Tuesday, May 11, 2010
Epiko 18 : “Bobo ‘tong Botante”
Nang lumapit ang tiyahin kong guro sa akin at tinanong ako kung gusto kong maging support staff niya sa eleksiyon sa Mayo 10, hindi ako nagdalawang isip. Syempre, makakapera ako doon. Hindi tulad ng mga pangkaraniwang watchers na isang partido o kandidato, malaki ang makukuha ko dito. Pero hindi ko inaasahang may mas makukuha pa pala akong mas malaki at mahalaga na higit pa sa pera.
Sumama ako sa pagpupulong nila sa Bulihan na kung saan lahat ng mga guro ay dumalo para mapag-usapan ang gagawin nila sa araw ng halalan. Napaisip ako ng malalim – hindi biro ang pagsubok na haharapin nila lalo na ngayong ginawa nang automated ang pagboto. Maraming matatandang guro ang naging hindi interesado dahil mas sanay sila sa mano-manong bilangan. Halos mga bata at hindi katandaan ang mga naroon. Naisip ko tuloy na paano kapag guro na ako sa isang pampublikong paaralan. Siguradong makakasama at mapapasabak ako sa ganitong sitwasyon kaya maaga pa lang ay inaalam ko na ang mga posibleng gawin ko kapag dumating na ang araw na ‘yon.
Kasama ang COMELEC, napag-usapan ang tungkol sa mga maaring maging problema ng mga botante at nila kapag nagkaroon ng aberya. Medyo hindi ito naging malinaw sa akin noong una dahil napag-alaman ko na wala silang contingency plan at hindi sila handa. Sa totoo lang, takot pa silang masubukan ang bagong sistema. Kahit na nakapag-seminar na sila tungkol sa gagawin nila, hindi maiaalis sa kanila ang kaba at pag-aalala sa kauna-unahang automated election sa bansa.
Nang umuwi ako sa amin, lalo akong napaisip. Tinanong ko sa sarili ko kung ano ang magagawa ko sa araw na ‘yon. Sa pagkakataong ito, hindi na perang makukuha ko ang iniisip ko kundi ang kinabukasan ng mga taong umaasa sa susunod na lider at pagbabagong hinahangad nila para umunlad ang kanilang sarili.
Dumating na ang araw na pinakahihintay ng lahat – maaga pa lang ay gumising na ako upang pumunta sa presinto na kung saan ako nakadestino. habang tinutulungan ko ang poll clerk sa pag-aayos ng election paraphernalia ay inutusan ako ng chairman na kuhanin ang PCOS machine. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaharap ko ang makinang magiging bida sa araw na ‘yon. Nang binuhat ko siya, akala ko ay sobrang bigat. Kayang-kaya kop ala itong dalhin. Naisip ko ang pakiramdam ko na nag-aalala ay biglang nawala dahil sa pagkahawak ko sa makinang ito. Dati kasi kapag hawak mo ang lumang ballot box na kulay dilaw ay parang ramdam mo ang hirap dahiul sa magdamagang pagbibilang. Pero ngayon, mukhang matutuldukan na ang lumang sistemang iyon.
Nang maayos na ng technician ang PCOS machine, lumabas ako upang tingnan ang mga tao sa labas. Marami nang tao ang nakaabang at sabik nang bumoto. Nagkusa na sabihan sila na hanapin ang mga pangalan nila, presinto at numero sa listahan ng COMELEC na nakapaskil sa labas. Inayos ko na din ang nila para maging maayos ang pagpasok at pagboto nila sa loob.
Nang magsimula na ang botohan, napansin ko ang mga kakatwang kilos ng mga botante. May mga botante na hindi alam kung ano ang unang gagawin habang hawak ang mahabang balota. May iba naman na hnidi maiwasang magtanong sa sarili at sa katabi kung tama ba ang ginagawa nila sa pagboto lalo na sa pag-iitim ng bilog (na hugis itlog). May napansin din ako na tila wala silang iniisip na pangamba na tila nagtitiwala sa bagong sistema ng pagboto partikular ang mga kabataan na uang beses na boboto. Ang iba namang botante, lalo na ang mga matatanda ay naiinis at gusting magreklamo dahil nahihirapan silang basahin ang nakasulat sa balota. Sa ganitong sitwasyon ay ako ang sumasaklolo sa kanila at tinutulungan silang mag-itim ng bilog (na hugis itlog).
Nag-iisa lang ang Smartmatic technician sa lugar. nakiusap sa akin ang chairman ng aming presinto na alalayan ko ang mga botanteng magpapasok ng kanilang balota sa PCOS machine. Isa itong nakakatawang karanasan dahil wala akong ideya kung ano ang gagawin at ako ang naatasan na gumawa ng bagay na ‘yon na hindi ko alam. Agad akong lumapit sa technician at tinanong ang mga posibilidad na dapat gawin lalo na kapag iniluwa ng mackinaw ang balota. Buti na lang at madali ko itong naintindihan. Salamat din sa mga impormasyon na nasa TV, radio at internet at nagawa kong maintindihan ang ginagawa ng makina. Hindi matutumbasan ng kahit anong pakiramdam ang ipasok sa PCOS machine ang kauna-unahang boto mo sa kasaysayan. Ngunit nakakalungkot din ang mga botong nare-reject dahil sa mga ambiguous marks. Nakakapanghinayang talaga.
Sayang ang boto nila. Parang pakiramdam nila ay nabigo sila sa inaasam nilang pag-asa na pagbabago.
Ngunit hindi din mawawala ang problema tulad na lang ng mabagal na pag-usad ng pila dahil sa tagal nag pagboto. Madaming nagrereklamo lalo na ang mga kapwa nating Pilipno na mahilig sa instant noodles (o shortcut para mapabilis ang kanilang pagboto). Nagkaproblema din ang PCOS naming dahil nagkaroon ng “paper jam” sa loob nito. Ngunit naayos din naman agad ito. Ganyan talaga kapag “first time.” Natural lang ito dahil ngayon pa lang ito nangyari sa kasaysayan. Naisip ko na sa susunod na eleksyon ay bibilis na ito dahil may ideya na ang mga tao kung paano boboto. Tapos na-extend pa hanggang alas syete ng gabi ang botohan.
Nang matapos na ang oras ng botohan ay hindi nagtagal ay nagbilangan na. Hindi tulad ng mano-mano, diretsong lumabas sa PCOS machine ang listahan ng mga kandidato katabi kung ilan ang bumoto sa kanila. Hindi na kailangang idikta at i-tally ang mga balota tulad ng dati. Humanaga ang lahat sa kapasidad ng makinang ito. Nang maimprenta na lahat ang kailangang kopya ng election returns ay direktang pinadala ng technician ang resulta sa mga ahensyang nakatakdang tumanggap nito. Napakabilis! Parang nag-text ka lang. Alas dose ng gabi kami nakatapos… malayo sa magdamagang puyatan para magbilang ng mano-mano. Nang maayos na nmain ang mga gnamit at mga requirements ay dumaretso na kami sa munisipyo at COMELEC para isauli ang mga gamit, PCOS machine at resulta ng eleksyon.
Nang pauwi na ako, naisip ko tuloy ang nagyari sa buong maghapon. Masaya ako sa nangyari. Hindi ko inalintana ang pagod, gutom at hirap nang mga oras na ‘yon. Para sa akin, ang makatulong sa ganitong paraan para sa bayan ay sapat nang dahilan na gusto ko din magkaroon ng pagbabago at pag-unald ang buhay nating mga Pilipino. Marahil negatibo ang pananw ko sa karamihan (at baka sa ‘yo). Pero gusto ko silang (at ikaw) na tanungin na may nagawa ka ba para sa bayan mo para magkaroon ng pagbabagong inaasam mo?
Wala sa mga bagong mamamahala ang kasagutan sa kagustuhan mong pagbabago. Nasa ating kamay ito. Huwag nating sayangin ang ganitong pagakakataon na mapagsilbihan at tulungan.ang ating bayan. Bukod na bumoto ka ngayong eleksyon, kumilos ka at ipakita mo sa nakakarami na mahalaga ka sa mga sandaling iot dahil para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment