Wednesday, May 5, 2010
Epiko 15:“Hindi Naman Masamang Manlait Kung Nagsasabi Ka ng Totoo?”
Nakapanood ka na ba ng sabong?
Minsan nang sumama ako sa bayaw at mga bilas ko sa Ternate, nakapanood ako ng sabong sa unang pagkakataon. Napakaraming tao at sobrang ingay sa loob. Kahit panahon ng kwaresma ‘yon, parang hindi sila marunong mangilin at iisantabi ang isang luma ngunit imortal na libangan ng mga Pilipino.
Habang nanonood ako, may isang dayuhan na tila Olandes ang tumabi sa akin hawak ang kanyang SLR camera. Kinukuhanan niya ang mga tao sa bawat paligid.
“Very barbaric! This one sucks… Good thing I’m not a Filipino” bulong niya sa kanyang sarili sabay tayo at alis sa tabi ko.
Napaisip ako sandali at napabulong. “Tarantadong puti ‘to ah! Mabugbog ka sana sa labas.
Makalipas ang kalhating oras ay may narinig akong putok ng baril sa labas. Agad na nagkagulo at lumabas ang mga taong napusta. Sumama ako sa kanila. Nabigla ako sa nakita ko… ang Olandes na nakita ko ay duguan at naghihingalong nakahiga sa lupa. Basag ang lens ng kanyang SLR at may tama ng baril sa dibdib.
Hindi nagtagal ay dumating ang mga rumespondeng pulis at isang ambulansya. Habang ipinapasok siya sa ambulansiya, narinig ko na ibinulong niya ang salitang ito: “Fuck you all Filipinos! You’ll pay for this…” Noong mga oras na ‘yon, parang gusto kong sapakin ang dayuhang ‘yon hanggang sa mamatay. Pero naawa naman ako. Ikaw ba naman ang barilin.
Likas sa isang tao ang maging mapanghamak sa iba. Kahit ikaw ay ginagawa mo ‘yon (Huwag kang tatanggi kasi nakikita kita!). Pero ano ba ang ugat nito? Ating balikan ang inaaral natin sa Social Science at Values Education:
Hatiin natin ito sa dalawang seksyon…
Una, Pagkiling (Prejudice)
Ayon sa librong “The Nature of Prejudice” ni Gordon Allport, ang tao, bagama’t may pag-iisip ay may pagkakataong pumipili lang sa isang bahagi na kung saan siya ay nabibilang. Ito ang ugat kung saan inaayawan nila ang hindi nila gusto. Ito din ay isang pag-uugali na negatibo na nagkakaroon ng hindi magandang pagkilos, pananalita at pagdedesisyon.
Isang halimbawa nito ay ang pader na naghahati sa mga may balat na maputi at maitim. Bagama’t matagal na usapin na ito, hanggang ngayon ay patuloy pa din itong nangyayari. Nag-ugat ito sa panahon g kolonyalismo na itinatak sa kasaysayan ng tao. Ang isyu, mas magagaling, matatalino at makapangyarihan ang mga puti kaysa sa itim dahil sila ang mas sibilisado.
Ang epekto nito ay talagang nakakagimbal. Nagsisimula ito sa paninirang puri (Antilocution) ng mga dominanteng grupo sa mga mababang grupo. Kapag siniraan sila, magkakaroon ng pag-iwas (Avoidance) sa mga ito. Dadating din sa puntong magakakroon ng pang-aapi (Discrimination) na minsan ay nauuwi sa sakitang pisikal (Physical Attack). Sa banding huli, ang mga mababang grupo ay itatakwil (Extermination) ng lumalaking dominanteng grupo.
At ang Pangalawa: Pang-aapi (Discrimination)
Kaiba sa pagkiling, ito naman ay ang pagtrato ng masama ng dominanteng grupo sa mababang uring grupo. Hindi ito isang pag-uugali, ito ay isang sistema na nakabase sa relihiyon, kultura at lahi.
Hindi ako lalayo sa isang halimbawa na naranasan natin sa panahon ng mga mananakop na banyaga. Sa mga Kastila, nagkaroon ng pang-aapi sa katauhan ng mga Illustrado sa Indio. Sinasabing kailanman ay hindi sila pwedeng umanagat dahil ang mga Indio ay mga hindi sibilisado. Kaya nga nagkaroon ng rebolusyon laban sa kanila dahil sa ganitong sistema. Ngunit hindi ito natuldukan nang dumating ang mga Amerikano at Hapon. Ang tingin nila sa mga Pilipino ay mababang uri dahil sa pinaghalo-halong lahing nananalaytay sa dugo nito. Parang hindi pwedeng iparis sa isang Golden Retriever sa isang Mongrel (o Askal sa Plipino) kasi papangit ang mga anak nito.
Ang pang-aapi ay hindi na bago sa sistema ng mga Pilipino. Dahil sa impluwensya ng mga dayuhang mananakop, naimpluwensiyahn din tayo ng kanilang pananaw, kultura at sistema na may bahid ng pang-aapi. Tulad na lang kapag may naakita tayong isang tao na kakaibang porma sa damit. Minsan ay kinukutya natin sila dahil kakaiba sila at hindi natin matanggap ang kanilang paraan upang mgapahayag ng sarili.
Kalimitan, ang mga biktima nito ay ang mga kababaihan, mga nasa ikatlong sekswalidad, mga grupong nasa “indigenous” status tulad ng mga iba’t-ibang tribo at lahi, mga matatanda, may mga hindi kilalang relihiyon, mga may balat na may kayumangging kaligatan at mga may kapansanan.
Ngayong alam mo na. ano na ang gagawin mo?
Kung ikaw ay ang inaapi at pinagtutulungan, may apat na posibilidad kang gawin na aksyon ayon kay Vander Zanden (1982,1990): Una, tanggapin mo ng buong-buo ang ginagawa nila sa ‘yo; Pangalawa, lumaban ka sa sa kanila at ipagtanggol ang iyong sarili; Pangatlo, Iwasan sila para walang gulo at; Pang-apat ipagsisikan ang sarili sa kanila hanggang kaya mo at magtiis.
Kung ikaw ang nang-aapi, harapin mo ang katotohanan na wala kang mararating sa mga ginagawa mo… wala kang pag-unald at sumisira ka ng kinabukasan ng iba. Ang tawag dito ay ang “scapegoat theory” kung saan ayaw mong makaramdam ng inaapi at inaalipusta. Tinatakasan mo ang katotohanan na maaaring mangyari ang ginagawa mo sa ‘yong sarili. Iwasan mo itong gawin hangga’t maari dahil sasama lang ang tingin ng iba sa ‘yo at maaapektuhan ka nito.
Kinabukasan, nabalitaan kong patay na ang Olandes. Hindi ko nagawang matuwa o maawa. Marahil isa siya sa mga biktima ng pang-aapi at pagkiling sa kanyang sinasabing “tama ito” factor. Nagkataon lang na wala siya sa teritoryo niy.
Patuloy itong nangyayari hindi lang sa bansa natin kundi sa buong mundo (mas malala pa nga ‘yung sa ibang bansa kung tutuusin). Tandaan natin na tayo’y pantay-pantay na nilikha ng Diyos at kahit anng kulay at pagkakaiba natin sa iba ay malinaw na ebidensiya na mahal tayo ng Diyos. Tanggapin natin ang katotohanan na may mga ganitong klaseng tao. Dapat lang natin gawin ay mag-ingat.
Walang may karapatang manlait at manghamak ng iba… kahit pa nagsasabi ka ng totoo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment