Thursday, December 23, 2010

Epiko 62: "Ang Buhay Ng Mga O.F.W. Ay Tulad Ng Isang Balik-Bayan Box"



Sa kadahilanang kailangang maitawid sa kahirapan ang kanilang pamilya, nagpasya ang iba nating kababayan na Overseas Filipino Workers o OFW na pumunta sa ibang bansa upang makipagsapalaran. Kahit mahirap ito sa kanilang panig, wala silang magagawa kundi lumayo at isakripisyo ang kanilang sarili nang sa ganun ay maging maalwan ang pamumuhay ng kanilang pamilya na naiwan sa Pilipinas.

Nasukat na din ng ating mga kababayan ang magagaling na diskarte nila sa ibang bansa na nagpapatunay na ang Pilipino ay pwedeng mabuhay kahit saang parte ng daigdig. Bayani man sila kung ituring ng pamahalaan, may iba sa kanila na nagiging martir o alipin ng ibang lahi na nagiging mitsa ng kanilang buhay. Hindi lahat ng mga OFW ay nagiging maswerte. Ang iba pa nga ay umuuwi sa bansa na walang trabaho o pasalubong, bugbog sarado o kapag minamalas ay isa nang malamig na bangkay.

Ano nga ba ang pakiramdam ng isang OFW na malayo sa kanyang pamilya tuwing sasapit ang kapaskuhan, kaarawan ng kanilang anak, graduation ng kapatid, kamatayan ng kanilang kaanak o simpleng reunion ng kanilang angkan? Syempre, nandyan ang pakiramdam ng matinding kalungkutan na kung minsan ay inilalabas na lang nila sa isang sulok para iiyak. Minsan pa nga, ito ang dahilan ng kanilang maagang pag-uwi dahil naho-“home sick” sila. May iba naman, dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon, pinipilit nila itong makausap ngunit hindi pa din mapigilan ang pakiramdam ng panghihinayang dahil wala sila upang mahawakan, mayakap at mahalikan ng mga mahal nila sa buhay. Isa pa, minsan ay may pagkakataon na gusto nilang umuwi ngunit wala silang magawa dahil ang kapalit nito ay ang trabaho nilang may posibilidad na hindi na nila mabalikan kaya tinitiis na lang nila ang sakit ng pagkalumbay sa tuwing sasapit ang mga mahahalagang okasyon sa kanilang pamilya. Pilit man nilang ilagay ito sa alaala nila, mas nangingibabaw pa din ang kahilingan na sana ay nandun sila sa piling ng kanilang pamilya at kasalo sa mga masasayang sandali ng kanilang buhay.

Ngunit kadalasan, tayong mga Pilipino ay nakakalimot sa mga pakiramdam ng mga kaanak natin na nasa ibang bansa. Mas iniisip pa nga ng nakakarami sa atin ang mga materyal na bagay na kung tutuusin ay bunga ng kanilang dugo, luha at pawis upang makarating ito sa atin. Ang iba pa nga ay tila dismayado pa sa mga natatanggap buhat sa kanila dahil kulang ito o kaya ay hindi ito ang kanilang inaasahang ipadala na isinasawalang-bahala o kaya ay hindi natin binibigyan ng importansya.

Tulad mo, ako din ay may mga kaanak na nasa ibang bansa. Ang iba pa nga ay inaakala ng nakakarami na mayaman o maalwan sila sa buhay. Naging mentalidad na kasi ng mga mangmang na Pilipino na kapag nasa ibang bansa ang isang Pilipino ay mayaman na ito o di kaya ay mapera. Ang hindi nila alam, hindi din nalalayo ang kanilang sitwasyon dito sa Pilipinas o di kaya naman ay kapalit ng mga materyal na bagay na galing sa kanila ay pagod at hirap nila sa pagta-trabaho. Nakakaiyak lang kung iisipin na kapalit ng lahat ng saya ng nararamdaman ng mga kaanak na hindi marunong magpahalaga sa mga padala nilang “balik-bayan box” ay ang pagka-ulila at kalungkutan na tila naisasantabi na lang.

Sa mga Pilipinong OFW, hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit kailangang umalis kayo sa bansa. Ngunit naiintindihan ko ang inyong nararamdaman dahil masakit ito para sa inyo lalo na ang malayo sa inyong pamilya. Kahit na nananaig sa inyo ang kasiguraduhan ng inyong pamilya, sana ay hindi kayo makalimot sa Diyos na hindi kayo iiwan at pababayaan. Siya lang ang inyong matatakbuhan at malalpitan sa oras na hinhilinh niyo ang kaligtasan at kaayusan ng inyong pamilya. Ang desisyon niyong umalis sa ating bansa dahil sa sitwasyon ng ekonomiya at gobyerno ay aking naiitindihan at ng nakakarami. Kaya ang dasal lang namin ay ang inyong pag-iingat sa inyong trabaho at maayos na kalusugan. May tamang panahon at oras din sila para makauwi at makapiling ang inyong pamilya.

Sa mga kaanak ng mga OFW, sana naman ay maisip niyo din ang kahalagahan ng kanilang hirap at sakripisyo. Habang nasa ibayong dagat sila, sana naman ay pag-ukulan sila ng pansin at gumawa ng hakbang tulad ng pag-iimpok sa bangko, pagtitipid at pagtatayo ng pagkakakitaan hanggang sa lumago nang sa ganun ay hindi na sila bumalik sa ibang bansa. Unawain din natin sila sa tuwing may pagkakataon na maliit lang ang kanilang padala. Ang mahalaga dito ay nakaalala sila sa inyo at pinahahalagahan nila ang inyong importansya sa kanila. Pero ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagpapanatili ng mabuting komunikasyon sa bawat isa. Kahit malayo man, para pa ding malapit dahil nagkakaroon ng matinding bigkis na nagpapalakas sa bawat puso na harapin ang bukas ng taas noo at masaya.

Kaya nga dapat ang mga kabataan ngayon ay iminumulat sa totoong sitwasyon at pakiramdam ng mga kababayan natin na OFW. Nang sa ganun, makahanap sila ng paraan upang matulungan ang ating bansa na umangat at maging progresibo nang sa ganun ay wala nang mga Pilipino na magpapaalipin sa ibang lupain. Responsibilidad ito hindi lang ng mga kaanak ng mga OFW kundi pa din na din ng mga ibang pilipino na naghahangad ng kaginhawaan sa buhay.

Sa inyong lahat, sana ay maisip niyo ng kasabihan na ang buhay ng isang OFW ay parang isang balik-bayan box… hindi mo alam kung ano ang nasa loob hanggang sa mabuksan mo ito.

No comments:

Post a Comment