Wednesday, April 27, 2011

Epilogo



Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isulat sa mga sandaling ito. Pakiramdam ko kasi, pinaglalaruan ako ng pagkakataon na kung saan may mga bagay na hindi ko lubos maintindihan kung bakit ito dapat mangyari sa akin.

Ang gulo ko di ba?

Pero ang totoo, magkahalo ag tuwa at lungkot na aking nararamdaman. Sa halos isang taon kong pagsusulat ng The Emong Chronicles, naibuod ko ang mga nangyari sa aking buhay mula ng sa ako’y unang magsulat hanggang sa kasalukuyan sa pamamagitan ng malayang pagsusulat. Marami akong natutunan lalo na sa buhay, pag-ibig, sistema ng edukasyon, pulitika at kahit simpleng paglalagom sa aking sarili na kung saan nabuo ang aking pagkatao.

Mula sa galit at pagkasira, umusbong ang isang panibagong simula na kung saan natutunan kong bumangon at magpatuloy. Dito ko natagpuan ang mga taong muling nagpangiti, nagpasaya at nagbigay ng lakas ng loob para lumaban sa mga hamon ng buhay. Nakaktuwang isipin na sa kabila ng mga nangyari sa akin ay nakuha ko pa din makapagsulat at ibahagi sa inyo ang mga karanasan na sa akin ay magsisilbing gabay para mabuhay.

Ngayon, isasara ko na ang The Emong Chronicles at magbibigay daan ako sa isang panibagong blogsite. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay katapusan na ng paglalakbay ni Emong. Kailangan lang niyang umunlad nang sa ganun ay marami pa siyang ibabahagi sa inyo na maaring makatulong sa inyo at sa iba na hindi pa alam kung ano ang tamang landas na tatahakin.

Sa mga masugid kong mambabasa, marami pong salamat. Sana ay patuloy niyo pa din akong suportahan sa aking susunod na proyekto….

At ang titulo?

THE EMONG CHRONICLES – Ang Ikalawang Paglalakbay!

Ganun pa din eh! Nadagdagan lang ng konting salita.

Porma lko angng isinasara ang unang aklat. Sana ay may kaunting akong naiukit sa puso mo. Sana hindi niyo ako makalimutan. Sa panibagog aklat, samahan niyo akong muyli at nakaksiguro ako na pareho tayong makakrating sa lugar na kung tawagin natin ay BUHAY.

Maraming salamat!

Thursday, March 31, 2011

Epiko 73: "Ang Pinakamahalagang Parangal"



Mayroon akong kwento na ibabahagi sa ‘yo.

Kilala si Paul na isang magaling na artista. Sa loob ng apat na taon, hindi mabilang na pelikula, palabas sa telebisyon at patalastas ang kanyang nagawa na nagdala sa kanyang mga pangarap. Ngunit sa kabila nito, wala pa siyang natatanggap na parangal at papuri sa kanyang mga tagumpay. Sa bawat nominasyon, hindi niya nasusungkit ang pinakaaasam niyang pagkilala sa kanyang natatanging talento.
Tinanong niya ang kanyang sarili na bakit sa kabila ng pagsisikap niya ay hindi siya mabigyan ng parangal. Pakiramdam niya, hindi siya magaling at walang kwenta – na walang patutunguhan ang kanyang ginagawang pagsisikap. Sa kanyang matinding depresyon at pagkauhaw sa mga papuri, mas lalo siyang nagsikap at nagpakadalubhasa sa kanyang karera.

Isang araw sa taping ng isang pelikula, lumapit ang isang baguhang artistang babae sa kanya. Sinabi niya kay Paul na isa siya sa mga tagahanga nito mula pa sa umpisa nito sa pag-aartista. Dito isinalin ni Paul ang kanyang lahat ng kanyang alam sa pag-arte. Sinubaybayan niya ito hanggang sa mahasa ito at maging primera klase na artista.

Walang nakakaalam na ang babaeng ‘yon ay si Elizabeth Taylor.

Sa kabila ng katanyagan nito at sari-saring parangal na natatanggap, hindi nakalimutan ng babae kung sino ang taong nasa likod ng kanyang tagumpay. Sa bawat tropeo na iniaabot sa kanya, ibinibigay niya ito kay Paul sa kadahilanang siya ang kanyang guro at gabay. Dito naisip ni Paul ang isang mahalagang aral sa buhay – hind mahalaga ang parangal at papuri na matatanggap. Ang mahalaga ay ang nagawa mo para sa kapwa upang maging matagupay at matahak ang landas ng kanyang inaasam.
Sa buhay natin, hindi maiiwasan na may mga pangarap tayo na gustong makamit. Pero dahil sa hinihingi ng pagkakataon na ito ay ipagdamot sa atin, hindi maiwasan na tayo ay nakakaramdam ng lungkot, panghihinayang at galit sa ating sarili. Normal lang naman ito dahil kahit sino ay pwedeng makadama nito. Pero kung tayo ay magmumukmok at magpapalunod sa depresyon na hatid nito, mas lalo tayong ibabaon nito sa kabiguan at tiyak na kapahamakan. Kung paiiralin naman ang galit at init ng ulo, lalabas na hindi tayo marunong tumanggap ng kabiguan.

