Wednesday, December 29, 2010

Epiko 65: “Hindi Mo Kailangang Humingi Kung Nagbibigay Ka”



Siguro pamilyar sa ‘yo ang kasabihan na “Ang pag-ibig ay ibinibigay… at hindi hinihingi.”

Pero minsan, hindi ito nasusunod.

May isa akong kwento na ibabahagi sa ‘yo.

Kilala si Luis na isang matalino at magaling na mag-aaral sa knayang unibersidad. Sari-saring parangal at pagkilala din ang kanyang natamo habang nag-aaral dahil sa aktibo niyang pakikilahok sa mga gawain hindi lang sa labas ng unibersidad pati na din sa ibang tao. Walang babae hindi magkakagusto sa kanyang pagiging maginoo, palabiro at mabait sa kahit sino.

Ngunit may madilim siyang sikreto.

Walong buwan na nag nakakalipas, nakipaghiwalay sa kanya ang kanyang girlfriend. Halos magda-dalawang taon na ang kanilang relasyon. Ang problema – may iba nang mahal ang babae. Sinabi niya kay Luis na hindi na niya kaya ang lahat dahil palagi na lang siya ang nagbibigay at umiintindi sa mga sitwasyon nilang dalawa. Hindi ito matanggap ni Luis. Ginawa niya ang lahat para magkabalikan sila ngunit buo na ang desisyon ng babae na iwan siya kahit ano pa ang gawin nitong pagmamakaawa. Halos nagmukha siyang tanga at katawa-tawa sa mata ng babae dahil sa pagmamakaawa ngunit sa bandang huli, iniwan siya nito na talaga namang hindi katanggap-tanggap. Para bang mga eksena sa pelikula na iniwan ng isang babae ang lalaki sa ulanan at umiiyak.

Dinamdam niya ito na halos ikamatay nito. Halos hindi makakain, makatulog, makaaral at makapag-isip si Luis. Kahit na hindi niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral, naapektuhan na nito ang kanyang kalusugan at emosyon. Hinanap niya ang iba’t-ibang paraan upang kalimutan ang nangyari ngunit hindi ito nagiging madali. Ang hindi niya alam ay kung paano niya bubuuin ang kanyang sarili sa mga nangyari sa kanya. Aminado siya na malaki ang kanyang pagkukulang sa kanayang dating girlfriend. Ngunit wala na din siyang magagawa upang ibalik ang lahat sa dati.

Hanggang sa mapadpad siya sa isang lugar na kung saan nakilala niya si Chloe – isang babae na may kabaligtaran ng kanyang pag-uugali at personalidad. Suplada, madamot, at mukhang walang pakialam kahit kanino. Noong una, hindi sila agad nagkasundo hanggang sa unti-unti nilang nakilala ang kanilang sarili sa mga kakatwa at hindi pangkaraniwan na mga karanasan. Naging magkaibigan sila. Kahit na magkaiba ang kanilang paniniwala, pangarap sa buhay, ideyolohiya at karanasan, naging magkasundo sila. Muli, Ngumiti si Luis na tila nabubura ang galit at poot sa kanyang puso. Kasama ang iba pang kaibigan sa lugar kung saan niya nakilala si Chloe, mas naging masaya siya na tila nagsilbing sangktwaryo nito sa kanyang masamang bangungot.

Bago maghiwalay nang landas, nangako si Luis na gagawin niya ang lahat para matulungan si Chloe sa abot ng kanyang makakaya na walang hinihinging kapalit. Ito ay sa kadahilanang ayaw na niyang maulit ang nangyari sa kanya at ayaw niyang pagsisihan na wala siyang ginawa kahit na may pagkakataon pa para gawin ito. Ang pangakong ito ay pinaghahawakan niya hanggang sa oras na maghiwalay na sila ni Chloe dahil kailangang bumalik ni Luis sa kanyang lugar at panahon na kung saan naghihintay ang hindi mawari na paghaharap muli ng dati niyang kasintahan. Ngunit sa halip na matakot ay ginawa niyang lakas si Chloe upang harapin ang mga oras, araw at sandali na nakikita niya ang babaeng sumira sa kanyang pagkatao. Mas lalong nagsikap si Luis. Kahit na magkalayo sila ni Chloe, nagkaroon pa din sila ng komunikasyon.

Nagkaroon ng bagong buhay si Luis… pakiramdam niya ay para siyang isinilang muli. Ang lahat ay may liwanag at pag-asa… at ito ay dahil kay Chloe.

Ngunit sa likod nito, isang espesyal na pagtingin ang inilaan ni Luis kay Chloe. Ngunit mas pinili na lang niya na maging magkaibigan na lang sila dahil mas mabuti na ‘yun para hindi sila masaktan… at makakaasa sila na hindi sila mag-iiwanan kahit kailan kapag may problema o pagsubok. Sa desisyon ni Luis, mas naintindihan niya ang kasabihan na “Ang pag-ibig ay ibinibigay… at hindi hinihingi.” Hindi na na siya humihingi ng pag-unawa, panahon at kahit na ano na pwede niyang ibigay bagkus ay mas pinili niya na ibigay sa babae ang pangangailangan nito na walang naghihintay na sukli. Para sa kanya, mabuti na ito dahil ang mahalag ay ang kaligayahan ni Chloe. Sa ngayon, patuloy pa din ang kanilang pagkakaibigan na sa tingin ko (lang) ay wala kasunod na kabanata.

Simple lang naman ang kwentong ito at marahil ay naranasan mo ito o kaya ay nabasa sa iang kwento.

Ang korni di ba?

Pero ang katotohanan ay bawat isa sa atin ay may madilim na kwento ng pag-ibig. Kahit nga ako eh parang si Luis din ngunit sa halip na iiyak at ubusin ang oras sa pakikinig ng mga love songs ay ginawa kong maitayo ang aking sarili dahil din sa taong nagbigay ng pag-asa at kulay sa akin pagkatapos ng madilim na kabanata ng buhay ko. Kahit na kung minsan ay hindi niya nakikita, napapansin at pinahahalagahan ang aking ginagawa sa kanya, hindi ko na lang ito pinapansin at dinidibdib… ang mahalaga lang sa akin ay huwag siyang mawala sa akin. Siya ang lakas ko at nang dahil din sa kanya ay naisip ko na hindi ko kailangang humingi sa kanya ng kaya niyang ibigay dahil lang sa nagbibigay ako. Mas mabuti na ang magbigay na hindi naghihintay ng kapalit dahil ito lang ang magiging mitsa ng lahat ng aming nasimulan.

“Hindi mo kailangang humingi kung nagbibigay ka dahil ang nagbibigay ay hindi humihingi kapag may kailangan. “


Pilosopo man o nakakaloko ang dating nitong kasabihan na ito, ito ang katotohanan kapag may mahal, minahal at nagmahal ka na hindi natin matatakasan. Magpasalamat ka kung may isang tao na ganito ang trato sa ‘yo. Tulad ng ginagawa niya, sana ay mabigyan mo ng importansya ang ganitong klase ng tao kaysa sa mangarap na babalik pa ang taong iniwan ka o kaya magkulong sa kwarto at isipin ang mga sandali na magkasama kayo na lalo lang pasasakitin ang kalooban mo. Hangga’t may ibibigay ka na taos sa puso at kaya mong ibahagi, ibigay mo sapagkat mahirap na kung pagsisisihan mo ito sa huli.

Sunday, December 26, 2010

Epiko 64: "Walang Perpektong Relihiyon"



Ang relihiyon na siguro ang isa sa mga kumplikado, mabusisi, nakakainis at hindi nalalaos na panag-uusapan sa kasaysayan ng tao. Mula pa nang magkaisip, malalang at mabuo ang sibillisasyon ng mga tao, hindi na naialis ang katanungan na ano aba ang perpekto o tamang relihiyon na angkop sa sangkatauhan. Iba’t-ibang tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang nagsasabi na ang kanilang relihiyon ang magliligtas sa kanila sa kapahamakan.

Isang tao ang nagsabi sa akin na magsuri partikular sa aking relihiyon. Ako ay saradong Katoliko Romano at marami akong nakahalubilong ibang relihiyon na tila niyayakag ako sa kanilang pinaniniwalaan. Hindi ako naging sarado sa ganitong bagay. Bagkus, nagsuri ako sa akin at sa ibang relihiyon. Pero iba ang pumasok sa isip ko habang nagsusuri. Sa halip na sumama ako sa kanilang relihiyon, tinanggihan ko ito. Mula sa kanilang matatabil na dila at walang katapusang pagbabatikos sa aking relihiyon, hindi ako natinag. Sa halip, mas lalong tumibay ang pananampalataya ko sa sinasabi nilang “mali” at “baluktot” na paniniwala.

Nang dumating ang ika-labing-anim na siglo, nagkaroon na din ng sakupan hindi lang sa pamamagitan ng pwersang militar kundi pati din sa mga relihiyon at paniniwala. Ang buong mundo ay naging magulo na naging sanhi din ng mga digmaan na umukit na sa kasaysayan. Kasabay nito, hindi pa din masagot (magpa-hanggang ngayon) ang tanong ng kuna ano ang tama o perpektong relihiyon. Ginagamit pa nila ang kanilang mga kasulatan at parang ginagawa nilang panakot ito nang sa ganun ay umanib sa kanila ang mga tao. Ito ang ginamait ng mga Kastila sa atin noong sinakop nila tayo. Hindi ba parang baluktot at marumi ang taktikang ito dahil gumagamit sila ng mga maling hakbang dahil ginagamit nila ang salita ng Diyos para masakop tayo?

Pero kung titingnan nating mabuti, walang perpekto o tamang relihiyon. Kahit na sabihin nila na mali at baluktot ang kanilang paniniwala o paniniwala ng kanilang binabatikos, pare-pareho lang ito sapagkat iisa lang ang gusto nating makamit – ang kaligtasan at kaliwanagan. Nakakalungkot lang isipin na ginagamit lang ang relihiyon nila sa masakit na paninira at pagbabatikos sa mga iba pang relihiyon na nagiging mitsa ng hindi pagkakaunawaan o galit. Sa kanilang pagsasalita at paggamit sa kanilang kasulatan, isa lang ang ipinapakita nila – sa sila ay tao lang na hindi perpekto.

Natural lang sa isang tao ang matakot partikular na kapag pinag-uusapan na ang kapalaran nila sa kabilang buhay. Ayon nga sa sociologist na si Emile Durkheim, ang relihiyon ay isang “social phenomenon” sapagkat ito ay nababatay sa kaugalian, paniniwala, kultura at tradisyon ng isang grupo. Ito ay sagrado sapagkat ito ay tumutukoy sa relasyon ng tao at sa kataas-taasang nilalang. Ito din ang ugat kung bakit nagkakaisa at nagkakaroon ng batayan ng moralidad ang isang grupo. Kung anuman ang ritwal o sistema ng pagsamba o pagbibigay-pugay sa Diyos ay depende sa sistema ng kanilang nakasanayan. Ngunit kabaligtaran sa paniniwala ni Karl Marx, ang sistema na kanyang pinag-aralan tungkol sa relihiyon ay mananaig ang dominante o mas nakakarami o nakakataas na relihiyon sa iba na magsisilibing dominanteng grupo sa ibang relihiyon. Mako-kontrol nito ang pulitika, ekonomiya at iba pang sangay na magbibigay sa kanila ng pagkakataon upang pakinabangan ang mga ito.

Marahil nga, sa konsepto ng Pilipinong relihiyon,m as nananig sa kanila ang paniniwala ni Marx na nagbibigay ng matinding mantas sa kanilang pagkatao. Bunga na din siguro ito ng metalidad ng mga Kastila na nagdamit ng tupa sa kabila ng anyo nilang lobo upang masakop ang isang lugar. Sabihin na nila na gingawa nila ito dahil ito ang utos ng Diyos pero bilang tao, natatakot sila kaya naninigurado sila sa kanilang magiging estado sa buhay at sa kanilang buhay. Normal sa tao ang maging duwag lalo na kung relihiyon ang pag-uusapan. Kaya nga kapag may debate tungkol sa relihiyon ay nagiging “freak show” ito dahil nagmumukha lang silang payaso sa kanilang ginagawa. Mas dapat silang matakot sa kanilang ginagawa dahil may tiket na sila papuntang impiyerno.

Sa aking pananaw, hindi na mahalaga sa akin kung sa langit o impyerno ako mapupunta. Basta ang alam ko ay ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko bilang isang mabuting Kristyano at tao sa lipunan. Hindi man naka-base ang iba kong ginagawa sa kasulatan (nila), mas pipiliin ko na ang Diyos ang gumawa ng paghatol sa akin sa takdang panahon. Kung ano ang kagustuhan niya ang Siyang mananaig dahil sa simula pa lang nang ako ay nagsuri, ibinigay ko na ang sarili ko sa Diyos na alam ko na hindi nalilingat sa mga ginagawa ko na nauukol sa kanyang kagustuhan at aral. Hindi ko isusuko ang relihiyon ko na bumuo at nagbigay liwanag sa aking pagkatao. Mali man ito sa paningin ng ibang relihiyon, ayos lang sa akin. Ang mahalaga, hindi ako nakakalimot na magpuri at magbigay importansya sa kanya. Buhay ang aking Diyos at hindi Niya ako pinababayaan kaya walang sinuman ang may karapatan na sirain at wasakin ang aking ideolohiya kahit na ilatag pa nila ang lahat ng kasiraan na kanilang handang ilaban sa aking paniniwala. Hindi man ito perpektong relihiyon tulad ng sinasabi ng iba, ayos lang. Kaya nga walang perpekto sa mundong ito… kahit ang relihiyon ay hindi perpekto. Dahil ang relihiyon ay gawa lang ng tao… at hindi gawa ng sinasabi nilang “nakakataas”. Ito na marahil ang isang konkretong halimbawa na nabubuhay tayo bilang tao.

Mas mabuti na lang na igalang na lang natin ang paniniwala ng iba. Kahit sa kalooban ng iba na sa ating relihiyon ay hindi tayo maliligtas, gawin na lang natin ang ating makakaya upang mabuhay ng maayos, may dangal at gumagawa ng kabutihan sa kapwa at tulungan sila habang buhay pa tayo. – ito naman talaga ang “golden rule” ng lahat ng relihiyon. Huwag na nilang gamitin ang pangalan ng kanilang Diyos o kanilang relihiyon… mas nagmumukha lang silang makasalanan dahil sa kanilang pinaggagagawa. At kung sa tingin niyo ay maliligtas kayo sa ginagawa niyo sa lupa, sabihin niyo sa akin ‘yan kung nakarating na kayo sa langit.

Epiko 63: "Ang Isang Paglikha Ay Hindi Maisasakatuparan Kung Walang Pagkawasak"



Sa lumipas na labing-dalawang buwan, naramdaman ko ang iba’t-ibang karanasan na sumukat sa akin bilang isang manunulat, estudyante, guro, anak, asawa, kapatid, kaibigan at isang ordinaryong tao. Katulad mo, hindi ako nalalayo sa iyong pinagdaanang tuwa, sakit, galit, panghihinayang at kung anu-ano pang emosyon na masasabi kong nagpatibay sa akin bilang isang tao. Sa ganitong paraan, mas nakilala ko ang aking sarili.

Mula sa mga epiko na aking isinulat mula sa una hanggang sa ika-tatlumpu’t pito, nakita mo kung gaano ako kahina na nagmitsa sa aking paghahanap ng mga solusyon sa mga suliranin na aking kinaharap. Kung iyong susuriin, nagsimula ang blog na ito sa mula sa pagkawasak ng aking sarili mula sa isang taong sagad sa buto ang galit at pagkamuhi ko. Mula sa iba’t-ibang karanasan sa pag-ibig, pagkakaibigan, pagiging isang mag-aaral at kung ano-ano pa, naipinta ko sa pamamagitan ng pagsusulat ang lahat ng aking ibinuhos na emosyon (kaya nga “Emong” kasi ang salitang ugat nito ay “emosyon”). Dito din ay pinilit kong hasain ang aking sarili na maging epektibo at sa pagsusulat na unti-unting hinahawakan at pinaiintindi sa mga puso ng bawat mambabasa kung ano ang totoong mukha ng buhay. Malamang ay may mga batikos akong natatanggap mula sa iba, tinatanggap ko ang kanilang opinyon sapagkat ito ay kanilang kalayaan sa pagbibigay ng ekspresyon. Hindi ko sila pwedeng pigilan o kontrahin bagkus ay taos puso akong nagpapasalamat dahil sial ang lakas ko upang pagbutihin ang talentong ito. At sa taong nagging ugat nito, maraming salamat sa ‘yo. Huwag kang mag-alala, pinatawad na kita sa lahat ng ginawa mo sa akin. Bahala na ang Diyos sa ‘yo na pagbayaran mo ang kasalanan mo hindi lang sa akin kundi sa mga taong niloko mo.

Ngunit lahat ay nag-iba nang sumapit ang ika-tatlumpu’t walo hanggang sa epiko na binabasa mo ngayon. Ang lahat ng negatyibong pananaw ko sa buhay ay unti-unting nagbago at napalitan ng magagandang alaala mula sa aking karanasan. Ang mga tao na naging anino sa bawat epiko na aking isinusulat ang nagsilbing lakas at inspirasyon ko na na kung tutuusin ay may mahalagang parte sa aking buhay. Mula sa panibagong daan na nabuksan, nagkaroon ng direksyon ang aking mga isinusulat na lalong nagpakita ng magandang parte ng buhay. Sa bawat tipa ng keyboard, kasama nito ang bawat kaisipan, opinyon, emosyon at karanasan na gusto kong ibahagi sa mga susunod na henerasyon. Kahit unti-unti nang nawawala ang hilig ng makabagong kabataan sa nakasanayang pagbabasa, ginamit ko ang makabagong teknolohiya na sa tinign ko ay mas lalong makakapaglapit sa akin at sa mga mambabasa. Hindi ko pakay ang magsermon, mangaral o kumontra sa mga opinyon at paniniwala ng nakakarami. Sa halip, nais kong magbigay ng inspirasyon na subukan nila ang pagbibigay ng ekspresyon sa pamamagitan ng kanilang mga talentong ipinagkaloob ng Diyos. Nang dahil dito, wala akong pinagsisisihan sa mga masasamang kabanata ng aking buhay na aking nalagpasan.
Sa aking pagsusulat, nakita ko din ang mundo na kinakaharap ng mga tao sa buong daigdig. Ang mga isyu tulad ng aking mga isinulat tungkol sa terorismo, kalikasan, pag-iisip ng indibidwal, sistema ng edukasyon, hustisya at relihiyon at kung ano-ano pang nagiging ugat ng suliranin ay pinilit kong bigyan ng sariling opinyon base sa mga binasa, sinaliksik at karanasan na maaaring makatulong upang maliwanagan ang pag-iisip ng bawat isa na nasa sitwasyon ng kaguluhan. Kahit na may kalabuan at mahirap intindihin ang aking nasa isip, sana ay nakatulong ako kahit kaunti nang sa ganun ay may nagawa akong kabutihan para sa ‘yo.

Tulad nang nabanggit ko, nalikha ang blog na ito mula sa pagkawasak ng aking sarili. Ngunit tulad ng teorya sa Bibliya, pulitika, siyensya at digmaan, ang isang paglikha ay hindi maisasakatuparan kung walang pagkawasak. Mula sa pagkawasak ng aking sarili, nabuo ang aking bagong pagkatao at ang bunga nito ay ang iyong binabasa ngayon.

Hindi ko alam kung paano, kailan, saan at bakit ko dapat ipagpatuloy ang aking ginagawa. Sa paningin man ng iba ay isa itong pag-aaksaya ng panahon at oras o di kaya ay pagpapansin lang, naniniwala ako na ang ibang mambabasa ng blog na ito ibinabahagi at nagiging inspirasyon nila upang magpatuloy sa buhay. Ngayong patapos na ang taong 2010, hindi ibig sabihin nito ay katapusan na ng aking walang pagod na pagsusulat. Bagkus, isa na namang simula sa atin ang naghihitay na walang katiyakan.
Kaya tulad ko, huwag kang matakot. Subukan mong abutin ang iyong pangarap. Lagpasan mo ang kakayahan na mayroon ka at hanapin ang totoong bagay na makakapagpaligaya sa ‘yo.

Gusto ko din magpasalamat sa mga nakabasa, bumasa, nagbabasa at patuloy na sumusuporta sa aking blog. At sa mga first-time at hindi ko masugid na mambabasa, sana ay simulan mong muli magbasa dahil nakakabuti ito hindi para sa akin kundi mas lalo sa ‘yo.

Kaya sana, samahan mo ako sa buong taon na dadating na tuklasin, maramdaman, hawakan at matuto sa mga susunod na araw ng aking paghahanap sa hindi matukoy na landas ng buhay.

Isa lang ang New Year’s Resolution ko – na hindi ako magsawa sa pagsusulat para sa inyo.

Manigong bagong taon sa inyong lahat!

Thursday, December 23, 2010

Epiko 62: "Ang Buhay Ng Mga O.F.W. Ay Tulad Ng Isang Balik-Bayan Box"



Sa kadahilanang kailangang maitawid sa kahirapan ang kanilang pamilya, nagpasya ang iba nating kababayan na Overseas Filipino Workers o OFW na pumunta sa ibang bansa upang makipagsapalaran. Kahit mahirap ito sa kanilang panig, wala silang magagawa kundi lumayo at isakripisyo ang kanilang sarili nang sa ganun ay maging maalwan ang pamumuhay ng kanilang pamilya na naiwan sa Pilipinas.

Nasukat na din ng ating mga kababayan ang magagaling na diskarte nila sa ibang bansa na nagpapatunay na ang Pilipino ay pwedeng mabuhay kahit saang parte ng daigdig. Bayani man sila kung ituring ng pamahalaan, may iba sa kanila na nagiging martir o alipin ng ibang lahi na nagiging mitsa ng kanilang buhay. Hindi lahat ng mga OFW ay nagiging maswerte. Ang iba pa nga ay umuuwi sa bansa na walang trabaho o pasalubong, bugbog sarado o kapag minamalas ay isa nang malamig na bangkay.

Ano nga ba ang pakiramdam ng isang OFW na malayo sa kanyang pamilya tuwing sasapit ang kapaskuhan, kaarawan ng kanilang anak, graduation ng kapatid, kamatayan ng kanilang kaanak o simpleng reunion ng kanilang angkan? Syempre, nandyan ang pakiramdam ng matinding kalungkutan na kung minsan ay inilalabas na lang nila sa isang sulok para iiyak. Minsan pa nga, ito ang dahilan ng kanilang maagang pag-uwi dahil naho-“home sick” sila. May iba naman, dahil sa makabagong teknolohiya ng komunikasyon, pinipilit nila itong makausap ngunit hindi pa din mapigilan ang pakiramdam ng panghihinayang dahil wala sila upang mahawakan, mayakap at mahalikan ng mga mahal nila sa buhay. Isa pa, minsan ay may pagkakataon na gusto nilang umuwi ngunit wala silang magawa dahil ang kapalit nito ay ang trabaho nilang may posibilidad na hindi na nila mabalikan kaya tinitiis na lang nila ang sakit ng pagkalumbay sa tuwing sasapit ang mga mahahalagang okasyon sa kanilang pamilya. Pilit man nilang ilagay ito sa alaala nila, mas nangingibabaw pa din ang kahilingan na sana ay nandun sila sa piling ng kanilang pamilya at kasalo sa mga masasayang sandali ng kanilang buhay.

Ngunit kadalasan, tayong mga Pilipino ay nakakalimot sa mga pakiramdam ng mga kaanak natin na nasa ibang bansa. Mas iniisip pa nga ng nakakarami sa atin ang mga materyal na bagay na kung tutuusin ay bunga ng kanilang dugo, luha at pawis upang makarating ito sa atin. Ang iba pa nga ay tila dismayado pa sa mga natatanggap buhat sa kanila dahil kulang ito o kaya ay hindi ito ang kanilang inaasahang ipadala na isinasawalang-bahala o kaya ay hindi natin binibigyan ng importansya.

Tulad mo, ako din ay may mga kaanak na nasa ibang bansa. Ang iba pa nga ay inaakala ng nakakarami na mayaman o maalwan sila sa buhay. Naging mentalidad na kasi ng mga mangmang na Pilipino na kapag nasa ibang bansa ang isang Pilipino ay mayaman na ito o di kaya ay mapera. Ang hindi nila alam, hindi din nalalayo ang kanilang sitwasyon dito sa Pilipinas o di kaya naman ay kapalit ng mga materyal na bagay na galing sa kanila ay pagod at hirap nila sa pagta-trabaho. Nakakaiyak lang kung iisipin na kapalit ng lahat ng saya ng nararamdaman ng mga kaanak na hindi marunong magpahalaga sa mga padala nilang “balik-bayan box” ay ang pagka-ulila at kalungkutan na tila naisasantabi na lang.

Sa mga Pilipinong OFW, hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit kailangang umalis kayo sa bansa. Ngunit naiintindihan ko ang inyong nararamdaman dahil masakit ito para sa inyo lalo na ang malayo sa inyong pamilya. Kahit na nananaig sa inyo ang kasiguraduhan ng inyong pamilya, sana ay hindi kayo makalimot sa Diyos na hindi kayo iiwan at pababayaan. Siya lang ang inyong matatakbuhan at malalpitan sa oras na hinhilinh niyo ang kaligtasan at kaayusan ng inyong pamilya. Ang desisyon niyong umalis sa ating bansa dahil sa sitwasyon ng ekonomiya at gobyerno ay aking naiitindihan at ng nakakarami. Kaya ang dasal lang namin ay ang inyong pag-iingat sa inyong trabaho at maayos na kalusugan. May tamang panahon at oras din sila para makauwi at makapiling ang inyong pamilya.

Sa mga kaanak ng mga OFW, sana naman ay maisip niyo din ang kahalagahan ng kanilang hirap at sakripisyo. Habang nasa ibayong dagat sila, sana naman ay pag-ukulan sila ng pansin at gumawa ng hakbang tulad ng pag-iimpok sa bangko, pagtitipid at pagtatayo ng pagkakakitaan hanggang sa lumago nang sa ganun ay hindi na sila bumalik sa ibang bansa. Unawain din natin sila sa tuwing may pagkakataon na maliit lang ang kanilang padala. Ang mahalaga dito ay nakaalala sila sa inyo at pinahahalagahan nila ang inyong importansya sa kanila. Pero ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagpapanatili ng mabuting komunikasyon sa bawat isa. Kahit malayo man, para pa ding malapit dahil nagkakaroon ng matinding bigkis na nagpapalakas sa bawat puso na harapin ang bukas ng taas noo at masaya.

Kaya nga dapat ang mga kabataan ngayon ay iminumulat sa totoong sitwasyon at pakiramdam ng mga kababayan natin na OFW. Nang sa ganun, makahanap sila ng paraan upang matulungan ang ating bansa na umangat at maging progresibo nang sa ganun ay wala nang mga Pilipino na magpapaalipin sa ibang lupain. Responsibilidad ito hindi lang ng mga kaanak ng mga OFW kundi pa din na din ng mga ibang pilipino na naghahangad ng kaginhawaan sa buhay.

Sa inyong lahat, sana ay maisip niyo ng kasabihan na ang buhay ng isang OFW ay parang isang balik-bayan box… hindi mo alam kung ano ang nasa loob hanggang sa mabuksan mo ito.

Tuesday, December 21, 2010

Epiko 61: "Ang Hirap Talaga Kapag Nami-Miss Mo Ang Isang Tao"



Palagi ko siyang nami-miss… Parang free throw sa basketball game.

Malamang ito ang binubulong mo sa hangin kapag may naaalala kang tao. Normal lang ito dahil sa mga alaala na iniwan ng taong nagkaroon ng puwang sa puso at isip mo. Kahit nga ako eh ganun din ang nararamdaman kapag may naaalala ako.

Ang kaso lang, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag bigla ko siyang naalala. Malamang sa pagkakataong ito, maaari akong maglabas ng aking nararamdaman sa pammagitan ng pagsusulat. Tutal, ito lang naman ang kayang kong gawin sa ngayon dahil hindi ko na alam ang gagawin ko na parang larong Yu-Gi Oh.

Ang hirap… para siyang crossword puzzle sa Philippine Star!

Pero kahit ganito ang sitwasyon namin na tila unti-unti nang nagsasarado ang mga pintuan namin, masaya ako dahil nakilala ko siya, sa bawat sandali na nahihirapan o nawawalan ako ng pag-asa, siya lang ang iniisip ko at ang mga masasayang sandali na kasama ko siya. Para siyang Mang Inasal… hahanap-hanapin mo.

Ang hirap… para siyang Sudoku na nasa difficult category!

Kung titingnan mo lang ang panlabas na anyo niya, masasabi mo na napaka-swerte ng taong mahal niya at pinag-uukulan ng kanyang puso. Maganda siya ngunit may pagka-weirdong taglay dahil tulad ng salitang “Mississippi” at“rendezvous”, madali siyang sabihin ngunit mahirap i-spell dahil hindi mo alam kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan. Tulad ngayon, iniisip ko kung ano ang iniisip, ginagawa, at sinumang kasama niya sa mga oras na ito.

Ang hirap… para siyang utot na ayaw mong ilabas sa mataong elevator!

Pero sa kabila nang ginagawa ko ngayon, hindi ko mapigilan na isipin siya. Kung bakit kasi kapalit ng nawalang sakit at pagdurusa mula sa aking nakaraan ay siya naman ang pinag-aalayan ko ng ganitong pakiramdam – ang pakiramdam na parang walang pustiso dahil hindi ako makangiti kapag wala siya; tulad siya ng isang unggoy na nakabitin sa puso ko; parang kuto na hindi mawala sa isip ko; parang kare-kare na kulang kapag walang bagoong; parang siyang sipon na paulit-ulit na lumalabas sa kahit pigilan ang aking nararamdaman.

Kung alam mo lang ang sitwasyon ko ngayon, may nami-miss akong isang tao na pinagkakautangan ko ng kung ano ako ngayon. Nang dahil sa kanya, muli akong ngumiti. Siya ang nagbigay sa akin ng panibagong saya at lakas ng loob upang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Siguro nga kung hindi nag-krus ang aming landas, baka hanggang ngayon eh nasa mapait na kabanata pa din ako ng aking buhay. Nang dahil sa kanya, naging positibo ang tingin ko sa lahat ng bagay. Kahit na ang mga ginagawa ko ay balewala sa kanya at hindi niya binibigyan ng importansya, ayos lang. Ang sa akin lang, maipakita ko sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin. Yun nga lang, hindi siya katulad ko na (sa tingin ko lang) ay mayroong pagpapahalaga sa mga taong nagbibigay-halaga sa bawat maliliit ngunit mabubuting bagay na mula sa iba. Para lang hangin siguro ang turing niya sa akin… pinaparamdam ko ang presensiya ko ngunit di niya makita.

Ang hirap… para siyang The Emong Chronicles kung iintindihin at isasabuhay!

Pero okay na siguro kung ganito na lang ako sa kanya. Kaysa naman masaktan uli ako. Sa ngayon, tinulungan niya akong makalaya sa isang masamang bangungot at matinding kalungkutan. Para siyang si Mighty Mouse – “here she come to save my day!” Kaso sa ngayon, miss ko na siya… parang mga episode ng Kamen Rider Decade.

Hindi na din ako umaasa na mababasa niya ito. Para saan pa at para ano pa? Kung bakit pa kasi nauso pa ang salitang “I miss you” kung hindi naman nakakain o naisusuot… pero hindi naman nalalaos sa mga nage-emote (tulad ko).

Ang mga isinusulat ko ngayon ay tila popcorn o Boy Bawang sa iyong paningin… ang corny di ba? Pero kahit corny ito, ang salitang nararamdman ko sa kanya ay parang galaw ng isang amateur sa RAN Online o DOTA; para itong tawag sa isang dalaga; para itong isang klase ng negative prefix sa English grammar; at higit sa lahat, ito ang akmang salita sa para sa kanya sa mga oras na ito… Ang hirap talaga kapag nami-miss mo ang isang tao!

Monday, December 20, 2010

Epiko 60: "Ang Kwento ng Isang Dalagang Baliw"



Minsan talaga sa buhay ng tao, may pagkakataon na hindi natin maiwasan na mayroon tayong pinagsisisihan. Normal lang naman ‘yun dahil wala namang nagsisi sa una pa lang na gawin niya ang isang pagkakamali.

Isang kwento ang aking ibabahagi sa ‘yo. Isang araw, habang napadaan at pumasok ako sa simbahan, mayroon akong isang dalaga na nakitang nagdadasal na taimtim. Hindi ko naman sinasadyang marinig ang kanyang sinasabi. Ayon sa kanya, nangalunya siya sa kadahilanang nadala siya sa mapang-akit na katangian nang kanyang “kinabitan” na lalaki. Medyo nakkapagtaka lang dahil habang nagdarasal siya, paulit-ulit niyang kinukurot ang iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan. Ewan ko ba kung nasisiraan na siya ng bait o kung anuman pero nararamdaman ko ang sakit na kanyang pinagdaraan.

Makalipas ang limang buwan, muli ay nakita ko ang dalagang ‘yon na medyo kakaiba na kaysa sa una ko siyang makita – madungis, mapupula ang mata, mabaho at buntis. Nakaupo siya sa isang waiting shed di kalayuan sa amin. Isa lang ang napansin ko nja hindi nagbago sa kanaya – ang patuloy na pagkurot sa kanyang sarili na tila nagbunga ng mga malulubhang sugat at peklat sa iba’t-ibang parte ng katawan. Hindi ko natiis ang ginagawa niya sa kanyang sarili hanggang sa nagtungo ako sa munisipyo at dumulog sa Municipal Social Welfare and Development o MSWD (na dati kong pinagsilbihan noong panahon na ako ay kinakailangang magtrabaho upang mapunan ang oras para ipagpatuloy ang aking scholarship na binabayaran ng munisipyo) upang matulungan ang kawawang dalaga.

Makalipas ang ilang araw, kinamusta ko ang babaeng ‘yon. Napag-alaman ko na isa siyang estudyante sa isang kilalang pamantasan. Mula siya sa isang tipikal na pamilya at nag-aaral ng pagka-guro. Ayon sa ulat mula sa taong humahawak sa kanyang kaso (na hindi ko sasabihin kung sino), napag-alaman na siya ay nagkaroon ng matinding depresyon na nagdulot upang magkaroon ng malaking problema sa pag-iisip. Napag-alaman ko na upang mabuhay, ibinebenta niya ang kanyang sarili na naging posibilidad upang mabuntis siya.

Pero ang hindi nila alam, maaaring alam ko ang dahilan dahil sa mga narinig ko sa simbahan ngunit hindi ito sapat upang mapatunayan ang totoong dahilan kung bakit siya nagkaganito.

Nang bumababa ako sa gusali ay may nakita akong isang lalaki na agad na lumapit sa akin. Agad niyang tinanong kung kilala ko ang babaeng “baliw”. Ikinuwento ko sa kanya kung papaano ko siya nakita at paano ko siya dinala sa mga taga-MSWD.
Inanyayahan niya akong magkausap kami. Doon ko nalaman na siya pala ang lalaking “kinabitan” ng kawawang babae. Ayon sa kanya, nagdesisyon na ang dalaga na makipaghiwalay sa kanya. Sabi pa nga niya eh gumamit pa siya ng kung sinu-sinong lalaki upang lubayan siya. Noong una, hindi niya ito matanggap hanggang sa nagdesisyon na ito na sumuko at hayaan ang dalaga na magpatuloy sa kanyang buhay. Sabi din ng lalaki, wala na siyang magagawa ngunit hindi niya ito dapat pagsisihan dahil ginawa na niya ang lahat upang ayusin ang buhay na tila nasira sa kanilang bawal na pag-ibig. Sa aming pag-uusap, mukhang pabor ako sa sinabi ng lalaki na kung pagsisihan natin ang isang pagkakamali, hindsi natin maitatama ang mga bagay na kailangang ituwid. Hinayaan na lang niya ang babae sa gusto niya at siya ay nagpatuloy at ayusin ang kanyang nasirang pamilya.

Nang matapos ang aming pag-uusap, bumalik ako sa gusali at tiningnan muli sa huling pagkakataon ang nbaliw na dalaga. Habang pinagmamasdan siya, hindi ko mapigiling magalit sa dalaga sa kanyang kondisyon dahil hindi niya pinanindigan ang kanyang ginawa. Marahil ay isa itong matinding sumpa mula sa kanya sapagkat hindi niya nakayang ayusin ang gulo sa kanyang buhay.

“Buti nga sa ‘yo….” Bulong ko sa aking sarili habang iniiwas ang tingin sa kanya na tila humuhingi na simpatya sa kanyang sarili.

Sa buhay, kapag alam natin na mayroon tayong pinagsisisihan, nagiging mahina, takot at tila sugatan ang ating mga puso. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay susuko na tayo. Sa mga pagkakatong ganito, kailangan humanap tayo ng lakas upang ito ay harapin. Ang pagtakas sa isang problema ay magdudulot lang ng matinding galit sa ating sarili… na magdudulot ng pagsisisi na kasama natin hanggang sa hukay.
Sa nangyaring ito, naisip ko na hindi mo dapat pagsisihan ang mga bagay sa huli, dapat pa nga, isaisip ng bawat isa sa atin ang kahalagahan na ang bawat nangyayari sa ating buhay ay may dahilan. Kung plano man ito ng Diyos, hayaan natin na mangyari ang kagustuhan niya… pero hindi ibig sabihin nito ay dapat tayong mawalan ng pag-asa.

Ang pagsisisi ay tulad ng isang inubos na pagkain na hindi mo na kailangang isuka sapagkat mahihirapan ka lang na ito ay iluwa.

Sunday, December 19, 2010

Epiko 59: "Ang Itim na Kabalyero"



Bibigyan kita ng isang sitwasyon na hindi mo kailangang pag-isipan ng malalim.

Sa sampung aanihin mong mapupulang mansanas, may nakita kang isang kulay itim dito. Ano ang gagawin mo? Titikman mo ba ito o itatapon?

Malamang hindi ko na kailangang alamin ang sagot mo ngunit natitiyak ka ba na tama ang desisyon mo sa mansanas na nabanggit ko?

Minsan, sa buhay natin, nalilinlang tayo ng panlabas na anyo na kung saan nagiging mabilis tayo para humusga agad. Nakakalimot tayo sa tunay na katangian ng panloob na anyo na kung titingnan ay mas higit pa na mabubuting katangian kaysa sa ating nadarama.

Noong ika-12 ng Disyembre, nakakilala ko ang isang tao mula sa bansang Vanuatu na matatagpuan sa kontinente ng Oceania (kung saan nabibilang ang Australia at New Zealand). Ang dahilan kung bakit siya pumunta sa Pilipinas ay para mag-aral ng Veterinary Medicine. Ngunit nag-krus ang aming landas dahil siya ay (sa mga panahong iyon) ay sumasali sa aking kinabibilangang kapatiran. Kasama ang siyam na iba pa, sinuong nila ang landas ng pagiging miyembro ng kapatirang humubog sa aking pagkatao.
Ngunit may isang bumabagabag sa aking isipan – sino ang taong ito na sa kabila ng maitim na kulay ng kanyang balat, kulot na buhok, masangsang na amoy sa katawan, baluktot na salitang Ingles at tila hindi makapang pagkatao na taglay ay tila naging malaking pagsubok hindi lang sa aking kapatiran kundi sa aking sarili.

Kinilala ko siyang mabuti. Tinatong ko kung sino siya at mga mpormasyon tungkol sa kanyang sarili. Kahit na mahirap para sa amin dahil sa “language barrier” sa nasa pagitan namin, pinilit kong intindihin ang kanyang salitang Ingles nang sa ganun ay magkaintindihan kami. Ngunit bukod pa doon, gumawa ako ng paraan para makuha ang kanyang pagtitiwala. Hindi ko inaasahan na nagustuhan niya ang pagkaing manok tulad ng “tinolang manok” at “adobo” na kung saan ipinakita ko kung paano ito lutuin. Sa simpleng paraan, nakilala niya lang hindi ako kundi pati ang kulturang Pilipino sa aming pag-uusap. Nagkaroon din kami ng palitan ng impormasyon tungkol sa aming mga bansa na parehong naging kolonya ng mga dayuhan sa Europa. Sa kanya ko natutunan ang isang mabuti at maunawaing tao na naghahanap ng makakasama sa lugar na kung saan siya ay itinuturing na dayuhan. Natuto din ako ng kanilang lenggwahe tulad ng”mekrosyu” na ang ibig sa salitang Pilipino ay “ayoko na sa ‘yo” at “melaykingyu” na ang ibig sabihin naman ay “mahal kita”.

Mas lalong humanga kami na nasa kapatiran nang magdesisyon siya na putulin ang kanyang “dreadlocks” na buhok at ahitin ang ang kanyang balabas na tila labag sa kanilang kultura. Sa ganitong paraan, nakita ko ang kanyang interes at pursegido siya sa pagsali kapalit ng kahit ano. Marunong siyang makinig at umunawa sa mga bagay sa kanyang paligid. Malamang, ang kanyang mabuting metalidad ay tila hindi nalalayo sa mabutig mentalidad ng mga Pilipino. Sa kauna-unahang pagkakataon, hindi ko naramdaman na diskriminasyon pagdating sa kulay ng aming mga balat bagkus ay tila nagkaroon ako ngbagong kapatid mula sa ibang bansa.

Isang bagay ang natutunan ko sa kanya pagkatapos niyang magdaan sa proseso ng aming kapatiran – hindi hadlang sa isang tao ang mga balakid at pagsubok kung ito ay determinado at handang humarap sa iba’t-ibang sitwasyon na susukat sa kanyang pagkatao. Iba man ang kulay ng balat, lahi, relihiyon at prinsipyo sa buhay, nagkakaroon ng pagkakaisa ang mga ito sa isang maayos at tapat na pagkakaunawaan dahil sa pagtanggap sa bawat isa.

Hindi naman masamang alisin ang itim na mansanas sa mga aanihin. Bagkus baka ito pa ang dahilan upang ang mga inaning ito ay magkaroon ng mataas na halaga sa bawat taong tatangkilik dito.

Wednesday, December 15, 2010

Epiko 58: "Mas Gugustuhin Kong Magdiwang Mag-Isa ng Pasko..."



Nang nagsusulat ako kagabi, isang grupo ng mga bata ang bumasag sa aking ginagawa nang kumanta sila ng mali-maling lyrics ng pamaskong kanta. Sa madaling salita, nangangaroling sa dis-oras ng gabi. Bumaba ako upang puntahan ang mga bata. Pinagmasdan ko sila habang kumakanta. Nang lapitan ko sila, sinabi ko na “tawad muna” ngunit bago ako pumasok sa loob ng bahay, bigla akong napaisip – naalala ko tuloy noong bata pa ako na nagbabahay-bahay kami ng mga pinsan ko at ginagawa ang pagkanta sa mga bahay upang bigyan kami ng konting barya. Bumunot ako ng limang piso na natitira sa aking bulsa at iniabot ko sa mga bata.

“Ito lang po?” wika ng isang bata na tila hindi kuntento sa ibinigay kong barya. Hindi na lang ako nagsalita. Umalis ang mga bata na malungkot at dismayado.

Sa totoo lang, nalungkot din ako hindi dahil sa ibinigay kong barya na ibibili ko sana ng sigarilyo kundi sa reaksyon ng mga bata. Tila nakakalimot na sila sa tunay na diwa ng Pasko.

Malamang ang okasyon na ito ay kinukwestyon ng mga relihiyon na hindi naniniwala sa Pasko. Ito marahil ay dahil ang araw na ito ay tinuturuan ang mga tao na tumingin sa mga materyal na bagay sa mundo. Hindi ako nagtataka dito dahil sabik ang mga tao sa mga regalo, bagong bagay o pera na ibibigay ng mga tao sa kanila. Ito din ng ugat ng pagiging makasarili at madamot ng isang tao na ibahagi ang parte ng kanyang pag-aari sa kadahilanang minsan lang ito dumating sa isang taon. Ito din ang sakit sa ulo ng mga nakakatanda dahil sa pinoproblema nila ang mga ibibigay nilang bagay sa kanilang inaanak o kamag-anak. Malamang, ito ang magiging dahilan ng pagkaubos ng kanilang bonus na isang taon nilang hinintay.

Nakakalungkot na ito na ang nagiging pananaw ng mga nakakaraming tao sa araw ng Pasko. Mukhang nakakalimot na sila sa tunay na halaga at diwa ng okasyon na ito.
Ngunit hindi naman lahat ay nakakalimot. May mga tao na ginawa na nilang panata ang magbigay o magbahagi sa kanilang mga kababayan na naghihirap. Yung iba naman, patago kung magbigay. May iba naman na sapat na ang magsimba at bisitahin ang mga kamag-anak upang makasalo sa buong araw.

Iba’t iba man ang kagustuhan ng bawat isa sa atin, sana ay maalala nila at ipamana sa susunod na henerasyon ang mga kaugalian ng totoong sentro ng Pasko – si Jesus.
Ako nga, mas pipiliin kong magdiwang ng Pasko na mag-isa upang mapagnilayan ang taong nagbigay ng isang napakagandang regalo na hindi kailanaman mawawala – ang kanyang buhay noong ipinako siya sa krus upang hugasan ang ating mga kasalanan.

Marahil ang Paskong ito ay espesyal sa akin dahil ito ang unang pagkakataon na isusulat ko ang aking saloobin sa araw ng Pasko. Nawa’y ang bawat isa sa atin ay huwag tumingin sa mga materyal na bagay na ibibigay sa atin ng mga tao. Daat nga, tayo ang magbigay sa kanila ng isang regalo na walang kapantay na halaga – ang pagmamahalan sa bawat isa nang sa ganun ay mabawasan o tuluyang pawiin ang kaguluhan at galit sa puso ninuman at maghari ang kapayapaan sa buong mundo. Sana kahit hindi Pasko, manatili sa ating puso si Jesus na hindi nakakalimot sa atin.

Wala akong pakialam kung may mga tao na ayaw o hindi naniniwala sa Pasko. Wala din akong pakialam kung saan man ito nagsimula o anuman ang mga simbulo nito. Ang mahalaga, naibahagi ko (kahit sa ganitong paraan) ang tunay na diwa at halaga ng araw ng Pasko sa bawat isa sa atin.

Sa inyong lahat… maligayang Pasko…

… at sa mga taong ayaw tanggapin ang pagbati ko…

… Happy Holidays!

Epiko 57: “Si G. Lauro, Si Hubert at si Emong”



Sa nakalipas na labing-siyam na taon, nakamulatan ko na ang nangyaring “Crime of the Decade” noong dekada nobenta na “Vizconde Massacre.” Ito ay isang malagim na krimen na kung saan pinatay ang isang mag-iina sa kanilang bahay. Nagimbal ang buong bansa sa pangyayaring ito na nagbigay-kulay sa masalimuot at magulong sistema ng hustisya sa ating bansa. Bagama’t masasabi ko na isa itong masamang bangungot kay G. Lauro Vizconde, siya ay nagpatuloy sa kanyang paghahanap sa mga salarin sa nasabing krimen at ang buong mamayang Pilipino ay nakisimpatya sa kanya.

Sa pag-iimbestiga, dinakip at ikinulong si Hubert Webb kasama pa ang limang kabataan. Ayon sa pangunahing saksi na si Jessica Alfaro, sila ang mga taong nasa likod ng krimen. Nang umandar na ang pagsasaliksik at pagdedesisyonb ng Korte Suprema, sila ay nahatulan ng nabambuhay na pagkakabilanggo.

Ngunit sa paglipas ng mga taon, patuloy pa din ang paghahanap ng magkabilang kampo ng tunay na katarungan sa kanilang panig. Hanggang sa ngayong buwan ay naglabas ng desisyon ang korte na mapalaya sina Hubert Webb dahil sa kakulangan ng ebidensya at katunayan na inosente siya sa krimen. Sa pangyayaring ito, muling nakalog at na-kwestyon ang hustisya sa ating bansa.

Ano ba talaga ang problema sa kasong ito na talaga namang pinag-uusapan mula sa pulong ng mga mayayamang negosyante hanggang sa ordinaryong usapan ng mga matatanda sa kanto?

Sa tingin ng marami, ang lumalabas na kawawa dito ay si G. lauro na nagkakaroon na maliit na pag-asa na makita at mahuli ang totoong pumatay sa kanyang pamilya. Ngunit sa likod ng mga isinisigaw ng mga kaibigan, kapamilya at mga grupong nakiki-simpatya sa kanya, may isang tanong na hindi pa niya nasasagot – katarungan ba ang hinahanap niya o simpleng pagganti sa mga pumipigil upang siya matahimik na?

Sa kampo ni Hubert, kahit na maraming nagsasabi na hindi siya dapat napalaya, may ibang tao ang naging masaya dahil sa paniniwalang inosente siya. May mga taong nagpapatunay na hindi niya kayang gawin ang krimen na ‘yon sapagkat ayon sa mga ebidensya ay matibay ang katibayan ng kanyang pagka-inosente. Isa din itong kahanga-hangang pagpapakita ng isang katatagan at pagkakaroon ng pag-asa sa mga taong naiipit sa mga pagsubok na tila wala nang pag-asa. Sa pamilya ng mga Webb, ito ang tunay na hustisya.

Pero paano na si G. Lauro na tila mamamatay na sa sama ng loob sa mga nangyayari at si Hubert na tila hindi alam kung paano magsisimula ng panibagong buhay?
Siguro naman, panahon na upang maisip nila magsimula muli…

Sa buhay natin, mahirap magsimula ng isang panibagong yugto na kung saan hindi alam kung paano sisimulan. Kahit nga ako eh naranasan din ang kanilang nararamdaman. Kahit na hindi eksaktong pangyayari ang naranasan ko tulad nial, masasabi ko na naramdaman ko din kung paano mabigo. Tulad din ako ni G. Lauro na nawalan din ng isang mahalagang tao at hinahanapan ng katarungan ang mga bagay na tila sumira sa aking pagkatao. Ngunit tulad ni Hubert, hindi ako sumuko, nagpatuloy akong harapin ang bawat araw upang makapagsimula muli. Sa tulong ng Panginoon, mga kamag-anak, mga kaibigan at mga taong naniniwala sa aking kakayahan, nakita ko na ang lahat ng mga pangyayaring ito ay may dahilan. Ginawa nila akong malakas, matatag at mapagkumbaba sa mga bvagay na aking ginagawa. Sa bandang huli, pinalaya ako nito sa isang pinakamadilim na kabanata ng aking buhay at nagsimula akong muli sa isang paglalakbay patungo sa aking pangarap. Para sa akin, nakamit ko ang hustisya na hinahanap ko sa aking pamamaraan.

Isang bagay ang aking napagtanto – ang hustisya ay hindi bulag… ito ay isang gulong na kung saan may tamang panahon upang ito ay makamit.

Sa mga taong katulad ni G. Lauro, huwag sana silang mawaang ng pag-asa. May tamang panahon para makamit nila ang totoong katarungan.Ngunit sa kanyang pagdadalamhati na kanyang nararanasan, nawa'y ipagpatuloy niya pa din na mabuhay.

Sa mga katulad naman ni Hubert, nawa ay makita nila ang tunay na kahalagahan ng hustisya at pag-ingatan nila ito. Magkaroon sana siya ng matiwasay na simula sa labas ng bilangguan.

At sa akin, ang masasabi ko lang ay ito… Ako ang hustisya!

Monday, December 13, 2010

Epiko 56: "May Hangganan Ang Lahat"



“May hangganan ang lahat”

Ito marahil ang isa sa mga konkretong halimbawa ng isang natural na pangyayari sa ating buhay. Ang buhay, kayamanan, katanyagan, pag-ibig, kabataan, pangarap at karunungan ay may hangganan.

Totoo naman ito di ba?

Ngunit kung minsan, sa buhay natin, nakakaramam tayo ng isang bagay na tila walang wakas.

May isa akong kwentong ibabahagi sa inyo.

Isang araw, may lalaki na gumagala sa isang bayan dala ang isang litrato ng isang magandang babae. Sa kanyang paglalakad, nagtanong siya sa unang tao na bumibili sa isang tindahan kung kilala niya ang babae sa litrato. Ang sabi niya, “Hindi ko ‘yan kilala. Medyo may kalumaan na ang litratong ‘yan kaya hindi ko po makilala.”
Muli, sa kanyang paglalakad ay huminto siya at nagtanong sa isang tindera ng karne sa palengke. Katulad din ng sinabi ng nauna, hindi din niya ito kilala dahil may kalumaan na ang litrato. Sumunod sa kanyang napagtanungan ay ang mga sumusunod – bumbero, kartero, karpintero, sepulturero, gwardya sa bangko, barbero, guro at pari. Ngunit katulad din ng una at pngalawa niyang napagtanungan, iisa lang ang sagot nila na hindi nila kilala ang babae sa larawan.

Hanggang sa mapadpad siya sa isang tulay at nakita ang isang pulubi na nakahiga at kinakausap ang sarili na tila wala sa sariling katinuan. Lumapit siya at tinanopng kung kakilala niya ang babae sa litrato. Ang sagot ng pulubi ay ganito – “Itigil mo na ang paghahanap. Hindi na siya babalik. Wala na siya.” Pagkatapos nito ay hinubad ng lalaki ang kanyang balabal, binuhat ang babae at dinala sa ospital.

Makalipas ang isang oras, lumabs ang isang doktora na tumingin sa kondisyon ng pulubi. Ang doktora na ‘yon ay siyang nasa litrato ng lalaki na matagal na niyang hinahanap. Lumapit ang doktor sa lalaki at sinabing ligtas na sa kapahamakan ang pulubi. Walang sabi-sabi ay iniabot ng lalaki ang litrato sa doktora na labis nitng ikinagulat. Tinanong niya sa lalaki kung saan niya ito nakuha. Ngunit hindi ito sumagot. Bagkus ay kinuha niya ang kanyang kamera at nagtungo sa kwarto ng pulubi at kinuhanan ito ng larawan. Umalis din ito agad sa ospital kasabay ang pagbayad sa mga gastusin sa ospital ng pulubi.

Kinabukasan, bumalik sa dating buhay ang lalaki bilang isang negosyante na nagtitinda ng tinapay. Sa kanyang pwesto, may lumapit na isang tao na may dalang bulaklak – ang doktora sa ospital. Kinausap niya ang lalaki at nagpasalamat dahil sa nangyari sa kanya kung bakit siya gumaling at nakabalik sa katinuan.
“Maraming salamat dahil isa na namang pulubi na tulad ko noon ang natulungan niyo.”
Sa kwentong iyong binasa, may hanggan ang lahat dito sa mundo. Ngunit tandaan natin na sa bawat hangganan ay may naghihintay na panibagong simula.

Nakakainis lang dahil may mga bagay tayo na gusto na sana ay wala nang katapusan. Pero tanggapin na natin ito ng buong-buo dahil maaari itong magbunga o magbukas sa atin ng bagong oportunidad o pagkakataon sa isang bagay na magiging susi sa ating kasiyahan.

May hangganan ang lahat (kahit ang isinusulat ko ngayon ay may hangganan dahil medyo mahaba na). Ang iyong nararanasang hirap, sakit, luha at pagkabigo sa buhay ay may katapusan din.

Sa bandang huli, makikita mo ang pag-asang inaasam mo.

Ang dapat lang nating gawin ay manitiling mabuti at totoo sa ating mga sarili.

Thursday, December 9, 2010

Epiko 55: "Anak Ka Ng Bocha!"



Mmmmm…

Ang sarap talaga ng maskara (ang pisngi ng baboy na nilaga sa isang kakaibang sauce at ipinirito sa mantika na nag-iisa at matatagpuan lang sa palengke ng Silang, Cavite). Suking-suki ako nito dahil ang sarap talaga lalo na kung iuulam mo sa kanin. Lasang bacon na kung minsan eh lasang hamon. Medyo mamantika lang pero sa murang halaga nito, hindi nakakapagtakang mablis itong maubos dahil sa masarap at dinarayo ito.

Pero bigla akong napaisip nang nabalitaan ko ang lumalalang kalakalan ng mga “double dead” na karne ng baboy sa bansa. Sa katanuyan, isa itong malaking peligro sa ating kalusugan dahil sa masamang epekto nito. Malaki ang posibiladad na ang pagkain ng ganitong klase ng karne ay magdudulot ng kumplikasyon sa ating katawan tulad ng tetano, cancer sa bituka o bato at kung mamalasin ay pagkalason sa dugo, atay, apdo at iba pang organo ng ating katawan.

Habang kinakain ko ang binili kong maskara, hindi ko pa din mapigilan ang pagkatakam dito. Siguro nga ay likas sa atin ang mahlig sa mga pagkain kanto na kung minsan ay hindi na natin naiisip kung paano ito inihanda bago ibenta. Bukod kasi sa mura ay masarap talaga.

Hanggang sa nahilakbot ako nang nabalitaan ko na may kapitbahay ako na namatay sa dahil sa pagkain ng mga ganitong klase ng pagkain. Sa edad na dalawampu, nakaranas siya at pumanaw sa sakit na colon cancer.

Siguro nga eh dapat tayong mag-ingat sa ating mga kinakain. Hindi naman masama ang pagkain ng ganitong pagkain ngunit karapatan natin na alamin muna kung saan at paano ito ginawa nang sa ganoon ay panatag hindi lang ang ating sikmura kundi ang ating isipan. Kung iisipin, dapat ay hindi natin sanayin ang ating sarili na kumain ng mga ganitong klaseng pagkain dahil ang lahat ng sobra ay nakakasama. Sa panig naman ng mga gumagawa ng ganitong klaseng negosyo, isipin din nila ang kaligtasan ng mga mamimili na tumatangkilik sa kanilang pagkain. Makonsiyensya naman sila dahil paano kung ang mga anak nila ang mapahamak kapag kumain sila nito.

Sa aking takot, nilakasan ko ang loob ko at tinanong sa tindero ng maskara kung paano ito gawin. Inanyayahan niya ako sa kanilang bahay upang makita kung paano ito gawin. Mabuti na lang at hindi double dead ang ginagamit niyang karne. Ang mga ginagamit niyang sangkap ay malinis at walang halong masamang kemikal. Kasabay nito, nakita ko ang sikreto kung paano ito mapapasarap. Kung anuman ‘yun, hindi ko sasabihin (kaya nga sikreto eh...).

Masarap kumain ngunit mas masarap at mae-enjoy mo ito kung alam mo na malinis at maayos hindi lang kung paano ito inihanda kundi pati ang taong maghahain nito sa ‘yo.

Tuesday, December 7, 2010

Epiko 54: "Sa Aming (Inaakalang) Huling Sandali..."



Alam natin na ang pinakamahirap na parte ng isang magandang pagsasama ay ang mapait na paghihiwalay. Paulit-ulit ko man itong isinulat sa aking mga nakaraan na epiko, palagi itong nagtatapos sa masakit at mapait na katapusan. Marami ang nagsasabi na walang nang sasakit pa kapag ikaw ay nagpaalam na sa isang taong naging malaking parte ng buhay mo.

Ngunit sa taliwas sa kasabihan ng iba, dumating sa punto na nagpaalam ako sa isang tao na hindi ako nakaramdmam ng kalungkutan. Sa halip, masasabi ko na isa ako sa mga masasayang tao noong mga sandaling ‘yon.

Muli, naalala ko ang araw kung saan isang pangako na binitawan ko sa aking sarili ang habambuhay na matutupad.

Gabi nun noong ika-15 ng Oktubre. Habang pauwi kaming dalawa mula sa eskwelahan, pinagmasadan ko siya (sa akala ko na) sa huling pagkakataon. Mula sa aking madilim na nakaraan, unti-unti kong naunawaan ang dahilan kung bakit nangyari sa akin ang mga masasamang pangyayari sa aking buhay. Siguro ito din ang dahilan kung bakit siya dumating sa aking buhay. Kahit na medyo hindi naayon ang sitwasyon namin, masaya na ako na magkaibigan kami kasi alam ko na sa ganitong paraan ay hindi siya mawawala sa buhay ko. Hanag nag-uusap kami, iniisip ko ang unang araw na nagkita kami… nakakatawa (at alam ko na nauuta ka na dahil alam ko na nabasa mo na ito ng ilang beses sa aking mga naunang ginawa) ngunit naging emosyonal ako nang naghiwalay na kami. Hindi ko alam kung magkikita pa kami o hindi na pagkatapos nito.

Umuwi ako sa amin na tila isang batang umiiyak dahil nawalan ng isang laruan habang naglalaro sa kalsada. Ngunit walang nakakita sa mga sandaling tila nagdadalamahati ang aking sarili na wala namang magandang rason para gawin ‘yun. Hanggang sa mapagtanto ko na hindi ako dapat maging malungkot sapagkat isang tao ang dumating sa buhay ko at binago ang pagkatao ko (pati din ang paraan ko ng pagsusulat).

Mula noon, bumalik ang mga ngiti sa akin hanggang sa bumalik ako sa pag-aaral. Kapag nakikita ko ang taong yumurak sa aking pagkatao, natatawa na lang ako dahil mas matinding karma ang napapunta sa kanya. Kahit na itago pa niya sa kanyang mga salita ang kanyang tuny na nararamadaman, hindi na ako maniniwala dahil isa siyang dakilang sinungaling. Kapag iniisip ko ang walanghiyang-taong ‘yun partikular na ang aming mga huling sandali, naging tanga at bobo din pala ako minsan sa buhay ko. Ngunit sa kabila ng mga ginawa niyang kawalang-hiyaan, napatawad ko na siya sa lahat ng kanyang ginawa. Ang totoo nga niyan ay dapat pa akong magpasalamat sa kanya dahil kung hindi sa ginawa niya, hindi ko matatagpuan ang isang tao na masasabi ko na isa sa mga mahahalaga sa akin.

Kaya sa mga taong nawawalan ng pag-asa sa buhay, tandaan niyo ito – ang isang paglikha ay hindi magsisimula kung walang pagkawasak (sa Ingles, “After destruction, creation takes place). Nagsisimula ang isang bagong yugto ng ating buhay pagkatapos ng isang pagtatapos. Parang konsepto lang ‘yan ng “cycle of life” na itinuturo sa atin sa Science at Values Education subjects natin. Hindi man natin ito napapansin – simple man o kumplikado man ang sitwasyon, nangyayari ito dahil isa ito sa mga pangyayari na likas mula pa noong likhain ng Diyos ang mundo (kung hindi man, sa paraan o teorya ng pagkalikha mula sa siyensya).

Lahat ng simula ay may katapusan at ang bawat katapusan ay may panibagong simula.

P.S.

Pagkatapos mo itong basahin, kunin mo ang iyong Bibliya at hanapin ang “1 PEDRO 4:1-6” upang maunawaan ang dahilan kung bakit ko ito isinulat.

Sunday, December 5, 2010

Epiko 53: "Badtrip Ka Talaga… Palibhasa Kasi Para Kang Ngipin"



Badtrip.

Hindi na ordinaryong salita ito sa atin. Parang kahalintulad lang ito ng salitang “nakakainis” o “nakakayamot” o kahit anong salitang nagpapahiwatig ng negatibong kahulugan.

Badtrip…

Kung bakit kasi nauso itong salita na ito. Naaalala ko pa noong una ko itong ginamit llabing isang taon na ang nakakalipas sa isang sitwasyon na kung saan hindi ko masabi sa isang babae ang aking nararamdaman hanggang sa wala itong pinatunguhan. Sa bandang huli, pinagsisihan ko ito.

Badtrip?

Naranasan mo na bang madismaya sa isang pangyayari na talaga namang ikinagalit mo? May tao ba na sa tuwing nakiklita mo ang pagmumukha eh nasisira ang araw mo dahil sa ugali, porma ng pananamit o angas niya?

Badtrip!

Kapag nagkamali ka sa isang diskarte o desisyon, hindi mo maiwasan na maisigaw o ibulong sa hangin ang salitang ito. May pagkakataon pa nga na gusto mong manakit sa sobrang pikon o pagkauma dahil hindi mo gusto ang nangyayari.

Pero ba bakit ko ba ibinubuyangyang ang salitang ito sa ‘yo?

Kahit ako hindi ko din alam. Badtrip nga ako eh dahil sa… Ahhh! Ewan ko ba!

Basta nangyari na lang… tapos!

Iniisip ko na lang ang mga salitang sinabi ni Bob Marley sa kanyang simple ngunit makahulugan na pahayag na isinalin ko sa wikang Tagalog (na maaring nabasa mo na mula sa aking mga naunang ginawa).

“Hindi man ikaw ang kanyang unang minahal, kanyang huling minahal o nag-iisang minamahal. Nagmahal siya bago siya nagmahal muli. Kung mahal ka na niya ngayon, ano pa ba ang mahalaga doon? Hindi siya perpekto – ganun ka din, at kayong dalawa ay hindi perpekto para sa isa’t-isa. Pero kung kaya ka niyang patawanin dahil ikaw ay nagdadalawang-isip at tinatanggap ang mga pagkakamali sa kadahilanang ikaw ay tao, manatili ka at ibigay ang lahat para sa kanya. Hindi ka man niya iniisip bawat segundo araw-araw, may isang bagay siya na kaya niyang ibigay na maari mong sirain – ang kanyang puso. Kaya huwag mo siyang saktan, huwag mo siyang baguhin, huwag mo siyang suriin at huwag kang umasa sa mga bagay na higit pa sa kaya niyang ibigay. Ngumiti ka kapag napapasaya ka niya, hayaan mong malaman niya kung nagagalit ka, at alalahanin siya kapag wala siya.”


Ito ang mga salita na aking pinanghahawakan sa tuwing nadidismaya, naiinis at nagagalit ako sa kanya. Kapag iniisip ko ang mga salitang ito, nawawala ang pagka-badtrip ko sa kanya.

Sa buhay natin, hindi natin maiwasan na madismaya, magalit, mapikon o kahit anong salita na magpapatungkol sa “badtrip”. Pero ganun talaga. Dapat siguro ay intindihin na lang natin o panatilihing kalmado tayo sa mga hindi magagandang sitwasyon. Natural lang sa atin ang ma-badtrip ngunit palagi nating pakatandaan na walang magandang mangyayari kung puro init ng ulo ang paiiralin dahil sa bandang huli, baka madismaya o maging malungkot ka lang.

Badtrip ka talaga… palibhasa kasi para siyang ngipin – kapag sinumpong, hindi ko kayang tiisin.

Friday, December 3, 2010

Epiko 52: "Ang Karma Nga Naman… Parang Western Union Sa Bilis!"



May ikukwento ako sa inyo na siguradong mapapaisip ka.

Habang bumibili ako sa isang burger stand malapit sa plaza, hindi ko sinasadyang mapakinggan ang isang usapan ng dalawang babae na nasa unahan ng aking pila.
“Alam mo ba na ‘yung isa nating classmate eh nabuntis? Limang buwan na nga eh. Nagulat nga ako at ngayon ko lang nalaman.” wika ng unang babae na medyo mukhang pokpok ang hitsura at panay lagay ng make-up.

“Talaga? Siya ba yung nabalita na nagkaroon ng relasyon sa isa nating classmate na may asawa? Grabe naman ‘yun! Hindi man lang niya naisip ang pwedeng mangyari sa kanya. Ang bata pa niya para maging ina.” sabi ng kausap niya na mukhang mahinhin at simple lang kung manamit.

“Malandi din pala yung babaeng ‘yun. Mukha lang siyang matino pero ang totoo eh may pagka-maarte din. Aba! Dinaig pa ako! Ako na nga na mukhang pokpok at babastusin pero sa sa tingin ko naman eh matino ako at nag-iisip din dahil ayokong mabuntis ng wala sa oras.”

“Ewan ko din ba dun sa babaeng ‘yun. Pero sa tingin ko eh nararapat lang sa kanya ang nangyari kasi sa mga kasalanan na kanyang ginawa sa isa nating classmate.”
“Anong ibig mong sabihin? May bagay ba ako na hindi alam? I-share mo naman mare!”
“Akala ko ba alam mo na ang lahat? Hindsi mo ba alam na totoo ang balita na nagkaroon ng relasyon yung nabuntis sa isa nating classmate. Ang totoo nga niya eh halos magdadalawang taon na silang mag-nobyo. Nang nakahalata na ang lahat sa paligid ay hiniwalayan niya yung lalaking may asawa at sumama sa isang lalaki. Ayun… nabuntis siya. Buti nga sa kanya.”

“Naku! Hindi ko alam ‘yan! Kawawa naman ‘yung lalaki kasi sa nakikita koeh halos sanggang-dikit silang dalawa. Hindi ko man lang nahalata ‘yung relasyon nila dahil magaling silang magtago. Pero sino sa tingin mo ang may kasalanan? Parang pareho lang… di ba?”

“Pero kung titimbangin mo, mas may kasalanan ‘yung babae kasi sa una pa lang eh inakit na niya ‘yung may asawa nating classmate. Balita ko nga eh naging depressed ‘yung lalaki kasi sa nangyari. Sa nakikita ko, talagang minahal niya ‘yung babaeng malandi.”

“Pero kasalalan din ng lalaki ‘yun kasi nagpaakit siya dun sa babae. Alam mo naman ang lalaki, mabilis matukso. Pero sa huli, mas kampi ako dun sa lalaki kasi napakabait niya. Bukod pa dun, magaling din siya sa klase at maraming humahanga sa kanya.”

“Pero sa nakikita ko, medyo okay na ang kundisyon ng classmate natin na may asawa. Nakakangiti na siya uli at naging abala siya sa mga activities sa school. At may balita din ako na may nagpapasaya sa kanya hindi tulad ng maladi nating classmate na pinopb\roblema ang kanyang pagbubuntis. Balita ko nga eh parang nagkaproblema siya sa kanyang mga magulang at tila halos itakwil siya dahil ang nakabuntis pala sa kanya eh ang kanyang pinsan.”

“Yuck! Kadiri naman ‘yun! Ang aming papatulan eh dun pa sa kadugo. Kadiri talaga!”
At umalis ang dalawang babae pagkatapos makuha ang binili nilang pagkain.
Habang nasa pila ako, napaisip ako sa pinag-usapan nila. Naka-relate ako (kaso hindi ganung eksakto ang nangyari sa akin tulad ng malindi nilang clasmate). Marahil nga eh may pagkakataon na natutukso o nagkakamali ang isang tao. Natural na siguro ‘yun. Ayon nga kay Michael Gottfredson at Travis Hirschl sa kanilang artikulong “Why We’re Losing the War on Crime”, mas oras sa bawat dahilan kaya dapat hindi tayo manghinayang o pahirapan ang sarili sa mga bagay na alam nating nagkamali tayo. Simple lang ang ibig sabihin nito ngunit mahirap maintindihan hannga’t hindi pa nararanasan. Ang bawat pahihirap ng isang indibidwal ay may karampatang ginhawa. Nakakaawa nga lang ang mga tao na isinumpa na ng tadhana na pahirapan sa kanilang buong buhay dahil sa kanilang ginawang kasalanan.

Lagi nating isipin na hindi palaging nasa baba ang sitwasyon ng mga taong naghihikahos. Dadating ang panahon na mararanasan nila ang ligaya at ginhawa kung gugustuhin nila. Ngunit para sa mga taong walang tigil na gumagawa ng hindi angkop sa isang lipunan, wala akong nakikitang pag-asa sa kanila na matupad nila ang kagustuhan nila sa buhay.

Ang Karma nga naman… parang Western Union sa bilis!