Friday, April 30, 2010
Epiko 6: “Ang Pinakamahirap na Desisyon – Ang Ipukpok ang Ulo sa Nitso”
Mayroon akong isang kwento na siguradong mapapaisip kayo…
Isang araw, nagdesisyon akong bisitahin ang puntod ng anak ko na pumanaw anim na taon na ang nakakalipas. Dala ang aking munting alay na kandila at bulaklak, hindi ko akalain na hindi pala ako nag-iisa sa lugar na ‘yon. Hindi kalayuan, isang lalaki at babae na dumaan sa likuran ko at pumunta sa isang puntod. Nang paalis na ako, naisip kong sundan ang dalawa sa hindi ko malaman na dahilan. Pumuwesto ako kung saan hindi nila ako makikita. Wala akong intensyong masama sa dalawa. Sino ba naman kasi an mangangahas na gumawa nun kundi ako lang.
Pinanood ko ang dalawa. Nagulat ako ng lumuhod ang lalaki sa harapan ng babae at umiyak. Nagsusumamo at nakikiusap siya na kung maaari ay magkabalikan sila. Ngunit matigas ang loob ng babae. Pinipilit niyang hindi magpakita ng emosyon. Humagulgol ang lalaki. Kitang-kita ko ang paghihirap ng kanyang damdamin sa mga salitang binibitawan niya. Nahabag ako. Naaawa ako sa lalaki dahil sa pelikula ko lang nakikita ang ganitong eksena.
Nagsalita na ang babae. “Ginawa ko ito para sa ikabubuti ng lahat. Ayokong mapahamak ka at masira ang mga pangarap mo sa buhay. Delikado na ang lagay natin. Kapag nalaman ng lahat na may relasyon tayo, malaking gulo ang mangyayari.” wika ng babae. Ngunit parang bingi ang lalaki na ayaw intindihin ang mga sinasabi ng babae.
“Bakit kailangan mo ako paglihiman? Bakit ka nagsinungaling sa akin? Problema natin ito? Bakit hindi mo sinabi sa akin? Wala na ba akong halaga at ikaw na lang ang nag-isip na paraan? Ang tagal kong kinimkim at itinanong sa aking sarili kung bakit kailangang humantong sa ganito ang lahat!” bulalas ng lalaki na ayaw bitawan ang binti ng babae.
“Ayoko lang na mapahamak ka… Ito lang ang tanging paraan. Nahihirapan na din naman ako. Hindi ko gusto ang mga nangyayari. Ayoko din nito.” tugon ng babae.
Natigilan ako. Mukhang may malaking problema ang dalawang ‘yon.
Paalis na sana ako ng biglang sumigaw at nagwala ang lalaki. Sinuntok niya ang pader hanggang sa magdugo ang kanyang mga kamao. “Hindi mo ako mahal! Hindi mo ako minahal! Inisip mo lang ay ang sarili mo! Ang tagal ko itong itinago! Hirap na hirap ako nang iwan mo ako ng walang malinaw na dahilan!” umiiyak na wika ng lalaki habang patuloy sa kanyang ginagawa.
Hindi na din nakapagpigil ang babae. Sinubukan niyang ihinto ang mga kamay ng duguang lalaki sa pagsuntok. Niyakap niya ito at nagsimulang umiyak. “Tama na! Tama na! Itigil mo na ‘yan! Naihihirapan na din ako sa ginagawa mo!”
“Makasarili ka! Hindi mo sinabi agad sa akin ang katotohanan sa ginawa mo! Hindi mo pinaintindi sa akin ang tunay na sitwasyon! Ang tagal kong naghirap! Napabayaan ko na ang lahat at hindi ako nagkulang sa ‘yo pero anong ginawa mo? Pinahirapan mo ang kalooban ko! Napakasama mo! Sinira mo ang lahat! Sa banding huli pala eh iiwan mo din ako! Niloko mo ako! Niloko mo ako!” galit nag alit na sabi ng lalaki.
“Ginawa ko lang ‘yun dahil mahal kita at ayokong may manakit sa ‘yo! Ako na lang ang nagdesisyon na tanggapin ang lahat dahil ito na lang ang naisip kong paraan. Ayokong masira ka! Ayokong masira ang mga pangarap mo!” at lalong humigpit ang yakap ng babae sa lalaki.
Ngunit malakas nag lalaki. Nawalan na ito ng kontrol. Paulit ulit niyang sinaktan ang sarili hanggang sa iuntog na niya ang ulo sa nitso paulit-ulit. Parang maso ang tunog nito na tinitibag ang malaki at matatag na pader sa lakas. Gusto ko mang awatin ang dalawa ay wala akong magawa. Sa ginagawa ng lalaki sa sarili, lalong bumuhos ang luha ng babae. “Tama na! Tama na!”
Hindi nakuntento ang lalaki. Kumuha siya ng bato at ipinukpok sa ulo. Naglupasay ito sa sahig na parang mababaliw. Sugatan na ang lalaki at halos duguan at madumi na ang kanyang sarili. Sa mga oras na ‘yon, hindi talaga matanggap ng lalaki ang ginawang desisyon ng dati niyang kasintahan. Muling niyakap siya ng babae “Nandito lang ako para sa ‘yo kung kailangan mo ako. Hindi ako mawawala. Mahal na mahal kita.”
“Pero paano na ngayon? Kailangan kita noon pa. Ngunit iiwan mo din ako. Paano na ang mga susunod na araw? Hindi ko na alam kung paano ko bubuuin ang sarili ko ngayong iniwan mo na ako. Ikaw ang lahat sa akin. Sana nung una pa lang eh sinabi mo na sa akin ang buong katotohanan nang sa ganun eh naintindihan ko ang lahat… nang sa ganun eh hindi ganito kasakit na halos ikamatay ko!” paliwanag ng lalaki.
Hindi ko na tinapos ang pag-uusap ng dalawa. Umalis na ako dahil ayoko nang makita ang mga susunod na nangyari.
Habang pauwi ako, napaisip ako… “Tama ba ang ginawa ng lalaki? Tama ba ang ginawa ng babae?”
Sa aking pananaw, (although hindi ko alam ang buong katotohanan sa kanila kung bakit nagkaroon ng shooting sa sementeryo at ako lang ang viewer) Pareho silang tama pero pareho silang mali.
Bakit?
Sa side ng lalaki, tama siya dahil nagsinungaling ang babae sa kanya. Gusto niyang malaman ang buong katotohanan ngunit ipinagkait ito ng babae. Dito, lubos siyang nasakatan at nahirapan ang kalooban. Sino bang gusto ang lokohin at magsinungaling ang babaeng mahal mo sa ‘yo. Pero ang mali dun ay hindi niya kailangang saktan ang sarili sa harap ng babae. Nagpapatunay lang ito na hindi mahal ng lalaki ang sarili niya… na siya mismo ang sakim dahil paano niya nagawang magmahal kung hindi niya mahal ang kanyang sarili.
Sa side ng babae, tama siya sa ginawa niya na ilayo sa kapahamakan ang lalaking mahal niya. Minsan talaga, kailangang magsakripisyo ang isang tao para sa minamahal niya… kahit masakit. Inisip din niya ang kapakanan ng nakakarami dahil ayaw niya ng gulo. Ngunit mali pa din siya sa rason na hindi niya kinausap at sinabi sa lalaki ang buong katotohanan. Siya din ang dahilan kung bakit naghuramentado ang lalaki sa kanilang pag-uusap. Hindi niya dapat itinaboy ang lalaki kundi dapat sana ay kinausap niya ito at gumawa silang dalawa ng paraan… Sinira niya ang tiwala ng lalaking mahal niya at mukhang mahihirapan na niya itong ibalik sa dati.
Sa buhay ng tao, nangyayari talaga ito. Kahit hindi eksakto tulad ng nabasa niyo, alam ko na may ganito din kayong karanasan. Ang pag-ibig ay punong-puno ng luha, pasakit, sakripisyo at paghihirap. Ito ang katotohanan na hindi natin matatakasan.
Pero ano kaya sa tingin ninyo ang ending ng dalawa? Tulad niyo, hindi ko din alam.
Pero umaasa ako na maaayos nila ang gulo sa pagitan nilang dalawa...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
sa tingin ko kahit ano pa man ang maging desisyon ng babae magiging masakit pa rin sa lalake ang maranasan na iwan ng isang minamahal. kahit sabihin natin na magkabalikan sila yung sugat na naging bunga nun sa puso ng lalake ay di madaling maghilom. Oo, nga't na kaya nya na mapatawad yun babae ito'y naging bulag lamang sa katotohanan sapagkat sya ay nagmamahal..
ReplyDeleteayos ang kwento..!
ReplyDelete