Monday, May 31, 2010
Epiko 27: "Hindi Naman Masamang Manggaya..."
Nang napanood ko ang grupong Chippendoubles sa Britain's Got Talent, hindi ko mapigilan ang sarili ko na tumawa at matuwa sa ginawa nilang performance. Talagang nasorpresa ako sa ginawa nilang impersonation kina Ricky G, Daniel Craig, David Beckham, Mr. T., Flash Gordon, Will Smith at Simon Cowell. Lahat ay nagulat sa ginawa nila at ang mga hurado ay talaga namang walang masabi sa kanilang kakaiba ngunit katuwa-tuwang pagtatanghal.
Sa ginawa nilang panggagaya, lahat ay natuwa. Nakakasawa na kasing makita ang mga sumasali sa mga reality talent show ang pagsasayaw, pagkanta at kung ano-ano pang paulit-ulit at gasgas na pagtatanghal. Sa ginawa ng Chippendoubles, bago ito sa mata ng mga manonood at talaga namang hahanap-hanapin mo at aabangan ang susunod nilang gagawin.
Sa buhay natin, mayroon tayong mga taong ginagaya. ito ay marahil sila ang nagsisilbi nating magandang ehemplo at talagang nakaimpluwensiya sa atin. Mapa-magulang, guro, kaibigan, superhero o kahit ordinaryong tao na gumawa ng higit pa sa ating inaasahan ay nagsilbing inspirasyon sa atin at inaalalayan tayo sa ating hakbang papunta sa daan ng ating buhay.
Kahit ako din ay may ginagaya. isa na dito si Kadoya Tsukasa (o mas kilala bilang Kamen Rider Decade). Sa kanyang paglalakbay papunta sa ibat't ibang mundo ng mga riders, nakikita ko ang sarili ko na may natututunan sa mga taong kanyang nakikilala. Para sa akin, ang mga aral at sinasabi niya sa kanyang mga kaibigan at kalaban ay isang malaking aral na aking napupulot at naibabahagi sa ibang tao. Ang galing niya... kahit ang mga hairstyle at fashion sense niya ay ginaya ko din. Pero hindi ko hinangad na maging katulad niya. Para sa akin, sapat na ang mga naibabahagi niyang aral sa akin na aking nagagamit sa pang araw-araw kong pamumuhay.
Natatawa lang ako sa mga taong "trying hard" kung gumaya. Kung minsan, para na silang "xerox copy' ng ginagaya nila. May iba naman kahit hindi sinasadya ay naihahambing at napagkakamalang gumagaya sa isang tao dahil sa hitsura at kilos nito. Pakiramdam ko ay nabubuhay sila sa anino ng kanilang ginagaya o nagagaya at nawawalan sila ng sariling identity.
Hindi naman masamang manggaya. Natural lang 'yan dahil may nature tayo na mag-imitate lalo na kapag may inaaral tayong isang kanta o piyesa ng public speech ng isang kilalang tao. Pero tandaan natin na mayroon tayong sariling identity na dapat mangibabaw sa ating sarili.
At ang panggagaya ay isang hakbang upang makilala ang ating sarili at maging matagumpay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment