Thursday, May 27, 2010

Epiko 24: "Paano Bubuuin Ang Isang Basag Na Plorera?"



Napakahirap para sa atin na ibalik ang isang dating samahan na nasira. Normal lang ito dahil lahat tayo ay nasaktan sa paraan kung bakit ito nasira. Kahit nga ako ay nakaramdam din nito. Kahit gustuhin ko man ibalik ay pihadong matatagalan dahil hindi pa naghihilom ang sugat ng kahapon. Sa ganitong sitwasyon, nawala ang tiwala at nagkaroon ng agam-agam dahil sa takot na muling maulit uli ang sakit na naramdaman noon.

Isang karanasan mula sa isang kaibigan mula pagkabata ang gumising sa sa aking kamalayan kung paano muling bubuuin ang isang nasirang pagkakaibigan. Noong unang beses na mag-away kami dahil sa simpleng pikunan, nagtaka ako kung bakit bigla niya akong pinansin na parang walang nangyari. Ako pa naman ang tipong nagtatanim ng galit at sama ng loob sa isang kaaway pero iba siya... nagawa niyang kalimutan ang lahat. Simula noon ay itinuring ko siyang matalik na kaibigan dahil sa kanyang magandang pag-uugali.

Ngunit lumipas ang panahon ay nakalimot ako sa ganitong positibong pag-uugali. Kasabay ng mga taong nakilala ko mula noon hanggang ngayon ay nakita ko ang mga ugali ng iba't-ibang tao. Kung tutuusin nga eh para silang mga tinda sa palengke - iba-iba at halo-halo. Tuloy, naging maingat ako pagdating sa pakikisama sa kanila. Sa totoo lang, iba sa kanila ay naging panandaliang kaibigan lang at tinalikuran din ako dahil siguro sa hindi ko maintindihang pag-uugali ko. Aminado ako na hindi ako isang mabuting kaibigan pero para sa akin, itinuturing ko silang kayamanan dito sa mundo.

May mga nakasamaan ako ng loob... at hanggang ngayon ay hindi ko pa sila pinapansin. Maraming dahilan kung bakit nasira ang aming pagkakaibigan at walang silbi kung magtuturuan at magsisisihan kami. Ang hiling ko lang ay sana may konti pa silang puwang para sa akin upang mapatawad ako.

Sa aking pagmumuni-muni, naisip ko na ako din pala ang may dahilan kung bakit nawawala ang mga kaibigan ko. Dahil nga siguro sa ugali kong mapanghusga, mainitin ang ulo, pikon at hindi nag-iisip o padalos-dalos na desisiyon. Namamalayan ko na lang na nasasaktan ko sila at nagagalit sa akin. Para sa akin, gusto kong ayusin at baguhin ang ang sarili ko nang sa ganun eh maging maayos uli ang samahan namin.

Ngunit paano?

Ang tanong na ito ang nagsimulang hakbang ko para mapagtanto ang mga dapat kong gawin.

Dapat maging mahinahon ako. Hindi ako dapat magpadala sa mga negatibong emosyon ko. Sisikapin kong maging maunawain sa mga bagay-bagay sa paligid. "Think positive" ika nga.

Kailangan magtiwala akong muli. Paano ka magtitiwala sa iba kung wala kang tiwala sa sarili mo. Hahayaan ko silang pumasok muli sa puso ko.

Tanggapin ko din sa sarili ko na may pagkakamali ako. Hindi ko dapat isisi sa kanila ang nangyaring gulo. Dapat mapatawd nila ako ng sa gaun eh mapatawad ko din ang sarili ko.

Mamahalin ko sila. Alam kong hindi ito madali dahil nasaktan ako. Pero kung susubukan ko uli, hindi ako matututo sa mga pagkakamali ko. Ito lang ang paraan upang matanggap uli namin ang isa't-isa.

Mananatili ako sa kanila at bibigyan ng suporta at tulong. Kahit na alam ko na hindi ko maibibigay sa kanila ang gusto nila, ang mahalaga ay naroon ako at handang umalalay sa kanila.

At ang huli, kalimutan ang masaklap na nakaraan. Hindi na namin iyon babalikan dahil hindi lang kami makaka-move on sa nangyari. Magsisimula kaming muli at sisikapin na mahigitan pa ang magandang samahan na aming ginawa dati.

Sa mga nabanggit ko, ito ang ginagawa ko ngayon. Alam kong kakayanin ko ito. Mahirap ibalik ang isang may lamat na pagsasamahan at kahit pagtagpi-tagpiin ito para matakpan ay naroon pa din ang lamat. Ngunit kung sususbukan na bumuo uli ng bago. Ang lamat na 'yon ay mawawala at unti-unting mabubuo ang isang samahan na habambuhay nating itatago sa puso natin.

Darating din ang panahon na maayos ang lahat. Huwag kang mawalan ng pag-asa... hindi tayo bibigyan ng Diyos ng problema sa ibang tao kung hindi natin kaya.

No comments:

Post a Comment