Tuesday, December 21, 2010
Epiko 61: "Ang Hirap Talaga Kapag Nami-Miss Mo Ang Isang Tao"
Palagi ko siyang nami-miss… Parang free throw sa basketball game.
Malamang ito ang binubulong mo sa hangin kapag may naaalala kang tao. Normal lang ito dahil sa mga alaala na iniwan ng taong nagkaroon ng puwang sa puso at isip mo. Kahit nga ako eh ganun din ang nararamdaman kapag may naaalala ako.
Ang kaso lang, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag bigla ko siyang naalala. Malamang sa pagkakataong ito, maaari akong maglabas ng aking nararamdaman sa pammagitan ng pagsusulat. Tutal, ito lang naman ang kayang kong gawin sa ngayon dahil hindi ko na alam ang gagawin ko na parang larong Yu-Gi Oh.
Ang hirap… para siyang crossword puzzle sa Philippine Star!
Pero kahit ganito ang sitwasyon namin na tila unti-unti nang nagsasarado ang mga pintuan namin, masaya ako dahil nakilala ko siya, sa bawat sandali na nahihirapan o nawawalan ako ng pag-asa, siya lang ang iniisip ko at ang mga masasayang sandali na kasama ko siya. Para siyang Mang Inasal… hahanap-hanapin mo.
Ang hirap… para siyang Sudoku na nasa difficult category!
Kung titingnan mo lang ang panlabas na anyo niya, masasabi mo na napaka-swerte ng taong mahal niya at pinag-uukulan ng kanyang puso. Maganda siya ngunit may pagka-weirdong taglay dahil tulad ng salitang “Mississippi” at“rendezvous”, madali siyang sabihin ngunit mahirap i-spell dahil hindi mo alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan. Tulad ngayon, iniisip ko kung ano ang iniisip, ginagawa, at sinumang kasama niya sa mga oras na ito.
Ang hirap… para siyang utot na ayaw mong ilabas sa mataong elevator!
Pero sa kabila nang ginagawa ko ngayon, hindi ko mapigilan na isipin siya. Kung bakit kasi kapalit ng nawalang sakit at pagdurusa mula sa aking nakaraan ay siya naman ang pinag-aalayan ko ng ganitong pakiramdam – ang pakiramdam na parang walang pustiso dahil hindi ako makangiti kapag wala siya; tulad siya ng isang unggoy na nakabitin sa puso ko; parang kuto na hindi mawala sa isip ko; parang kare-kare na kulang kapag walang bagoong; parang siyang sipon na paulit-ulit na lumalabas sa kahit pigilan ang aking nararamdaman.
Kung alam mo lang ang sitwasyon ko ngayon, may nami-miss akong isang tao na pinagkakautangan ko ng kung ano ako ngayon. Nang dahil sa kanya, muli akong ngumiti. Siya ang nagbigay sa akin ng panibagong saya at lakas ng loob upang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Siguro nga kung hindi nag-krus ang aming landas, baka hanggang ngayon eh nasa mapait na kabanata pa din ako ng aking buhay. Nang dahil sa kanya, naging positibo ang tingin ko sa lahat ng bagay. Kahit na ang mga ginagawa ko ay balewala sa kanya at hindi niya binibigyan ng importansya, ayos lang. Ang sa akin lang, maipakita ko sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin. Yun nga lang, hindi siya katulad ko na (sa tingin ko lang) ay mayroong pagpapahalaga sa mga taong nagbibigay-halaga sa bawat maliliit ngunit mabubuting bagay na mula sa iba. Para lang hangin siguro ang turing niya sa akin… pinaparamdam ko ang presensiya ko ngunit di niya makita.
Ang hirap… para siyang The Emong Chronicles kung iintindihin at isasabuhay!
Pero okay na siguro kung ganito na lang ako sa kanya. Kaysa naman masaktan uli ako. Sa ngayon, tinulungan niya akong makalaya sa isang masamang bangungot at matinding kalungkutan. Para siyang si Mighty Mouse – “here she come to save my day!” Kaso sa ngayon, miss ko na siya… parang mga episode ng Kamen Rider Decade.
Hindi na din ako umaasa na mababasa niya ito. Para saan pa at para ano pa? Kung bakit pa kasi nauso pa ang salitang “I miss you” kung hindi naman nakakain o naisusuot… pero hindi naman nalalaos sa mga nage-emote (tulad ko).
Ang mga isinusulat ko ngayon ay tila popcorn o Boy Bawang sa iyong paningin… ang corny di ba? Pero kahit corny ito, ang salitang nararamdman ko sa kanya ay parang galaw ng isang amateur sa RAN Online o DOTA; para itong tawag sa isang dalaga; para itong isang klase ng negative prefix sa English grammar; at higit sa lahat, ito ang akmang salita sa para sa kanya sa mga oras na ito… Ang hirap talaga kapag nami-miss mo ang isang tao!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment