Friday, October 29, 2010

Epiko 47: "Wala Nang Pag-Asang Umunlad Ang Pilipinas Kung…"



Mula pa noong unang panahon, ang isang grupo, pamayanan at bansa ay pinangungunahan ng isang lider. Hindi na ito bago sa atin ngunit sa panahon ngayon na naghahanap tayo ng mga solusyon sa problema o kaya’y sagot sa mga katanungang bumabagabag sa ating estado sa buhay, hinahanap natin ang isang mahusay ant mapagkakatiwalaang tao na maaaring magsalba sa atin sa kaligtasan at kaginhawaan.

Ngunit bakit sa panahon na ito ay napakahirap hanapin ang isang tunay na lider?
Simple lang ang tanong na ito ngunit napakakumplikado kung sasagutin dahil hindi ito madali tulad ng pagpili ng damit sa palengke o masarap na pagkain sa isang kainan. Sa katanuyan, para kang naghahanap ng isang hibla ng buhok sa kugunan na nakapiring ang mga mata.

Kung mapapansin natin ang nangyayaring sitwasyon ng ating pamahalaan sa bansa, para na itong “carnival” dahil may mga salamangkero (na nagdadaya o gumagawa ng milagro kapag eleksyon), artista (na dinadaan sa karisma at pisikal na anyo para makapang-akit ng mga susuporta), payaso (tulad ng mga nuisance candidate kapag eleksyon), at mga negosyante (na ginagawang negosyo ang paglilingkod sa bayan na kumakamal ng malalaking salapi mula sa kaban ng bayan) na bumubuo dito. Ang mga mamamayan ng ating bansa ay naaaliw at nababaliw sa tuwing may halalan. Ngunit pagkatapos nito ay samu’t-saring hinaing, problema at isyu na hindi agad mabigyan ng karampatang aksyon na nagpapalala sa kondisyon n gating mga kababayan. Nakakalimot na tayo sa paraan ng pagpili ng totoong lider na kung tutuusin ay hindi pinapalad na magsilbi at makatulong sa ating lahat.

Ang mga tanong tulad ng “Sino ba ang dapat mamuno sa atin?” o “Paano ba pumili ng magaling na lider” ay isang malaking katangahan sa kadahilanang lahat tayo ay pwedeng mamuno at tayo ay maaring piliin para mamuno. Ngunit sa kasamaang palad, ito na ang tumatak sa isipan nating mga Pilipino na nagging mitsa upang maging parasitiko tayo sa mga baluktot na paniniwala at plataporma ng mga pinunong nanalo sa halalan.

Ang dapat nating itanong sa sarili natin ay “Paano ako magiging magaling na pinuno?” Hindi ibig sabihin nito ay kakalabanin mo ang mga taong may salungat sa iyong ideolohiya o posisyon sa isang isyu. Ang stwasyon ditto ay paano mo matutulungan ang sarili mo na pamunuan ang iyong pagkatao. Ang pagiging lider ay nagsisimula sa sarili. Kung alam mo sa sarili mo na tapat ka, responsible, maasahan ng tulong, matalino at malawak ang pag-iisip ay nasa sa iyo na ‘yon. Kung magsisinungaling ka sa ‘yong sarili, malaki ang posibilidad na magsinungaling ka din sa nakakarami. Kung gusto mo na maging mabuting ehemplo sa iba, gawin mong ehemplo ang iyong sarili nang sa ganun ay makita ng mga tao ang iyong tunay na pagkatao – mula sa pagpulot ng balat ng candy sa kalsada hanggang sa pagbibigay mo moral sa mga tao.

Mahirap di ba? Pero ang magreklamo sa isang lider ay napakadali kasi madaling hanapin ang kapintasan at kahinaan nito pagdating sa pamumuno. Kalimitan itong ginagawa ng mga taong gustong sumira sa reputasyon at kredibilidad ng isang lider. May iba nga na taon ang binibilang na pagpaplano dahil gusto nilang makasiguro ang kasiraan at tiyak na pagbagsak nito. Kaya nga ang metalidad nating talangka ay isang patunay na wala tayong pag-asang umunlad at umasenso kailanman.

Sa kabuuan, wala nang pag-asa ang bansa nating umunlad kung ganitong klaseng sistema ng pamumuno ang ating susundin. Hindi naman sa hindi ako nagbibigay ng kawalang pag-asa sa bawat isa. Isipin niyo lang at pagmasdan ang rrealidad ng buhay at pamumuno sa ating bansa. Kung di mo gagawing lider ang iyong sarili, ang pag-asang inaasam mo ay di mo na makukuha. Tumayo ka at sa bawat hakbang na gagawin mo ay paniguradong may susunod sa yapak mo bilang lider – masama man o mabuti.

Ang pagiging lider mo ay may dalawang kapalaran – ang buuin nito ang pagkatao mo laban sa masama o sirain nito ang sarili mo dahil sa kabutihang isinawalang-bahala mo.

Friday, October 15, 2010

Epiko 46: "Paalam... Sa Ngayon"



Paano ko ba ito sisimulan?

Sa buhay, mahirap magpaalam sa mga tao na napamahal na sa atin. Wala nang sasakit pa sa mga sandali na ikakaway mo ang iyong mga kamay at mapipilitang ngumiti sa kabila ng lungkot at panghihinayang na nararamdaman. Sa mga oras na ito, hindi ko alam kung dapat ba akong maging masaya o malungkot dahil sa mga naranasan ko sa loob ng Munting Ilog National High School – Silang West Annex sa loob ng tatlong buwan. Hindi ko akalain na ang lugar na ‘yon ay nagsilbing sangtuwaryo ko sa mga hirap at sakit na aking naramdaman sa nakalipas na sampung buwan.

Sa aking cooperating teacher na si Ms. Danelica Tolentino, abot-langit ang pasasalamat ko sa kanyang gabay at tulong para malagpasan ko ang semestreng ito. Siya na ang masasabi ko na maganda, matalino at mabait na CT ko na kaya kong ipagyabang sa mga kaklase ko na may pangit na karanansan sa kanilang practice teaching. Kahit na minsan ay parang wala siyang pakialam sa akin, nararamdaman ko ang kanyang pag-aalala at malasakit sa akin lalo na kapag hindi ko alam ang aking gagawin. Sana marami pa siyang matulungan na tulad ko na gustong maging guro. Ang respeto at paggalang ko sa inyo (kahit na mas matanda pa ako sa kanya) ay hindi magbabago kailanman.

Sa mga guro na sina Sir Noel, na malalapitan sa oras ng kagipitan; Si Ma’m Kate na nagbigay ng isang matinding aral sa akin tungkol sa pagpipigil ng damdamin sa isang tao para sa kabutihan ng lahat; Si Sir Raymond na nagdagdag ng mga panibagong jokes at kalokohan na kapupulutan ng aral (nga ba?); Si Ma’m Bevs na masasabi kong pinakamatapang na babae na nakilala ko; At si Ma’m Gina na tumayong ina sa aming lahat sa morning shift… Maraming salamat sa inyo dahil kayo ang nagmulat sa akin sa mundo ng mga makabagong guro. Hindi ko po kakalimutan ang mga sandali na magkakasama tayo sa tuwa at lungkot.

Sina Kuya Efren at Kuya Tristan na palagi kong kakwentuhan kapag yosi break, Salamat po sa inyo. Ganun din ang mga tropang canteen na sa kabila ng mga utang na kinuha ko sa kanila ay aking paunti-unting binabayaran. Salamat po sa inyong pag-aasikaso sa akin sa oras ng gutom at busog.

Sa mga estudyante ko… (Roll call tayo…)

Section Jade… Kahit kayo ang pinakamaingay at pinakamakulit sa lahat ng nahawakan ko, kayo ang pinaka-sweet at thoughtful sa lahat ng nahawakan kong section. Kevin, Nikki, Marisol, Micah, Joshua (Esquillo at Calanog), Afif, Patricia, Rosemarie, Joseph Jopia, Christian Allen, Jhan Marc, Abel, Lenard, Jinky, Trixia at iba pa na hindi ko nabanggit dahil ang dami niyo, Salamat dahil naging bahagi kayo ng aking buhay estudyante-guro. Itinuro niyo sa akin ang isang mahalagang aral – ang buksan at ibahagi ang sarili sa mga taong gusto kang kilalanin at mahalin.

Section Ruby… Ang pinagkatiwalaan kong section hanggang sa huling sandali ng aking final teaching demo, hindi ako nagkamali sa pagpili sa inyo. Utang ko sa inyo ang grades ko. Edcel, Jonathan, Erlanie, Aljhun, Jemerson, Sheelamei, Joyce Ann, Paulo, Marbert, Mariela Paula, Francis, Nancy, Kimberly, Ehlla at sa mga hindi ko nabanggit, maraming salamat sa aral na aking natutunan sa inyo – ang ibaba ang mga mabibigat na pasanin at magpatuloy sa paglalakbay na walang dala-dalang mahihirap at masasakit na alaala mula sa nakaraan.

Section Emerald, kahit mahirap kayong hawakan sa klase, pinatunayan niyo sa akin na kaya kong gawin ang imposible – ang ibalik ang kumpyansa at responsibilidad na nawala sa akin sa mahabang panahon. Salamat sa inyo at natauhan ako na may mga dapat pa akong gawin at ituloy sa aking karerang pinili. Itinuro niyo sa akin ang totoong kahulugan ng pagpapakumbaba sa kabila ng kayabangan. Faye, Kristenelle, Merivah, Kristin, Cyrus, Andrey, Loree Ann, Rouiell, Cyrille, Edward, Juvy at sa iba na di ko nabanggit, salamat.

Sa mga ibang estudyante tulad nina Samantha, Alu, Stella, Charlie Ann, Jennifer, Dianne, Jessa, Christopher, Erickson at iba pang estudyante ng Section Diamond, galingan niyo sa klase! Ang advisory class ni Ma’m Tolentino na section Sapphire, salamat sa inyong makukulit at magulong kaklase nina Tricia, Maybel, Ivan, Renzo, Juvencio, Crisanto, Dominic, Josiah at Daryl ( na abot langit ang pagpapasalamat ko sa pagpapahiram ng DVD ni Kamen Rider Decade Series… HENSHIN!) Ang Section Pearl na sa kabila ng makukulit at pasaway ay masasabi ko na madali silang pakisamahan. Pakiusap lang sa inyo (pati na di sa lahat ng estudyante dito), ayusin niyo ang pag-aaral niyo at isipin niyo na lang kung ang anak niyo sa hinaharap eh katulad din ng ginagawa niyo… gugustuhin niyo ba yun? Jackris, Harris, Angelika, Kevin, Lymar, Krismel, Rachelle at iba pa na hindi ko nabanggit, sana maisip niyo kung ano nag kahalagahan ng pag-aaral sa buhay niyo.

Sa publication team, sana may natutunan kayo sa mga itinuro ko pagdating sa school paper. Sana kapag nakagawa na kayo ng dyaryo eh bigyan niyo naman ako ng kopya. Masaya ang magsulat… at sana hindi kayo tumigil sa pagsusulat tulad ko na habang buhay pa at may ballpen at papel o computer eh magsusulat ng magsusulat… na may kabuluhan.

Sa mga varsity players, okay lang na hindi kayo nagtagumpay ngayong taon, may susunod pang taon kaya alam ko na makakabawi kayo. Naniniwala ako na bago kayo mak-graduate eh makakaranas kayo na mag-champion. Basta kasabay ng pagiging magaling na player ay pagiging magaling din sa klase. Walang kwenta ang isang magaling na manlalaro kung tamad mag-aral… hindi kayo matatawag na isang varsity na dapat ipagmalaki ng school.

Sana sa pag-alis ko, may natutunan kayo sa akin hindi lang sa subject na itinuro ko. Kung anuman ‘yon, sana eh magamit niyo yun sa mga susunod na araw. Sa inyong lahat, kasingdami ng mga letrang isinulat ko ang aking pasasalamat sa inyo. Sana huwag kayong malungkot sa pag-alis ko. Dapat nga matuwa pa kayo kasi nagkakila-kilala tayo. Tandaan ninyo, “Sa bawat katapusan ay may bagong simula.” Katapusan man ito ng aking pagtuturo sa inyo, kayo ang nagsilbing bagong daan ko upang magsimula at tahakin ko ang panibagong araw na taas noo, nakangiti at masaya. Bahagi ang bawat isa sa inyo ng aking pagbabago. Nawalan man ako ng isang mahalagang tao sa buhay ko, hundreds naman ang pumalit sa katauhan niyo.

Mag-aral kayong mabuti…

Mami-miss ko kayong lahat…

Friday, October 8, 2010

Epiko 45: "Si Emong at Si Chi-Chi"



Ang totoo niyan, wala talaga akong ganang magsulat ngayon. Ewan ko ba. Para kasing kapag isinulat kong muli ang mga salitang aking nararamdaman eh hindi ko mapigilang magsabog ng sobrang tuwa at panghihinayang sa mga nangyayari.Ngunit kahit papaano eh nagpapasalamat pa din ako dahil isang daan ang muling nagbukas upang iiwas ako sa daang lalamon sa aking tunay na pagkatao.

Ang bilis ng panahon. Patapos na ang aking practice-teaching sa Munting Ilog National Hig School (MINHS) - Silang West Annex. Lahat ay umayon sa aking kagustuhan at may mga bagay na di ko inasahan na lalong nagbigay kaligayahn sa akin. Kahit sa maikling panahon, naka-recover ako sa aking pinagdaanang pagsubok na muntik ko nang ikasira at ikabaliw. Nawalan pa man ako ng isang napakahalagang tao sa buhay ko, napalitan ito ng mahigit na 600 na estudyante at mga bagong kaibigan. Doon pa lang ay nagpapasalamat na ako. Naisip ko na sa likod ng mga pagsubok at sakit ay sa bandang huli ay ngingiti ka din at magiging maligaya.

Ngunit may mas matindi pa sa nangyaring ito.

Mula sa maalat na dagat ng Naic Campus, dumating si Chi-Chi. Noong una, hindi ko siya maintindihan Ang weirdo kasi niya. Ngunit habang lumipas ang mga araw at buwan, nakilala namin ang isa't-isa. Ginamitan ko siya ng pinakamatinding sandata - Ang "Oreo." Naging magkaibigan kami. Hindi ko na namalayan na unti-unti na niyang inaalis ang galit at lungkot sa puso ko. Parang isang anghel ang kanyang presensya kapag nagkikita kami. Lahat ay masaya kapag nakikita kami. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa tuwing nagtatalo o nagbibiruan kami. Sa di inaasahang pagkakataon, naisip ko na siya na siguro ang taong magbibigay ng saya at kulay sa aking mundo sa loob ng lugar na 'yon.

Ngunit magkaiba kami - at maraming pagkakaiba ang sa tingin ko ay hindi magiging hadlang sa aming nabuong magandang pagkakaibigan. Basta alam namin ang aming limitasyon, ayos na 'yun. Kapag iniisip ko ang araw na hindi na kami magkikita tulad ng mga nakaraang araw at buwan, di ko mapigilang maging malungkot. Pero ganun talaga eh... Kaya nga habang may panahon pa eh sinusulit ko ang mga oras na kasama siya. Sa mga oras na gumagawa kami ng portfolio, naglalakad pauwi o kaya eh nasa loob kami ng school compound, sinisigurado kong maganda ang kalalabasan nito dahil ito ang magsisilbing alaala ng aming masasayang sandali. Idagdag mo pa ang nangyaring misadventures namin sa plaza kasama ang mga nakita naming gulo mula sa aming mga estudyante. Lalong naging malinaw ang larawan niya sa aking isip.

Sa likod ng mala-bitukang maton niya pagdating sa ice cream at sa kantang "Why do birds suddenly appear everytime you are near?", ang lahat ng kalungkutan sa puso ko ay tila isang magic na biglang nawawala. Kung anuman ang ginawa niya sa akin, di ko alam. Hindi man siya ang aking una o hindi man niya ako ang una niyang naging kaibigan na may ganitong pakiramdam, eh ano naman? Hindi siya perpekto at ganun din ako at hindi kami perpekto sa isa't-isa. Pero hangga't napapasaya niya ako at tanggap na nagkakamali ako bilang tao, mananatili ako sa ganitong pakiramdam at hindi bibitaw. Hindi man niya ako iniisip bawat oras, bawat minuto o bawat segundo, ibibigay ko ang aking pag-aari na pwede niyang sirain - ang puso ko. Kaya di ko siya sasaktan, di ko siya babaguhin at di ako aasa sa mga bagay na kanyang pwedeng ibigay. Ngingiti ako kapag masaya siya at ipapaalam ko sa kanya kung naiinis ako... at mami-miss ko siya kapag wala na siya.

Ngunit sa bandang huli, masaya na ako na magkaibigan lang kami.