Wednesday, December 15, 2010
Epiko 57: “Si G. Lauro, Si Hubert at si Emong”
Sa nakalipas na labing-siyam na taon, nakamulatan ko na ang nangyaring “Crime of the Decade” noong dekada nobenta na “Vizconde Massacre.” Ito ay isang malagim na krimen na kung saan pinatay ang isang mag-iina sa kanilang bahay. Nagimbal ang buong bansa sa pangyayaring ito na nagbigay-kulay sa masalimuot at magulong sistema ng hustisya sa ating bansa. Bagama’t masasabi ko na isa itong masamang bangungot kay G. Lauro Vizconde, siya ay nagpatuloy sa kanyang paghahanap sa mga salarin sa nasabing krimen at ang buong mamayang Pilipino ay nakisimpatya sa kanya.
Sa pag-iimbestiga, dinakip at ikinulong si Hubert Webb kasama pa ang limang kabataan. Ayon sa pangunahing saksi na si Jessica Alfaro, sila ang mga taong nasa likod ng krimen. Nang umandar na ang pagsasaliksik at pagdedesisyonb ng Korte Suprema, sila ay nahatulan ng nabambuhay na pagkakabilanggo.
Ngunit sa paglipas ng mga taon, patuloy pa din ang paghahanap ng magkabilang kampo ng tunay na katarungan sa kanilang panig. Hanggang sa ngayong buwan ay naglabas ng desisyon ang korte na mapalaya sina Hubert Webb dahil sa kakulangan ng ebidensya at katunayan na inosente siya sa krimen. Sa pangyayaring ito, muling nakalog at na-kwestyon ang hustisya sa ating bansa.
Ano ba talaga ang problema sa kasong ito na talaga namang pinag-uusapan mula sa pulong ng mga mayayamang negosyante hanggang sa ordinaryong usapan ng mga matatanda sa kanto?
Sa tingin ng marami, ang lumalabas na kawawa dito ay si G. lauro na nagkakaroon na maliit na pag-asa na makita at mahuli ang totoong pumatay sa kanyang pamilya. Ngunit sa likod ng mga isinisigaw ng mga kaibigan, kapamilya at mga grupong nakiki-simpatya sa kanya, may isang tanong na hindi pa niya nasasagot – katarungan ba ang hinahanap niya o simpleng pagganti sa mga pumipigil upang siya matahimik na?
Sa kampo ni Hubert, kahit na maraming nagsasabi na hindi siya dapat napalaya, may ibang tao ang naging masaya dahil sa paniniwalang inosente siya. May mga taong nagpapatunay na hindi niya kayang gawin ang krimen na ‘yon sapagkat ayon sa mga ebidensya ay matibay ang katibayan ng kanyang pagka-inosente. Isa din itong kahanga-hangang pagpapakita ng isang katatagan at pagkakaroon ng pag-asa sa mga taong naiipit sa mga pagsubok na tila wala nang pag-asa. Sa pamilya ng mga Webb, ito ang tunay na hustisya.
Pero paano na si G. Lauro na tila mamamatay na sa sama ng loob sa mga nangyayari at si Hubert na tila hindi alam kung paano magsisimula ng panibagong buhay?
Siguro naman, panahon na upang maisip nila magsimula muli…
Sa buhay natin, mahirap magsimula ng isang panibagong yugto na kung saan hindi alam kung paano sisimulan. Kahit nga ako eh naranasan din ang kanilang nararamdaman. Kahit na hindi eksaktong pangyayari ang naranasan ko tulad nial, masasabi ko na naramdaman ko din kung paano mabigo. Tulad din ako ni G. Lauro na nawalan din ng isang mahalagang tao at hinahanapan ng katarungan ang mga bagay na tila sumira sa aking pagkatao. Ngunit tulad ni Hubert, hindi ako sumuko, nagpatuloy akong harapin ang bawat araw upang makapagsimula muli. Sa tulong ng Panginoon, mga kamag-anak, mga kaibigan at mga taong naniniwala sa aking kakayahan, nakita ko na ang lahat ng mga pangyayaring ito ay may dahilan. Ginawa nila akong malakas, matatag at mapagkumbaba sa mga bvagay na aking ginagawa. Sa bandang huli, pinalaya ako nito sa isang pinakamadilim na kabanata ng aking buhay at nagsimula akong muli sa isang paglalakbay patungo sa aking pangarap. Para sa akin, nakamit ko ang hustisya na hinahanap ko sa aking pamamaraan.
Isang bagay ang aking napagtanto – ang hustisya ay hindi bulag… ito ay isang gulong na kung saan may tamang panahon upang ito ay makamit.
Sa mga taong katulad ni G. Lauro, huwag sana silang mawaang ng pag-asa. May tamang panahon para makamit nila ang totoong katarungan.Ngunit sa kanyang pagdadalamhati na kanyang nararanasan, nawa'y ipagpatuloy niya pa din na mabuhay.
Sa mga katulad naman ni Hubert, nawa ay makita nila ang tunay na kahalagahan ng hustisya at pag-ingatan nila ito. Magkaroon sana siya ng matiwasay na simula sa labas ng bilangguan.
At sa akin, ang masasabi ko lang ay ito… Ako ang hustisya!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment