Saturday, July 24, 2010

Epiko 35: “Sa Bandang Huli, Uuwi Din Ako Sa Piling Ng Misis Ko”



Sa halos anim na taon, nagkaroon ng kakaibang kulay ang buhay may asawa ko sa piling ni Myda. Kung ilalarawan ang aming pagsasama mula ng una kaming nagkita sa Indang hanggang sa mga sandaling nagtitipa ako ng keyboard habang sinusulat ito ay talagang hindi maiiwasan na makaramdam ako ng pagtaas ng balahibo habang iniisip ko siya. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang ito ginawa para alayan siya ng isang kakaiba ngunit espesyal na handog sa aming ika-anim na anibersaryo ng aming kasal bukas.

Paano ba ako magsisimula?

Taong 2000 noong una ko siyang makita. Pareho kaming nagsisimula na mag-aral ng kolehiyo at sa iisang boardinghouse kami nakatira. Medyo magulo at nakakatawa ang istorya ng una naming mpagkikita dahil nalito ako sa kanya at sa kanyang kakambal. Hindi naman siya nagkaroon ng matinding impact sa akin nung una kasi may isang babae ang pinapangarap ko noon. Hanggang isang araw eh nagkataon na nagkasabay kaming magpagupit ng buhok sa isang parlor. Doon kami nagkaroon ng pormal na pag-uusap na kaming dalawa lang. tinanong ko siya kung ano ang bagay na gupit sa akin at sinabi niya na simpleng barber’s cut lang ang gusto niya kaya ‘yun ang napagpasyahan kong ipagupit. Nang siya na ang gugupitan, tinanong ako ng parlorista kung ano ang gustong gupit ko sa girlfriend ko. Nagtaka ako (pati siya) dahil siguro napagkamalan na mag-bg/gf kami. Sinabi ko ang gusto kong gupit sa na babagay sa kanya… simpleng trim lang na medyo maiksi.

Hindi naman ‘yun ang dahilan kung paano kami nagkalapit ng loob. Natuwa lang ako sa kanyang pagka-inosente at mabait na pakikisama sa akin. Hindi naman kami agad naging magkaibigan kasi abala ako sa teatro at sa pag-aaral ko. Isang araw, nagyakag ang isang kasama namin sa boardinghouse sa isang piyestahan dito sa isang baryo sa Silang. Sumama siya kasama ang iba naming ka-boardmates. Ewan ko ba pero inalalayan ko siya sa lugar na ‘yon kasi taga-Magallanes siya. Iningatan ko na di siya maligaw at mahirapan noong mga oras na ‘yon. Para sa akin, wala ‘yun kasi ang totoo, wala naman akong nararamdaman na espesyal sa kanya noong mga panahon na ‘yon. Nang pabalik na kami ng Indang, nagka-kwentuhan kami sa byahe. Wala naman akong nalaman na maayos sa kanya. Siguro eh dahil hindi pa ako interesado sa kanya.

Pero nagulat ako sa mga sumunod na araw…

Habang lumilipas ang mga araw, napapansin ko na parang may kakaiba na nangyayari sa aming dalawa. Nagpapansinan na kami at nagkaka-usap ng mga bagay na parang unti-unti naming binubuksan ang aming sarili sa isa’t-isa. Dumating na sa punto na nagkakasabay na kaming kumain ng agahan, tanghalian at hapunan. Nagkakasabay na din kaming pumasok papuntang school at inaantay ko siya na lumabas sa klase at sabay kaming umuwi. Sa mga oras na ‘yn, di ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ako nagkakaganito sa kanya. Madami na din ang nakakapansin sa aming mga kakilala kung ano na ba talaga ang real score sa aming dalawa.

September 15, 2000. Intrams ‘yun at finals na ng baseball game sa pagitan ng College of Engineering and Information Technology at College of Economics and Developmental Studies. Nanonood kaming dalawa. Isang biro ang pinagsimulan ng lahat. Sabi ko, kapag naka-home run ang Engineering, “tayo” na. hindi siya kumibo bagkus isang nakakalokong ngit ang binitawan niya sa akin. Nang ibinato ng pitcher ang bola, tinamaan nito ang batter – home run! Nanahimik ako. Bigla na lang hinawakan niya ang kamay ko at niyakap niya ako sabay halik sa aking pisngi. Doon nagsimula ang lahat.
Nagsimula ang isang yugto ng buhay namin dalawa bilang magkasintahan. Napakasarap ng pakiramdam na kasam ko siya ngunti lingid sa kanyang kaalaman ay may mga itinatago akong sikreto. Sa mga panahon na ‘yon, umaasa pa din ako na mamahalin ako ng babaeng pinapangarap ko. Pero hindi ko ‘yun iniisip kapag kasama ko siya. Bawat sandali na kasama siya ay isang milagro dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ako ng girlfriend. Madami kaming masasayang karanansan na magkasama. Pero natural din na nagkakaroon kami ng di pagkakaunawaan dahil sa aming individual differences. Pero inaayos namin ‘yun. Nakilala ko siya ng lubusan – isa pala siyang mabangis na tigre na nagtatago sa anyo ng tupa. Madami akong isinakripisyo sa para sa kanya. Kahit na tutol ang ibang kasama namain sa boardinghouse ay itinuloy namin ang aming relasyon.
Tulad ng ibang lalaki, natukso ako sa isang babae na naging sanhi ng aming matinding away. Nakipag-hiwalay siya sa akin. Noong mga oras na wala siya sa tabi ko, para akong mababaliw. Kahit na nakita ko siya na may kasamang iba, itinago ko ang puso kong nagdurugo at hinarap ang bukas na taas ng noo. Hinanap ko ang aking sarili at nakita ko ang totoong tao na gusto kong makasama habambuhay – siya lang at wala ng iba pa. Ipinakita ko sa kanya na pinagsisisihan ko ang aking mga nagawa sa kanya. Hanggang sa nagkaroon ng pagkakataon na nagkaroon uli kami ng pangalawang pagkakataon na maging kami uli. Sa pangalawang pagkakataon, inayos namin ang aming relasyon. Kahit na may mga bagay na ginagawa ko na hindi niya alam, itinago ko ito para maisalba ang aming pagsasama.

Ngunit sa di sinasadyang pagkakataon pagkatapos niyang maka-graduate, nabuntis ko siya. Kasabay nito, huminto ako sa pag-aaral. Siyempre, mahirap ‘yon sa parte ng magulang namin. Ngunit pinanindigan ko siya at nagpakasal kami. May nasaktan din nung nagpakasal ako dahil niloko ko siya. Dito nagsimula ang panagalawang yugto sa aming pagsasama.

Mahirap ang sitwasyon namin noon. Ang totoo, di namin alam kung saan kami magsisimula. Ngunti sinubok ang aming pagsasama nang namatay ang anak namin. Ngunit nanatili pa din ako sa tabi niya. Hindi ko siya iniwan. Bagkus nagsumikap ako na ayusin ang aming buhay. Nagtrabaho ako at nag-aral siya muli ng medisina. Kahit mahirap, tinulungan ko siya. Sa loob ng tatlong taon, naranasan ko ang buhay sa labas ng school. Ang totoo, hindi sapat ng pag-ibig para mabuhay ng masaya ang mag-asawa. Dapat magsikap sa buhay at kahit na ganito, kailangang panghawakan ko ang kanyang pangarap na maging doktor. Iba’t-ibang trabaho ang pinasok ko at halos kulay asul at ube na ang dugo ko para makita ko ang katuparan ng kanyang pangarap. Ngunit lingid sa kaalaman niya, pinananghahawakan ko din ang aking munting pangarap na maging ganito na nagsususlat para sa mga tao at makatapos ng pag-aaral. Sa mga taong nakilala namin, natutunan ko ang isang bagay na “Kahit anong hirap ang maranasan mo, sa bandang huli, uuwi ka pa din sa misis mo.” Noong una, hindi ko ito agad nakuhang intindihin. Hanggang sa pumasok ako muli ng kolehiyo.

Sa pangalawang pagkakataon ko sa buhay kolehiyo, inayos ko ang lahat sa buhay ko. Nang makapasa si Myda sa board, naging medyo maalwan ang buhay namin. Kahit wala kaming anak, masaya kami dahil nagpupundar na kami ng mga bagay na gagamitin namin sa kinabukasan. Naging scholar ako at pinatibay ko ang pundasyon ko bilang manunulat habang nag-aaral ng Secondary Education. Isang pagsubok ang dumating sa buhay ko na di ko inaasahan… sinukat ng isang tao ang pagsasama namin ni Myda. Sabihin na natin na nilabag ko ang ika-pitong utos ng Diyos hanggang sa nalunod ako sa isang obsesyon. Itinago ko ito sa kanya at kahit na itinatanggi ko sa kanya ang buong katotohanan ay ginagawa ko pa din ito. Naging sanhi ito ng matitinding pag-aaway na halos maghiwalay na kami. Tumagal ito ng halos dalawang taon. Ngunit nang iniwan niya ako, halos masiraan ako ng ulo at napabayaaa ko ang aking sarili. Walang alam si Myda sa nangyari. Hindi ko alam akung ano ang gagawin ko noong mga panahon na ‘yon. Ngunit siya pa din ang taong nag-comfort at nag-alaga sa akin. Nang natauhan ako sa nangyari, naisip ko tuloy ang isang bagay na nakalimutan ko - “Kahit anong hirap ang maranasan mo, sa bandang huli, uuwi ka pa din sa misis mo.”

Itinayo ko uli ang sarili ko para kay Myda. Unti-unti na akong nakakabangon mula sa isang bangungot. Alam ko na alam niya ito at ayaw niya lang ito sabihin sa akin dahil ayaw niyang masira ang relasyon namin pero deep inside, mahal na mahal niya ako. Hindi man siya vocal kung magsabi na mahal niya ako eh sapat na ang mga kilos at ginagawa niya sa akin upang malaman ko na mahal nga niya ako. At ako naman, kahit sa kabila ng aking ginawa ay isa lang ang dapat kong gawin… ang maging maayos ang lahat at ituwid ang mga pagkakamali na aking ginawa. Kasabay nito, lalong tumatatag ang aming pagsasama. Naisip ko tuloy na dapat pala maging mature na ako sa mga nangyayari sa akin. Naging malapit na kami sa Diyos. Tama nga ang sinasabi ng nakakarami na kapag ginawa ng mag-asawa na si Kristo ang sentro ng pagsasama ay lahat ng mga bagay magiging maayos at kapag napapaligiran ka ng mga taong inilalayo ka sa tukso ay magiging tahimik ang pagsasama niyo. Nagdesisyon na din siya na handa na siyang magka-anak. Bukas, anim na taon na kaming kasal at masaya kami para dun. Wala lang, simpleng date lang pagkatapos magsimba ang aming gagawin.

Sa ngayon, ito muna ang ibibigay ko sa kanya. Pero mas mabuti na alm na ng lahat kung ano ang mayroon kami ngayon. Hindi sapat ang mga salitang “I love you” o “mahal kita” para maipadama sa kanya ang aking nararamdaman. Marahil gagayahin ko na lang siya na sa kilos at gawa ko ipapahayag ang aking nararamdaman. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin sa mga susunod na taon pero umaasa ako na magiging maayos ang aming pagsasama at di ko siya iiwan. Isa lang ang sigurado… “Kahit anong hirap ang maranasan ko, sa bandang huli, uuwi ka pa din ako misis ko.”

Friday, July 23, 2010

Epiko 34: "Ililibre Kita Kapag Binasa Mo Ito… Promise!"



Nang magsimula akong mag-practice teaching sa Munting Ilog National High School – Annex, nagbukas ang isang panibagong yugto sa aking buhay. Wala naman itong kwenta sa ibang tao dahil walang silang pakialam sa akin. Pero dahil binasa mo ito, ipinapangako ko sa ‘yo na kapag nagkita tayo ay ililibre kita ng Whooper sa Burger King o kaya isang Charlie Chan Pasta with 10 inch Pizza sa Yellow Cab. Yung nga lang, kapag binasa mo ito, ipangako mo na hindi mo ito ipagsasabi kahit kanino. Ngunit kung babasahin mo ito sa dahilan na gusto mong ilibre kita, kalimutan mo na lang ang pangako ko.

Hindi ako makapaniwala na ibang-iba ang buhay ng isang nag-aaral sa isang nagtuturo. Nakakatawa na nakakaiinis sa una dahil base sa aking karanasan, wala akong ideya kung paano ako magsisimula buhat nang ihatid ako ng adviser ko sa lugar na ito na minsan ay naging tahanan ko noong elementarya (na ngayon ay kinatitirikan ng isang bagong high school dito sa aming bayan). Bumalik ang mga alalaa ko sa lugar na ito. Parehong-pareho ito noong ihatid ako ng nanay ko nang mag-aaral ako ng Grade I…
Nang makilala ko ang cooperating teacher ko (na limang taon ang tanda ko sa kanya.) na si Ms. Danelica Tolentino, maganda na, mabait pa! May isang tanong na nabuo sa isip ko – anong naghihintay sa akin dito?

Ang mga nagtuturo sa lugar na ‘yon ay higit pa sa inaasahan ko. Ang iniisip ko kasi ‘nung una eh mahihirapan akong makisama sa mga faculty teacher dun. Nagkamali ako. Sa totoo lang, ang teacher ng Filipino subjects ‘dun ay kabarkada ng kuya ko. Ang MAPE at TLE teacher naman ay kamag-anak at malapit lang ang bahay sa amin. Ang Social Studies, Science at Mathematics teacher naman ay sobrang kalog at madaling pakibagayan. Sa loob ng isang linggo, parang parte na ako ng pamilya dahil nawala na ang harang ng takot at hiya sa kanila. Sa loob ng linggong ‘yon, naging maganda ang pakikitungo nila sa akin at ganun din ako sa kanila. Pabor din ang oras ng pagpasok ko dahil mula ala-sais ng umaga hanggang alas-dose y media ng tanghali ang klase ng first year (first shift ‘yun at sa hapon ang second shift na kung saan ang tatlong section ng first year at dalawang section ng secongd year mula alas-dose y media ng tanghali hanngang alas-siyete ng gabi). Makaraan ang dalawang araw pagkatapos akong ihatid ng adviser ko, isinabak na nila ako sa actual teaching. Para sa akin, walang problema ang desisyon na ‘yon.

Pero ang ikinatatakot ko ay ang paano ako haharap sa mga bata…

Noong una, nahihiya ako dahil ito ang unang pagkakataon sa buong buhay ko na haharap ako sa iba’t-ibang klaseng bata mula sa iba’t-ibang lugar dito sa Silang. Sa pagkakakilala ko sa sarili ko, mukhang mahihirapan ako. Ngunit nagkamali ako.
Pinahawak sa akin ang sections E, D at B. Inobserbahan ko silang lahat pati na din ang buong kapaligiran at ang kanilang kilos, galaw at pag-uugali. Mukhang ang lahat ng nakita ko isang malaking hamon sa aking talino at pagkatao. May mga karanasan ako na nakita sa ibang guri na dalawang magkaklase na nagsuntukan sa loob ng klase, isang guro na nagwala dahil sa sobrang kakulitan ng estudyante, nahuluhan ng sigarilyo sa bag ang isang bata, naghahamunan ng sabunutan o suntukan sa labas at pagtatalo ng isang guro at estudyante na naging dahilan ng pagkasira ng lesson.

Whew!

Napaisip tuloy ako… paano ko hahawakan ang mga ganitong klaseng mga bata?
Bigla kong naisip ang mga itinuro sa akin ni Sir Paralisan (professor ko dati na nasa ibang bansa na) na kailangang makuha ko ang matinding taktika ng isang magaling na guro. Naisip ko tuloy ang sinabi sa akin ni kuya na ang pagpapaamo ng isang estudyante ay parang pagpapaamo ng isang aso – na kailangan mong iabot ang isa mong kamay hanggang sa amuyin at dilaan niya ito. Kapag kumaway na ang buntot nito ay himasin mo ang ulo at tsaka hawakan ang buong katawan. Pero tulad ng aso, may mga estudyanteng mailap at mabangis. Ginamitan ko sila ng isang technique na ako lang ang nakapag-formulate.

Kung ano man ‘yun, ituturo ko sa ‘yo sa isang kundisyon – hindi na kita ililibre. Kung gusto mo pang ituloy ang pagbabasa eh umasa kang wala ka nang libre na makukuha sa akin.

Ngayong nakapag-decide ka na na ituloy ang pagbabasa, sasabihin ko sa ‘yo. Ang tawag dito ay “Leash of Bachi Technique” (hango sa experience ko kung paano ko nadisiplina at naturuan ang aking Black Labrador na aso). Ito ay ang pagdagdag ng isang kadena mula sa kanilang tali. Sa una, maikli ang tali na ibibigay mo sa kanila. Sa madaling salita, i-establish mo ang authority at respect nila sa ‘yo sa loob ng isang linggo. If ever na dapat mong gamitan ng sindak at disiplina ay gawin mo. Sa bawat panahon na dumadaan, dagdagan mo ng haba ng kadena ang kanilang tali para humaba. Sa madaling salita, hayaan mong makilala ka nila paunti-unti. Kapag na-establish na ang respeto at nawala na ang hiya sa ias’-isa, doon mo ipasok ang learning strategies, techniques at approaches.

Pagkatapos kong gawin ang aking tinatawag na secret technique, madami akong nakilalang mga bata. Nandiyan si Juan ng section D na sobrang nakakapraning ang kakulitan na napaamo ko. Isama mo pa sina Francis, Jonathan at Phillip na biglang napabago ko ang behavior sa klase. Nandyan din sina Afif, Joshua at Dagul (na di ko alam ang pangalan) ng section E na naging interesado sa subject na English dahil sa mga kwento ko at karanasan ko. At ang nakakatuwang bayota (“bakla” para sa mga hindi alam ang ibig sabihin ng salitang ito) tandem nina Stephen at Moises (a.k.a. “Pepe and Pilar” or vice versa) ng section B na palagi kong napapagtripan sa klase dahil nakakadagdag ng saya at energy. Isama ko di si San Mao (Paolo Ensigne) at si FJ (Si Kristin Cantal na kamukha ng pamangkin ko) na mababait at palaging interesado sa aking itinuturo. Pero ang pinakamatindi sa kanila ay sina Faye ng I-B, Sheelamei ng I-D at Patricia ng I-E nakikita ko ang sarili ko sa kanila. Alam ko na may mga iba pang bata ang makikilala ko at magiging parte ng aking buhay guro estudyante kaya patuloy ko pa silang kinikilala.

Idagdag mo pa si Sheree Rose Lacson mula sa CvSU Naic Campus. Ewan ko ba pero nagkaroon ng ibang kulay ang paligid ko... may pink at kung minsan purple. Napapunta siya sa second shift. Tahimik siya nung una pero nang nagtagal eh naging magkaibigan na din kami. Ewan ko ba pero nagkakaroon ng kulay pink ang buong paligid kapag nagkikita kami at nagkakausap. Siguro nga eh dahil positive ang aura ang ibinibigay niya sa akin. Hindi na din ako naging malungkutin simula noon. Niloloko nga ako ng mga faculty teachers at mga estudyante sa kanya. Ikaw na ang maganda, matalino at mabait. Nakatagpo ako ng isang bagong kaibigan. Medyo matagal-tagal na din akong hindi nakakatagpo ng bagong mukha. Kaya kahit paano eh may nakakausap din ako at nakakaintindi sa sitwasyon ko na student-teacher.

Mahaba pa ang panahon na aking bubunuin sa lugar na ito. Pero may isa akong natutunan – ang isang paaralan ay salamin ng isang lipunan. Kahit na nakikita ko ang mahirap na kundisyon ng mga tao at sitwasyon nito, ikinararangal ko na mapabilang na maging parte ng isang institusyon na unti-unting bumabangon mula sa pagkakalugmok. Bawat isa sa lugar na ito ay may papel na ginagampanan (mapa-guro, estudyante, janitor o tindera sa canteen).

Ikaw? Anong papel ang ginagampanan mo sa pagbabago ng bagong henerasyon?

Saturday, July 10, 2010

Epiko 33: "Kung Wala Sila..."



Nagsimula na ang pasukan at huling taon ko na sa aking kursong paggu-guro. Pero sa mga nakalipas na taon, ang daming nangyari sa akin na sumubok sa aking pagiging tao. Na-realize ko na mahina pala ako… ang buong akala ko na matatag at matibay ako ay maituturing kong isang kasinungalingan. Tao din pala ako na nakakaramdam ng sakit mapa-pisikal man o emosyonal. Kung tutuusin nga, lahat naman tayo eh ganito at ang katotohanang hindi natin kayang mabuhay mag-isa ay isang konkretong ebidensiya na tayong mga tao ay mga social animal.

Nang nakaranas ako ng isang matinding pagsubok noong mga nakaraang buwan, hinanap kong muli ang aking sarili. Sa hinsi sinasadyang oras habang nagpe-facebook ako, natawa ako sa sinabi ng aming kauna-unahang presidente na may meeting ang teatro na aking kinabibilingan noong nag-aaral pa ako sa Indang. Akala ko nagbibiro lang siya pero hindi ko alam na may malaking problem ang Student Artiste’ Society (STARS). Hindi ko alam kung ano ang magnet na humatak sa akin para pumunta at kamustahijn sila. Sa halos anim na taon kong pagkawala sa teatro ay hindi ko maisip na babalik ako… ibang-iba na ang teatro mula nang iwan ko sila.

Pero ito ang kwento…

Nang malaman ko ang istorya ng kanilang problema, naisip ko na siguro ay dapat ko silang tulungan sa paraan na alam ko – ang ipakita ko ang suporta at oras ko para sa kanila. Naalala ko tuloy kung paano inalis ng teatro ang hiya at takot ko na humarap sa tao. Pinalitan nila ito ng kumpyansa at tiwala sa sariling kakayahan na parang unti-unti nang nawawala sa akin dahil sa mga pinagdaanan kong pagsubok at problema. Medyo awkward nga kasi nag-aaral ako sa satellite campus pero pumupunta pa ako ng main campus after kong pumasok sa practice teaching sa umaga at uuwi ng Silang ng hatinggabi. Pero ano ba ang gusto kong ipakita sa kanila kung bakit ko ito ginagawa? Simple lang – dedikasyon at pagmamahal.

Nakita ko muli sa teatro ang pagmamahal at dedikasyon na hinahanap ko na nawala sa akin. Siguro hindi nila alam ang dahilan ko pero isa sila sa mga kinakapitan ko upang masagot ko ang mga tanong sa aking sarili. Natutunan ko muling magtiwala at maging masaya sa kabila ng mga problema at pagsubok na nangyayari sa akin. Muli, naramdaman ko na hindi ako nag-iisa at higit sa lahat, may mga taong naniniwala, sumusuporta at nagmamahal sa akin.

Bilang ganti sa kabutihan nila, iaalay ko ang isang script na aking isinulat sa kanila upang gamitin sa kanilang major production next year. Gusto ko din magbahgi ng aking kaalaman sa kanila kung bibigyan nila ako ng pagkakataon nang sa ganun ay may matutunan sila na makakatulong sa teatro. Kung may oras ako ay tiyak na ibabahagi ko ito sa kanila. Iot na marahil ang panahon upang ibalik ko sa teatro ang ibinigay nila sa akin.

Sa mga makakabasang member ng STARS ng sipi na ‘to, sana ay huwag niyong masamain ang mga paalala at kung minsan ay kakulitan ko kapag kasama kayo. Sana palagi akong welcome kapag pupunta ako dyan. Kung may maitutulong ako, sabihin niyo lang sa akin… palagi lang akong nasa likod at handang umalalay sa inyo bilang nakakatandang kapatid. Linangin niyo ang inyong talento at ipakita ito sa lahat… balang araw, ito ang magdadala sa inyo sa tugatog ng tagumpay.

Salamat STARS. Kung wala sila, baka wala na din ako ngayon.