Sunday, May 2, 2010
Epiko 8: “Higit Pa sa Takip ng Kawali at Sandok…”
Hindi naman natin maiiwasan na may mga tao na naiinggit, nagagalit at sinisiraan tayo. ‘Yung tipo bang gagawin ang lahat makita ka lang na nakalugmok sa hirap at pagdurusa dahil ‘yun ang ikasasaya nila. Kahit wala tayong ginawa na masama sa kanila, ang tingin pa din nila sa atin ay isang balakid o di kaya ay isa kang alagad ng kasamaan.
Hindi ako mahilig magbasa ng bibliya pero isang araw, nabuklat at nabasa ko ito:
“Narinig na ninyong sinabi, “Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.” Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Spagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at makasalanan. Kung ang umiibig sa inyo ang siya lamang inyong iibigin, ano pang gantipala ang inyong hihintayin? Hindi ba ginagawa din ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iton ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”
- Mateo 5:43-48
Ating isipin na ang mga salitang ito ay hindi madaling gawin. Aminin na natin na mahirap tanggapin na ibigin mo ang iyong mga kaaway. Sino bang baliw ang gagawa ‘nun? Kahit nakasulat na ito sa bibliya at naririnig natin sa sermon ng isang pari o pastor, hindi natin kayang gawin ito.
Bakit kaya?
Natural sa hayop (tulad ng tao) ang lumaban kapag siya ay napapahamak. Gumagawa siya ng paraan para maipagtanggol ang sarili. Ito ay sa kadahilanang may “pride” na hindi pwedeng matapakan at pagsamantalahan ng kahit sino. Sakatan mo man ng pisikal o hindi, hahanap siya ng paraan para masangga ang mga bagay na makakasakit ng damdamin.
Ngunit sadyang may taong naliligayahang manakit ng iba… mapa-pisiskal o hindi man.
Kahit alam mong hindi mo ginawan ng mali o kaya nakita ang iyong kamalian ay gagawa ng paraan upang pabagsakin at pahirapan ka.
May mga kilala akong ganung klaseng tao. Ang totoo nga niyan ay nagakalat sila. Nang malaman na may nagawa kang isang kasalanan ay walang tigil ang pagpaparinig, pag-iwas at pananakit ng aking damdamin. Hanggang ngyon ay patuloy pa din sila. Natutuwa sila na nakikita akong nahihirapan at hindi man lang sila pinapatulan.
Masakit ‘yun… Syempre, tao ka din naman na nasasaktan. Itinatanong ko nga sa sarili ko na sa kabila ng kabutihan na binigay ko sa kanila ay nagawa pa nila ito sa akin. Wal naman akong kasalanan sa kanila pero bakit sila pa ang nagagalit. Wala naman silang alam tungkol sa akin pero parang sa tingin nila ay alagad ako ng demonyo.
Pero tinitiis ko na lang…
Kasi naniniwala ako na kung dedepensahan ko lang ang sarili ko, mahihirapan lang din ako dahil alam ko na masasaktan din ako. Hinahayaan ko na lang sila sa kanilang gustong gawin… Kasi doon sila masaya.
Hindi naman sa naniniwala ako sa karma pero ang bawat ginagawa ng isang tao ay may katumbas na kapalit. Kung gumawa ka ng mabuti at masama ay parehong babalik ‘yun sa ‘yo. Kaya ang mga kaaway mo ay hindi mo dapat kasuklaman kundi sila ay dapat mong kaawaan dahil ang ginagawa nila sa ‘yo ay mararanasan nila ng higit pa sa nararanasan mo ngayon. Sabi nga sa isang linya ng “Code of Loyalty” ni Edward King Hubbard “…do not condemn for if you do, the first high wind that comes along will blow you away and probably you will never know why.” na ang ibig sabihin ay Diyos na ang bahala sa ginawa nilang panghihimasok at panggugulo sa ‘yo.
Kaya ikaw, ibigin mo ang iyong kaaway… huwag mo silang patulan o kaya’y awayin dahil hindi ito tama. Kailangan mong maging mapagkumbaba at unawain sila kahit hindi mo maintindihan ang kanilang mga dahilan. Sa gantiong paraan, masusukat mo ang iyong pagiging isang tunay na anak ng Diyos.
Mas higit pa ito sa takip ng kawali at sandok na iyong gamit na pananggalang laban sa iyong kaaway.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Very well presented... =)
ReplyDeleteThank you ma'm.
ReplyDelete