Friday, May 7, 2010

Epiko 17: “Ang Tunay na Tagumpay”



Ang totoo, wala akong ganang magsulat. Bukod sa wala akong masyadong maisip na topic, meron akong nararamdaman na hinid maganda. Hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan pero gusto kong sagutin ang mga katanungan sa aking sarili na patuloy na gumugulo sa isip ko.

Totoo ang kasabihan na “mahirap tanggapin ang katotohanan.” At “ang mali ay hindi kailanman magiging tama.” Naiisip ko tuloy kung bakit may ganitong “norms” ang tao. Marahil siguro, may moral tayo. Sinasabi nila, kapag gumawa ka ng tama, isang daan lang ang patutunguhan mo samantalang kung mali ang gagawin mo ay marami kang pagpipilian daan.

Pero ano ba ang tinutumbok ko?

Bakit mas pinapansin ng ibang tao ang kamalian mo kaysa sa tama mong ginagawa?

Mahirap sagutin ito (kaya nga ito ang gumugulo sa isip ko) dahil iba’t-iba ang opinyon ng mga tao dito.

Isang halimbawa na lang ay si Cristobal. Siya ay kaibigan ko mula nang pagkabata. Ikinuwento niya sa akin karanasan niya noong nasa kolehiyo pa siya. Isa siya sa mga magagaling sa klase. Hinahangaan at nirerespeto. Ngunit meron siyang madilim na sikreto na itinatago na walang nakakaalam – nakapatay siya ng tao. Sabi niya, hindi niya sinasadya ang nangyari, aksidente niyang nakulbit ang gatilyo ng baril habang nag-aagawan sila ng baril ng dating boyfriend ng kanyang kasintahan. Ipinagtanggol lang daw niya ang kanyang sarili kaya niya ‘yun nagawa. Hindi niya daw ito sinasadya.

Nang malaman ng mga kaklase at buong paaralan ang nangyari ay iniwasan siya ng mga kamag-aral at iba niyang kaibigan. Nahirapan siya. Parang natabunan ang mga kabutihang ginawa niya. Nagkarooon siya ng matinding depresyon. Halos masiraan siya ng ulo dahil napakasama na ng turing sa kanya ng mga tao. Wala siyang nagaw kundi umiwas sa mga kaklase niya at palagi na siyang nag-iisa.

Noong una, parang wala lang sa akin ang nagyari sa kanya. Pero naintindihan ko siya nang naranasan ko ang sitwasyon niya. Napakahirap. Para bang gusto mo nang gumising sa isang masamang panaginip. Na palagi kang paranoid sa mga tao sa paligid mo. Kapag nag-iisa ka, hindi mo mapigilan na kausapin ang iyong sarili na parang sira ulo. Nakakbaliw talaga. May panahon pa nga na parang wala ka nang pag-asng mabuhay sa mundo… na parang tinalikuran ka ng lahat at galit sila sa ‘yo kahit na hindi mo ito ginawa sa kanila.

Palagi akong tulala. Ang isip ko ay parang lumulutang sa ere. Hindi ako makapag-isip ng ayos at napapabayaan ko ang akin sariling kalusugan. Ayoko nang makipagkaibigan at makakilala ng iba. Pakiramdam ko, wala na akong puwang ditto sa mundo… na wala nang nagmamahal sa akin… na sira na ang buong pagkatao ko. Walang araw na hindi ako umiyak at tinanong sa sarili ko kung bakit nangyari ito sa akin. Kung minsan pa nga, naiisip ko na ang mga mangyayari bukas at kung anong paghihirap ang mararanasan ko.

Mahirap labanan ang depresyon. Sinasabi na isa itong “emotion sickness.” Malimit na naapektuhan nito ang kalusugan, pamilya, personalidad, buhay relihiyon, libangan, paaralan, trabaho at pakikipag-kapwa tao. Ang mga taong depress ay nawawalan ng kumpyansa at tiwala sa sarili, pag-asa at direksyon sa buhay. Matindi ang epekto nito sa pag-iisip at maaaring makasama ito sa kanya.

Anong dapat gawin ng isang taong depress?

Una, tanggapin ang kabiguan na bukal sa kanyang kalooban. Mahirap ito sa una ngunit mas mabuti na ito kaysa mabuhay ka na may sugat na alam mong hindi na gagaling at maghihilom. Lahat ng tao ay may kabiguan. Hindi natin ito dapat sabihing pagkakamali. Isipin mo na ang kabiguan ay parte ng pag-unlad sa sarili. Sabi nga ni B. F. Skinner “A failure is not always a mistake; it may be the best one can do under the circumstances”

Pangalawa, matutong magsimula muli. Sa bawat pagkakadapa ng isang batang natututong maglakad ay kailangan niyang tumayo at magsimulang humakbang muli. Mahirap din ito sa una dahil wala kang ideya kung papaano kang magsisimula. Huwag mong isispin na katapusan na ng mundo at magkaroon ng bisyo na sisira sa katawan moKailangan magkaroon ka ng tiwala sa sarili at suporta sa mga natitira mong kaibigan at kamag-anak. Sila ang magsisilbi mong lakas para magsimula muli. Hindi mo dapat ipako ang iyong sarili sa isang madilim na nakaraan. Sabi ni Grace Hansen “Don’t be afraid your life will en; be afraid that it will never begin.” Kaya hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. May bukas pa.

Pangatlo, matuto kang magpahalaga. Kung ano at sino ang mahalagang pinaghahawakan mo sa kasalukuyan, dapat mo itong ingatan dahil ito na lang ang natitra para sa ‘yo. Huwag kang mangamba dahil marami pang mga oportunidad, tao, magagandang alaala at bagay ang darating sa ‘yo. Sabi nga sa pelikula ng Kamen Rider – The First, “When you lose something, you will receive something new.” Maraming tao ang nagmamahal, nag-aalala at sumusuporta sa ‘yo. Ang dapat mo lang gawin ay imulat mo ang iyong mata dahil nasa tabi-tabi lang sila.

Pang-apat, isipin mo na ang mga nangyayari sa ‘yo ay may dahilan. Magkaroon ka ng positibong pananaw at huwag mong sirain ang ‘yong sarili. Ang problema na hinaharap mo ay solusyon na nagbabalat-kayo lang. “Even a mistake may turn out to be the one thingnecessary to a worthwhile achievement.” wika ni Henry Ford.

At ang panglima, move on. Ang buhay ay isang paglalakbay, dapat mong ipagpatuloy ang buhay ayon sa ikabubuti mo. Lahat ay nagsisimula sa unang hakbang. Magsilbing aral ang karanasang ‘yon sa ‘yo at gamitin mo ito bilang isang sandata sa mga susunod na pagkakamali. “Life is a long path goal… drop your heavy luggage and enjoy walking with an empty hands.” sabi ng lola ni Tendou Souji. Huwag mong kalimutan na hindi ka magbabago kung hindi ka kikilos para sa sarili mo.

Hindi ko alam kung makakatulong ang mga payo ko sa ‘yo. Pero nakakasiguro ako na mabisa itong panlaban sa depresyon. Mula sa mga karanasan ng ibang tao (kasama na ‘yung sa akin…) nakita ko na malaki ang maitutulong nito. Basta kailangan mo lang ng determinasyon at tiwala sa sarili.

Kaya nga dapat huwag kang malungkot at mawalan ng pag-asa. Lahat ng nangyayari sa ‘yong problema at pagsubok, kapag nalampasan mo ay maituturing mong tagumpay sa ‘yong sarili.

No comments:

Post a Comment