Saturday, May 1, 2010

Epiko 7: “Bawat Isa sa Atin ay Masked Rider”




“Rider Change!”

Sino ba ang hindi nakakalimot sa salitang ito?

Mula pa noong pagkabata, gusto ko din maging isang Masked Rider – isang superhero na may malaking mata na parang sa insekto, may makapangyarihang sinturon, inililigtas ang mga taong napapahamak, at tinatalo ang mga halimaw sa pamamagitan ng isang napakalakas na “Rider Kick.” Syempre, hindi mawawala ang mapormang motorsiklo na palagi kong dala kapag lalaban. Mula noon hanggang ngayon, napakaraming bata (pati mga matatanda na tulad ko) ang pinabilib ng bayaning ito.

Sa dinami-dami ng iba’t-ibang Masked Rider mula pa noong 1969 hanggang sa kasalukuyan, mayroon akong naitanong sa sarili ko tungkol sa kanila - "Anong meron siya at hanging-hanga ako sa kanya at bakit iniidolo ko siya?"

Kung ikukuwento ko ang tungkol sa kasaysayan ng superhero na ito eh baka kulangin ka sa oras at mabagot ka dahil ang totoo, hindi nalalayo ang katangian niya sa ‘yo at sa akin.

Tulad na lang ng pagsusuot niya ng maskara… Kailangang itago niya ang kanyang tunay na pagkatao hindi sa dahilan na gusto niyang maging misteryoso kundi protektahan ang mga mahahalagang tao sa buhay niya. Kapag nalaman ng mga Kaijin (halimaw na kalaban ng mga Riders) ang tunay niyang katauhan, makakahanap sila ng dahilan upang matalo ang ating bida. Sa totoong buhay, may pagkakataon na dapat nating magsuot ng maskara upang hindi makita ng mga taong nakakasama natin ang ating kahinaan dahil kapag nangyari ‘yun, siguradong pababagsakin tayo ng mga kaaway natin.

Lahat tayo ay may pinagkukunan ng lakas tulad ni Masked Rider (F.Y.I.: Ang source ng kapangyarihan niya ay ang kanyang sinturon). Sa sarili natin, marami tayong lakas na nakukuha sa mga taong nagmamahal at pinahahalagahan natin. Nakapulupot sila sa ating puso na nagbibigay ng kakaibang lakas upang malagpasan ang mga problema na haharapin natin. Kung wala sila, hindi tayo magtatagumpay sa ating minimithi.

Lingid sa kaalaman ng marami, si Masked Rider ay nabubuhay sa mundo ng kalungkutan (kahit saan namang Masked Rider series eh palaging ganito ang format). Ang emosyon na ito ang nagtutulak sa kanya upang labanan ang mga masasama. Siguro dahil ayaw niyang maranansan ng mga taong inililigtas niya ang kanyang nararamdaman. Wala siyang pakialam kung pasan niya ang daigdig. Ang tanging kaligayahan niya ay makatulong sa iba at gawing payapa ang mundo.

Pero ang nakakabilib sa kanya ay handa siya sa pagbabagong magaganap sa kanya. Sa mga serye ng Masked Rider, nagkakaroon siya ng pagbabago sa itsura at kapangyarihan na lalong nagpapalakas sa kanya. Naniniwala siya na ang pagbabago ay kailangang tanggapin at hindi tanggihan dahil ito lang ang permanente sa mundo.

May mga aral din na ibinabahagi ang mga Masked Riders na nagagamit sa tunay na buhay. Hindi nila ito sinasabi sa palabas ng diretsahan kundi ipinapakita nila ito sa mga sitwasyon kung saan naiiipit na sila sa isang labanan. Katulad din natin, dapat matutunan natin kung ano ang silbi at halaga ng buhay natin… kung ano ang ipinaglalaban natin o kung ano ang gusto nating maabot na panagarap.

Pero may isang pagkakataon na naging Masked Rider ako ng hindi sinasadya…

Dalawang taon na ang nakaklipas sa isang pyestahan sa Barrio Ramirez sa Magallanes, nagkakaroon ng taunang karera ng kabayo. Isa ‘yung tradisyon sa kanila. Sa akin panonood, napansin ko na ang isa sa mga kabayong papalapit sa finish line ay nawawala na sa kontrol ng hinete. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagdire-diretso ang kabayong ‘yon sa mga manonood. Nagwawala ang kabayo dahil na-stress ito sa mga tao sa paligid. Nagkagulo ang mga manonood ngunit walang nakakapansin sa isang bata na nasa ilalim ng kabayong nagwawala. Hindi siya makaalis dahil ang lubid ng kabayo ay nakapulupot sa kanyang leeg.

Bigla akong tumakbo papunta sa bata at ibinulong sa sarili ko ang magic word na “Henshin!” (isang salitang Hapon na sinasabi ng isang Masked Rider para magpalit ng anyo) Nang nakalapit na ako sa bata ay agad kong inialis ang nakapulupot na lubid sa kanyang leeg. Bago pa kami yakyakin (daganan) ng nagwawalang kabayo ay agad akong gumulong sa lupa yakap ang bata. Masyadong mabilis ang pangyayari noong mga oras na ‘yon. Habang yakap ang batang umiiyak at pinagmamasdan ang kabayong pinakakalma ng may-ari na malayo sa kinahihigaan namin, napanatag na ang loob ko dahil maayos na ang lahat. “Mabuti at ayos ka lang. Salamat sa Diyos…” bulong ko sa akin sarili.

Ang bawat isa sa atin ay may itinatagong kabayanihan sa ating puso. Ang pagkakaroon ng lakas ng loob na makatulong sa iba ay walang katumbas na kayamanan sa mundo. Nagsuot ako ng maskara upang itago ang takot sa mga oras na ‘yon. Naging lakas ko ang batang humihingi ng tulong sa akin at nagbago ang aking pagakatao matapos ang insidenteng ‘yon. Naging mapagmalasakit ako sa kapwa at tumutulong sa iba na nangangailangan sa abot na aking makakaya.

Hindi naman masamang manggaya ng isang kilalang tao o superhero… Ayos lang ‘yan! Malay mo, baka ito pa ang dahilan upang matagpuan mo at makilala ang iyong tunay na sarili.

No comments:

Post a Comment