Friday, May 14, 2010
Epiko 20: “Huwag Mong Hayaang Mag-Isa Ka Sa Kusina ng Alas Dos ng Madaling-Araw.”
Habang isinusulat ko ito, nagtataasan ang mga balahibo ko sa katawan. Malamig ang dampi ng hangin sa akin at nakakaramdam ako na hindi ako nag-iisa. Alas dos na ng madaling araw at tahimik na ang buong paligid. Nangangatal na ang mga daliri ko. Alam ko sa mga sandaling ito ay may kasama ako na hindi ko nakikita.
Marami na tayong naririnig na kwentong kababalaghan tungkol sa mga multo at espiritu na nananatili pa din dito sa ating paligid. Mapa-kwentong barbero man o kaya mga close encounter na napapanood natin sa TV, hindi kataka-taka na nagiging libangan na o kaya paksa ito sa mga usapan o palabas sa sine o kaya naisusulat. Marami na din ang mga nagsasabi na nakakita na din sila ng multo o kaya kaluluwa ng isang kamag-anak o di kilalang tao na humihingi ng tulong o kaya nanggugulo sa isang pamilya. ‘Yung iba nga ay talagang nagpapakadalubhasa dito na kung minsan ay hindi mo maintindihan kung totoo o hindi ang sinasabi nila at ito ay naghahatid ng takot lalo na sa mga mahihina ang loob.
Hati ang opinyon ng mga tao kapag ang paksa ay kung may multo ba o hindi. Kahit madami na akong nabasa tungkol sa libro na ganito ang paksa, hindi ko mapigilang matawa o mainis dahil kontra ito sa paniniwala ko na wala naman talagang multo lalo na ang mga nagsasabing nakakita sila at nakakausap ito. Para sa akin, hindi normal o weird ang mga taong ‘yon.
Hanggang sa may naranasan akong hindi ko malilimutan anim na taon na ang nakakaraan.
Isang gabi habang nagre-review ako sa aking boardinghouse sa may Kaytapos sa bayan ng Indang ay may naramdaman akong kakaiba. Tulog na ang mga kasama ko at alas dos na ng madaling araw. Nasa kusina ako noong mga oras na ‘yon nang makarinig ako nahulog na baso na gawa sa stainless sa sala. Hindi ko pinansin ito noong una. Makalipas ang limang minuto, may naririnig akong tumutuktok sa may pintuan ng kwarto ko. Tumayo ako upang tingnan kung sino ang gumagawa nito. Habang naglalakad ako papunta doon ay may naramdaman akong may tumakbo sa likuran ko na tila isang bata. Natigilan ako. Medyo kinakabahan na ako dahil unti-unti na akong nakakaramdam ng takot. Pero tumuloy pa din ako papunta sa kwarto ko.
Pagpasok ko sa loob ay nakita ko ang mga kasama ko sa kwarto na mahimbing ang pagkakatulog. Nagsimula akong magtaka sa nangyayari. Sigurado ako na may kumakatok sa pintuan kanina.
Bumalik ako sa kusina at nagsindi ng sigarilyo. Hindi mawala sa isip ko ang mga pangitain na naramdaman ko. Kabado na ako sa mga sandaling ‘yon pero hindi ko kailangang matakot dahil guni-guni ko lang ang nararamdaman ko. Nang humithit ako ng malalim sa sigarilyo at ibinuga ko, kinilabutan ako sa nakita ko – ang usok ay tila nagkaroon ng korte ng isang mukha ng matandang babae. Mukha siyang galit at parang may sinasabi. Habang napapawi ang usok ay lumalabo ang itsura nito. Napalunok ako. Parang gusto kong sumigaw pero hindi ko magawa. Kasunod nito ay ang pagpatay-sindi ng ilaw sa kusina. Ang mga kutsara at plato sa lababo ay biglang nagsigalawan. Bumukas ang gripo at tumulo ang tila kulay itim na tubig. Lumamig ang hangin at biglang bumigat ang pakiramdam ko na tila may nakapatong sa batok ko.
Hindi na maganda ang mga nangyayari sa paligid ko. Dito na ako nakaramdam ng matinding takot.
Sa mga sandaling ‘yon, nagsimula nang manginig ang buong katawan ko. Ang mga mata ko ay kung saan-saan tumitingin. Malamig na ang pawis ko at parang natatae na ako sa tensyon na aking nararamdaman. Hindi ako makakilos. Parang may nakahawak sa aking mga paa.
