Thursday, April 29, 2010

Epiko 3: "Ang Apat na Klase ng Manunulat"




Bakit ba nagsusulat ang isang tao?

Mula pagkabata (sa unang tungtong sa paaralan) hanggang sa pagtanda (pagpirma ng huling testamento ng mana), isinusulat natin ang mag letra na bumubuo ng isang pangalan o kahulugan. Sa ganitong paraan, masasabi ko na may dahilan kung bakit tayo kailangang magsulat. Pero may mga bagay na hindi ko pa din lubos na maintindihan kung bakit o ano ang rason ng iba at pananaw kapag nagsusulat. Sa aking pagmamasid, nakilala ko ang apat na klase ng manunulat na nakilala ko sa may kanto malapit sa bahay namin.

Una, ang “manunulat ng buhay”. Sila ‘yung mga tao na nakikita mo na nagbabalita sa radio, telebisyon, dyaryo at internet. In short, “Media men”. Bakit ko sinabi na manunulat sila ng buhay? Marahil ipinapakita nila na totoo ang buhay ay komplikado at puno ng sorpresa na hindi natin inaasahan. Sa anyo ng balita, editoryal at kolum, mababasa natin ang kanilang kamalayan at kapangyarihan na ipakita sa tao ang "ano" ng buhay sa mundo. Kasama na dito ang pag-iisip, pagdedesisyon at higit sa lahat, maisiwalat ang katotohanan.

Pangalawa, ang “manunulat ng diwa”. Malimit itong makikita sa mga libro. Sari-saring karunungan ang iniipon nila at binubuo ito sa anyo ng isang aklat. Katakot-takot na pagsasaliksik, panayam at aplikasyon bago ito mapatunayan at mailimbag para maipamahagi ang karunungan at impormasyon. Kung tutuusin, hindi naman mahalaga kung magkano ang halaga nito. Ang importante ay kung ano ang nasa loob nito. Nakakahinayang lang dahil nababalewala sila kapag may nakakahigit na antas na diwa o kredibilidad sa kanyang ginawa. Pero hindi sila dapat balewalain dahil sila ang ugat o pundasyon ng maraming sanga ng karunungan. In short, mayroon din silang cycle na sinusunod tulad ng food chain.

Pangatlo, ang “manunulat ng imahinasyon”. Sila nang mga nasa likod ng mga palabas sa teatro, telebisyon, radio at pelikula. Ginagamit nila ang kanilang malikhain at mapaglarong imahinasyon na hinaluan ng talino upang mabigyan ng kasiyahahan ang mga tao. Hindi biro ang kanilang ginagawa. Pagdating sa pagtatalo ng ideya, nagkakaroon ng “concept overlapping” kaya mahirap ito ngunit napakasayang gawin. Upang magawang tunay ang isang kathang-isip, kailangan niyang gumamit ng mga salitang kayang kontrolin ang isip at atensyon ng iba upang siya ay sundin pati din ng kanyang obra.

At ang ikaapat, ang “manunulat ng sarili”. Sila ‘yung mga nagsusulat para sa kanila lang at wala ng iba pa. Nagsusulat lang sila dahil nasa paaralan lang o kaya ay para mapaligaya ang sarili. Sila ang mga hindi nakakaunawa sa dahilan kung bakit nagsulat ang author para sa kanya… Sila ang mga hindi marunong magpahalaga. Sila ang mga matatalino at ayaw magpadaig sa iba. Sumusulat sila para maiangat ang sarili sa iba. Mga makasarili ang mga ganitong klase ng manunulat. Pero sa kabuuan, sila ang mga humahanap ng puwang sa institusyon na kanyang ginagalawan. In short, sila ‘yung mga “masterbatory writers”.

Sa likod ng apat na manunulat, tandaan natin na ang manunulat ay nagsusulat para sa iba. Na inilalagay niya ang sarili niya sa isang tao. Kailangnang maramdaman din niya ito hanggang sa makasulat siya sa paraan na gusto niya. Higit sa lahat, hindi siya natatakot na batikusin o kwestiyonin ang kanyang talino sa larangang ito. Dahil kung hindi, wala siyang mabubuong estilo sa larangang ito…

Sige na! Magsulat ka na!

No comments:

Post a Comment