May pagkakataon na nakakaranas tayo ng kabiguan upang masukat ang tatag at tiwala sa sarili. Dapat nating isipin na ang lahat ng mga kabiguan at pasakit sa buhay na dumadating sa atin ay may dahilan. Sa halip na mag-isip ng negatibo, dapat ay positibo natin itong tanggapin nang sa ganun ay hindi ito maging pabigat sa ating sarili. Ang mas mahalaga, ginawa mo ang lahat at wala kang ipinahamak na tao sa bawat pagsisikap na iyong ginawa.

Sa mundo na kung saan iniisip ng nakakarami na walang hustisya at batas, may nakalaang gantimpala ang bawat isa sa atin. Ngunit hindi natin ito malalaman hannga’t hindi tayo nakakaramdam ng matinding pagkabigo. Pantay-pantay ang lahat ng tao sa mundo. Kung ang hinahangad mo lamang ay ang papuri o parangal sa iyong ginawa ay masasabi natin na ito ang magiging mitsa ng mabilis na pagbagsak ng ating mga pangarap.

Para sa akin, hindi na mahalaga kung may papuri o karangalan akong matatanggap. Alam ko sa sarili ko na ginawa ko ang lahat para mabago ang buhay. Hindi ko ipinahamak ang aking sarili at ang iba. Wala akong bahid ng pagsisisi. Ang importante sa akin ay ang mga taong naniniwala sa aking kakayahan at aking mga natulungan sa oras ng kanilang matinding pangangailanagan. Wala na akong mahihiling pa sapagkat natamo ko ang pangarap ko na makapagtapos ng pag-aaral sa sariling sikap at tiyaga. Wala na akong interes sa aking naunsiyaming “cum laude” degree. Sapat na ang maibigay ko ang aking diploma sa aking pamilya at patuloy na magsisikap upang maabot ang mas nakakahigit na tagumpay.

Tuesday, February 8, 2011

Epiko 72: "Sana sa Bayag na Lang Nagbaril Si Heneral Reyes"



Ang lahat ay nagulat sa ginawang pagpapatiwakal ng retiradong heneral na si Angelo Reyes sa harap ng puntod ng kanyang ina. Kahit nga ako, hindi ako makapaniwala sa nangyari. Mula kasi nang madawit ang pangalan niya sa eskandalong kinakaharap ng hukbong sandatahan ng bansa, biglang nag-iba ang pagtinigin ng ating mga kababayan sa kanya. Sari-saring espekulasyon at teyorya ang naiisip natin ukol sa insidenteng ito ngunit ang hindi ko lubos maisip ay ano ang iniisip niybago niya kalbitin ang gatilyo ng kanyang baril na nagtapos sa kanyang buhay.

Kung tutuusin, maraming isyu ang mabubuksan at mapapag-usapan sa pagkamatay ng heneral. Pero mas napili kong pag-usapan natin ay ang mga bagay kung bakit nagpapatiwakal ang tao.

Ayon kay Emile Durkheim (1951). May tatlong uri ng pagpapatiwakal. Ang una ay ang tinatawag na egoistic suicide na kung saan nagiging makasarili o self-centered ahg taong nagpakamatay. Ito ay marahil sa kadahilanang ang taong ito ay may mahinang kapit sa lipunan o sa ibang grupo. Marahil ito ang dahilan kung bakit nagbibigti o naglalason sa sarili ang mga taong sawi sa pag-ibig.

Ang panagalawa ay anomic suicide. Sa madaling paliwanag, ito ang dahilan kung bakit ang ibang miyembro ng pamilya ay nagpapakamatay dahil sa mahirap na estado nila sa lipunan marahil ay walang makain o walang pang-matrikula sa paaralan). Ito ay sa kadahilanang hindi na nila alam ang gagawin sa sitwasyon na salungaty sa kanilang pang-araw-araw na gawain.

Ang huli ay ang ginawa ng heneral – ang altruistic suicide na kung saan ang reputasyon at integridad nila ay kasing-halaga ng kanilang buhay na kapag nadungisan o nasira ay ang pagkitil sa sriling buhay ang kapalit. Isang popular na gawain nito ay ang “hara-kiri” ng Japan na kung saan ang isang mandirigma ay handang magpakamatay kaysa sumuko o magpahuli ng buhay sa kalaban.

Minsan sa buhay ko, naisip ko din magpatiwakal. Normal lang naman sa tao na makaisip ng ganitong gawain ngunit nakakapagtaka sa mga taong gumawa nito. Naiisip ko ang iba’t-ibang tanong tulad ng “hindi ba sila takot mamatay?” o di kaya “paano na ang pamilya niya kapag patay na siya?” o kaya naman “may pagsisisi kaya habang nasa sandaling nag-aagaw buhay siya?”

May mga nagsasabi na duwag lang ang nagpapakamatay. Ngunit para sa akin, ito ay isang katapangan na walang kahahantungan. Sa kaso ng heneral, matapang niyang hinarap ang kamatayan ngunit takot siyang harapin ang katotohanan na kanyang kinasasangkutan. Hindi ko man alam ang detalye ng kanyang buhay ngunit alam ko na may matindi siyang dahilan kung bakit niya ginawa ito. At kung anuman iyon, dala na niya ito sa hukay.

Ayoko man sabihin pero ang pagpapakamatay kasi ay permanenteng solusyon sa panandaliang problema. Siguro lang ay hindi nakita ng heneral ang liwanag ng pag-asa na kaya pa niyang ituwid ang kanyang pakakamali sapagkat siya ay tao lang na nagkakamali.

Hindi kamatayan ang solusyon sa isang problema, kaya nga tayo nabubuhay dahil may problema sa mundo. Ngunit ang iba sa atin ay tinatakasan ito sa pamamagitan ng pagpapatiwakal. Pero naniniwala ako na hindi tayo bibigyan ng Diyos ng problemang hindi natin kayang lutasin. Dapat lang ay may tibay ng loob, tapang at pag-ibig sa sarili at sa iba upang ito upang maisawasan ang ganitong gawain.

Friday, February 4, 2011

Epiko 71: "Pang-Bobo Ang Mga Video Games Ngayon"



Habang naglalakad ako sa isang mall, naisip kong pumunta sa isang amusement center na kung saan nagkalat ang mga arcade machines na aking nakahiligang laruin noong kabataan ko. Sa halos limang taon kong hindi pagkakaupo at paglalaro ng aking paboritong Street Fighter, napansin ko na wala pa din akong kupas sa paghawak ng ganitong klaseng makina. Ngunit napansin ko na kaunti na lang ang mga kabataan na naglalaro ng ganitong klaseng pampalipas-oras.

nang napadaan ako sa isang internet cafĂ©, doon ko napansin na ang daming mga kabataan na naglalaro ng online games. Napaisip tuloy ako na iba na talaga ang hilig ng mga kabataan pagdating sa electronic games. Dati pa nga, mayroon kaming kung tawagin ay “Game and Watch” na kung saan napaka-simple lang ang graphics at mechanics na laro (na pinaandar ng baterya ng relo). Idagdag mo pa ang “Family Computer” na nauso noong 80’s hanggang mid-90’s. Pero ngayon, halos parang tunay na tao na ang itsura ng nilalaro nila at di mabilang na game console at application ang mabibili sa merkado.

Ngunit sa kabila ng mga larong ito, ang epekto nito pagdating sa isang tao ay pareho pa din. Mapa pisikal man (pagkalabo ng mata, insomnia, obesity, atbp.), emosyonal (pagiging addict sa laro, pagliban sa klase, atbp.) at sosyal (pagiging isolated at hindi marunong makisama, pagiging pikon kapg natatalo, atbp.) na aspeto ay nanantiling balakid sa isang batang nahumaling sa mga alrong ito.

Ako din naman ay nakaranas din nito. Noong hgh school hnaggang college ay naging “batang arcade” din ako. Napagdaanan ko ang mga ganitong karanasan na kung saan naging malaki ang epekto nito sa akin.

Ngunit ang nakakabahala ngayon partikular sa mga bagong video games ay ito ay nakakababa ng IQ (sa madaling salita, nakaka-bobo.)

Sa aking pagmamasid sa mga video games ngayon, nagkalat ang mga “cheats” o daya sa laro. Pakiramdam ko ay tinuturuan ng isang partikular na laro ang isang bata na maging madaya pagdating sa isang laro o kahit sa anong aspeto ng pakikipagsapalaran. Hindi ako nagtataka na tumataas ang insidente ng pandaraya sa klase tuwing exam at eloeksyon o kaya palakasan sa mga iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno dahil namumulat pa lang sa murang kaisipan ang bata sa korapsyon at pandaraya.

Bukod pa dito, halos may temang labanan o digmaan ang mga laro ngayon. Hindi ba’t parang ginagawang barbaro ang mentalidad ng bata dahil ito ay gawain ng ng isang hindi sibilisadong tao. Oo nga at walang pisikal na labanan na nangyayari sa laro ngunit ang epekto nito tulad ng paghahangad ng paghihiganti (sa mga natatalo) at pagyayabang (sa mga nananalo) ay nagbubunga ng hindi pagkakasundo na nauuwi sa isang gulo. Kay nga natatawa ako kapag may nakikita akong nagkakantyawan at nagsusuntukan sa internet shop dahil napakababaw ng kanilang pinag-aawayan. Ngayong nadagdagan pa ng karahasan ang laro, para sa kanila ay ang pagpatay ay isang nakakatuwang bagay na lang na labag sa moral ng tao.

Kasunod nito ay nagiging bastos at walang modo ang isang bata. Dahil nga sa mga larong ito, naa-addict na ang isang bata sa laro na nagiging repleksyon ng kanyang nilalarong video game. Nakakaawang tingnan ang batang nahulog na sa laro at naging parte na ng kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Ito ang dahilan kung bakit natutuo siyang mangupit sa pera ng magulang, hindi gumawa ng takdang aralin at mapabayaan ang pag-aaral. Hindi nila alam kung gaano kahirap kumita ng pera kaya madali lang sa kanila ang gawin ‘yon. Tulad na lang ng isang laro na natututo kang magnakaw o kaya ay manloko ng kalaban para makuha ang kagustuhan mo.

Sa kabuuan, ang mga nilalaro ng mga kabataan ngayon pagdating sa video games ay mababaw, walang kwenta at hindi ka tinuturuang maging tunay na tao. Mabuti pa nga ang mga larong Super Mario, Mappy, Wrecking Crew, Pooyan, Joust, Galaga at Bomber Man – kahit korny sa paningin ng mga kabataan ngayon, mayroon silang isang bagay na tiyak na matutunan sa bawat laro. Kung anuman ‘yun, sila na ang bahalang dumiskubre ‘nun. Sayang lang at wala nang ganitong klaseng laro na makikita sa kasalukuyan.

Hindi naman masamang maglaro ng video games. Para lang ‘yang alak – dapat in “moderation” lang. Dahil kapag na-addict ka na, hindi madaling takasan at ayawan ito. Hindi naman kailangang ipakita mo na magaling ka sa isang laro o mag-champion para may mapatunayan sa sarili mo. Mas matindi pa dito ang laro ng buhay – dito ay walang may alam kung mananalo ka o hindi. Ang dapat mo lang gawin para manalo sa laro ng buhay ay didsiplina sa sarili, pagiging responsible sa bawat hakbang na gagawin at higit sa lahat, mahanap mo ang iyong tunay na sarili.

Thursday, February 3, 2011

Epiko 70: "Maitim Ba Ang Dila Mo?"



Maitim ba ang dila mo?

Para sa ‘yong kaalaman, nag kasabihan na kapag ang taong nagsalita at nagkatotoo ay may maitim na dila. Hindi ko alam pero may kakilala akong may ganitong taglay na katangian.

Isa siyang matandang babae na palaging nakikita sa kalsada sa Magallanes, Cavite. Kahit tirik na tirik ang araw, nagtitiyaga siyang maglakad. Kung saan man siya pupunta y walang nakakaalam. Malimit ko siyang makasalubong na kung saan ay inaabutan ko siya ng pera at sinasabing magsakay na siya papunta sa kanyang pupuntahan.

Ngunit may isang pangyayari sa aming dalawa ang nagpatunay na ang matandang iyon ay may maitim na dila.

Isang araw, habang naglalakad ako ay biglang umulan ng malakas. Nang sumilong ako sa waiting shed ay nakita ko siya na basang-basa at halos giniginaw. Ibinigay ko ang aking jacket para isuot niya.

“Nagkita tayong muli bata…” wika niya ng nauutal niyang boses.

“Lola, bakit kayo nagpakabasa? Bakit ayaw niyong magsakay?” tanong ko sa kanya habang nagsisindi ng sigarilyo.

Hindi na niya ako sinagot. Pero nagsimula siyang titigan ako. Medyo nag-iba ang aking pakiramdam. Para akong nahihilo na inaantok o at bumubilis ang tibok ng puso ko.

“Huwag kang mag-alala iho. Ang kapalit ng paghihirap mo ngayon ay kaligayahan. Dadating ang araw na magbabayad ang taong ‘yon sa ginawa niya sa ‘yo..” wika niya sa akin habang bumabalik ako sa aking sariling wisyo.

“A-ano po ang mangyayari sa kanya?” tanong ko sa kanya.

“May nakikita ako… kamatayan. Isang kamatayan na may kasamang matagalang pighati ang kapalit ng ginawa niya sa ‘yo at simula sa mga sandaling ito, magsisimulana ang kanyang kalbaryo.” sagot niya sa akin.

Noong una ay hindi ko ito pinansin hanggang sa nagyari lahat ang kanyang sinabi sa akin. Ngunit nang lumipas ang sampung buwan ay nagulat ako sa balita na namatayan ng anak ang taong tinutukoy ng matanda. Ngayon, halos masiraan na ito ng ulo sa nangyari.

Nang magkita uli kami ng matanda, nakakapagtakang natatandaan pa niya ako at ang mga sinabi niya sa akin. Nang naikwento ko sa kanya ang nagyari, sinabi niya na mag-ingat daw ako sa mga binibitawan kong salita dahil sabi niya, maitim daw ang dila ko.

Hindi ako naniniwala sa kulam, sumpa at kung anumang mga pamahiin. Ngunit masasabi ko na makapangyarihan talaga ang mga salitang binibitawan natin sa kapwa dahil ito ang katangian na wala sa ibang nilalang dito sa mundo. Dapat lang natin itong gamitin sa tamang panahon, luagar at tao.

Ang mga salita ay may kapangyarihan kaya nararapat lang na gamitin ito sa tamang lugar, oras at tao.

Thursday, January 27, 2011

Epiko 69: "Ang Guro, Ang Estudyante at ang Kodigo"



May ikukuwento ako sa inyo.

Sa isang exam, hindi sinasadyang naibigay ng guro ang answer keys sa isang estudyante. Sa mga oras na ‘yon, nagdalawang isip ang mag-aaral kung sasabihin niya o itatanong niya na may problema sa test paper. Bagama’t alam niya ang mga sagot sa exam, itinuloy pa niya ang pagsasagot kahit medyo nag-aalangan siya.

Dumating sa punto na nagtaka ang guro na nawawala ang ang kodigo niya ng mga sagot. Nang inisa-isa niya ang mga papel ng ng mga estudyante, napag-alaman niya na nasa isang estudyanteng nag-aalangan ang mga sagot sa exam. Sa mga sandaling iyon, kinastigo niya ang estudyante na bakit di niya sinabi na nasa kanya ng mga sagot.
Napaisip tuloy ang estudyante ganun din ang guro sa kalagitnaan ng exam.

Kahit nagsinungaling ang estudyante na hindi niya alam na napunta sa kanya ang mga sagot, nasubukan ang tunay niyang pagkatao. Sa katunayan, nakonsiyensya siya sa nangyari.

Ngunit dahil ayaw masira ang dangal at reputasyon bilang estudyante, hinamon niya ang guro na sagutin ang natitirang bahagi na kung saan walang nakasulat na sagot. Bagama’t may kahirapan at limitado ang oras, ginawa niyang sagutin ang mga natitirang bahagi ng exam na kung saan kailangang suriin ang isang tula. Natapos niya ito sa tamang oras kahit na may sagot.

Nang matapos ang exam, humingi siya ng paumanhin at tawad sa guro.

Sa buhay natin, may mga pagkakataon na nagkakamali at natutukso tayo. Normal lang ‘yan sapagkat tao lang tayo. Hindi ibig sabihin nito na kapag nagkamali ay hayaan na lang itong palipasin dahil sa dahilan na ito. Kailangan nating gumawa ng paraan para ituwid ito dahil kung hindi, masisira ang dangal, kredibilidad, pagkatao at reputasyon natin sa ibang tao. Sa kwentong ibinahagi ko sa inyo, isa itong malinaw na sitwasyon na kung saan ipinapakita na mahina ang bawat isa sa atin pagdating sa tukso. Simple man o komplikado, tayo ay nagiging makasarili na nagbubunga ng ating kapahamakan.

Thursday, January 20, 2011

Epiko 68 - "Para Sa Mga Nakalunok ng Pakwan"



Alam na natin ang kasabihan na kapag nagdadalang-tao ka, ang isang paa mo ay nasa hukay na. ito ay sa kadahilanang masyadong maselan at delikado ang pagkakaroon ng bata sa loob ng sinapupunan ng isang babae. Bukod sa nagkakaroon ng pagbabago sa loob at labas ng katawan nito, nagiging dahilan din ito ng iba’t-ibang pangyayari na hindi natin inaakalang mangyayari na maaaring magbago sa buhay ng kahit sino sa atin.

Isang halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng isang abnormal na anak. Mula sa aking natatandaan noong nakuha pa ako ng Developmental Anatomy sa aking kursong beterinaryo, maraming dahilan kung bakit ito nakukuha. Una, maaaring ito ay namamana. Pangalawa, maaring nagkaroon ng isang sakit ang babae na nakaapekto sa pagbubuntis nito. Pangatlo, ang mga pagkain o gamot na kanyang tinatanggap ay nagkaroon ng reaksyon na nakaapekto sa pagbuo ng bata sa sinapupupnan. At pang-apat, hindi tugma ang DNA o sex chromosomes ng lalaki at babae na posibleng naging dahilan ng abnormalidad. Iba’t-ibang klase ang abnormalidad ng isang indibidwal. Maaring ito ay pisikal (halimbawa ay kulang ang mga daliri sa paa, bingot, may butas ang puso atbp.) o di kaya ay mental (halimbawa ay Down’s Syndrome, ADHD o pagiging Autistic).

May pagkakataon din na ang babaeng nagdalang-tao ay makaranas din ng iba’t-ibang komplikasyon o problema sa kanyang kalusugan. Isa na dito ang kung tawagin ay Post Natal Depression na kung saan ay nagkakaroon ng problema sa pag-iisip ang isang nanganak na kung saan ayaw niyang hawakan o kilalanin ang kanyang iniluwal na sanggol. Mayroon din naman na kung tawagin sa terminong Filipino ay
“Eclamsia” na nagkakaroon ng pamamanas na nagigng sanhi ng pagkasakal sa sanggol sa lood ng katawan na maaring ikasawi ng parehong bata at ina.

Ang aking mga nabanggit ay ilan lamang sa mga problemang nakakaharap ng mga inang nagdadalang-tao. Hindi man ako doktor, may ilang payo ako na gusto kong ibahagi sa mga taong may balak magbuntis o di kaya ay nabuntis na. Ang pagkakaroon ng anak sa loob ng sinapupunan ay hindi biro. Naranasan ko nang mawalan ng anak mula sa pagbubuntis ng akong asawa at labis ko itong dinamdam. Ginawa ko ito para hindi na maranasan ng ibang nagbubuntis ang nangyari sa akin.

Una, siguraduhing handa na ang pisikal at mental na pangangatawan bago magbuntis. Ayon sa mga Obigyne o OB (mga doktor na dalubhasa sa anatomikal at pisholohikal sa katawan ng isang babae), mahalaga ito sapagkat kapag ang kondisyon ng babae ay normal, hindi ito mahihirapan magbuntis sa kadahilanang maayos at nasa kondisyon ang pangangatawan nito.

Pangalawa, siguraduhing may sapat na ipon o matatag na trabaho ang asawa o ka-partner. Ang bawat hakbang na gagawin ng nagdadalang-tao ay may kaukulang gastos. Dapat itong paghandaan.

Pangatlo, bigyang pansin ang mga kinakain. Mahalagang tingnan ang bawat kinakain ng isang buntis. Tama at balanseng pagkain ng gulay, prutas, isda at karne ay isang malaking tulong para mabigyan ng tamang nutrisyon hindi lamang ang nagbubutis pati na din ang sanggol na nasa sinapupunan nito. Ang pag-iwas sa mga pagkain at inumin tulad ng junk foods, softdrinks, tsokolate at alak ay makakatulong para maiwasan ang abnormalidad ng nagbubunits at ng batang nasa sinapupunan.

Pang-apat, iwasan ang ma-stress. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng problema ang nagbubunti at ang sanggol na dinadala nito. Ang stress ay maaring pisikal (trabaho, panahon o mga tao sa kapaligiran) o kaya ay emosyonal (problemang pinansiyal, away ng mag-asawa, atbp.) hangga’t maari, iwasan ag mga problemang ito para sa kapakanan ng bata at ng ina nito.

Panglima, may regular na pagkonsulta sa doktor. Ito ay makakatulong upang maalagaan ang kalusugan at kondisyon ng ina pati na din ang sanggol na dinadala nito. Alam nila ang makakabuti sa mga nagdadalang-tao kaya dapat na sudin lang ang kanilang payo.

At ang pinakahuli, disiplina. Hindi magkakaroon ng katuparan ang naunang limang payo kung walang disiplina ang nagdadalang-tao.

