Friday, April 30, 2010

Epiko 5: “Sa Aking Mga Kapatid Sa Padel...”



Walong taon na ang nakakalipas nang yakapin ko ang isang kapatiran kung saan ipinagkatiwala ko ang aking buhay habang gumagawa ng butas sa karayom para pasukin. Ang buong akala ko, katapusan ko na… ‘Yun pala, nagsisimula pa lang ang matitinding pagsubok sa kabilang sulok ng VKV (Venerable Knight Veterinarians Fraternity).

Naaalala ko nang pumasok ako sa loob - isa lang akong ordinaryong estudyante kung saan wala pang direksyon ang tinatahak na karera. Marami akong tanong sa aking sarili na hinahanap sa mga panahon na ‘yon. Kasama ang tatlo sa pinakamagagaling ng estudyante ng Vet Med (at ako ang bulok na kamatis), pinasok namin ang isang mahabang lagusan ng pagiging isang kabalyero. Napakahirap. Kailangan naming magtulungan at suportahan ang bawat isa para malagpasan ang mga mahahabang gabi ng paghihirap at pagsubok. Sinukat nito ang aming determinasyon at pagkakaisa. Sa mga oras na ‘yon, unti-unti kong tinanggap at pinahalagahan ang latay ng pagmamahal sa akin ng itinuturing kong bagong pamilya. Ang akala ko, makikita ko na ang kasagutan sa tanong ko… hindi pa pala.

Nang ako ay maka-survive, nakita ko ang isang samahan na walang katulad. Sa aking pananatili sa VKV noong mga panahon na ‘yon, nakita ko ang kaayusan, katapatan at sinseridad ng bawat isa. Kahit mula kami sa iba’t-ibang lugar, para kaming nanggaling sa iisang dugo dahil sa aming iisang adhikain. Bagama’t may pagkakaton na mayroon hindi pagkakaunawaan, mabilis itong naaayos. Kasama ang VLV (Venerable Lady Veterinarians Sorority), mas nagkaroon ng matinding bigkis sa bawat isa sa amin. Pakiramdam ko ay hindi ako nag-iisa at hindi iiwan.

Ngunit dumating ang panahon upang sagutin ko ang mga katanungan na hindi ko pa nahahanap. Kahit masakit sa kalooban ko, iniwan ko sila upang hanapin ang aking sarili. Sa aking pagtahak sa iba’t-ibang daan, hindi natin maiiwasan na nadadapa, lumuluha at nahihirapan. Ngunit matibay ang aking loob. Sa mga itinuro sa akin ng VKV, hindi ko kailangang mangamba dahil alam ko na parte ito ng pagsubok ng buhay na pinili ko. Mas matindi pala ang “initiation ng totoong mundo.” Talagang kung mahina ka, hindi ka tatagal na magiging dahilan ng pagsuko mo.

Ngunit sa puso ko, nandun pa din ang mga brods at sisses ko. Sila ang naging inspirasyon ko upang tumayo uli at magpatuloy. Bagama’t hindi ko na nakikita ang iba sa kanila, alam ko na buo ang suporta nila sa akin. Mas lalo akong nagsumikap upang makapag-aral muli at ibigay ang lahat ng aking talino at galling upang umangat sa klase. Ngayong umiikot ang mundo ko malayo sa medisina, hindi ako nagsisisi dahil ang totoo, sila ang nagturo sa akin ng daan na dapat kong tahakin.

Para sa mga kapatid ko, hindi matutumbasan ng yaman sa mundo ang ginawa ninyo sa akin. Nang dahil sa inyo, hindi ko makikita ang kasagutan sa mga tanong na hinahanap ko. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa ginawa ninyo sa akin. Kahit na malayo tayo sa isa’t-isa, hindi ko kinalimutan ang mga bagay na itinuro ninyo sa akin. Salamat sa suporta na ibinigay ninyo sa akin. Alam ko na kayo din ay may hinaharap na pagsubok at problema. Kung kailangan ninyo ako, hinding-hindi ko kayo tatanggihan.

Sa mga brods at sisses na hindi ko inabutan sa Indang, alam ko na hindi niyo pa ako kilala ng lubusan. Pero nakikiusap ako sa inyo na alagaan ninyo ang bawat isa. Huwag sana kayong magkaroon ng hindi pagkakaunawaan at kung meron man, sana ay ayusin ninyo agad. Sana kaming mga wala na sa college ay tanggapin niyo pa din tulad ng isang kapatid na isang linggo mong hindi nakita. Mag-aral kayong mabuti dahil ‘yan ang susi upang kayo ay magtagumpay sa larangan na pinili niyo.

Sa mga brods at sisses na nakasama ko dati (mapa-ibang chapter man), binabati ko kayo dahil naabot niyo na ang pangarap na gusto niyong matupad. Huwag kayong mag-alala sa akin dahil malapit ko na din maabot ang pangarap ko… konti na lang. Salamat sa mga panahon na pinagsamahan natin. Hinding-hindi ko ‘yon makakalimutan. Nang dahil sa inyo, binigyan niyo ako ng pag-asang patunayan ang sarili ko sa laranagang tinahak ko. Salamat at palagi kayong nasa tabi ko kapag may problema ako.

Kay Doc Binog, sana’y nasa mabuti kang kamay kasama ang Panginoon. Sana’y gabayan mo din kami sa aming ginagawa. Miss ka na naming lahat.

Kulang pa ang mga salitang ito sa mga gusto ko pang sabihin… (kasi inip ka na dahil masyado nang madrama…) Pero sana matandaan ninyo ako sa ganitong paraan. Mahal na mahal ko kayo mga brods at sisses. Magsilbing aral sana ang mga sinabi ko sa inyo.

“Ad Majorem Dei Gloriam!”

No comments:

Post a Comment