manigong bagong taon sa inyong lahat!

No comments:

Post a Comment