Thursday, April 29, 2010
Epiko 4: "Punasan Mo Ang Uhog ni Totoy"
Lahat tayo ay nagdaan sa pagkabata. Alam natin ang pakiramdam ng walang inaalalang problema sa buhay – Puro laro, pagliliwaliw at pagtuklas sa mga bagay na nakapaligid sa atin. Masarap balikan ang pagkabata. Ngunit habang lumilipas ang panahon, naiintindihan at namumulat na tayo sa katotohanan sa mga bagay-bagay sa paligid. Lumalaki at lumalawak na ang ating kamalayan sa mga pangyayaring nakakaapekto sa ating pamumuhay.
Nang umuwi ang kapatid ko galing sa Abu Dhabi para makapagbakasyon, nagkaroon kami ng isang pag-uusap na hindi normal na tinatalakay sa isang ordinaryong lupon. Ikinuwento niya sa akin ang kanyang pananaw kung bakit hanggang ngayon ay hindi makabangon ang bansa natin sa kahirapan. Alam natin na likas na mayaman ang ating bansa. Isang patunay niyan ay ang kwento niya na noong nasa kalagitnaan ng ika-19 na siglo ay maraming Pilipino ang pumupunta sa Intramuros upang maglaro lamang ng golf. Alam natin na ang taong naglalaro ng golf ay masasabi mong mayaman at nakakaangat sa buhay. Pero isipin mo, maraming Pilipino ang naglalaro ng golf dati! Ibig sabihin mayaman tayo noon.
Pero bakit napunta ang bansa natin sa ganitong estado? Balikan natin ang kasaysayan…
Sa halos maraming taon, maraming dayuhan ang nahumaling, nagkainteres at sumakop sa ating bansa – Kastila, Amerikano at Hapon. Idagdag mo pa ang mga ibang nasyon na nagbigay ng matinding impluwensiya sa ating mga Pilipino. Kung ating susuriin, masasabing “damaged culture” na ang bansa natin. Bakit? Nawalan na tayo ng totoong identity bilang Pilipino. Sa ibang bansa (tulad ng Abu Dhabi, Saudi Arabia, Norway, etc.), kapag sinabing Pilipino, ang unang papasok sa isip nila ay domestic helper, alila, utusan, mababang uri ng lahi.
Papayag ka ba ng ganun na lang?
Dahil nga “damaged culture” na tayo, hindi natin alam kung paano natin itatayo ang bansa natin dahil bugbog sarado na tayo at pinagsamantalahan. Dahil dito, naging sakim tayo at iniisip na lang natin ay ang ating mga sarili. Ayaw nating magpadaig sa iba kaya nga nagkaroon tayo ng “crab mentality” dahil ang gusto natin ay kung babagsak ako, kailangang bumagsak ka din at ang iba. Ang resulta? “Cyclone Effect” na ang ibig sabihin ay lahat ng aspeto ng pamumuhay (negosyo, pulitika, sosyalisasyon, atbp) ay nahahaluan ng ganitong mentalidad na nagdudulot ng malaking pagkasira sa ating bansa.
Pero sino ba ang mas naaapektuhan nito?
Syempre, ang mga susunod na henerasyon… ang mga bata.
Nakikita na natin ang epekto ng hindi mapigilan na paghihirap ng bansa. Magpapalit-palit man tayo ng namumuno ay ganito pa din ang sitwasyon. Kaya nga hindi mapigilan ang patuloy na gustong umalis ng Pilipinas para magtrabaho… pero ang totoo, gusto nilang tumakas sa katotohanan na tayo ay lugmok na sa kahirapan.
Ano ang solusyon?
Hindi “ano” ang solusyon kundi “sino” ang solusyon?
Sino pa kundi tayo!
OO! TAYO NGA!
Paano?
Gamitin mo ang angkin talinong ipinagkaloob sa ‘yo ng Diyos. Nasa kamay ng henerasyon natin ngayon ang susi sa gusto nating pag-unlad at pagbababago. At kung hindi natin ito matapos, ipagpapatuloy ito ng mga susunod na henerasyon.
Isang halimbawa lang ay ang dati kong kasama sa boardinghouse. Narinig ko sa kanya ang salitang ito:
“Isa akong mag-aaral at balang araw (kung papalarin) ay maging isang guro. Dadating ang panahon na hahawakan ko ang mga kabataan na hilaw at inosente pa sa mga nangyayari sa lipunan. Simple lang ang gagawin ko… Sa bawat aralin na aking ituturo ay ipapakita ko din ang mundo.”
Ang lalim di ba?
Pero sa aking palagay, gusto niyang hubugin ang mga susunod na henerasyon sa mabuting landas kung saan matutulungan nila ang bansa na umunlad at magkaroon ng matatag at magandang paningin sa ibang nasyon. Kahit sa maliit na paraan at may katagalan matupad, ang kapalit nito ay permanenteng ginhawa sa bawat isa sa atin. Maihahalintulad ito sa paglilinis ng dalawang palapag na bahay. Kung lilinisin mo lang ang baba, madumi pa din kasi mayroon pang dumi na nasa itaas. Sa estado natin ngayon, ang makakapaglinis lang sa itaas ng kasalukuyang sitwasyon ay tayo at ang magtutuloy ang mga tinuruan nating kabataan.
Hindi natin kailangan iasa at isisi sa mga pulitiko at iba pang lider ang solusyon sa kahirapan. Sa murang edad pa lang, dapat ay ipamulat na natin sa mga susunod na henerasyon ang dapat nilang gawin upang umunlad hindi lang ang sarili pati na din ang bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon, edukasyon at solusyon... Hangga’t maaari, hindi dapat umaalis ang mga magagaling at matatalinong Pilipino para pumunta sa ibang bansa at magpa-alipin. Pero kung talagang wala nang pagpipilian, sana ay bumalik sila para tulungan ang bansa sa pag-asenso.
Wala pang muwang ang mga kabataan ngayon sa patuloy na mabilis na takbo ng pagbabago. Ihanda natin sila sa pamamagitan ng tamang edukasyon nang sa ganun ay hindi na nila maranasan ang sitwasyon ngayon. Huwag natin silang pabayaan. Kahit na may pagkukulang ang nakaraang henerasyon, tayo na ang humanap ng pampuno sa kakulangang ito.
Sa ngayon, ito muna ang kaya kong gawin… ang imulat ang inyong mata. Balang araw, magiging kabahagi ako ng pag-unlad na gusto kong ipamana sa aking mga anak at sa susunod na henerasyon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment