Thursday, April 29, 2010
Epiko 1: Ang Mga Paliwanang sa Salitang “Putang Ina Mo”
Kapag naririnig mo ang salitang “Putang Ina Mo” ano ang unang pumapasok sa isip mo?
Sa mga matatanda, kapag narinig mo ang salitang ito ay talaga naman mapapasabi ka nito ng pabulong. Pakiramdam nila ay ginawan sila ng masama o kaya ay sobrang galit sa isang tao. Isang halimbawa nito ay ang kapitbahay naming probinsyano na nasa sisenta y otso ang edad. Nang malaman niyang buntis ang kanyang kaisa-isang apo na nasa edad katorse, isang malutong at umaalingawngaw na salitang ito ang gumising sa aking masarap na pagkatulog. Pero pagkatapos nito, naramdaman ko ang kanyang matinding emosyon. Hindi ko alam pero parang naramdaman ko din kung ano ang emosyon niya sa mga oras na ‘yon. Ang salitang ‘yon ay sagrado para sa mga taong galit at naghihirap ang damdamin.
Sa mga kabataan, ang salitang ito ay parang pangkaraniwan na lang. Parang kanin na hindi nawawala sa bawat sandaling may pag-uusap, pagtatalo at pagbibiruan. Ito na marahil ang isa sa mga salitang hindi agad makaklimutan dahil patuloy itong ginagamit. Kahit ang mga ibang matatanda ay ginagawa din ito. Katulad na lang ng apat na taong gulang na pamangkin ko na naunang bigkasin ang salitang ito imbes na tatay o nanay. Kahit na pigilan at sawayin mong huwag gamitin ang ipinagbabawal na salitang ‘yon ay ginagamit pa din. Paano ba naman, ang tito niya (este ako pala) ay palaging ginagamit ang salitang ‘yon.
Pero ano ba talaga ang tunay na ibig sabihin ng salitang ito?
Ayon sa diksyunaryo, ito ay isang salita na patungkol sa taong anak ng isang puta – isang pokpok, babaeng nagbebenta ng katawan o hostess para magkapera. Madaling intindihin di ba? Sino bang gusto ng tawagin ka ng anak ng puta… na anak ka sa kasalanan. Pero ngayon iba na ang pakahulugan sa salitang ito. Noong una, hindi katanggap-tanggap ang salitang ito dahil ito ay mapanirang puri at nakakinsulto sa pagkatao nang napagsabihan nito. Ngunit sa paglipas ng panahon at popularidad na gamitin ito sa pang araw-araw, ito ay naging parte na ng paraan ng ekspresyon ng tuwa, galit, takot at lungkot.
Ayon kay Laura Shapiro sa kanyang isinulat na artikulong “Guns and Dolls”, may pagkakataon na ang isang salita ay nagbabago dahil ito ay “dynamic” (Di ko alam ito sa Filipino). Kasabay ng pagtuklas ng mga bagong teknolohiya at modernisasyon, nagbabago ang kahulugan at gamit ng isang salita depende sa lugar o sitwasyon. Ito ay hindi nalalayo sa “fuck you” at samamabits (son of a bitch) ng salitang Ingles. Dahil sa nakasanayan na, parang wala na itong talab sa damdamin... pwera lang kung sincere ang nagsabi.
Pero may “Putang Ina Mo” bang may sinseridad?
Pwera lang kung sasabihin mo sa syota mo na “Putang ina mo! Mahal na mahal kita!” Magagalit ka ba o matutuwa? Para kasing ang sagwang pakinggan at maunawaan di ba?
Lahat ng bagay sa mundo (kahit salita) ay nagbabago sa paglipas ng panahon. Ang kinakailangan lang nating gawin ay sumabay sa agos nito. Ngunit sa salitang ating pinag-uusapan, marahil ay sa atin mismo magsimula kung gagamitin natin ito sa tamang paraan. Tulad ng isang kutsilyo na nagbibigay saya lang sa pagluluto, ang salitang ito ay nakakasakit at nakakasugat din ng damdamin kahit papaano… kahit di mo sinasadya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Maraming mga magulang ang ayaw na ayaw iparirinig sa mga anak nila ang "putang ina mo". Bawal bigkasin sa loob ng tahanan lalo na ng mga relihiyoso at konserbatibong pamilya. Meron akong kaiskwela nung second year ako (Hindi ikaw yun, Julius.) na ang hilig bigkasin ang putang ina mo kapag nakikipag kwentuhan sa mga kaibigan nya na paminsan minsan ay binubuska sya at nakasanayan na niya ang palagiang pagmumura sa loob ng classroom na kami kami lang magkakakwentuhan ang nakakarinig. Isang bese, itinanong ko sa kanya kung sa bahay ba nila ay nagmumura din siya palagi. Ang sagot niya, "hindi" dahil alam niyang mapapagalitan siya at kilalang relihiyoso at konserbatibo ang kanilang pamilya (at kilalang mayamang pamilya).
ReplyDeleteAng "putang ina mo" ay mga salitang maaaring sa loob ng tahanan matutunan o kaya ay sa kalye o kaya naman ay mula sa mga kaibigan at kung pakakawalan mo ang mga salitang ito ay dapat may buong responsibilidad na naka-akma sa sitwasyon, emosyon, pagkakataon at kung anong klase ng personalidad ang taong pagsasabihan mo.
{Keep up the good work Pareng Julius!}
Salamat Che!
ReplyDelete