Wednesday, June 2, 2010
Epiko 28: "Ikaw Ba Si Darth Vader?"
Sa panahon ngayon kung saan napapalibutan tayo ng mga katanungan, patuloy tayong naghahanap ng mga kasagutan kung ano at sino tayo sa mundo. Minsan, may mga pagkakataon na ang bawat hakbang na ginagawa natin ay may malaking epekto sa ating kinabukasan. Gustuhin man natin, mayroon tayong daan na dapat tahakin na kung minsan ay dinadala atayo sa madilim na bahagi ng ating pagkatao.
Marahil kilala mo si Darth Vader - ang kilalang kalaban sa mga serye ng pelikulang "Star Wars." Kilala siya sa buong mundo dahil siya ang nagsilbing pangunahing kaaway dito. Ang kanyang tila "samurai" look ang lalong nagpa-angas sa kanyang itsura at idagdag mo pa ang kanyang mga kakayahan sa pamumuno at pakikipaglaban na talagang nagluklok sa kanya sa kasikatan sa mundo ng sci-fi movies. Mula noon hanggang ngayon, isa na siyang "icon" na kontrabida.
Pero hindi siya nalalayo sa atin.
Sa "Episode I: The Phantom Menace" ng serye, nakilala natin siya bilang si "Anakin Skywalker - isang batang inosente sa mga kaguluhan sa paligid niya. Bilang isang anak ng alipin, nangako siya sa kanyang ina na palalayain niya ito. Ito ang dahilan kung bakit nais niyang maging isang Jedi. Kahit na tutol ang konseho sa kanyang pagiging isang mandirigma, ipinaglaban siya ng mga taong naniniwala sa kanyang kakayahan na isang "chosen one" na magbabalik balanase sa boung galaxy. Tulad natin, ang pagiging inosente sa isang bagay ang nagtutulak sa atin upang suungin ang landas ng kaliwanangan. Kaya nga tayo nag-aaral at natututo sa ating mga karanasan dahil mahalaga ito sa atin upang umunlad bilang isang tao.
Ngunit lahat ay nagbabago. Sa "Episode II: Attack of the Clones" ay nagkaroon siya ng mga katanungan sa kanyang sarili. Tulad natin, naging mapusok siya at nagdedesisyon ng padalos-dalos na nauuwi sa kapahamakan. Ito ay dahil nababalot ang kanyang pagkatao ng galit, takot at pag-asam ng mataas na kapangyarihan. Habang lumalaki sa Anakin Skywalker, naiisip niya ang mga tanong na gumugulo sa kanyang isipan - kung bakit ganito at ganyan ang buhay sa kalawakan. Pinilit niyang hanapain ang mga sagot na ito ngunit sa kasamaang palad dahil sa impluwensiya ng mga taga-Darkside ay namulat siya sa prinsipyong baluktot. Makikita ang kanyang pagbabago at pagsisimula ng bagong buhay sa katapusan ng "Episode III: Revenge of the Sith" na kung saan tinanggap niya ang pagiging Darth Vader. Pinatay niya ang mga taong hahadlang sa kanyang kagustuhan at kahit ang kanyang asawa, master at pagiging Jedi ay tinalikuran niya.
May posibilidad na maging katulad tayo ni Darth Vader. Sa ating padalos-dalos na pag-iisip ay hindi natin namamalayan na naapektuhan ang mga taong nasa paligid natin. Nakukuha nating talikuran ang mga mahahalagang bagay dahil sa ating pansariling kagustuhan at naiimpluwensiyahan tayo ng mga taong hindi akma ang paniniwala na ginagawa tayong iba sa ating nakasanayan. Kaya huwag tayong magtaka na ang mga ibang pinuno ng ating gobyerno, kaibigan o isang taong mahalaga sa atin ay may ganitong paniniwala sa buhay.
Sabi ni Yoda, "Fear leads to anger... anger leads to hate... hate leads to suffering." Ito ang dahilan kung bakit nalunod si Anakin Skywalker sa Darkside ng pagiging Sith. Hinanap niya ang kasagutan sa mga tanong ngunit ang nakasagot nito ay isang madilim na bahagi ng kanyang pagkatao na nagtulak sa kanya na maging masama.
Ito ang dapat nating iwasan. Ang malamon tayo ng ating sariling kasamaan.
Ang buhay ng tao ay balanse - may mabuti at may masama. Hindi natin kailangang pumunta sa isa lang panig tulad ng ginawa ni Darth Vader. Manatili tayo sa gitna dahil ang pagpunta sa balanseng panig ang magdadala sa atin sa kapayapaan at kalayaan.
"May the force be with you..."
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment