Thursday, January 20, 2011

Epiko 68 - "Para Sa Mga Nakalunok ng Pakwan"



Alam na natin ang kasabihan na kapag nagdadalang-tao ka, ang isang paa mo ay nasa hukay na. ito ay sa kadahilanang masyadong maselan at delikado ang pagkakaroon ng bata sa loob ng sinapupunan ng isang babae. Bukod sa nagkakaroon ng pagbabago sa loob at labas ng katawan nito, nagiging dahilan din ito ng iba’t-ibang pangyayari na hindi natin inaakalang mangyayari na maaaring magbago sa buhay ng kahit sino sa atin.

Isang halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng isang abnormal na anak. Mula sa aking natatandaan noong nakuha pa ako ng Developmental Anatomy sa aking kursong beterinaryo, maraming dahilan kung bakit ito nakukuha. Una, maaaring ito ay namamana. Pangalawa, maaring nagkaroon ng isang sakit ang babae na nakaapekto sa pagbubuntis nito. Pangatlo, ang mga pagkain o gamot na kanyang tinatanggap ay nagkaroon ng reaksyon na nakaapekto sa pagbuo ng bata sa sinapupupnan. At pang-apat, hindi tugma ang DNA o sex chromosomes ng lalaki at babae na posibleng naging dahilan ng abnormalidad. Iba’t-ibang klase ang abnormalidad ng isang indibidwal. Maaring ito ay pisikal (halimbawa ay kulang ang mga daliri sa paa, bingot, may butas ang puso atbp.) o di kaya ay mental (halimbawa ay Down’s Syndrome, ADHD o pagiging Autistic).

May pagkakataon din na ang babaeng nagdalang-tao ay makaranas din ng iba’t-ibang komplikasyon o problema sa kanyang kalusugan. Isa na dito ang kung tawagin ay Post Natal Depression na kung saan ay nagkakaroon ng problema sa pag-iisip ang isang nanganak na kung saan ayaw niyang hawakan o kilalanin ang kanyang iniluwal na sanggol. Mayroon din naman na kung tawagin sa terminong Filipino ay
“Eclamsia” na nagkakaroon ng pamamanas na nagigng sanhi ng pagkasakal sa sanggol sa lood ng katawan na maaring ikasawi ng parehong bata at ina.

Ang aking mga nabanggit ay ilan lamang sa mga problemang nakakaharap ng mga inang nagdadalang-tao. Hindi man ako doktor, may ilang payo ako na gusto kong ibahagi sa mga taong may balak magbuntis o di kaya ay nabuntis na. Ang pagkakaroon ng anak sa loob ng sinapupunan ay hindi biro. Naranasan ko nang mawalan ng anak mula sa pagbubuntis ng akong asawa at labis ko itong dinamdam. Ginawa ko ito para hindi na maranasan ng ibang nagbubuntis ang nangyari sa akin.

Una, siguraduhing handa na ang pisikal at mental na pangangatawan bago magbuntis. Ayon sa mga Obigyne o OB (mga doktor na dalubhasa sa anatomikal at pisholohikal sa katawan ng isang babae), mahalaga ito sapagkat kapag ang kondisyon ng babae ay normal, hindi ito mahihirapan magbuntis sa kadahilanang maayos at nasa kondisyon ang pangangatawan nito.

Pangalawa, siguraduhing may sapat na ipon o matatag na trabaho ang asawa o ka-partner. Ang bawat hakbang na gagawin ng nagdadalang-tao ay may kaukulang gastos. Dapat itong paghandaan.

Pangatlo, bigyang pansin ang mga kinakain. Mahalagang tingnan ang bawat kinakain ng isang buntis. Tama at balanseng pagkain ng gulay, prutas, isda at karne ay isang malaking tulong para mabigyan ng tamang nutrisyon hindi lamang ang nagbubutis pati na din ang sanggol na nasa sinapupunan nito. Ang pag-iwas sa mga pagkain at inumin tulad ng junk foods, softdrinks, tsokolate at alak ay makakatulong para maiwasan ang abnormalidad ng nagbubunits at ng batang nasa sinapupunan.

Pang-apat, iwasan ang ma-stress. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng problema ang nagbubunti at ang sanggol na dinadala nito. Ang stress ay maaring pisikal (trabaho, panahon o mga tao sa kapaligiran) o kaya ay emosyonal (problemang pinansiyal, away ng mag-asawa, atbp.) hangga’t maari, iwasan ag mga problemang ito para sa kapakanan ng bata at ng ina nito.

Panglima, may regular na pagkonsulta sa doktor. Ito ay makakatulong upang maalagaan ang kalusugan at kondisyon ng ina pati na din ang sanggol na dinadala nito. Alam nila ang makakabuti sa mga nagdadalang-tao kaya dapat na sudin lang ang kanilang payo.

At ang pinakahuli, disiplina. Hindi magkakaroon ng katuparan ang naunang limang payo kung walang disiplina ang nagdadalang-tao.

Hindi madali ang pagbubuntis na parang dumumi ka lang sa banyo at tapos na. Dapat nating isipin na lahat tayo ay nagdaan sa sitwasyon na ipinagdalang-tao tayo ng ating mga magulang at naghirap din sila. Nararapat din na ingatan ng mga babae ang kanilang sarili sa panahon na ito nang sa ganun ay mabuhay ng normal at masaya ang isang pamilya.

No comments:

Post a Comment