Maya-maya ay may isang kamay na gumagala sa aking balikat. Napakalamig nito na lalong nagpatayo sa mga balahibo ko. Nang tingnan ko ito ay buto’t balat ang mga daliri nito. Pakiramdam ko ay sumisigaw na ako ngunit walang boses ang lumalabas sa bibig ko. Naiiyak na ako at gusto kong tumakbo pero hindi ko magawa. Biglang may pumatong na baba sa aking balikat. Naramdaman ko at nakita ang isang matandang umiiyak. Puti ang kanyang buhok at kulay itim ang mata. Kulubot ang kanyang mga pisngi at tuyo ang mga labi.
“D… De… Dem… Me…Met…Ri…Rio…” Malamig at nangangatal niyang sambit sa aking tenga. Biglang nawala ang takot at kaba na nararamdaman ko. Kasunod nito ay bigla kong naramdaman na umiinit ang paligid. Nang tingnan ko siyang muli ay nagbago ang kanyang hitsura – isang mestisang dalaga ang aking katabi at nagsimulang yakapin ako. Napatungo ako. Hinayaan ko siyang gawin ang gusto niya. Hindi ko maintindihan ang kanyang sinasabi sa akin. Para kasing Latin ang ginagamit niyang lenggwahe. Kasabay nito ay parang hinihigop ang aking gunita. May mga nakita akong mga pangyayari mula sa nakaraan tulad ng may isang lalaking iniligtas ang isang babae sa pamamagitan ng pagsalo ng bala mula sa isang taong mukhang illustrado. Kasunod nito ay nakita ko ang babae na uminom ng lason at tumalon sa isang balon.
Nilakasan ko ang aking loob. Pumihit ako at hinarap ko siya ngunit nawala siya na parang bula. Parang walang nangyari pagkatapos noon. Nang tingan ko ang orasan ay alas singko y media na. Naisip ko kung ilang oras ako nanatiling nakatayo kasama siya. Hindi nagtagal ay nawalan ako ng malay.
Nang imulat ko ang aking mga mata ay nakita ko na pinaliligiran ako ng mga kasama ko sa boardinghouse. Nakahiga ako sa sahig at tila nagkakagulo sila nang nagkaroon ako ng malay. Nang nahimasmasan ako ay nagsimula na silang magtanong kung ano ang nangyari sa akin. Hindi ko sinagot ang mga tanong nila sa dahilan na hindi nila ako paniniwalaan sa naranasan ko. Ang sabi ko, baka sa sobrang atok lang at inabot ako sa sahig.
Lumipas ang isang linggo pagkatapos ng insidenteng ‘yon ay naisip kong alamin ang mga kasagutan sa nangyaring kababalaghan sa akin. Napag-alaman ko sa land lady namin na ang kinatatayuan an gaming boardinghouse ay dating balon. Sinasabi daw noong panahon ng mga Kastila ay ginawa itong tapunan ng mga bangkay ng mga Pilipinong nag-aklas.
Kung ganun, sino ‘yung matandang babae na nakita ko?
Naging isa itong malaking palaisipan sa akin. Pilit kong pagdugtung-dugtungin ang mga pangyayari ay wala akong makitang senyales o ebidensiya na nabuhay ang taong ito sa nakaraan. Tinanong ko sa land lady ko at sa mga kapitbahay namin na kung may kakilala silang ninuno nila na may pangalang Demetrio. Ngunit nabigo ako na mahanap siya.
Kahit sabihin ko na nakakita na ako ng multo ay parang ayoko pa din maniwala. Hindi ko alam kung produkto lang ito ng aking imahinasyon gawa ng sobrang pagod. Pero paano naman ang mga pangitain at naramdaman ko na hindi ko masasabing peke o scripted lang noong gabing ’yon?
Isa lang ang patunay nito – ang mundo ay punong-puno ng hiwaga at kababalaghan at ang isip natin ay napaka-makapangyarihan.. Nasa sa ‘yo kung paniniwalaan mo ito o hindi at hanapin ang kasagutan sa mga misteryong nakabalot dito.
Hindi naman masamang maniwala pero isipin mo din kung ano ang iisipin ng ibang tao sa ‘yo. Kaya kahit nakakita na ako ng multo, parang hindi pa din ako naniniwala dahil sa iisipin ng iba tungkol sa akin. Para sa akin, hindi “cool “ ang karanasang ‘yon (kahit “cool” ang naramdaman ko na nagpatayo sa balahibo ko) kundi isang aral mula sa karanansan. Mas iniisip ko ang katahimikan ng kaluluwa ng babae at itago kahit kanino ang karanasang ito.
Nasa sa ‘yo kung maniniwala ka sa akin o hindi. Paalala lang sa ‘yo - huwag mong hayaan na mag-isa ka sa kusina ng alas dos ng gabi. Mahirap na. Baka hindi mo kayanin ang mangyayari sa ‘yo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
haayyyy alas diyes p lang tulog nko.. =)
ReplyDeletenakakatakot pero mas nakakatakot pag alas tres ng madaling araw
ReplyDelete