Hindi madali ang pagbubuntis na parang dumumi ka lang sa banyo at tapos na. Dapat nating isipin na lahat tayo ay nagdaan sa sitwasyon na ipinagdalang-tao tayo ng ating mga magulang at naghirap din sila. Nararapat din na ingatan ng mga babae ang kanilang sarili sa panahon na ito nang sa ganun ay mabuhay ng normal at masaya ang isang pamilya.

Thursday, January 13, 2011

Epiko 67: "Ang Sumpa Ay Walang Resibo"



Mayroon akong isang kwento na siguradong mapapaisip kayo.

Isang magkasintahan ang naghiwalay sa kadahilanang may iba nang mahal ang babae. Dinamdam ito ng lalaki at halos masira ang buhay nito dahil sa nangyari. Buong akala ng lalaki ay totoo ang mga salita at kilos ng babae sa kanya – ngunit nagakamali siya.

Isang gabi, habang umuulan at naglalakad pauwi sa kanilang bahay, isinigaw niya ang isang isumpa na habambuhay na pagsisisihan ng babae ang ginawa sa kanya. Kasunod nito, isang malakas na kidlat ang lumabas na nagpakita sa isang galit at lumuluhang lalaki.

Lumipas ang ilang buwan, natanggap na ng lalaki ang katotohanan. Sa tulong ng mga kanyang kaibigan at mga bagong nakilala, naisip niya ang isang bahagi ng buhay na kailanagang mabuhay ng masaya at tanggapin ang katotohanan nang sa ganun ay maging matatag at malakas na tao siya. Tila nakaliumutan na niya ang isang bahagi ng kanyang nakaraan na halos sumira sa knayang pagkatao.

Sa kabilang banda, ang babae ay aksidenteng nabuntis ng kanyang bagong kasintahan. Hindi naging madali ang kanyang sitwasyon dahil ang kanyang kinakasama ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral at mayroong hindi maayos na pamumuhay. Ngunit sa kabila nito ay pinipilit niyang panindigan ang kanyang ginawa dahil ginusto niya ito.

Hanggang sa magkita silang muli. Ang lalaki ay muli nang nakakangiti at may maayos nang buhay samanatalang ang babae ay nasa ikaanim na buwan ng kanyang pagdadalang-tao. Sa bawat oras na magkalapit sila, wala na ang dating matamis na samahan na tinginan.

Ngunit may isang bagay ang nagdudugtong sa kanila – ang sumpa ng lalaki noong dinurog ng babae ang kanyang puso.

Isang masamang balita ang dumating nang malaman ng lalaki na kritikal ang buhay ng kanyang dating kasintahan. Anumang oras ay pwede itong bawian ng buhay at ang kanyang dinadala.

Lumapit ang lalaki sa isang kaibigan nat ikinuwento ang buong pangyayari at ang sitwasyon nila ngayon. Hindi mapigilan na sisihin ng lalaki ang kanyang sarili dahil sa sumpa na ibinigay nito sa kanya. Ayaw niyang mahirapan ang dati niyang kasintahan ngunit wala siyang magawa.

“Ang sumpa ay walang resibo. Ibig sabihin, hindi mo na ito mababawi pa.” wika ng kanyang kaibigan.

Makalipas ang isang linggo, namatay ang babae. Habang nagluluksa ang lahat, ang lalaki ay nanatili na lang sa isang sulok at ipinagdasal ang kaluluwa nito na matahimik na. Pagkatapos nito, bumalik na sa normal ang lahat.

Isang kakatwa ngunit totoong nangyayari sa kasalukuyan na may mga salita tayong nabibitawan na kung minsan ay nagkakatotoo – mabuti man o masama. Hindi katulad ng karma, ang sumpa ay walang kapalit. Ito hindi mo na lang inaasahan na dadating sa taong pinagbigyan nito. At mas malala pa dito ay hindi mo alam kung anong pinsala ang kayang gawin nito sa taong binigyan mo nito. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi mo dapat ito pagsisisihan dahil sa maitim ang dila mo o di kaya ay maysa-mangkukulam ang lahi (huwag naman sana) mo. Natural at normal lang sa tao na nagsasalita ng isang sumpa lalo na kapag galit. Ngunit mag-ingat pa din sa bibitawan na salita sapagkat hindi mo masasabi na mabuti ang epekto nito sa ‘yo.

Inuulit ko, ang sumpa ay walang resibo na hindi mo pwedeng bawiin. Hindi hihinto ang mundo para lang sa isang tao. Ang mga salitang binibitawan na may kasamang galit at paghihiganti ay isang indikasyon na tayo ay tao na may nararamdamang emosyon at may salita na makapangyarihan na pwedeng kumitil o magligtas ng buhay.

Epiko 66:"Eh Ano Ngayon Kung Matalino Ka?"



Isang kwento mula sa libro ni Francis J. Kong na “Only the Real Matters” ang nagbigay ng isang katawa-tawa ngunit malaman na aral. Heto ang kwento:

May isang maliit na pampasaherong eroplano. Laman nito ang apat na tao – ang piloto, isang ministro, isang ama at isang binatilyo na may nagtapos ng pag-aaral na may mataas na marka at palaging nangunguna sa klase. Habang nasa himpapawid, sinabi ng piloto na may problema ang eroplano – naubusan ito ng gasolina at kahit anong oras ay babagsak sila at mamamatay. Ang masama pa nito, tatlo lang ang parachutes na nasa loob ng eroplano.

Inisip ng piloto na gumawa ng paraan para iligtas ang mga pasahero. Lumapit sa kanya ang ama at sinabing “Naghihintay ang aking asawa at talong anak sa aking pagbabalik. Marami pa akong responsibilidad na dapat kong gawin. Pasensya ka na pero kailanangan ko ang parachute para makaligtas.” Agad na kinuha ng ama ang parachute at tumalon sa bintana.

Sumunod na lumapit ang estudyanteng matalino sa piloto at sinabing “Palagi akong inihahalal sa klase bilang pinakamagaling at laging nangunguna sa lahat ng larangan. Malay niyo, ako ang makadiskubre ng gamot sa sakit na AIDS o masolusyonan ang paghihirap ng ekonomiya sa daigdig. Kailangan ako ng buong mundo! Umaasa sila sa akin!” at hinablot niya ang ikalawang parachute at tumalon sa pinto ng eroplano.
Lumapit ang ministro sa piloto ng buong hinahon at sinabing “Anak, kunin mo na ang sunod na parachute. Tanggap ko na ito at ibinigay ko na sa Diyos ang aking sarili at handa akong bumgsak kasama ng eroplanong ito. Kaya kunin mo na ang sunod na parachute at tumalon ka na bago pa mahuli ang lahat.”

“Relax lang po kayo Sir.” wika ng piloto. “Ang lalaking matalino at magaling sa klase at palaging nananalo na tumalon kani-kanina lang ay kinuha ang aking knapsack. Meron pa tayong tig-isang parachute sa ating dalawa.”

Nakakatawa di ba?

Pero mamalim ang pakahulugan nito.

Sa ating paligid, marami tayong mga kilalang matalinong tao, ang iba sa kanila, pakiramdam nila ay alam na nila ang lahat lalo na sila ay nasa kilalang unibersidad o paaralan. Malakas ang loob nilang mambatikos, manliit ng kakayahan ng ibang estudyante at nagpapasikat na kalimitan ay nakakainsulto o nakakasakit na sila ng damdamin ng iba.

Pero ang hindi nila alam ay marami pa silang hindi alam sa mundo.

Tulad na lang ng lalaking matalino na tumalon sa eroplanong pabagsak. Akala niya ay alam na niya ang lahat. Ngunit ang resulta ay ang kanyang kapahamakan dahil sa knapsack ang nakuha niya na maaari niyang ikamatay.

Ganito din sa tunay na buhay. May mga matatalinong tao na kinukwestyon at binabatikos ang kanilang mga kasamahan dahil dumedepende lang sila sa kanilang alam ngunit hilaw pa sila sa karanasan. Ito ang nagiging susi kung bakit sila nabibigo o di kaya ay sila ay nawawalan ng respeto dahil hindi lang nila sinisira ang kanilang trabaho o samahan kundi pati na din ang kanilang karerang pinasok.

Sa tingin mo ba ay ganito ka? Subukan mong magmuni-minuni sandali.

Ano ang aral dito? Simple lang, kapag nagkamali ka, hindi lang ikaw ang mapapahamak kundi (kapag minamalas) pati ang iba. Bukod sa nag-aaral ka, dapat ay maging mapagmasid ka din sa paligid mo. Kailangan mong mag-aral pa nang sa gaoon ay mas mapaglalim mo pa ang iyong sarili.

Kung sa tingin mo ay matalino ka, kailangnan mo itong gamitin sa tamang paraan sapagkat isang maling galaw ay isang malaking kapahamakan. Hiram lang ang talino ula sa Diyos kaya hindi ito dapat ipagyabang. At higit sa lahat, kailangang hindi maputol ang komuniksyon sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim at bukal sa puso na pananalangin.

Dadating din ang panahon na susubukin ka ng tadhana na maarng maihalintulad sa pabagsak na eroplano. At kapag dumating ang araw na ‘yon, ang iyong makukuha at parachute na… at hindi ang knapsack ng iba.