Thursday, January 13, 2011
Epiko 67: "Ang Sumpa Ay Walang Resibo"
Mayroon akong isang kwento na siguradong mapapaisip kayo.
Isang magkasintahan ang naghiwalay sa kadahilanang may iba nang mahal ang babae. Dinamdam ito ng lalaki at halos masira ang buhay nito dahil sa nangyari. Buong akala ng lalaki ay totoo ang mga salita at kilos ng babae sa kanya – ngunit nagakamali siya.
Isang gabi, habang umuulan at naglalakad pauwi sa kanilang bahay, isinigaw niya ang isang isumpa na habambuhay na pagsisisihan ng babae ang ginawa sa kanya. Kasunod nito, isang malakas na kidlat ang lumabas na nagpakita sa isang galit at lumuluhang lalaki.
Lumipas ang ilang buwan, natanggap na ng lalaki ang katotohanan. Sa tulong ng mga kanyang kaibigan at mga bagong nakilala, naisip niya ang isang bahagi ng buhay na kailanagang mabuhay ng masaya at tanggapin ang katotohanan nang sa ganun ay maging matatag at malakas na tao siya. Tila nakaliumutan na niya ang isang bahagi ng kanyang nakaraan na halos sumira sa knayang pagkatao.
Sa kabilang banda, ang babae ay aksidenteng nabuntis ng kanyang bagong kasintahan. Hindi naging madali ang kanyang sitwasyon dahil ang kanyang kinakasama ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral at mayroong hindi maayos na pamumuhay. Ngunit sa kabila nito ay pinipilit niyang panindigan ang kanyang ginawa dahil ginusto niya ito.
Hanggang sa magkita silang muli. Ang lalaki ay muli nang nakakangiti at may maayos nang buhay samanatalang ang babae ay nasa ikaanim na buwan ng kanyang pagdadalang-tao. Sa bawat oras na magkalapit sila, wala na ang dating matamis na samahan na tinginan.
Ngunit may isang bagay ang nagdudugtong sa kanila – ang sumpa ng lalaki noong dinurog ng babae ang kanyang puso.
Isang masamang balita ang dumating nang malaman ng lalaki na kritikal ang buhay ng kanyang dating kasintahan. Anumang oras ay pwede itong bawian ng buhay at ang kanyang dinadala.
Lumapit ang lalaki sa isang kaibigan nat ikinuwento ang buong pangyayari at ang sitwasyon nila ngayon. Hindi mapigilan na sisihin ng lalaki ang kanyang sarili dahil sa sumpa na ibinigay nito sa kanya. Ayaw niyang mahirapan ang dati niyang kasintahan ngunit wala siyang magawa.
“Ang sumpa ay walang resibo. Ibig sabihin, hindi mo na ito mababawi pa.” wika ng kanyang kaibigan.
Makalipas ang isang linggo, namatay ang babae. Habang nagluluksa ang lahat, ang lalaki ay nanatili na lang sa isang sulok at ipinagdasal ang kaluluwa nito na matahimik na. Pagkatapos nito, bumalik na sa normal ang lahat.
Isang kakatwa ngunit totoong nangyayari sa kasalukuyan na may mga salita tayong nabibitawan na kung minsan ay nagkakatotoo – mabuti man o masama. Hindi katulad ng karma, ang sumpa ay walang kapalit. Ito hindi mo na lang inaasahan na dadating sa taong pinagbigyan nito. At mas malala pa dito ay hindi mo alam kung anong pinsala ang kayang gawin nito sa taong binigyan mo nito. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi mo dapat ito pagsisisihan dahil sa maitim ang dila mo o di kaya ay maysa-mangkukulam ang lahi (huwag naman sana) mo. Natural at normal lang sa tao na nagsasalita ng isang sumpa lalo na kapag galit. Ngunit mag-ingat pa din sa bibitawan na salita sapagkat hindi mo masasabi na mabuti ang epekto nito sa ‘yo.
Inuulit ko, ang sumpa ay walang resibo na hindi mo pwedeng bawiin. Hindi hihinto ang mundo para lang sa isang tao. Ang mga salitang binibitawan na may kasamang galit at paghihiganti ay isang indikasyon na tayo ay tao na may nararamdamang emosyon at may salita na makapangyarihan na pwedeng kumitil o magligtas ng buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment